Tungo sa Mapagpalayang Pagtula


Emmanuel Villajuan Dumlao
Unibersidad ng Pilipinas Los Baños


A B S T R A K

Tinatalakay ng sanaysay ang pagtula bilang panagot-laya, isang konseptong kinapapalooban ng dalawang magkaugnay na kahulugan. Una, kombinasyon ito ng mga salitang pananagutan at kalayaan, kapuwa katangian ng pagtula na hindi dapat paghiwalayin. Ikalawa, ito ay pagkilala sa tula bilang isang kapangyarihang maaaring gamiting panagot-laya o “pantubos”/ “panagot” sa kalayaan. Sa madaling salita, ang tula bilang puwersa ng paglaya at pagpapalaya.

Isinasaad dito na upang maging puwersa ng paglaya at pagpapalaya ang tula, kailangan itong mambubuliglig, ibig sabihin, walang humpay na magtanong, mag-usisa, bumusisi. Kailangan itong maging puwersa ng pagwasak sa bawat istruktura, kaayusan, at kaisipang sumasagka sa kalayaan ng tao.

Kakabit ng ganitong oryentasyon ng pagtula, binibigyang diin ng artikulo ang kahingian sa makata na buligligin din ang sarili upang epektibong makatugon sa mga hamon ng mapagpalayang pagtula.


Key Terms:

Panagot-laya
Mapagpalayang pagtula
Panitikan
Pambubuliglig



Pasakalye

“Tay totoo bang napulot n’yo lang ako sa tae ng kalabaw?”

Paulit-ulit ang tanong na ito sa akin ng bunso kong anak. Ano man ang maging sagot ko sa kanya, manganganak at manganganak ng di-magkamayaw na bakit ang kanyang tanong. Wala siyang pinipiling oras at lugar: sa hapag-kainan, habang nanonood ng telebisyon, sa paliligo, sa jipni, sa higaan.

Minsan, pagkatapos ng mahabang pagkukuwento na hinaluan ko na ng teknik pang-meditasyon at hipnotismo, inakala kong mapapasaakin na ang tulog na may kung ilang araw at gabi ko na ring ipinupundar. Nakapikit na ang aking anak. Wala na akong ibang naririnig kundi ang aking hininga at wala nang pinakamatamis na gawin kundi ang pumikit. Pero hindi pa naglalapat ang aking mga pilik ay parang sawang gutom na tumuklaw ng sisiw ang kanyang tanong – 


“Tay ba’t po tayo natutulog?”

Magdamag kong pinulot ang umalimbukay na mga balahibo ng aking antok.

Hindi siya napipigil ng aking paggagalit-galitan o kahit ng totoo kong galit. May mga sandaling napapakalma siya ng aking pakiusap pero hindi para tuluyan nang manahimik kundi para rumesbak. Nang mas malakas, nang mas mausisa.

Hanggang dumating ang panahong isinaboy ko na sa hangin ang hinabi kong buhangin. Inamin kong hindi totoo na napulot lamang siya sa tae ng kalabaw. Biro lamang iyon, paglalambing. Gumuhit sa kanyang mga mata ang ngiti. Sa wakas, sabi ko sa sarili, matatahimik na rin ako. Pero akala ko lamang pala ‘yon. Muling rumatsada ang kanyang mga tanong. “Ba’t nyo pala ako pinapagalitan?” “Ba’t si Ate – ?” “Ba’t Cielo Azul ang pangalan ko?”



Higit sa pagdudulot ng aliw at pagtatala ng karanasan, ang tula ay kailangang mambuliglig – walang patawad na magsiwalat ng mga kasinungalingan tungo sa paglikha ng mga bagong kahulugan; walang humpay na umusisa at humamon sa mga gawi, pagpapahalaga, praktika, kaisipan, at kaayusang humahadlang sa kalayaan ng indibidwal at sambayanan.

Dalawang “rebolusyong” EDSA at ganito pa rin tayo, sinusuob ng santambak na kabalintunaan at kasinungalingan. Republikang malaya at demokratiko; pero sunud-sunuran sa dikta ng dayuhan, kontrolado ng iilan ang ekonomiya at politika, ini-etsapuwera ang milyon-milyong maliliit. Pinaghaharian ng batas; pero laganap ang pandarambong, kabi-kabila ang paglabag sa karapatang pantao (magdadalawang taon na at hindi pa rin natatagpuan ang mga aktibistang sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan mula nang dukutin sila ng militar). Umuunlad ang ekonomiya; pero isang kahig-isang tuka ang masang Filipino.

