Anotasyon ng Kuwentong “ALOHA” ni Deogracias A. Rosario

Si Deogracias A. Rosario[1] ay ipinanganak sa Tondo Maynila noong 17 Okrubre 1894 at namatay noong 26 Nobyembre 1936. Isa siyang makata, kuwentista, at peryodista. Kilala rin siya sa mga ga bansag na D.A.R., Roscelin, Rosalino, Mortimer, Dante A. Rossetti, Delfin A. Resurreccion, Delfin, Delfin A. Roxas, Dario, Angelino, Rex, Delio, at Angelus. Tulad ng kanyang mga kapanahon, binasa niya sina O Henry, Guy de Maupassant, William Saroyan, William Faulkner, atbp. Sinubaybayan din niya ang mga akda nina Faustino Aguilar, Patricio Mariano, Lope K. Santos, Veleriano Hernandez Peña, at Rosauro Almario.

Nagsulat siya sa Ang Demokrasya, 1912; Buntot Pagi, 1914; Taliba, 1917; Pagkakaisa ng Bayan at Photo News (Liwayway ngayon), Sampaguita, at Lipang Kalabaw. Naging presidente siya ng Ilaw at Panitik, Katipunan ng mga Kuwentista, at Katipunan ng mga Dalubahasa ng Akademya ng Wikang Tagalog.

Ayon sa CCP Encylopedia of Philippine Art: Philippine Literature, Vol. IX, sa puntodebista ng fictiveness, si D.A.R. ang itinuturing na nagsulat ng unang kuwentong Tagalog – “Kung Magmahal ang Makata” – na lumabas sa Buntot Pagi noong 1914. Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit tinagurian siyang “Ama ng Maikling KathangTagalog.” Higit dito, sinasabi ni Alejandro A. Abadilla na namumukod-tangi si D.A.R. sa kanyang mga kasabayang kuwentista na karamiha’y promotor ng moralista t eskapistang panitikan. Ayon kay Abadilla: “Si D.A.R. ay isang ginoong mamamayan ng daigdig, wika nga, sapagkat samantalang naibibigay niya ang hilig at kapritso ng tinatawag na karaniwang mambabasa sa kanyang panahon ay hindi naman niya naitataboy sa labas ng bakuran ng sining ang ilang may maselang panlasa...(Abadila, et.al. 1954. Ang Maikling Kathang Tagalog. Maynila: Communication on the National Language Textbook Preparation).

Sa kanyang sanaysay ng “Deogracias A. Rosario: Ang Maikling Kuwentong Tagalog sa Gitna ng Pagbabago”, sinasa bi ni Romeo G. Dizon na inilalarawan ng mga kuwento ni D.A.R. ang buhay sa pagitan ng naglalahong lumang kultura at umuusbong na bagong kultura. Aniya ang mga akda ni D.A.R. ay “pagwawaksi sa lumang kalakaran at moralidad panlipunan habang kinikilala nang may pagpuna ang pagsulpot ng bagong moralidad at kalakaran...” (Dizon, Romeo G. 1995. Deogracias A. Rosario: Ang Sining ng Maikling Kuwento. Lungsod ng Quezon: Kolehiyo ng Arte at Literatura xix).
Nakapanghihinayang na sa kabila ng pagiging “Ama ng Maikling Kathang Tagalog” ni D.A.R. ay napakanipis ng mga nasusulat tungkol sa kanya, at mas higit, halos di kilala ang kanyang mga akda. Maliban sa mga kuwentong “Greta Garbo”, “Walang Panginoong”, at “Ako’y Mayroong Isang Ibon” (ang kauna-unahang kathang walang banghay (CCP Encyclopedia of Philippine Art, Vol. IX) at kung gayon ay sumasalungat sa tradisyonal na paraan ng pagkukuwento) ay wala nang ibang alam na akda ni D.A.R ang karamihang Pinoy.

      Sa U.P. Diliman Main Library, wala sa mga microfilm (MCF 7566 at MCF 8014D) ang sinasabing “DAR Collection” at mga newspaper clippings ukol kay D.A.R.. Kung naroon man, malamang hindi na rin mapapakinabangan dahil napakadilim ng pagkakakopya ng mga textong naroon.

     Sa kuwentong “Aloha”, makikita ang lawak at lalim ng kaalaman ni D.A.R. sa realidad ng kanyang panahon. Bukod sa mahusay na paglalarawaan sa estilo ng pamumuhay ng mga nabibilang sa tinatawag na “alta sociedad”, binubusisi rin ng kuwento ang ideolohiya ng racial discrimination.
Aloha[2]
       MANIWALA KA sa kadalubhasaan[3] ni Rudyard Kipling[4]! Hindi ako naniniwala sa kasabihan niyang:

“Ang Silangan ay Silangan
Ang Kanluran ay Kanluran;
Magkapatid silang kambal,
Magkalayo habang buhay.”[5]

     Ayaw kong ipahalata sa kausap ko ang malaking pagkamangha sa pagpapasinungaling niya sa sumulat ng “The Ballad of East and West.”[6] Noon ay magkaibayo[7] kami sa isang mesa sa veranda[8] ng Waikiki Tavern[9] sa Honolulu[10] at nakikipagpaalam sa “paglubog ng araw” sa bantog na pasigan ng Waikiki. Tig-isa kaming tasa ng mainit na kapeng Haba[11] na isinasalit[12] namin ang paghigop sa pagtanaw sa malalapad na dalig[13] sa ibabaw ng malalaking alon.

    Ang tanawing ito’y pangkaraniwan sa pasigan ng Waikiki, kung laki[14] ang dagat at nagngangalit[15] ang alon. Isang sport[16] ito ng mga taga-Haway[17] na sariling-sarili[18] lamang nila. Bawat isa ay may mga dalig na tatlong dipa[19] ang haba at kalahating dipa ang lapad na taluhaba[20] ang hugis. Sa ibabaw ng mga dalig na itong sumasalunga[21] sa ibabaw ng alon ay doon sila tumitindig na nakadipa ang dalawang kamay at kung minsan nama’y itinutukod ang kanilang ulo na unat na unat ang katawan na ang dalawang paa naman ang tuwid na tuwid na tila itinuturo sa langit. Ang “pangangabayong[22] ito sa alon ng mga taga-Haway” ang ipinagmamalaki sa akin ni Dan Merton, Amerikanong mamamahayag sa Honolulu noong ako’y maparaan doon.

     Iyan ang dahilan kaya’t noong hapong yaon ay magkaharap kami sa veranda ng Waikiki Tavern. Palibhasa’y nagtapos sa Unibersidad ng Southern California[23] sa Los Angeles[24], at lipi[25] ng isang angkang[26] milyonaryo sa Hollywood[27], si Merton ay isang tunay na gentleman na wala kang sukat ipintas sa pakikihrap kanino man.

     Nalalaman ni Dan Merton ang sakit[28] ng kanyang mga kalahi, at hindi lamang ng mga Amerikanong[29] katulad niya, kundi lahat ng kakulay nila ... ng lahat ng puti[30].

     “Ako ay may ibang paniwala, kaibigan,” ang sabi niya sa akin bago nabuksan[31] ang kay Rudyard Kipling. “Ang palagay ng mga taga-Kanluran[32] ay binigyan sila ng maputing balat ng katalagahan[33] upang maging Kayumangging sumilang sa Kasilanganan[34]. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay aking pinag-aralan. Ngunit kailanman ay hind nabanggit sa mga aklat kong napagaralan ang mga tagumpay sa panitikan ng isang Rabindranath Tagore[35] at ng mga tagumpay sa karunungan ng mga dalubhasang Hapones na kinukusa nilang itago. Balang araw ay naasahan kong isa namang Pilipino[36] ang maririnig nating magwawagi kung di sa pulitika ay sa kabuhayang pandaigdig. Makikita mo kaibigan![37]

     Kinakailangan kong tumungga ng kape at sundan ng hitit ng sigarilyo upang huwag mahalata ni Merton na ako’y pinanunuyuan ng laway[38] nang mabanggit niya ang ukol sa aking kalahi. Diyata’t[39] may isang Amerikano pang gaya nito na umaasang balang araw ay may isang Pilipinong magkakaroon ng isang katangiang pandaigdig[40]? Diyata?

     Pasasalamatan ko sana si Merton sa kanyang mabuting hangad sa aking kalahi, datapuwa’t[41] doon nga nga nabanggit ang “pagkaligaw”[42] ni Rudyard Kipling sa pagkasulat ng kanyang kasabihang[43] ngayo’y palasak[44] na sa buong daigdig.

     “Kung ang langit at lupa’y maaaring paglapitin,” ang giit[45] niya sa akin nang mahulaan niyang ako’y may pag-aalinlangan[46] sa kanyang sinabi, “ay ang Kanluran at Silangan pa kaya?”

