“We know perfectly well that we are
not free
to say just anything.” - Michel Foucault
to say just anything.” - Michel Foucault
I Sariling Danas
Kuwento at utos
ang unang engkuwentro ko sa texto. Kuwento
at utos na may tiyak na kahulugan at pinanggagalingan, hiwalay ngunit mahigpit
ang ugnayan sa realidad. Kapag inutusan
ako, halimbawa, ng aking lolo na magdilig na halaman, buo at tiyak ang
kahulugan ng kanyang utos: “magdilig ka ng halaman”. Ibig sabihin, kailangan kong kumuha ng timba
o regador para buhusan ng tubig ang paligid ng halaman sa likod-bahay. Ang mga
salitang “halaman”, “timba”, “regador”, “likod-bahay” ay tumutukoy sa aktuwal
na “halaman”, “timba”, “regador”, at “likod-bahay”. At may taginting ng
awtoridad ang utos na iyon; mga salitang dapat sundin, at di dapat pasubalian.
Noong
bata pa ako, hindi bungang-isip lamang ang mga kuwento ng aking lolo; mayroong
tiyak na korespondensya sa totoong buhay ang mga ito. May tiyak na representasyon ang mga maligno
at lamang-lupa. Ang duwende ay maliit na
taong sayad sa lupa ang balbas; samantala ang kapre ay higanteng may
sigarilyong kasinglaki ng poste. Buhay
na buhay sa aking imahinasyon ang mga karakter ng kuwento ni lolo. Kasing-init
ng kanyang boses ang presensya nila sa aking diwa. Kasing-totoo sila ng
kinatatakutan kong punso sa gilid ng aming bakod. Nananatili kahit matagal nang tapos ang
kuwentuhan.
Sa
pagpasok ko sa eskuwela, nagkaroon ng bagong dimensyon ang mga salitang
sinasambit at naririnig ko lamang.
Natuto akong sumulat at bumasa.
At gaya ng mga salitang sinasambit, ang mga salitang nasa papel ay may
tiyak na pinapatungkulan. Ang
kumbinasyon ng mga titik na m-a-i-s, halimbawa,
ay tumutukoy sa aktuwal na mais. Singtiyak ng tumbasang ito ang
pinanggagalingan ng mga salita – ang awtor na siyang may-ari ng kahulugang inilalapat ng
aklat sa aking kamalayan. Kung hindi ang
awtor, ang guro na siyang nagpapabasa ang nagpapataw ng kahulugan.
Ang
mga talata sa Bibliya na matututuhan kong basahin ay may tiyak ding
painapatungkulan: ang langit ay
lugar na pupuntahan ng mga kaluluwa ng mababait na tao; ang impyerno ay walang
hanggang apoy na nakalaan para sa masasamang tao; ang Diyos ay matandang
lalaking balbasarado; ang puno ng Igos ay isang punong hindi namumunga. At tulad ng salita ng aking lolo, ang mga
talatang ito ay dapat paniwalaan at sundin sapagkat utos ng dakilang Diyos na
tagapagligtas. Tulad ng salita ni lolo, mataginting ang boses ng Diyos na
naririnig ko kapag nagbabasa ako ng Bibliya.
Dalawang
taon matapos ideklara ni Marcos ang Batas Militar (nasa ikaapat na baitang ako
noon sa elementarya), naligalig ang payapang tumbasan ng salita at kahulugan sa
kinagisnan kong mundo. Matututuhan ko
ang isang klase ng salitang noon ko lamang maririnig. Isang kantang dala ng mga estudyanteng
aktibista na ipinadpad ng pag-oorganisa sa aming lugar:
Tamad
na burgis na ayaw gumawa
Sa
pawis ng iba't nagpapasasa
Hindi
marunong mangahiya,
Walanghiya!
Banderang
pula iwagayway
Banderang
pula iwagayway
Ang
anakpawis ay mabuhay.
Hindi
katulad ng mga salita ng aking lolo at ng mga talata sa Bibliya, walang malinaw
na kahulugan sa akin ang kantang ito.
Isa pa, wala itong alingawngaw ng “utos ng hari na di mababali.” Basta
ang dinig ko noon sa 'tamad ana burgis' ay tumataburgis
na sa salitang Pantabangan ay nangangahulugang tumatae.
Sa
aking pagbabalik-tanaw, ito ang unang karanasan ko ng katotohanang puwedeng
magkaroon ng iba pang kahulugan ang texto
na kaiba sa intensyon ng lumikha nito.