Sa gitna ng mga ito, mahina at watak-watak ang mga pagsisikap para isalba ang bayan. Hindi makabawi ng lakas ang kilusang kaliwa, “playing safe” ang liderato ng simbahang Katoliko at iba pang relihiyosong grupo sa bansa, pagkamakasarili ang diin ng pormal na edukasyon. Samantala, inuulan ang taumbayan ng mga pang-uudyok na magsawalang-kibo at maghintay na lamang ng kapalaran – nagkalat ang mga patok na produktong sining at panitikang ginagamit sa pagkakamal ng tubo at pagpapalaganap ng kamangmangan at kasinungalingan.

May puwang pa ba ang pagbabago? May dahilan ba para umasam?

Buo ang aking pag-asa. Kapag tumining sa kamalayan ng mga mamamayan ang tunay na diwa ng kalayaan -- na hindi ito isang bagay na mayroon ang tao kundi ito mismo ang kanyang pagkatao -- walang makakapigil sa kanilang pagbubuklod upang baguhin ang takbo ng kasaysayan (Hegel, 1967). Batid ng Filipino sa kaibuturan ng kanyang puso na kaloob ng langit ang kalayaan at kung gayon, susuungin niya kahit kamatayan upang ipagtanggol ito laban sa kapangyarihan ng lupa (Jacinto, 1997).

Mayaman ang kasaysayan ng Pilipinas sa mga halimbawa ng pakikipaglaban para sa kalayaan. At sa mga pakikipaglabang ito, gumampan ng mahalagang papel ang tula. Sa Pasyon and Revolution, ipinapakita ni Reynaldo Ileto (1979) ang kaugnayan ng pasyon at iba pang akda tulad ng mga dasal, sulat, at talumpati sa paghubog ng kamalayang mapaghimagsik. Intrumental din ang una at huling isyu ng Kalayaan, na naglalaman ng mga makabayang tula at sanaysay, sa paglawak ng kasapian ng Katipunan (Quibuyen, 1999) at sa tagumpay ng rebolusyong 1896. Katuwang din ng makabayang kilusan ang tula sa pagmumulat at pagpapakilos sa taumbayan noong panahon ng kolonyalismong Amerikano at Hapon, noong diktadura ni Marcos, at maging sa kasalukuyan.

Inilulugar ko sa konseptong ito ng kalayaan at pakikibaka para lumaya ang kahulugan at kabuluhan ng mapagpalayang pagtula.


Saligang konsepto

Panagot-laya ang itatawag ko sa saligang konsepto ng mapagpalayang pagtula. Dalawang magkaugnay na kahulugan ang kakabit ng terminong ito. Una, pagsasanib ng mga salitang pananagutan at kalayaan, kapuwa katangian ng pagtula na hindi dapat paghiwalayin. Ikalawa, pagkilala sa tula bilang isang kapangyarihang maaaring gamiting “pantubos” o “pansagot” sa kalayaan; ibig sabihin, ang tula bilang puwersa ng paglaya at pagpapalaya. Samakatwid, kapuwa pananagutan at kalayaan ang mapagpalayang pagtula.

Sa panagot-laya, ang tula ay kapuwa kasangkapang politikal at isang sining na may sariling lohika at batas (Trotsky sa Craig, 1975). Nilulusaw ng ganitong kaisahan ang dalawang magkatunggaling pagtingin sa tula: entidad na hiwalay sa panlipunang realidad at kasangkapang ang kaakuhan ay itinatakda ng politika, ideolohiya, o relihiyon. Bunsod nito, nalulubos ang kapangyarihan at silbi ng tula sa paghubog ng kamalayan ng tao tungo sa paglaya ng sarili at pagpapalaya sa bayan.

Bakit pinagbubukod ko rito ang kalayaan ng indibidwal at kalayaan ng sambayanan? Hindi ko intensyon na paghiwalayin o pagbanggain ang dalawa. Gusto ko lamang bigyang-diin ang sinasabi nina Marx at Engles (1975): “the free development of each is the condition for the free development of all” (31). Napakahalaga ng kalayaan ng indibidwal na mamamayan at kailangang muling busisiin ang lugar nito sa kinasanayang katawagan na “pambansang kalayaan”. Malinaw sa kasaysayan na hindi garantiya ng kalayaan ng indibidwal ang pagtatamo ng pambansang kalayaan. Pinatunayan ito ng karanasan ng Tsina, Rusya at iba pang bansang “lumaya” pero dumadaing ng kawalan ng kalayaan ang mga mamamayan (Dunayevskaya, 1975). Samantala, ang Estados Estados na umaastang land of the free, ay pinakamabalasik na tagapagkait ng kalayaan sa loob at labas ng teritoryo nito. Sa libro niyang Rouge State, itinuturing ni William Blum (2002) na “declaration of War on the American People and the Bill of Rights” (247) ang laganap na paglabag sa kalayaang sibil at karapatang pantao sa nasabing bansa.