     Sasabihin ko sanang ako’y naniniwala na sa kanyang palagay, ako ay naakit[47] na niya laban sa :kasinungalingan ni Kipling” at nahuhulaan[48] ko na ang kanyang ibig sabihin, datapuwa’t siya na rin ang nagdugtong. “Hala, ubusin mo na ang iyong kape. Tayo na sa bahay. At ang asawa ko ang magsasabi sa iyong “ligaw” si Kipling.”

     NANG MAGTAPOS si Dan Merton sa Unibersidad ng South California, ang naging gantimpala[49] sa kanya ng kanyang ama ay isang pagliliwaliw[50] sa “Paraiso ng Pasipiko”[51] – ang Haway. Bagong labas sa kolehiyo, may pangalan at tanyag[52] palibhasa’y kapitan ng mapagwaging[53] koponan[54] sa football[55] ng kanilang paaralan; anak ng milyonaryo sa Hollywood at sadya namang magandang lalaki, si Merton ay naging “idolo”[56] ng mga sakay[57] sa Malolo, nang minsang tumulak[58] ito buhat sa Los Angeles hanggang Honolulu.

     Halos ay sundan siya sa kanyang kamarote[59] ng mga kasama niyang mga debutante[60] sa bapor. Hindi lamang dalawang dosenang “aklat ng mga lagda”[61] ang napaglagyan ng kanyang pangalan at lilimampung pamaypay ng mga pasahera ang kanyang nasulatan. Minsang ipininid niya ang pinto ng kanyang kamarote, ang maluwang na laylayan ng isang paa ng “pajama”[62] ng huling humingi sa kanya ng lagda ay naipit pa.

     “O, ang mga babaing ito!” ang nasabi na lamang niya, “bakit kaya ayaw akong patahimikin?”
Sa agahan, hindi pa siya nakatatapos ay may kumakasundo[63] na sa kanya upang maging kalaro ng deck sports. Sa tanghali, hindi pa siya nakapaghihimagas, ay may lumalapit na sa kanya upang siya’y makalaro, kung di ng bridge ay kahit na mahjong[64]. At sa gabi, anim-anim na may sulat na menu ng mga dalaga ang dinaratnan niya sa kanyang mesa at nagsasabing ibig nilang maging kapareha nila siya sa sayawan sa kubyerta[65].

     Kung nag-iisa na si Merton sa kanyang silid, ang gayong tila paghanga sa kanya ng karamihan ay nagiging paksa ng kanyang dilidili[66]. Akala niya’y sa isang Rudolph Valentino[67] o isang Ramon Navarro[68] lamang maaaring “masira”[69] ang mga dalaga. “Hindi pala’t sa isang bagong labas sa kolehiyong gaya ko ay mayroon ding maaaring mahaling[70].”


RODOLPH VALENTINO
(May 6, 1895 - December 23, 1913)
     Natatawa lamang si Merton sa harap ng nangyayari sa kanya. Kung hindi kaya siya si Dan Merton, na kapitan ng koponan ng football sa Unibersidad ng Southern California at angkan ng milyonaryong Merton sa Hollywood, ay pintuhuin[71] kaya siya ng sinuman na gaya ng ginagawa sa kanya sa bordo[72] ng bapor Malalo? Palibhasa’y mapag-aral siya ng ugali ng mga tao, kaya’t ang kilos ng kanyang kapwa ay pinag-aalinlanganan pa rin niya. Naniniwala siya hangga ngayon, na ang sangkatauhan ay sumasamba pa rin sa diyus-diyusan[73], hindi lamang sa ayos-bakang pintakasi[74] ng mga taga-Ehipto[75], kundi sa gintong sangkap sa katawan ng nasabing baka. Kabalintunaan[76]!
Bago siya nagtungo sa Haway ay wala siyang anumang yaring palatuntunan[77] ng kanyang dapat gawin. Maliban sa kanyang nababasang polyeto[78] na ipinamamahagi ng mga turista[79] tungkol sa nasabing “Paraiso ng Pasipiko” ay wala siyang anumang nalalaman tungkol sa nasabing lupaing sakop ng Amerika. Nasa sari-saring pagmumuni siya sa loob ng kanyang kamarote nang sa butas ng lagusan ng hangin[80] sa bapor ay tila kalatas[81] na ibinalita sa kanya ng taginting[82] ng musika ang pagdaong[83] nila sa Honolulu. Noon niya nasukat[84] na may limang araw na pala siyang naglalayag, hindi man lamang siya nainip, at dumating na siya sa kanyang patutunguhan.
Agad niyang binuksan ang kanyang traveling trunk[85] at sa isa sa mga kahon ay kinuha ang tarhetang[86] bigay sa kanya ng kanyang ama na kinaroroonan ng pangalan ng isang taong sasalubong sa kanya.

     “Aha!” ang nasabi niya sa sarili. “Editor ito ng pinakamalaganap na pahayagan[87] sa Honolulu. Dapat siyang maging malaking tao[88].”

     Pagbaba niya sa andamyo[89] , isang lalaking may kagulangan na,[90] mapuputi ang buhok at may kunot na ang mukha, ang biglang sumunggab[91] sa kanya.

     “Hindi ako maaaring magkamali,” sabi sa kanya. “Kamukhang-kamukha ka ng aking kaibigang si Daniel Merton. Hindi ba ikaw ang kanyang anak? Tinanggap ko ang kable[92] ng iyong ama, kaya kita sinalubong.!”

     Hindi pa nakasasagot man lamang ng “salamat po!” si Merton ay isinabit sa kanyang liig ang isang mahabang kuwintas ng mga bulaklak na sariwang kilala sa tawag na lei.
“Iyan ang Aloha[93] ko sa iyo,” sabi sa kanya.

     May isang buwan na si Dan Merton sa Royal Hawaiian Hotel sa Waikiki. Isang magandang suite de luxe[94] ang sa pamamagitan ng kable ay ipinahanda ng kanyang ama buhat sa Hollywood upang kanyang matirhan. Nagsawa na siya sa lahat ng sinasabing ganda ng Honolulu. Napagod na siya sa paglangoy sa War Memorial Natatorium[95] at sa Waikiki. Hindi miminsang nagdaan-daan siya sa matayog na Pali[96], nadalawa na niya ang templo ng mga Mormon[97] na may bughaw na tubig ukol sa mga binibinyagan, at makailan na ring nagpalipas siya ng gabi sa sayawan sa Kailuwa[98], kung nagsasawa na siya sa bulwagan ng kanyang otel. Nakadalawa na rin siya sa Hilo[99] at sa Molokai[100], sa pamamagitan ng eroplano, nakita na niya ang kumukulong laba ng bulkan, saka ang mga “buhanging tumatahol[101]”. Ano pa ang nalalabi sa kanyang hindi nakikita sa “Paraisa ng Pasipiko”?

     Talagang naghahanda na siya sa pag-alis nang sabihin sa kanya ng kaibigang editor ng kanyang ama sa Honolulu, na hintayin muna niya ang pagtatapos ng klase sa kolehiyo ng Punahu[102]. “Ako ang nahirang na magbigay ng pangaral[103] sa mga natapos sa taong ito,” ang sabi niya kay Merton, “at maibabalita mo sa iyong ama sa Hollywood kung gaano kabuting magsermon sa mga wahini[104] (babae sa wikang Kanaka[105] )ang kanyang kaibigan sa Honolulu.”
Pumayag si Dan Merton. Sa nasabing Commencement[106] ng Punahu School, doon niya nakilala si Noemi[107], isang tunay na Kanaka, subali’t halimbawa ng dalagang may mataas na pinag-aralan. Hindi niya malaman kung bakit ang mga matang buhay na buhay ni Noemi ay walang iniwan[108] sa palasong[109] sabay na tumuhog sa kanyang puso[110]. Si Noemi ang naging patnubay[111] ng mga pangaral, palibhasa’y siyang pangulo ng Kapisanan[112] ng mga Senior[113] sa nasabing kolehiyo. Anong tamis niyang magsalita ng wikang Ingles! Anong lambing[114] niyang bumigkas ng mga pangungusap!

     “Wala pa akong naririnig na dalagang Amerikana na kasintamis niyang magsalita!” ang sabi pa ni Merton pagkatapos.

     “Ginoong editor,” ang sabi niya sa kaibigan ng kanyang ama, “Hindi ako uuwi na di kasama si Noemi.”

     “Talaga bang totoo ang sinasabimo?” ang usisa sa kanya ng matanda.

     “Paris ng katotohanang ang umaga’y sumusunod sa gabi[115].”

   “Dan!” ang may halong pangaral na pahayag ng matanda, “ang mga Kanaka ay mamamayang Amerikano lamang[116], ngunit hindi laging Amerikano. Kawika lamang natin sila, datapuwa’t hindi natin sila kalahi[117].”