Na ako, na dating tagatanggap lamang ng salita, ay maaaring maglapat ng
sarili kong pagkaunawa sa salitang aking nakaka-engkuwentro. Mas higit, pa, kakabit ng pag-unawang ito ang
mga kilos at pakiramdam ng paglaya. Habang kinakanta ko at ng aking mga pinsan
ang “tumataburgis”, nagmamartsa
kaming naniningkit ang mga mata sa tuwa, lalo na bahaging “Banderang pula
iwagayway....” na sinasabayan namin ng pagwawagayway ng hinubad naming mga
damit.
Mula
sa mga salitang inuunawa at tinatanggap sa kontexto
ng utos at pagsunod, naranasan ko ang pag-intindi sa salita sa kontexto ng paglalaro at pagsuway. Mahigpit ang utos ng aking lolo, na
bise-alkalde noon at maka-Marcos: “huwag na huwag ko nang maririnig na
kakantahin nyo ulit ang kantang iyan”.
Ang pagsuway sa utos na ito ay katumbas ng latay sa puwet o ng talim ng
pananakot: “isa pa at tatamaan na kayo.” Pero malakas ang batak sa amin ng
kantang iyon, kaya magpapatuloy ang pagsuway. Hindi na lamang ako kumakanta ng tumataburgis kundi makikipagtalaban pa
sa iba’t ibang texto -- mga polyetos
at iba pang babasahin na naglalatag ng kontexto
ng paghihigpit ng aking lolo. At lalawak ang pag-intindi ko sa
pagparoot-parito ng mga aktibista sa aming lugar; ang pagtutol ng mga kababayan
sa aming paglikas; ang paglipana ng mga sundalo; at higit sa lahat, ang
pagpapalubog ng aming bayan para gawing dam.
Mula
rito, uusbong ang realisasyon na hindi simpleng obhektibong tumbasan ang
relasyon ng salita at realidad. Na ang
salita ay hindi lamang nyutral na simbolong tagapagpangalan ng mga bagay at
karanasan, isa rin itong kasangkapan ng politikal na kapangyarihan at kontrol.
Na ang salita ay larangan ng ideolohikal at makauring tunggalian.
Matututuhan
ko na ang pagbabawal ng aking lolo sa kantang tumtaburgis ay bahagi ng
mapaniil at mapanlinlang na texto at
kontexto ng batas militar. Magkakaroon ng bagong mukha ang mga tauhan sa
mga kuwento ng aking lolo, mga mukhang bibigyang hugis ng sarili kong
imahinasyon batay sa aking pagtanggap at hindi na sa dikta ng makapangyarihang
tinig ng aking lolo. Hindi na iisa ang
ibig sabihin ng duwende, ng kapre; hindi na iisa ang pinanggagalingan ng
kanilang kahulugan; at hindi na lamang ako simpleng tagapakinig. Isa na rin akong manlilikha ng texto at kahulugan.
II Pakikipagtalaban sa
Teorya
Sa
larangan ng panitikan, texto ang
katawagang ginagamit upang tukuyin ang iba’t ibang mga akda, lalo na ang mga
nakasulat. Sa texto umiinog, naglalagos, nagbabanggaan ang iba’t ibang teoryang
pampanitikan, na hinati ni Wendell Harris sa dalawang kampo: hermetic at
hermeneutic (Harris, Litearary Maeaning). Hermetic ang tawag ni Harris sa mga
teoryang nagtuturing sa texto bilang
endtidad na walang ugnay sa mundo o realidad. Para sa hermetic, wala sa labas
ng salita ang kahulugan ng isang akda, kundi nasa loob mismo nito – nasa wika,
nasa kasangkapang pampanitikan.
Itinuturing naman ng hermeneutic na may kaugnayan sa lipunan ang texto.
Isa itong imbitasyon tungo sa malalim na pag-unawa sa realidad.
Ngunit
hindi ganito kasimple ang hatian ng mga teoryang ito. Bagamat nagkakaisang walang kinalaman sa realidad
ang texto, ang mga teoryang
nakapailalim sa hermetics ay nagsasalungatan din sa kanilang mga lapit ukol sa
pag-unawa sa kahulugan at kabuluhan ng texto. Idinidiin ng Russian formalism, halimbawa, na
ang pagsusuring pampanitikan ay dapat maging syentipiko tulad ng lapit sa likas
na agham. Sa ganitong pagtingin, tanging
ang mga pampanitikang kasangkapan ang dapat tingnan sapagkat ang mga ito lamang
ang maaaring pag-usapan at pagkasunduan sa pamamaraang syentipiko. Ang kinasanayang paraan ng pagbasa sa akda ay
walang kinalaman sa akda, kaya: ipaubaya na sa kasaysayan ang pagbusisi sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng
lipunan; sa sosyolohiya ang tungkol sa kalagyaan at relasyon ng mga tao at
komunidad; sa sikolohiya ang mga bagay na tungkol sa kamalayan, gawi, at
pag-iisip ng indibidwal; sa relihiyon ang tungkol sa mga aral.