Bahagi ng bisyon ng mapagpalayang pagtula, imperatibo sa pagtuklas at paglikha ng mga bagong kahulugang hahamon sa mga inaagiw nang kaisipan at pagpapahalaga ang ganitong pagbusisi sa dinamikong ugnayan ng “indibidwal” at “bansa”.


Susing sangkap

Susing sangkap ng mapagpalayang pagtula ang pambubuliglig o ang walang patawad na pagsisiwalat at paghamon sa lahat ng bumabansot sa kamalayan at sumasagka sa kalayaan ng indibidwal at sambayanan. Kakambal nito ang walang humpay na pagtuklas at paglikha ng mga bagong kahulugan na tutulong sa taumbayan na unawain at baguhin ang kanyang kalagayan.

Hindi maihihiwalay na sangkap ng mapagpalayang pagtula ang pambubuliglig dahil kakabit ito ng dalawang magkasalikop na aspekto ng kalayaan – pagsira at paglikha. Bawat paglikha ay pagsira at walang pagsirang tumutungo sa paglikha nang hindi dumadaan sa pambubuliglig. Unang hakbang ng paglaya at pagpapalaya, kung gayon, ang pambubuliglig.

Ano ang mayroon sa tula na pinanggagalingan ng kapangyarihang mambuliglig?

Bilang isang panlipunang gawaing hinuhubog at humuhubog ng kasaysayan (Brecht, 1987), taglay ng tula ang tinatawag ni Salvador P. Lopez (1984) na lakas ng panitikan: “higit pa sa tunog at kulay, ito’y isang buhay na bagay na binubuo ng dugo’t apoy, nagtataglay ng walang hanggang ganda’t kapangyarihan” (242). Integral sa tula ang lakas ng pagsasanib ng “anarkiya ng damdamin” at “abstraksyon ng isip” (San Juan Jr., 1975) at binibigyang-hugis nito ang imahinasyon.

Buhay na buhay sa Pilipinas ang kapangyarihang ito ng tula. Sa iba’t iba nitong anyo at permutasyon, ihinahatid ng iba’t ibang daluyan, ang tula ay nananatiling aktibong bahagi ng konstruksyon ng buhay ng milyon-milyong Filipino. Kamakailan lamang, daan-daang tula ang inilimbag at ginamit sa mga kampanyang masa hinggil sa mahahalagang isyung panlipunan sa bansa (Guillermo, 2006).

Kung hindi mambubuliglig ang tula, wala itong ibang gagawin kundi suhayan ang mga kinagisnang kahulugan na umaastang totoo at unibersal pero mga kabulaanang binalangkas para tiyakin ang pangingibabaw ng naghaharing uri sa lipunan.

Sa “Kung ang Tula ay Isa Lamang” ni Jesus Manuel Santiago, nananawagan sa mga makata ang persona:

[ . . . ]
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
[ . . . ]
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula
ay isa lamang pumpon ng mga salita.

Inilalahad dito ni Santiago ang kahungkagan ng tulang tumatalikod sa dalita ng bayan. Ganito ring diwa ang dumadaloy sa “Panulat” ni Benigno R. Ramos:

Kung ikaw, Panulat, ay di magagamit
kundi sa paghamak sa Bayang may hapis
manong mabakli ka’t ang taglay mong tulis
ay bulagin ako’t sugatan sa dibdib.

Malinaw ang paninindigan ng dalawang makata: instrumento ng paglaya ng bayan mula sa dalita at hapis ang tula. Ipinakita nilang ito ay hindi isang estrukturang verbal lamang na sarado at walang anumang kaugnayan sa eksternal na realidad (Eagleton, 1996).

Pero pansinin na hindi lamang lipunan ang binubuliglig ng dalawang makata; itinututok din nila sa tula ang kanilang mga tula. Pambubuliglig ito sa sarili, kaakibat na katangian ng mapagpalayang pagtula. Kung walang ganito, pupurol ang talinghaga.

Ibinatay ko ang konsepto ng pambubuliglig sa kakulitan ng bata at sa daloy ng ilog. Mula sa kakulitan ng bata ang konsepto ng walang humpay na paghamon at pag-usisa. Inspirado naman ng ilog ang direksyon, pag-angkop, at pagsuwag ng tula sa sarili.