Ang palagay ni Dan Merton ay napakakitid ng noo[118] ng kanyang kausap. “Matanda na at editor pa naman ng pahayagan,” ang bulong niya sa sarili. “Maano[119] kung hindi kalahi? Maano kung hindi kakulay? Hindi ba bayan ng pagkakapantay-pantay ang Amerika[120]? At hindi ba lahat ng tao ay mamamayan ng daigdig?”

Sa sarili na lamang nangatuwiran si Merton. At nang minsang umalis sa Honolulu ang bapor City of Los Angeles, sa talaan ng mga sakay ay mababasa ang ganitong mga pangalan: “Mr. Dan Merton” at “Mrs. Dan Merton”. Ang “Mrs. Merton” ay si Noemi – ng Punahu School.

Nang umuwi si Merton, halos ang mga kasabay rin niya sa malalo na mga debutante ang kanyang kasamang umuwi, ngunit hindi na gaya ng dati. Kahit na siya nag-iisa sa kubyerta kung ayaw lumabas ni Noemi, ay maanong sulyapan[121] man lamang siya. Kung pagmasdan niya’y tila pa nasusuklam sa kanya, dahil sa nanghahaba ang kanilang mga labi [122], at nagsisitalim ang kanilang mga mata sa pagtanaw sa kanya.

“Kabalintunaan sa sangkatauhan!” ang nasabi na lamang. “Ako’y nag-asawa sa aking iniibig, dahil ako’y sumunod sa tibok ng puso ko at hindi sa alituntuning magdaraya ng lipunan[123] at kinasusuklaman na ako ngayon.”

Nguni’t may iba siyang naisip.

“Ano kaya ang sasabihin ni Ama, kung malamang nag-asawa ako sa isang hindi namin kalahi, sa isang kayumangging[124] Kanaka?”

Natira[125] si Dan Merton sa gayong pagmumuni-muni[126]. Sa kanyang mga mata’y may sampung daliring maliit na tumakip buhat sa likod:

“Hulaan mo kung sino ako!” ang impit ng tinig na utos sa kanya.

Disyembre na nang sila’y papauwi sa Los Angeles. Ilang araw na lamang at Pasko na. Sa loob ng kanilang suite de luxe sa bapor ay inisa-isa ni Merton kay Noime kung gaano magiging kasaya ang kanilang Pasko. Humigit-kumulang[127] ay nababatid ni Noemi na milyonaryo ang ama ni Dan, kaya’t di kataka-takang magkaroon siya ng Paskong lalong masaya sa kanyang buhay sa piling ng sinumpaan niyang “sa buhay at kamatayan”[128] ay kanyang makakahati[129].

Kinusa ni Merton na huwag ipaalam sa kanyang ama ang kanyang pagbabalik. Ang ibig niya’y makagawa ng isang “sorpresa.” Datapuwa, isang araw nang dumating ang bapor sa Wellington[130], tumanggap siya ng isang kable mula sa Hollywood na humigit-kumulang ay ganito ang sinasabi: “KUNG IBIG MONG MABUHAY HANGGANG PASKO SA PILING NG IYONG ASAWANG KANAKA, HUWAG KANG MAGKAKAMALING TUMUNTONG SA UNANG BAITANG NG ATING HAGDANAN...DANIEL MERTON.”


Rolls Royce Phantom II
Ayaw na niyang maniwala ay nasisinag[131] niya sa gayong mga kataga ang pangungusap ng kanyang ama – matitigas, matutulis at mababagsik. Kilala niya ang kanyang ama. Sabi lamang niya sa lumuluhang si Noemi na isang biro lamang yaon, bagama’t iniisip niya kung sa Embassy[132] o sa Baltimore[133] sila tutuloy na mag-asawa pagsapit[134] sa Los Angeles. Hindi siya magtutuloy sa Hollywood.

Balisa at kumakaba ang kanyang dibdib, ang bapor ay dumaong sa Wellington, datapuwa’t laban sa kanyang pag-asa [135], nasa himpilan ng perokaril[136] ang malaki niyang Rolls Royce[137].

“Nakita mo na!” ang sabi ni Merton kay Noemi. “Hayun ang awto[138] namin. At hayun si ama sa loob. Hinihintay tayo!”

Isang ngiting may kahulugan – ang ngiting may pangamba at alinlangan -- ang itinugon ni Noemi sa malaking galak[139] at lukso ng puso ng kanyang asawa. At sino naman ang hindi malulugod?

Ang mag-ama ay nagyakap at si Noemi ay kinamayan ng kanyang biyenan[140]. “Wala kayong dapat alalahanin!” ang sabi sa kanila na lalo pang ikinatahimik ng loob ni Merton.

“Sa bahay, at nang makapagpahinga kami agad!” ang utos ni Dan sa kanilang tsuper[141], na gaya ng karaniwang pag-uutos kung ginagamit niya ang nasabing kotse kung siya ang nagpapalakad[142].

     “Hindi!” ang sigaw ng matanda. Ikukuha ko kayo ng isang bungalow[143] sa Sta. Monica[144] beach, malapit sa bahay ni Bebe Daniels[145]!”

    “Mabuti nga’t nasa tabi ng dagat.” salo ni Dan. “Hindi na maninibago si Noemi, dahil sa katulad din ng Waikiki beach. Makalalangoy kami kahit anong oras!”

     “Kahit saan ay masisiyahan ako,” ang bulong ng Kanaka ng hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang bisig, “nasa piling lamang kita.”

     Napatingin sa kanila ang matanda na tila sinusukat ang ibig na sabihin. “Bilang pasalubong sa inyo,” sabi ng matanda, “ay magdaraos doon ng party[146] ngayong gabi. Pinaanyayahan ko na ang lahat ng dalaga’t binata sa Hollywood, karamihan ay mga artista sa sine, upang masiyahan kayo sa pagsisimula sa pagsisimula ng isang bagong kabuhayan.”

     “Pasintabi[147] sa inyo,” ang pakli[148] ni Noemi, “inaasahan kong ang nasabing party – ay hindi katulad ng mga wild party[149] na ikinamatay ng isang artista nang magdaos si Fatty Arbucle[150] o kaya’y ng nangyari kay Miss Pringle[151] nang magdaos naman si Pantages[152].”

     Tatangu-tango ang matanda na tila noong lamang niya nakilala kung gaano kataas ang napag-aralan ng kanyang manugang[153]. Ibig sabihin ng kanyang sarili ay “Mahigit pa sa roon” subali’t iba ang binigkas ng kanyang bibig: “Marahil ay mahuli-huli roon.”

     “Nguni’t, Ama!” ang agaw ni Dan, “ang asawa ko ay marangal na babae. Tila hindi dapat sa kanya ang gayong pasalubong.”

     Tutugunin pa sana ng matanda ang pasalubong ay siya ang may handog, nguni’t biglang tumigil ang awto sa tapat ng isang gusali sa tabi ng dagat.

    “Narito na ang inyong bahay!” ang sabi sa kanila. “Lahat ay nakahanda na para ngayong gabi!”
Ipikit at idilat ni Noemi ang dalawa niyang mata ay hindi niya mapaniwalaan ang kanyang nakikita, gayong mag-iikaapat na ng madaling-araw. Ang mga babaing panauhin at halos wala nang damit, sapagka’t punit-punit na ang kanilang mga kasuutan sa pakikipagbatakan sa mga lalaki. Ang mga lalaki naman ay kusa nang nag-aalis ng kasuutan nila at wala nang natitira sa katawan kundi ang kahuli-hulihang inaalis bago matulog[154].

     Ang lahat ay lasing. Lasing na ang lahat na ang mga mata’y nakulabaan[155] na ng matapang na sugapa[156] ng alak, kung kaya’t hindi na napapansin ang kahiya-hiyang kalagayan ng lahat. Si Dan ay lasing na rin. Apat na kilalang artista sa Hollywood ang nagpupulupot[157] ng katawan nilang halos ay bilad nang lahat sa kanyang matipunong katawan.

     Si Noemi ay nagdahilang nahihilo pa sa malaking hapo[158] sa bapor, kaya’t kahit pinagbatakanan siya ay hindi siya nakihalubilo. Samantalang pinagmamasdan niya ang magandang kuwadro[159] ng kahalayan sa kanyang tahanan ay may tumapik sa kanyang balikat. Nang lumingon siya ay nakita niya ang ama ni Merton, ang kanyang biyenan.

     “Ano, Noemi?” ang bati sa kanya. “Hindi ba nanghihinawa[160] ang pag-ibig mo kay Dan? Ibig mo ba ng ganyang buhay? Hindi ka ba nasusuklam[161]? Kung ibig mong tumakas ngayong gabi ay nariyan ang kotse. May bapor na tutulak bukas. Pababaunan kita ng sampung libong dolyar[162]. Ano, sumagot ka?”

     Tinitigan ni Noemi ang matanda. Ibig niyang sa kanyang tingin ay mawatasan[163] ng matanda na nababatid niya na ginawa yaon upang mapawi ang pag-ibig niya kay Merton, sapagkat laban sa kanyang kalooban ang pagkakapag-asawa nito sa isang hindi kalahi, sa isang Kanaka. Tutugon na sana si Noemi ng “Gayon pala!” datapuwa’t naunahan siya ng matanda.