Nakakabilib ang mga bakit ng bata. Walang patawad, walang pinipiling panahon at lugar. Gaya ng mga tanong ni Cielo Azul, ang batang ikinukuwento ko sa Pasakalye, kaya nitong bulabugin ang gaano man katinding paghimbing o halina ng antok.

Tulad ng bata ang tula: kayang gumambala ng taong inaantok, natutulog, o nagtutulug-tulugan.

Nakakamangha ang tubig-ilog. Walang humpay ang agos, paiba-iba ng anyo depende sa dinadaluyang lugar. Saan man lumikaw, tiyak na uuwi sa dagat. Depende sa tereyn, puwedeng maging lawa, sapa, saluysoy. Depende sa panahon, puwedeng maging rumaragasang daluyong, pinong pitik ng alon, salaming kalong ang kabughawan ng langit. Kayang wumasak ng hulmahan, tumungkab ng pampang, at umukit ng bagong daluyang muling babaguhin o wawasakin.

Tulad ng ilog ang tula: kayang magpalit-anyo, kayang umangkop. Depende sa lugar at panahon, kayang maging epiko o bugtong; malayang taludturan o may tugma’t sukat. Kayang mag-alsa boses, maging matimpi, maging mapaglaro.

Hindi kusang nangyayari, gayunman, ang ganitong pagtula; pinangyayari ito. Kaya napakahalaga ng kakayahan at kahandaan ng makatang buligligin ang sarili.

Samakatwid, ang mapagpalayang pagtula ay hindi lamang dapat magtuon sa dekonstruksyon ng mga panlipunang balakid sa kalayaan; kailangang buligligin din ng tula ang tula at ang tagapaglikha ng tula. Sa ganito, maiiwasan ng makatang makontento na lamang sa kinasanayan o idambana bilang tanging totoo at unibersal ang sarili niyang pananaw at pamamaraan.

Humugis sa akin ang ganito batay sa obserbasyon kong hindi otomatikong nagiging mapagpalaya ang tula sa kamay ng makatang aktibong nakikisangkot sa pagbabagong panlipunan. Naranasan ko mismo ang sinasabi ni Virgilio Almario (1984) na “hindi garantiya ang pagtaas ng kamulatan tungo sa paglikha ng rebolusyonaryong panulaan” (321). Padaskol ang pagtula ko noong kasigasigan ng aking aktibismo. Mas nangibabaw sa pagtula ko ang pagsisiwalat ng mga gasgas na panawagan ng pakikisangkot, sa gasgas na pamamaraan. Naisantabi ko ang pagbibigay-pansin sa sining ng tula. Kung ano ang una kong maisulat noon, iyon na. Walang rebisyon. Hindi baleng gasgas, basta makapagpahayag ng katotohanan o makapanawagan para sa pakikisangkot.

Hindi tumagos sa aking pagtula, kahit paulit-ulit kong binasa, ang talumpati ni Jose Ma. Sison (1999) para sa kumperensya ng UP Writer’s Club noong 1983: “isang bagay lamang ang magkaroon ng wasto at progresibong kaisipan at pampulitikang pananaw. Ibang bagay din naman ang paglikha ng pinakamahusay na akdang pampanitikan” (79).

Wala sa hinagap ko noon na hindi sapat ang dakilang layunin lamang para makapagpalaya ang tula. Sa kabilang banda, naranasan ko ring tumula para sa kapakanan ng pagtula lamang. At napatunayan ko kung gaano kahungkag ang tiwalag sa lipunang paghabi ng salita.


Pambubuliglig sa sarili: pagkampante at paglutang

Batay sa aking karanasan, dalawang gawi ang pinakamabagsik na kaaway ng pagtula: pagkampante at paglutang.

Kakambal ng aking pagkampante ang nosyon (o ilusyon) ng katiyakan ng sagot sa lahat ng bagay at ang pikit-matang pagyakap sa sariling bersyon ng katotohanan. Makikita ito hindi lamang sa mensahe kundi maging sa porma ng aking mga tulang tigmak sa agua bendita. Tigib ang mga ito ng katiyakan ng kaligtasan at paniniwalang hawak ko ang Katotohanan. Iisa ang padron: uumpisahan sa samutsaring mukha ng pagsubok at tutuldukan ng kaligatasang sa Diyos lamang nagmumula. Ganito rin ang mga tula kong taas-kamao’t tiim-bagang: hitik na hitik sa katiyakan ng tagumpay. Uumpisahan sa kahirapan at kaapihan ng anakpawis, lalangkapan ng pagkakapit-bisig, at wawakasan sa pagputok ng bukangliwayway.

Samantala, kawalang-pakialam ang pangunahing katangian ng paglutang o pagiging tiwalag sa sambayanan. May mga tula akong pumpon lamang ng mga salita, walang kawawaan. Naglalaro lamang sa hugis o tunog; parang ibong kampay nang kampay pero walang pupuntahan.

Sa pagkahirati ko sa ganitong gawi, naranasan ko kung gaano kahirap lumayo sa mapanlampang ligamgam ng kinasanayan. Dalawang beses akong napabilang sa platun ng pagtulang kinukubabawan ng pagkampante. Una, noong nasa seminaryo ako at ikalawa, noong mga unang taon ng aking aktibismo. Sa yugtong ito, inakala kong hawak ko na ang buong katotohanan tungkol sa buhay; inakala kong naitanong at nasagot ko na ang lahat ng tanong tungkol sa daigdig. Palagay ko noon, ang katotohanang alam ko ang tanging wasto. Labas sa bersyon ng Kristiyanismo at Marxismong niyayakap ko, wala nang ibang katotohanan.

Dahil dito, mas nahubog sa akin ang pagtango at pagsunod kaysa pag-usisa at pagtanggi. Lalo pa’t nasaksihan ko ang mga pulang letrang itinatatak sa dibdib ng mga mapag-usisa at matapang humindi.

Bunga nito, karamihan sa mga tula ko ay nakakakulili dahil sa pagkakapare-pareho. Walang bukambibig kundi ang paggigiit ng iisang tamang daan ng pagbabago. Para akong panatiko na naniniwalang walang ibang wasto kundi sarili. Nakalukob sa akin ang sinasabi ni Raya Dunayevskaya tungkol sa bulgar na interpretasyon ng komunismo (1975): “everything had to fit into its world. If people could not be ‘remolded’ to fit, they had to be destroyed” ( 291).

Sa seminaryo, inakala kong pagmimisa ang pagtula. Wala akong bukambibig kundi ang kaligtasang matatamo sa pagtatalaga ng buhay kay Kristo:


Kahit saan ka magpunta
Walang dapat ipangamba
Si Hesus laging kasama
Manalig sa pag-ibig Niya.

( “Manalig Ka” )

Sa kilusan, ipinalagay kong simpleng pagtataas-kamao at pagtitiim-bagang ang pagtula. Sapat na noon ang pagbanggit ng ismo, ibagsak, anakpawis, rebolusyon, at iba pang maaalab na salita para maging makabuluhan ang aking tula:

ang luksang lambong ng magdamag
pupunitin ng isang pag-aaklas
ang ningning ng karit ay sasambulat
maso’y ipupukpok nang buong lakas

( “Sa pagsulong ng sambayanan”)


“Namamakipak sa islogan... ” (Almario, 1984, 279) ang mga tula ko noon. Bunsod nito, dumating ang panahong bulag at bingi ako sa sariling kahinaan, habang parang Mesiyas na nagpapahayag ng kaligtasan sa taumbayan.

Samantala, paglutang ang kabilang dulo ng aking pagkampante. Ipinalagay kong paghabi lamang ng buhangin ang pagtula, walang kinalaman sa realidad. Nagtuon ako sa pansariling kalayaan nang walang iniisip na pananagutan. Hanggang mapatunayan kong hindi iyon kalayaan kundi layaw at kahungkagan. Walang kinauuwian kundi pagkaligaw at kapalaluan. Walang ipinupundar kundi mga tulang nagpapamanhid lamang sa bituka’t utak ng taumbayan.

Napakalakas noon ng hatak sa akin ng pagkamakasarili. Wala akong kapiling kundi libro at tula. Wala akong pakialam, sariling pangangailangan ang nararamdaman at tinutugunan.

Itinakwil ko ang pananagutan, tinalikuran ng aking tula ang tao at lipunan. “Pinasabog ko ang mga tulay at sinunog ko ang mga barko” (Ortega, 1990, 663) na magagamit sana para higit kong maunawaan ang aking sarili at kapaligiran.

Pinagtuunan ko ang sarili at aroganteng ipinagdiinang walang ibang realidad kundi ang salita. Itinuring kong hadlang sa pamamayagpag ang lahat ng bagay na may kinalaman sa tao.