     “Hindi magiging maligaya sa piling mo si Merton,” ang sabi uli. “Sa habang panahon ay lalayuan siya ng kanyang mga kakulay, ng kanyang mga kalahi. Gagawin kong $25,000, pabayaan mo na lamang siya.”

     Sa nagdidilim na pag-iisip ni Noemi, ang mga pangungusap ng matanda ay naging kidlat na nag-iwan ng apoy, kaya’t nagliwanag. Walang kibo, si Noemi ay tumakbo sa kanyang silid, at nang lumabas ay hindi na ang Noemi na gayak-Amerikana[164], kundi isang tunay na Kanaka; walang takip sa dibdib kundi ang makapal na lei at sa ibaba ng katawan ay ang kanyang sayandamo[165]. Nanaog siya. Nakisalamuha siya sa madla[166] at sa saliw ng inaaantok nang orkestra[167] ay nagsayaw ng Hulahula[168].

     Sa gayo’y tila nagising ang mga lalaki. Ang kanyang katawang katutubo ang pagkakayumanggi at hindi sinunog sa araw[169], paris ng mga Amerikana, nguni’t walang iniwan sa kumikiwal[170] na ahas ang galaw ng katawan, pati ng dalawang bisig at ng dalawang paa, ang damdaming makahayop[171] ng mga lalaki ay nagising. Iniwan ang mga kapiling nilang babae at ibig nilang yakapin, lingkisin[172] at kung ano pa, nguni’t maliksi naman nitong naiwasan.

     Sa gayong ayos nadilat ang mga mata ni Merton. Nakita niya ang babaing “una at huli” niyang inibig ay nasa bunganga ng mga halimaw na lasing na hindi nalalaman ang ginagawa. Bigla siya nagpupumiglas sa apat na babaing “namumulupot” sa kanya at humadlang sa nagsisihabol kay Noemi.

     “Mga alibugha,” nakadipang wika niya sa paghadlang sa lahat. “Madudurog ang liig ng sinumang mangangahas humipo sa katawan ng asawa ko!”

     Nang marinig ito ni Noemi ay napahalakhak[173] ng tawa sa kanyang tagumpay. Noon din ay lumapit siya sa piyano, sinimulan niyang saliwan[174] ang kanyang sarili sa pagawit ng Aloha[175], awit ng tagumpay! Awit ng luwalhati[176]!

      Nang lumingon siyang muli ay wala nang ibang tao sa bulawagan[177]. Pati ang biyenan niya ay wala na rin. Walang natira kundi si Dan Merton na hawak sa kamay ang isang tsekeng[178] $500,000. Nguni’t yaon man ay pinagkasunduan nilang ibalik sa matanda.
“Babalil uli tayo sa Honolulu!” ang may pagdaramdam na sabi ni Dan Merton. “Iniwan ni ama ang pabaon niya sa atin!”

     “Nasabi ko na sa iyo,” ang ulit ni Noemi. “Kahit saan ay masisiyahan ako, nasa piling lamang kita, aking hari!”

     “Pag-ibig! Pag-ibig, kaibigan, ang makapaglalapit sa Silangan at Kanluran” – ang buong kasiyahang nasabi ni Merton nang matapos isalaysay ni Mrs. Noemi Merton ang magandang romansa[179] ng kanilang pag-iibigan. “Ang langit at lupa man ay mapaglalapit, dahil sa pag-ibig!”
Tila nga naman totoo ang sabi ng mamamahayag[180] na Amerikanong ito. Idinugtong niyang kung itinaboy man silang mag-asawa sa Paraiso sa Hollywood ay lalong paraiso[181] sa kanya ang Honolulu, palibhasa’y nakikilala niyang “may katinuan ang mga Amerikanong” naroon, kaysa mga aristokratikong[182] nasa baybayin ng Pasipiko.

    Sa katunayan, nang magbalik sila, ang editor ding kaibigan ng kanyang ama ang nagbigay sa kanya ng tungkuling makasama sa staff[183] ng pahayagang kanyang sinusulatan matapos tukuyin sa kanya ang “Sinasabi ko na nga ba!”

    “Maganda nga sana ang aking bayan,” ang sabi pa ni Merton, “datapuwa’t lumabis nang totoo ang yabang na balang araw ay mahuhulog din sa kanyang sariling bigat[184].”

     “Narito na ang nagdurugtong sa Kanluran at Silangan!” ang sabi ng ina.

     “Oo nga,” ani Merton, “ang nagkakabit sa langit at lupa.”

     “May anak na kayo?” ang pamangha kong tanong.

     “Oo,” ang sabay nilang tugon. “Bininyagan namin ng ALOHA.”


-WAKAS-



[1] Ang mga impormasyon tungkol kay D.A.R. ay mula sa CCP Encyclopedia of Philippine Art, Volume IX. 733.

[2] Aloha - salitang Olelo Hawaii, isa sa pinakamatatandang buhay na wika sa daigdig. Katumbas ito ng “kumusta” o “paalam" at ng “pag-ibig” at “pagkagiliw” o affection. Ikinakabit ito sa ibang salita upang maging gamit-pambati, gaya ng “aloha kakahiaka” (magandang umaga), “aloha auinala” (magandang tanghali), at “aloha ahiahi” (magandang gabi). Pero higit na malalim ang kahulugan ng “aloha” kaysa sa binanggit na pagbati. Ang literal na kahulugan nito ay “pagka-naririyan ng hininga” o “hininga ng buhay”, at sa Hawaii, sumasaklaw ito sa kaibuturan ng pagpapakatao at espirituwalidad (mula sa To- Hawaii.Com, http://www.to-hawaii.com/aloha.php. 17 October 2009)/ May tatlong paraan ng pagkakasulat ang pamagat ng kuwentong ito: “Aloha” sa DEOGRACIAS A. ROSARIO: Ang Sining ng Maikling Kuwento na tinipon at sinuri ni Romeo G. Dizon at inilathala ng KAL UP (ang bersyong ito), “ALOHA” sa kauna-unahang limbag, at “Aloha!” sa iba pang mga antolohiya. Wala akong nakalap na impormasyon ukol sa pagbabago-bagong ito.
Ginawaran ng karangalang Kuwentong Ginto noong 1932, ang “ALOHA” ay nagtamo ng mga medalyang ginto sa “Ilaw at Panitik” at “Kalipunan ng mga Kuwentista”. Sa “Paunang Salita “ ng unang limbag ng kuwento, sinasabi ni Alejandro G. Abadila -- hurado ng naturang patimpalak -- na ito ay “perlas ... sa gitna ng mga perlas....Sinasalamin ko ang “ALOHA”, sa kanya’y namalas ko ang aking larawang kayumanggi, ang larawan ng aking lahi”. Sa pagsusuma, sinasabi ni Abadilla na ang “ALOHA” ay “makasining sapagka’t nangangayupapa sa paanan ng Kagandahan,; teckniko, sapagkat ang ‘tatlong pagkakaisa’ na kinakailangan sa isang ... maikling katha ay na sa balangkas ng diwa ni Deogracias A. Rosario; at may dakilang tinutukoy sa pagkakasulat, sapagka’t may lihim na hangaring magpabulaan sa isang paniniwalang tila di gumagalang sa kabanalan ng isang Dios.” Sampung libong kopya ang bilang ng unang limbag ng ALOHA (Rosario, Deogracias A. 1933. Anak Ko at ALOHA. Maynila: Benipayo Press at Fotograbado).

[3] kadalubhasaan - galing sa salitang dalubhasa na nangangahulugang bihasa o experto. Malalim na kasanayan o kaalaman sa isang partikular na larangan o disiplina. Para tukuyin ang isang partikular na kadalubhasaan, idinudugtong ang dalub sa angkop na larangan o disiplina. Halimbawa, dalub-wika (experto sa wika), dalub-agham (scientist), atbp.

[4] Rudyard Kipling Ipinanganak sa Bombay, India noong 30 Disyembre 1865 at namatay sa London noong 18 Enero 1936. Nobelista, kuwentista, at makata. Kauna-unahang English author na tumanggap ng gantimpalang Nobel Prize noong 1907. Kabilang sa mga akda ni Kipling ang The Light that Failed, isang mahabang tula tungkol sa isang bulag na pintor ng digmaan at ang Barrack-Room Ballads, antolohiya ng mga tula (Kipling (Joseph) Rudyard. Microsoft Encarta Suite 2005).

[5] Ang Silangan ay Silangan /Ang Kanluran ay Kanluran;/Magkapatid silang kambal,/ Magkalayo habang buhay - salin ni DAR ng “OH, East is East, and West is West, and never the twain shall meet.”