Nanguyakoy ako sa toreng-garing, ginugol ang lakas at panahon sa pakikipag-usap sa sarili. Hanggang hindi ko na maintindihan ang sariling tula. Pumpon na lamang ng mga salita. Wala akong pakialam kung maintindihan ako o hindi. Ang importante, maibuga ko ang niloloob:


dila ng kandila
a
  lak  ang 
  s a li ta n g
      n i l a la g o k
          ng   ak i n g 
           mga  mata
              at uta
                 k
         bumuntong-
         h i n inga  ang 
         hangin sumayaw 
         ang  pa ru parong 
         k u r ti na  na   sa 
         p a gkampay   ay 
         agad s i n a g p a n g
         n g   n a b u l a b o g 
         na dila ng k a n d i l a.







             

                                    l
                                    u
                                  h a.
                                 mula
                            sa  pusod
                        ng  gumagaod
                     na buwan, tumalon
                   ako at  nakipagsayaw
                  sa                  mga damo
                 habang                    yakap 
                 nang                       buong
                   higpit ang            iyong
                    anino.      bumalong
                         ang       aking
                                  luha. 


Nalulukuban ako ng pagtinging sining para sa sining nang sulatin ko ang siniping mga tula. Gusto ko lamang makagawa ng bago, maka-imbento ng sariling porma. Maaaring nagtagumpay ako sa ganitong layunin pero dahil gusto ko ngang isangkot sa panlipunang pagbabago ang aking panulaan, hindi ko maiwasang itanong: Ano kung nakadrowing ako ng kandila o patak ng luha?


Batis ng inspirasyon

Narito ang ilang halimbawa ng mga tulang para sa akin ay epektibong nambubuliglig. Dahil sa limitasyon ng espasyo, pasaklaw ang aking sipat at maraming detalye ang hindi ko pinagtuunan ng pansin. Paumanhin sa mga may mga akda.


“Kung Tuyo na ang Luha Mo” ni Amado V. Hernandez.

Nag-umpisa ang tula sa isang panawagan:

Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika…

Dalawang bagay ang kagyat na ginawa dito ng makata: una, kinatok niya ang kaibuturan ng pakikipag-kapuwa ng Pinoy – pagtangis o buong lungkot na pagluha bilang tanda ng pakikiramay (Ileto, 1979) at ikalawa, inilarawan niya ang kalagayan ng bansa na humihingi ng pagdamay. Sa pamamagitan nito, agad sumanib ang tula sa pintig ng puso’t kamalayan ng mambabasa.

Upang mapanatili ang tensyong nakapaloob sa linyang “Lumuha ka…”, ginamit ni Hernandez ang salungatan ng mga imaheng sumasalamin sa aktwal na karanasan ng bansa bilang padron ng buong tula. Damhin ang igting ng sumusunod na paglalarawan sa dantaong karanasan ng taumbayan sa ilalim ng dayuhang dominasyon:

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan …

Sinong mambabasa ni Hernandez ang hindi nakakagagap sa lalim at lawak ng guwang sa pagitan ng maliliit at malalaki sa lipunang Filipino? Sinong hindi makakaugnay sa mga tauhan ng nobela ni Rizal na muling binuhay sa tula?

Nagngangalit ang tula pero masining ang pagsilakbo ng paghihimagsik sa bawat taludtod. Walang sabit ang pagpasok ng panawagan para sa armadong rebolusyon sa huling linya ng tula dahil napakasinop ng pagkakakamada ng magkakasalungat na imaheng karugtong ng buhay at pakikipagtalastasan ng mambabasa: langit na laging dapithapon, along ayaw magdaluyong, bulkang ni hindi umuungol.

Kasunod ng mga salungatang ito, pinaalingawngaw ni Hernandez ang kalayaang inagaw ng mga dayuhan: “Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.” Kaya kailangang tumangis. Pero masasaid at matutuyo ang luha; kaya imbis na luha, apoy na kulay dugo ang dadaloy sa matang namumugto. Damhin ang sidhi ng damdamin sa huling dalawang linya ng tula:

Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!


“Eba” ni Ivy Catherine Tomenio (Nasa Gonzales, Joselito, Mari Sanitago, at Rolando Santos. Mga ed. Hasaan sa Bagong Dekada. Manila: Kalikasan Press, 1990. 104-105.)