[6] The Ballad of the East and West - pamagat ng tulang pinagkunan ng siniping linya. Sa halip na “The Ballad...”, “Ommar Khayam” ang nasa unang limbag ng ALOHA, The Rupaiyat of Omar Kalvin” naman sa Alip, Efronio at Julian Balmaseda. 1940. Mga Hiyas ng Wikang Pambansa. Manila: Filipiniana Publishing House. Myaroon pang Omar Kahvan” sa ibang libro.Ang “Rubbaiyat of Ommar Khayyam” ay pamagat na ibinigay ni Edward Fitzgerald, isang tagasalin at makatang English na ipinanganak sa Woodbridege, Sufolk, sa koleksyon ng mga tulang pinaniniwalaang sinulat ni Ommar Khayyam. Ang rubai ay terminong Arabic na ibig sabihin ay apatang linya, ang rubbaiyat ay plural form na tumutukoy sa koleksyon ng mga tulang may tig-aapat na linya. Si Ommar Khayyam ay isa ng Persian Poet, ang pinaniniwalaang sumulat ng orihinal ng mga tulang isinalin ni Fitzgerald sa “Rubbaiyat...”. Lumalabas na ang nasa bersyong Dizon at ang mga kagayang bersyon ay koreksyon ng orihinal ni DAR.

[7] magkaibayo –nasa magkabilang dulo ng isang lugar o bagay. Sa salitang-ugat na ibayo na ang ibig sabihin ay kabilang dulo. Laging nakapaloob sa salitang ito ang presensya ng isang mental o pisikal na pagitan na naghihiwalay sa dalawang bagay o tao. Mahusay ang pagkakagamit nito sa kuwento dahil sinusuhayan nito ang pagkakaiba ni Dan Merton at ng tagapagsalita sa kuwento.Puwede rin itong mangahulugan ng pagkakaiba ng opinyon o posisyon sa isang usapin. Haliimbawa, Magkaibayo ang kanilang sinsabi tungkol sa nangyari. Iba pang kaugnay na kahulugan: dulo’t dulo, magkalayo.

[8] veranda – extensyon sa labas ng pader o dingding ng isang gusali, kadalasang may atip at walang dingding. Sa mga establisyementong tulad ng Waikiki Tavern, pnipili ito ng mga kustomer dahil mula rito ay natatanaw nila ang lawak ng dagat, sariwa ang simoy ng hangin, pinapasok ito ng sinag-araw, at kung gabing maganda ang panahon, tanaw ang aliwalas ng langit. Balkon o balkonahe ang katumbas nito sa Pilipinas.

[9] Waikiki Tavern – isang primera klaseng bar sa 417 Nohonani St., Honolulu. Kilala sa mga puting baybay-dagat, nakabibighaning paglubog ng araw, at magarang otel at iba pang amenidad. Sentro ito ng gobyerno ng Hawaii noong 1450s (Aloha-Hawaii.Com: Dive in, Drift Away. http://oahu.aloha-hawaii.com/hawaii/waikiki/).

[10] Honolulu – sentro ng kalakalan ng Hawaii. Narito rin ang mga tanyag na historikal na lugar o gusali gaya ng “Aloha Tower” at “Iolani Palace” (Aloha-Hawaii.Com: Dive in, Drift Away. http://oahu.aloha-hawaii.com/tours/downtown+honolulu/)

[11] kapeng Haba – kapeng mula sa Java, Indonesia.

[12] isinasalit – isinisingit. Kilos na nagpapahiwatig ng saglit na paglihis o pag-abala sa isang regular na padron ng aktibitidad o bagay; isang kilos na ginagawa sa pagitan ng iba pang gawain.

[13] dalig surfboard, isang makitid at mahahabang tabla na tinutuntungan ng mga surfers sa ibabaw ng mga alon.

[14] laki –mataas ang tubig o high tide, taib (kabaligtaran ng hibas).

[15] nagngangalit – mula sa ngalit na ang ibig sabihin ay matinding galit o poot. Malalaki ang mga alon. Karaniwang ipinang-uuri sa mga penomenong pangkalikasan tulad ng bagyo, ulan, hangin, putok ng bulkan, atbp.

[16] isport – laro o libangan.

[17] taga-Haway – mga naninirahan sa Hawaii. Ang Hawaii ay panglimampung state ng USA. Pumasok ito sa Union noong 21 Agosto 1959. Pangunahing binubuo ito ng Hawaiian islands, gaya ng Hawaii, Maui, Oahu, Niihai, Kahoolawe, atbp (Microsoft Encarta Premium suite 2005).

[18] sariling-sarili – walang ibang gumagawa o nagmamay-ari. Isang praktis o bagay na tanging sa isang komunidad, lahi, o lugar lamang ginagawa o matatagpuan.

[19] dipa – espasyong sakop ng nakaunat na dalawang kamay ng isang tao. Kadalasang ginagamit panukat ng haba; ang haba ng isang nakaunat na kamay mula dulo ng pinakamahabang daliri hanggang sa puno ng kilikili ay kadalasang katumbas ng isang yarda.

[20] taluhaba – parihabang patatsulok ang magkabilang dulo.

[21] sumasalunga – sumasalubong; kumikilos pasalungat. Maaari ring gamitin para tukuyin ang isang desisyong kaiba sa desisyon ng nakararami.

[22] pangangabayo – pagsakay sa tumatakbong kabayo; ginagamit sa mga kilos o sitwasyon may pagkakatulad sa tumatakbong kabayo. Halimbawa, Baku-bako ang daan, maghapon kaming nangabayo sa motorsiklo.[23] Unibersidad ng Southern California – University of Southern California. Isa sa mga nangungunang research Universities sa daigdig. Itinatag noong 1880 at nagsimula sa 53 estudyante at 10 guro (University of Southern California. http://www.usc.edu/about/ataglance/. 17 October 2009).[24] Los Angeles – lungsod na California . Pangalawa sa New York bilang most populated cities sa USA. Isa sa mga lugar na pinakamatindi ang diskriminasyon laban sa mga Pinoy at iba pang lahing “maykulay”.

[25] lipi – kasinghulugan ng lahi; kadalasang tumutukoy sa kulay ng ng balat.

[26] angkan – tribo, o grupo ng mga taong nagmula sa iisang pamilya.

[27] Hollywood – sentro ng idustriya ng pelikula sa USA.

[28] sakit – karamdaman, kapintasan, o kahinaan. Ang tinutukoy na sakit ng mga kalahi ni Merton ay ang pagpapalagay na ang lahing puti ay mas mataas kaysa iba pang lahing may-kulay. Tumutukoy ito sa diskriminsayong nararanasan ng ibang lahi mula sa mga mga Puti.

[29] Amerikano – mamamayang ng North Amerika. Sa Pilipinas, Amerikano ang kinasanayang tawag sa lahat ng puti.

[30] puti – tumutukoy sa lahat ng lahing puti ang kulay ng balat na kadalasang mamamayan ng Kanluran o Hilagang bahagi ng daigdig. Sa mga bansang itinuturing na Ikatlong Daigdig, kakabit ng puti ang salitang mananakop.

[31] nabuksan – naalis ang takip (lit.); naungkat, naumpisahan, nasimulang pag-usapan.

[32] Kanluran – dakong nilulubugan ng araw (lit.); tumutukoy sa bahagi ng daigdig na inu-okupa ng lahing puti; sa kontexto ng kasaysayang pandaigdig, kaibayo ito ng Silangan, at kung gayon ay maaaring itumbas sa praseng lupain ng mananakop.

[33] katalagahan – kapalaran o tadhana. Isang bagay na di mapasusubalian dahil likas at nakatadhana. Halimbawa, katalagahang sakupin ng Amerika ang Pilipinas sapagkat atas ng tadhana na turuan ng mga puti ang mga Pinoy ukol sa demokrasya, edukasyon, atbp.

[34] upang maging Kayumangging sumilang sa Kasilanganan – nakakalito ang praseng ito. Walang refernsya sa kasaysayan ang ganitong palagay na ang Puti ay isinilang na Puti para maging kayumanggi na ipinanganak sa Silangan. Ang nasa kasaysayan ay manifest destiny o itinadhana na ang Puti ay maging tagapagligtas ng lahing Itim o Kayumanggi.

[35] Rabindranath Tagore – pinakatanyag na personalidad sa modernong literatura ng India. Kauna-unahang non-European na nakatanggap ng Nobel Prize for Literature noong 1913, dahil sa kanyang Gitanjali na isinalin niya sa English mula Bengali. Nagsulat sa wikang English at Bengali. Sa kanyang mga nobela at kuwento, tinatalakay niya ang mga sosyo-politikal na realidad sa India. Sa huling bahagi ng kanyang career, mas matingkad na sa kanyang mga akda ang espirituwalidad. Ipinanganak sa Calcutta noong 1861 at namatay noong 1946 (Tagore, Rabindranath, Microsoft Encarta Premium Suite)/

[36] Balang araw ay inaasahan kong isa namang Pilipino – mukhang nakaligtaan dito ni D.A.R . si Jose Rizal. At kung aral si Dan Merton, gaya ng paglalarawan sa kanya sa kuwento, natural lamang sana na alam niya ang tungkol kay Rizal, lalo pa’t Amerika ang pangunahing nagluklok kay Rizal bilang pamabansang bayani ng Pilipinas. O gusto lamang ilarawan ng awtor ang pagiging-tiwalag ng Pinoy sa kasaysayan ng kanyang bansa? Kunsabagay, wala kasing ng nobel prize si Rizal.

[37] Makikita mo kaibigan! – expresyon ng katiyakan na mangyayari ang isang bagay.

[38] pinanunuyuan ng laway – paglalarawan ng matinding emosyon na nagbubunsod ng pagkaumid o pag-aalangan dahil sa pagharap sa isang di inaasahang pangyayari. Sa kuwento, positibo ang panunuyo ng laway ng persona dahil nanggaling ang “papuri” sa Pinoy mula sa isang Puti.

[39] Diyata’t – diyata + at (hindi kaya pinaikling hindi yata ang diyata?). Salitang ginagamit para ipahayag ang pagtataka sa isang di inaasahang pangyayari. Sa ngayon, puwede nang ipahayag ang ganitong emosyon kahit wala ang diyata. Halimbawa, ang pangungusap na Diyata’t nagawa niya iyon? ay maipapahayag na – sa pamamagitan ng angkop na bigkas – ng pangungusap na Nagawa niya ‘yon? O kung talagang alam na ng mga nag-uusap ang kontexto ng pinag-uusapan, puwede na ang Ganon?. Syempre kailangan ang tamang bigkas.

[40] pandaigdig – tumutukoy sa kalidad na pasado sa internasyonal na istandard, na ang ibig lamang namang sabihin ay panlasa ng mga Puti, partikulara ang mga Amerikano. Ang pag-asam ng ganitong kalidad ay bahagi kaisipang kolonyal na ipinunla sa atin ng kolonyalismo. Hinubog nito ang kamalayan Pinoy tungo sa paniniwalang lahat ng mula sa Kanluran ay mainam at “world class” kaya dapat pamarisan o gawing modelo.

[41] datapuwa’t – datapuwa + at. Sugnay na ginagamit para iintrodyus ang isang kaisipan o damdamin na kaiba sa inaasahan. Ginagamit din ito para ipahayag ang opinyon o na taliwas sa unang ipinahayag, o katumbas ng ngunit at pero.[42] pagkaligaw – pagkawala; isang sitwasyong hindi alam ang daan pauwi; pagiging lihis sa tama o katuwiran. Sa kontexto ng kuwento, binibigyang-diin nito ang pagiging lihis ni Kipling sa katuwiran.

[43] kasabihan – mga “butil” ng kaalamang nasa porma ng tula. Ayon kay Bienvenido Lumbera Sa Philippine Literature: History and Antholgoy, isa ang kasabihan sa pinakamaiikling anyo ng tula sa Pilipinas. nagtataglay ito ng mga kaalamang maaaring gumabay sa buhay.

[44] palasak – napaka-ordinaryo, alam at halos ginagamit ng lahat. “gasgas” o wala nang dating dahil sa paulit-ulit na gamit.

[45] giit – pahayag na may pagbibigay-diin upang makita ang katuwiran. Halimabawa, Igiit mo ang iyong punto para maintindihan niya ang kalagayan mo.[46] pag-aalinlangan – pagdududa, pangamba. Damdaming bunsod ng kawalang-katiyakan sa kahihinatnan o kawalan ng kaalaman o paniniwala sa isang pangyayari, kaisipan, bagay, o tao.

[47] naakit – nakumbinsi, napapaniwala. Nakatawag ng pansin ang pinaka-karaniwang kahilugan nito, pero depende sa kontexto, puwede itong mangahulugan ng natukso – sekswal man o moral. Mga halimbawa: 1) Naakit ako ng maumbok niyang puwet. 2) Naakit ako ng kanyang kayamanan.

[48] nahuhulaan – alam na ang susunod na mangyayari o susunod na gagawin o sasabihin ng isang tao. Sa kuwento, ang ibig sabihin ng nagsasalita ay halos alam na niya ang sasabihin ni Merton.

[49] gantimpala – mula sa ganting pagpapala. Premyo, insentibong sukli sa isang mahusay na gawa. Bagay, pera, o parangal na ipinagkaloob bilang pagkilala sa mabuting gawa o kagandahang-loob.

[50] pagliliwaliw – paglilibot, paglalamyarda, pagpapasarap sa buhay.

[51] Paraiso ng Pasipiko – taguri sa Hawaii dahil sa mga kaakit-akit nitong mga likas na tanawin at mga modernong amenidad.

[52] may pangalan at tanyag –tumutukoy sa mga taong may pinag-aralan, kilala, at kadalasang iginagalang sa lipunan.

[53] mapagwagi – laging nananalo, laging kampeon.

[54] koponan – grupo ng mga manlalaro sa isang partikular na larangan ng paligsahan; halimbawa, koponan sa basketbol.[55] football – isang matandang larong maiuugat sa larong Tsu chu sa Tsina 2, 500 taon na ang nakararaan. Nilalaro ng dalawang koponan na ang layunin ay maka-iskor sa pamamagitan ng pagsipa sa bola papasok sa goal ng kalaban.

[56] idolo –isang tao na pinamamarisan o ginagawang modelo sa buhay. Sa kuwento mas tumutukoy ito kay Merton bilang objek ng paghanga ng mga kababaihan.

[57] sakay – pasahero, mga taong nasa isang sasakyan para pumunta sa isang destinasyon.

[58] tumulak – umalis, lumarga. Halimbawa, Lumarga na sila kaninang madaling araw.

[59] kamarote – mula sa Espanyol na camarote na ang ibig sabihin ay cabin o stateroom. Sa Encarta dictionary, ito ay dampa, silid ng crew o pasahero sa eroplano o sa bapor o iba pang sasakyan. Sa kuwento, ito ay tumutukoy sa kuwartong-pampasahero na tinutuluyan ni Merton.

[60] debutante –ayon sa Encarta Dictionary, ito ay tumutukoy sa mga nagdadalaga (maglalabing-walong taong gulang) na “ipinapakilala” sa lipunan o komunidad sa pamamagitan ng isang sayawan o piging. Mas ginagawa ng mga pamilyang mga maykaya sa lipunan.

[61] aklat ng mga lagda – mga notbuk o librong na pinapipirmahan sa mga kaibigan o artistang hinahangaan bilang remembrans. (Ngawit na ngawit siguro si Dan Merton sa pagpirma).

[62] pajama – maluluwag na salawal na ginagamit pantulog. Mga mayayaman ang kadalasang may pajama; sa mahihirap, kung ano ang panglaro siya na ring pangtulog.

[63] kumakasundo – taong nakikipag-usap para mag-imbit sa isang gawain o tipanan.

[64] mahjong – laro o sugal na nagmula sa Tsina. Gumagamit ito ng 144 tiles na may iba’t ibang disenyo at nilalaro ng apat na tao. Mananalo ang manlalarong unang makabuo ng isang partikular na padron gamit ang 13 tiles (Encarta Dictionary)

[65] kubyerta – isang palapag sa barko na ginagamit sa mga pagtitipon, piging, o sayawan.
[66] dilidili – pag-iisip, pagmumuni, pagninilay, repleksyon.

[67] Rodolph Valentino – artista sa silent movies. Ipinanganak sa Italya 06 May 1895. Dumating sa Amerika noong 23 Disyembre 1913. Sumikat noong gumanap siya sa pelikulang "The Sheik." Siya ay may taas na 5’7 at may timbang 154 libra . itim ang buhok at may mga matang kulay brown (Silent movies.org . http://silentgents.com/PRudy.html).

[68] Ramon Navarro – dating mananayaw. Ipinanganak sa Durango, Mexico noong 06 Pebrero 1899; lahing Kastila. Ramon Gil Samanyiegos ang tunay niyang pangalan. Sumikat sa mga pelikulang "Prisoner of Zenda," "Trifling Women," "Where the Pavement Ends" and "Scaramouche.” 5’10 ang kanyang taas, 160 libra ang timbang, dark brown ang mga mata (Silent movies.org http://silentgents.com/PNovarro.html.)

[69] masira – mabaliw, mahaling, maloko.

[70] mahalingtingnan ang sinundang tala[71] pintuhuin – suyuin, pag-ukulan ng pagtatangi o pag-ibig.

[72] bordo – gilid ng barko; lugar kung saan tumatanaw sa paligid o nagpapahangin ang mga pasahero.

[73] diyus-diyusan – alusyon sa mga Israelitang muling sumamba sa mga inukit na imahe ng diyos, gaya ng mga gintong baka, pagkatapos ng matagumpay nilang pagtawid sa “Dagat na Pula” sa Ehipto. Sa kuwento, tumutukoy ito sa pera o ginto.