Wala sa tulang ito ang dagundong ng paglalarawan ni Hernandez pero tiyak at malalim ang hiwa ng pananaludtod ni Tomenio. Sa mahinahong tono ng pakikipag-usap, binuliglig ng makata ang sistemang patriyarkal:

ayokong angkinin ng pangamba’t panalangin
ang mga katagang inusal
habang inilalantad ang mga kaalamang
ipinagkakait ng kamangmangan

Sa mga linyang ito, binabasag ng makata ang imahe ng babaeng kimi, walang tinig, at mangmang habang itinatampok niya ang babaeng mapagpasya, may sariling tinig, at mapagmahal sa karunungan. Buo at walang takot ang pagsuway na ito, na sinusuhayan ng sumusunod na linya: “Kakagatin ko nang walang alinlangan/ ang bunga sa puno ng karunungan.” Sa ganitong kapangahasan, tanging sa sarili kumukuha ng lakas ang persona. Sa paguong niya sa daigdig na “taliwas ang katotohanan”, hinihikayat niya si Adan na “matulog … nang mahimbing”. Siya, si Eba, ang tutuklas ng “ligaya’t ligalig na katumbas ng pagsuway”. Paggising ni Adan, aalukin niya itong pagsaluhan nila ang “saya’t saklap/ na karapat-dapat bayaran ng kamatayan.”

Kabilang dulo ng maraming kababaihang patuloy na kumakapit sa kinagisnang buhay kahit punong-puno ito ng kamatayan ang bagong Ebang inilalarawan sa tula. Hahamakin ng babaing ito maging kamatayan para sa pagtuklas ng karunungan. Nagtapos ang tula sa rurok na kayang abutin ng pagsuway ng bagong Eba:

sana’y saluhan mo ako.
isumpa man tayo ng Diyos.


“Datos ng Buhay” ni May Amor (Nasa Guillermo, Gelacio. “Ibahin ang Paksa….”. Kadiliman: The Philippine Collegian Anthology of Critical and Creative Writing. Ed. Jaime Dasca Doble. Quezon City: UP Collegian, 2006. 133-135.)

Nasa pormang interbyu, ang tulang ito ang pinakanaiiba at pinakabago sa tatlo sa usapin ng anyo at paraan ng pagpapahayag. Salitan ng mga tanong at sagot. walang nagngangalit na taludtod, walang tahasang pahayag ng pagsalungat sa tula. Wala ring mga pormal na elemento gaya ng tugma at sukat, aliterasyon, o pagkakabit ng magkakasalungat na imahe tulad sa dalawang tula. Tanong at sagot lamang, pitong maiikling saknong ng ordinaryong usapan.

Pakinggan ang mga tanong na ginamit na pambungad sa bawat saknong: (i) Ano ang pangalan nila?, (ii) Ilang taon na kayo?, (iii) Saang lugar kayo ipinanganak?, (iv) Paano ka naghahanapbuhay?, (v) Ano ang trabaho ni Seloy [bunsong anak ng iniinterbyu] ?, (vi) Ang asawa niya [ni Seloy]?, (vii) Nag-aaral ba ang mga bata? [mga anak ni Seloy].

Habang sinasagot ni Alpredo (iniinterbyu) ang naturang mga tanong, unti-unting nabubuo ang larawan ng kahirapang dinaranas ng kanyang pamilya. Inilalahad niya ang kanyang mga sagot nang tahasan at wala ni anumang bahid ng himutok. Halimbawa, nang tanungin kung magkano ang bayad kay Seloy sa pagtatrabaho nito sa kampo ng militar, sumagot si Alpredo: “Hindi makakabili ng isang gatang na bigas”. Ganito rin kapayak ang sagot niya tungkol sa kinikita ng asawa: “Maliit…sapat para sa sabon at gaas lamang…”.

Napakatahimik ng tula at sa katahimikang ito nakasandig ang lakas nito. Malalaman mo lamang na nasa loob ka na pala ng isang patibong pagkatapos mong limiin ang huling saknong:

(vii)
Nag-aaral ba ang mga bata?
Hindi … malayo ang eskwelahan…
Gaano kalayo?
Humigit-kumulang isang araw na lakad…
Paano na lang sila?
(Walang sagot, malayo ang tingin)
Paano na lang ang ganitong klaseng buhay?
(Walang sagot, nakatingin lamang
Sa aking armalayt.)

Kapuri-puri ang katimpian ng makata sa paglalatag ng kinasasangkutan niya mismong buhay-pakikidigma. “Paano na ang ganitong klaseng buhay?/ (Walang sagot, nakatingin lamang/ Sa aking armalayt.)” – paano pa nga ba mabisang ilalarawan ang pangangailangan at kawastuan ng armadong rebolusyon sa buhay ng mga katulad ni Alpredo?

Makikita sa tatlong halimbawa na walang iisang paraan ng pambubuliglig sa tula – mapanlagom at dumagadundong ang mga taludtod ni Hernandez, matimpi pero palaban ang kay Tomenio, at napakatahimik ng pananambang, sa anyo at sa nilalaman, ng kay Amor. Gayunman, mabisa nilang binuliglig at hinamon ang kaayusan, pagpapahalaga, kaisipan at iba pang humahadlang sa kalayaan ng indibidwal at bansa. Ipinapakita nila ang posibilidad ng pagbuo ng bagong daigdig na taliwas sa kinagisnan.