[74] pintakasi – patrong santo, halimbawa, Si Birheng Maria ang pintakasi ng Antipolo.[75] ayos-bakang pintakasi ng mga taga-Ehipto – alusyon sa mga imahe ng inukit na baka na “sinasamba” sa sinaunang Ehipto. Itinuturing na sagrado at simbolo ng kayamanan ang baka, hindi lamang sa Ehipto, kundi maging sa ibang lupain o relihiyon, gaya ng Hinduismo.

[76] kabalintunaan – tumutukoy sa isang sitwasyong umiiral o nangyayari gayong di nararapat.

[77] palatuntunan – programa, talaan ng mga gagawin, gabay. Tumutukoy sa listahan ng mga gagawin at mga lugar na pupuntahan ni Merton sa Hawaii.

[78] polyeto -- promosyonal na patalastas ukol sa isang lugar o produkto. Ipinapakita rito na talagang walang malalim at direktang karanasan o kaalaman si Merton tungkol sa kanyang pupuntahan.

[79] turista – mga taong nagliliwaliw sa isang lugar na kadalasan ay baybay-dagat at iba pang likas na tanawin.

[80] lagusan ng hangin – siwang o puwang na nagsisilbing bintana ng barko.

[81] kalatas – mahalagang mensahe.

[82] taginting – kaaya-ayang tunog ng metal pero ginagamit sa positibong paglalarawan ng boses o ano pa mang tunog.

[83] pagdaong – pagdating o pagsadsad ng sasakyang pantubig sa pantalan o pampang.
[84] nasukat – nalaman, nabilang.

[85] traveling trunk – isang malaking baul na gamit-pambiyahe.

[86] tarhetacalling card, kadalasang ipinamimigay ng may-ari sa mga kakilala, kaibigan, at mga prospektibang kliyente. Nakatala sa card na ito ang pangalan, pangalan at adres ng kompanya, kalikasan ng negosyo, at bilang ng telepono ng may-ari.

[87] editor ito ng pinakamalaganap na pahayagan – ipinapakita ng ganitong koneksyon ng ama ni Dan Merton na talagang “bigatin” ang kanilang pamilya.

[88] malaking tao – may sinasabi o maimpluwensya sa lipunan.

[89] andamyo iskapold o tuntun\gan paakyat o pababa ng bapor o anumang sasakyan.

[90] may kagulangan na – matanda na. Isang eupemismong ginagamit bilang tanda ng paggalang sa matatanda.

[91] sumunggab – mabilis na paglapit o pagkuha o pagsakmal. Marahil ang gustong ikintal na larawan ni DAR dito ay ang mabilis na paglapit ng matanda kay Merton.

[92] kable – pahatid-kawad, telegramang ipinapadala sa pamamagitan ng kable.

[93] aloha – palatandaan ng pagtanggap ng matanda kay Merton. Tingnan sa Tala 2 ang iba’t ibang kahulugan ng Aloha.

[94] suite de luxe – primera klaseng silid.

[95] War Memorial Natatorium -- isang 100 X 40 metrong tubig-dagat na swimming pool na itinayo bilang parangal sa mga namatay at lumahok sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig mula sa Hawaii (Waikiki War Memorial Natatarium. http://natatorium.org/history/)

[96] Pali – bulkan sa Hawaii.

[97] templo ng mga Mormon -- Laie Hawaii Temple. Itinuturing na kauna-unahang templo sa Polynesia. Ang mga Mormon ay kilala rin bilang The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Ang Mormon ay nagsimula sa Hawaii noong 1850 (Light Planet.
http://www.lightplanet.com/mormons/daily/history/hawaii.html).

[98] Kailuwa -- Kailua, Oahu. Isang bayang may napakagandang baybay-dagat (Aloha-Hawaii.Com. http://oahu.aloha-hawaii.com/hawaii/kailua,+oahu/).

[99] Hilo -- masiglang sentro ng kalakal noong panahon ng magtandang (ancient) ancient Hawaii,. Dito nakikipag-ugnayan ang mga katutubo sa kanilang kapit-tribo sa Ilog Wailuku. Isa sa mga dinadayo dito ay ang Lawa ng Hilo (Aloha-Hawaii.Com .http://hawaii.aloha-hawaii.com/hawaii/hilo/)/

[100] Molokai – isla sa Hawaii na pinagmulan ng sayaw na Hula.

[101] buhanging tumatahol mga buhangin sa isla ng Kaua’i sa Dagat Pasipiko. Sinasabing ang buhangin dito ay tumutunog kapag inaapakan o nahihipan ng malakas na hangin.

[102] Punahu – Punahou School, dating Oahu College mula 1859 hanggang 1934. Dito nagtapos si Barrack Obama noong 1979 (Philip Rucker . “With Obama's Rise, Hawaii School Adds to Its Distinctions”, The Washington Post. January 3, 2009. http://www.washingtonpost.com/wp-dyn/content/article/2009/01/02/AR2009010202325_pf.htm.)

[103] magbigay ng pangaral – magtalumpati na ang pangunahing layunin ay magbigay ng mahahalagang aral na magsisilbing gabay sa buhay ng mga tagapakinig.

[104] wahini – salitang Kanaka na tumutukoy sa babae o reyna (Urban Dictionary.
http://www.urbandictionary.com/define.php?term=wahini)

/[105] Kanaka – Wika ng mga katutubong Hawaiian o Polynesian. Nangangahulkugan ding tao o lalaki.

[106] Commencement – araw ng pagtatapos; seremonya ng gradwasyon.

[107] Noemi – Kasiya-siya o kalugod-lugod sa Espanyol, sa Hebrew naman ay “ang aking lugod o kaligayahan”.

[108] walang iniwan – katulad. kagaya, parang, tila, kapareho, kamukha.

[109] palaso – bala ng pana o busog; tunod. Talinghagang ginagamit kapag “tinamaan” ang isang tao ng pag-ibig; ginagamit ni kupido para “patibukin” ang puso ng isang tao.

[110] palasong sabay na tumuhog sa kanyang puso – nagpaibig, bumihag sa puso.

[111] patnubay – gabay.

[112] kapisanan galing sa salitang ugat na “pisan” na katumbas ng “sama” at “sapi”. Kapag sinabing “kapisan”, nangangahulugan ito ng kasama.; samahan.; kasapian. Sa isang “kapisanan”, magkakapisan ang mga myembro. Kasama sa kahulugan ang pagdadamayan.

[113] senior – mga nasa ikaapat na baitang na, mga graduating. Isa mga kategorya ng mga esudyante sa hayskul o koloehyo: freshman, sophomore, junior, senior.

[114] lambing – lamyos, giliw. Hal: Malambing ang kanyang boses = Malamyos o magiliw ang kanyang boses.

[115] paris ng katotohanang ang umaga’y sumusunod sa gabi – paghahambing na ang punto ay bigyang diin ang katiyakan ng sinasabi o ipinapaliwanag.

[116] mamamayang Amerikano lamang -- national lamang ng Amerika. Binibigyang-diin ang pagiging “sakop” ng mga Kanaka. Ang mga national ay wala ng mga karapatan at pribelihiyong tinatamasa ng mga citizen.

[117] hindi natin sila kalahi – manipestasyon ito ng diskriminasyon. “Tagalabas” ang tingin ng mga Amerikano sa mga lahing may kulay ang balat. Salungat ito sa mga ideyal ng mga “founding fathers” ng Amerika, gaya ng pagkakapantay-pantay.

[118] napakakitid ng noo – napakababaw ng pang-unawa; bobo.

[119] Maano – e ano naman. Expresyon ng pagsalungat sa pinapatungkulan nitong ideya o opinyon. Ikinakabit sa unahan ng salitang kung o kung hindi para sabihing hindi problema ang itinuturing na problema o para kwestyunin ang isang asersyon. Hal, Maano kung matanda na. (Pagkuwestyon sa pagtawad sa kakayahan ng isang matanda).

[120] bayan ng pagkakapantay-pantay ang Amerika – ito ang islogang ipinangangalandakan ng Amerika sa buong daigdig, partikular sa mga sakop nitong bansa. Sa Pilipinas, ang ganitong mga ideyal ay bahagi ng kurikulum ng formal education. Ganito, halimbawa, ang bitbit na paniniwala ni Carlos Bulosan, na halos kasabayan ni DAR na pumunta sa Amerika noong 1930, panahon ng Depresyon.

[121] sulyapan – tapunan ng tingin.

[122] nanghahaba ang kanilang mga labi – umiingos, expresyon ng pagmamaliit . Sa kuwento, inilalarawan nito ang inggit at galit ng mga dalaga kay Noemi.

[123] alituntuning magdaraya ng lipunan – mga gawi na nakasisira ng kapuwa; tiwaling panununtunan sa buhay. Binibigyang-diin dito ni Merton ang pag-ibig niya kay Noemi.

[124] kayumanggi – brown, kulay-lupa. Sa kontext ng pangungusap ni Merton, ito’y pagbibigay-diin sa pagkakaiba ng lahing puti at lahing kayumanggi.

[125] natira – nanatili.

[126] pagmumuni-muni – pagninilay, repleksyon, rekoleksyon, pagdidili-dili.

[127] humigit-kumulang – halos, sa pinakabatayan. Expresyon ng pagtantyang malapit sa katotohanan o bagay na tinatantya.

[128] sa buhay at kamatayan – kahit anong mangyari, sa lahat ng pagkakataon.

[129] makakahati – makakasama sa hirap at ginhawa.

[130] Wellington – kapitolyo ng New Zealand, kilala sa kanyang natural harbor.

[131] nasisinag – nababanaag. Ipinapakita nito na halos alam na ni Merton ang sasabihin ng ama.

[132] embassy – embahada, residensya ng ambassador.

[133] Baltimore – lungsod ng Maryland, USA. Isa sa pinakaabalang daungan sa buong Amerika.
Itinatag ito noong 1729 at isinunod sa pangalan ng mga maharlikang Baltimore, mga British founder ng Maryland Colony (Micosoft Encarta Premium Suite 2005)

[134] pagsapit – pagdating.

[135] laban sa kanyang pag-asa – kaiba o salungat sa kanyang inaasahan.

[136] perokaril – mula sa Espanyol na ferrocarril na ibig sabihin ay riles ng tren o daambakal.

[137] Rolls Royce – isang primera klaseng kotxe. Produkto ng Rolls Royce, isa kompanyang ang pangalan ay hango sa pinagsamang apelyido nina Charles Rolls at Henry Royce na mga pundador ng naturang kompanya. Binuo ang kompanya noong 04 Mayo 1904 (Rolls Royce Motorcar.com. http://www.rolls-roycemotorcars.com/#/the_company/history/the_beginning/).

[138] awto – pinaikling automobile; kotse.

[139] galak – tuwa, kasiyahan.

[140] biyenan – magulang ng asawa.

[141] tsuper – hango sa Pranses na chauffeur na katumbas ng drayber; tagapagmaneho.

[142] nagpapalakad – nagmamaneho.

[143] bungalow – bahay na iisa ang palapag.

[144] Sta. Monica – lungsod sa baybayin ng Los Angeles County, California.

[145] Bebe Daniels – Bebe Daniels. Screen name ni Phyllis “Bebe” Virginia Daniels, artista ng silent movie. Ipinanganak sa Dallas, Texas noong 14 Enero 1901. Kauna-unahang gumanap bilang Dorothy sa pelikulang The Wonderful Wizard of Oz”( Golden Silents.Com/ http://www.goldensilents.com/stars/bebedaniels.html. 17 October 2009).

[146] party – pagtitipon, piging.

[147] pasintabi – mawalang galang na. Expresyon ng paghingi ng paumanhin.

[148] pakli – sagot, tugon.

[149] wild party – tinutukoy dito ang mga pagtitipon o piging na mas nakatuon sa pagbibigay sa hilig ng katawan. Kinatatampukan ng inuman, pagdodroga, at walang pakundangang sex.

[150] Fatty Arbucle – pangalan sa pelikula ni Roscoe Conkling Arbuckle, artista sa silent movie. Pinagbintangang pumatay kay Virginia Rappe, isang ring artista sa silent movie, noong 1921. Napawalang-sala siya pero na-blacklist sa Hollywood sa loob ng 11 taon (Arbucklemania, Silent Movies.org. http://silent-movies.org/Arbucklemania/ScandalShort.html 17 Oct.2009).  

[151] Miss Pringle – Eunice Pringle, usherette sa isa sa mga Pantages theaters. Naghabla ng kasong rape laban kay Alexander Pantages (may-ari ng Pantages theater chains sa iba’t ibang lugar sa Amerika) noong 1929. Hinatulan Si Pantages ng 50 taong pagkakabilanggo.
Ayon sa mga “tisimis” sa Hollywood, binayaran daw si Pringle ni Joseph P Kennedy ng $10,000 para pumasok sa isa sa mga teatro ni Pantages at akusahan ito ng rape. (Sinubukang bilhin ni Kennedy ang mga teatro ni Pantages pero tumanggi ang huli). Namatay sa cyanide poisoning si Pringle noong diumano ay ipagtatapat na niya ang nabanggit na “pakana” (Eunice Pringle: Encyclopedia. All Experts. http://en.allexperts.com/e/e/eu/eunice_pringle.htm).

[152] Pantages – teatro sa Hollywood. Pinagpapalabasan ng bodabil at silent movies.

[153] manugang – terminong tumutukoy sa asawa ng anak.

[154] kahuli-hulihang inaalis bago matulog – panty o brief. Masasalamin sa ganitong ligoy na saradong bagay pa rin sa panitkan noong panahon ni DAR ang tahasang pagtalakay ukol sa sex at sa mga bagay na may kaugnayan dito.

[155] nakulabaan – galing sa salitang ugat na kulaba oputing lamad na bumabalot sa tao-tao. Nagiging sanhi ito ng katarata, sakit na nagiging sanhi ng pagkabulag.

[156] sugapa – gumon, adik, lulong. Taong lulong sa bisyo.

[157] nagpupulupot – mahigpit na yumayakap o yumayapos.

[158] hapo – sobrang pagod.

[159] kuwadroframe ng litrato. Binibigyang diin nito ang matamang panonood ni Noemi sa mga nangyayari sa kanilang bahay.

[160] nanghihinawa – nagsasawa.

[161] nasusuklam – galing sa salitang ugat na suklam na katumbas ng poot o matinding galit; napopoot.

[162] dolyar – pera ng Amerika. Ang alok na sampung libong dolyar ng ama ni Dan Merton kay Noemi ay isang manipestasyon ng isang konsumeristikong lipunan kung saan pati pag-ibig ay tinatangkang bayaran.

[163] mawatasan – maintindihan, malaman.

[164] gayak-Amerikana –nakadamit o nakaposturang tulad ng isang Amerikana.

[165] sayandamo – sayang damo, isa sa mga kostyum ng mga mananayaw ng Hula.

[166] madla – mga tao.

[167] orkestra – grupo ng mga musikero na humahawak ng iba’t ibang instrumento, gaya ng gitara, biyolin, tambol, atbp.

[168] Hulahula – Hula, katutubong na sayaw ng Hawaii. Ayon sa internet site na Alternative Hawaii, ang Hula ay “kaluluwa ng Hawaii na ipinahahayag sa pamamagitan ng galaw.” Naniniwala ang mga Hawaiian na ang kauna-unahang Hula ay sinasayaw ng mga diwata, kaya itinuturing itong sagrado.

[169] sinunog sa araw – sinadyang ibilad sa araw para umitim. Sa kontexto ng pinanggalingan nitong pangungusap, panarurunggitan ang mga Amerikano na nagpapaitim ng balat sa pagbibilad; samantalang ang kulay ng balat ni Noemi at likas, kaya mas mainam.

[170] kumikiwal – umeekis, galaw na tulad ng bulate o ahas.[171] damdaming makahayop – tumutukoy sa libog ng mga lalaking nanonood kay Noemi habang siya ay sumasayaw.

[172] lingkisin – mahigpit na puluputan, tulad ng ginagawa ng sawa sa pagkain nitong hayop bago lunukin.

[173] napahalakhak – napatawa nang malakas

[174] saliwan – sabayan ng awit o tugtog.

[175] Aloha pamagat ng awit. Maraming kanta sa Hawaii na may pamagat na “Aloha”. Tingnan sa INDEX ang “Aloha O’e” o “Farewell to Thee” na nilikha ng huling reyna ng Hawaii na si Lili ‘uokalani.

[176] awit ng luwalhati -- maringal na awiting nagpapahayag ng malalim na kapanatagan at pagdiriwang.

[177] bulwagan – entrada ng isang gusali, sala kumbaga sa bahay.

[178] tseke – sabstityut sa pera. Isang printed form na ginagamit para bigyan ng instruksyon ang bangko na ibigay ang halagang nakasulat sa naturang form sa taong nakapangalan dito.

[179] romansa -- tumutukoy sa kuwento o kasaysayan ng pagmamahalan nina Merton at Noemi.
[180] mamamahayag – journalist, peryodista.

[181] paraiso – isang ideal na lugar na walang suliranin at tinatamasa ang mga biyaya ng kalikasan sa buong kasaganaan nito; langit.

[182] aristokratiko – dugong bughaw; may negatibong higing ang gamit sa pangungusap dito, may tonong disgusto sa mga taong ito na mapagmataas.

[183] staff – mga tauhan sa isang opisina.

[184] mahuhulog din sa kanyang sariling bigat – isang idioma na nagsasabing ang yabang ng isang tao ang magiging dahilan ng kanyang pagbagsak.