Sa pangkalahatan, mahusay na napagsanib ng tatlong makata ang “sermon” at sining sa pinasadahang mga tula.


Huling hirit

Dahil gusto kong mambuliglig ang aking tula, wala akong mapagpipilian kundi patalasin ang aking talinghaga. Pero mahirap magpatalas ng mapagpalayang tula nang tiwalag sa sambayanan.

Totoo rin sa isang makata ang sinasabi ni Raya Dunayevskaya (1975):

"Leaders are not classless creatures floating between heaven and earth. They are very much earth men. When they lose close connection with the working class, they begin to represent the only other fundamental class in society – the capitalist class." (208)

Kaya kasabay ng pagsusunog ko ng kilay sa sining ng pagtula, kailangang walang humpay ko ring pag-aralan ang lipunan, daigdig, at kasaysayan. Kailangang walang sawa rin akong makipagkapit-bisig sa uring anakpawis, ang tunay na tagapaglikha ng yaman at kasaysayan ng bansa.

Tanging sa uring ito – pasintabi kay Emmnauel Lacaba – matatagpuan ng makatang nakikisangkot ang tahanan ng kanyang sarili at tula.


Mga Sanggunian,/b>

Almario, Virgilio S. Balagtasismo Versus Modernismo: Panulaang Tagalog sa Ika-20 Siglo. Quezon City: Ateneo de Manila Press, 1984.

Blum, William. Rogue State: A Guide to the World’s Only Superpower. Manila: Ibon Books, 2002.

Dunayevskaya, Raya. Marxism and Freedom. London: Pluto Press, 1971.

Eagleton, Terry. Literary Theory: An Introduction. USA: The Universtiy of Minnesota Press, 1996.

Gasset, Jose O. “Dehumanization in Modern Art”. A World of Ideas: Essential Readings for College Writers. 3rd ed. Ed. Lee A. Jacobus. Ed. . USA: St. Martin Press, 1990. 655-672.

Guillermo, Gelacio. “Ibahin ang Paksa: Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon”. Kadiliman: The Philippine Collegian Anthology of Critical and Creative Writing. Ed. Jaime Dasca Doble. Quezon City: UP Collegian. 123-135.

Heaney, Seamus. The Redress of Poetry: Oxford Lectures. London & Boston: faber and faber, 1995.

Hegel, G.W.F. The Phenomenology of Mind. Ed. George Lichtheim. New York: Harper and Row, 1967.

Ileto, Reynaldo. Pasyon and Revolution. QC: ADMU Press, 1979.

Jacinto, Emilio. “Liwanag at Dilim”. Philippine Literature: A Histroy and Anthology. Mga ed. Bienvenido Lumbera at Cynthia N. Lumbera. Quezon City: Anvil Publishing Inc., 2000. 83-84.

Langer, Susan K. Philosophy in a New Key: A Study in the Symbolism of Reason, Rite, and Art. New York at Toronto: The New American Library, 1951.

Lopez, Salvador P. “Ang Panitikan at Lipunan”. Ang Ating Panitikan. Mga ed. Isagani Cruz
at Soledad Reyes. Quezon City: Goodwill, 1984. 242.

Quibuyen, Floro C. A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony, and Philippine Natinalism. Quezon City: Atene de Manila Press, 1999.

San Juan, Epifanio Jr. The Radical Tradition in Philippine Literature. Quezon City: Manlapaz Publishing Co, 1971.

Selden, Raman. A Reader’s Guide to Contemporary Literary Theory. Kentucky: University Press of Kentucky, 1985.

Sison, Ma. Jose . “Panitikan at At Paninindigan”. Ulos . (Agosto 1999), 77-82.

Torres-Yu, Rosario. ed. Panitikan at Kritisismo. Caloocan City: R. Torres-Yu at NBS, 1980.

Willet, John at Ralph Manheim. Mga ed. Bertolt Brecht Poems: 1913-1956. Great Britain: Methuen, 1987.


(Antolohiya)
Craig, David. ed.. Marxists on Literature: An Anthology. Great Britain: Penguin Books, 1975


(Mga Artikulong nasa Antolohiya)
Adereth, Max. “What is Littérature Engagee?”. 445-485.

Fischer, Earnst. “The Lsss and Discovery of Reality”. 486-513.

Serge, Victor. “The Writer’s Conscience”. 435-444.

Trotsky, Leon. “The Formalist School of Poetry and Marxism”. 363-379.