Salungat naman
sa ganitong pagtingin ang kabilang dulo ng formalism, ang New American
Critics. Idinidiin nito na hindi
maaaring isalang sa laboratoryo ang emosyon, ang espiritu ng tao na siyang
itinatampok ng panitikan. Naniniwala
itong ang mga akda ay kalipunan ng mga kasangkapan, ngunit ang mga ito ay hindi
upang bigyan lamang ng sariwang karanasan o perspektiba ng isang bagay ang
mambabasa. Mas higit, kasangkapan ito
upang mas maunawaan ang ideyal na esensya ng tao at ng kanyang ugnay sa
dakilang Espiritu.
Para naman sa
istrukturalismo, walang halaga ang texto;
bahagi lamang ito ng pang-araw-araw na pahayag (utterance) na nagkakaroon
lamang ng kabuluhan dahil sa pag-iral ng
isang unibersal na mga istruktura ng wika. Walang bagong texto, and lahat ay pag-uulit-ulit lamang ng mga dati nang
nakasulat. Wala nang ginagawa ang manunulat kundi muling isalansan, kumpunihin, pagsamahin ang
mga dati nang umiiral na akda. Patay na
ang awtor at sa kamatayang ito isinilang ang mambabasa, ayon nga kay Roland
Barthes.
Sa
teoryang ito, hindi mahalaga ang anyo, hindi mahalaga ang mga kasangkapang
pampanitikan; may halaga lamang ang akda dahil nagsisilbi itong bintana kung
saan masisilip ang unibersal na operasyon ng mga istruktura ng wika, gaya ng gramatika,
ponolohiya, semantika. Sa equation ni
Ferdinand de Saussure, langue/parole. Ang
parole bilang tawag sa pang-araw-araw na pahayag kasama na ang mga akdang
pampanitikan at langue, na tumutukoy
sa mga istruktura ng wika na siyang gumagabay sa pagbuo ng mga pangungusap na
nauunawaan.
Ang
texto, ayon kay Saussure, ay isang
senyal na binubuo ng dalawang aspekto – ang signified at signifier. Bahagi ang mga ito ng iisang kabuuan at
mahigpit ang ugnayan sa isa’t isa ngunit kailanman ay hindi ganap na
magtatagpo. Hindi kailanman mahuhuli ng
salitang tumutukoy (signifier) ang salitang tinutukoy (signified). Halimbawa, ang salitang bukid bilang senyal
ay hindi nakatali sa konsepto ng lupang tinatamnan ng palay dahil wala naman sa
pinagkabit-kabit na mga letrang b, u, k,
i, at d at sa tunog na nililikha
ng pagkakabit na ito ang pagkabukid ng bukid o ang konsepto ng lupang
tinatamnan. Kung hindi ganito, hindi
sana magiging bundok ang pagkaunawa
ng isang Cebuano sa salitang bukid. Kung
gayon, pinasusubalian nito ang paniniwalang ang salita ay simbolong may tiyak
na katumbas sa realidad. Ayon kay Roland Barthes:
We now know that the text is not a line of words releasing a
single theological meaning (the ‘message’ of an author-God) but a
multi-dimensional space in which a variety of writing, none of them original,
blend and clash. The text is a tissue of
quotation drawn from innumerable centers of culture.” (Culler, pp. 32-33)
Ayon sa
istrukturalsimo, arbitraryo ang kahulugan; nabubuo ito hindi dahil nakapaloob na ito sa
mga titik at tunog na bumubuo nito kundi dahil
ito ay kaiba sa iba pang kahulugan o salita. Sa ganitong lohika, ang bukid ay naging bukid
dahil hindi ito bukod, hindi ito bukad, hindi bakod, atbp.
Di maglalaon,
ang ganitong pagtingin sa texto ay tatalikuran din ng mismong mga pasimuno
nito. Isa sa mga problemang kakaharapin
nila ay mismong ang konsepto ng binary opposition na puso at kaluluwa ng
istrukturalismo. Halimbawa, itinuturing
nilang mas mahalaga ang langue kaysa parole ngunit sa mas masinsing
pagsusuri, lumalabas na mas importante ang parole dahil kung wala ito, paano
malalaman ang operasyon ng langue?
Itutulak sila ng ganitong kawalan
ng istableng posisyon ng senyal tungo sa masalimuot ng mundo ng post-structuralism,
kung saan ang lahat ay nagsasalimbayan
bilang mga texto. Sa mundong ito, na ang lahat ng bagay at texto, walang sentro. Ang awtor, ang mambabasa, ang kanilang
lipunan ay kapuwa mga texto na
nakikipagtalaban sa isa’t isa. Wala nang
pagkakaiba ang texto sa kontexto
At dahil walang hanggan ang
pagkakaiba-iba ng mga salita, walang hanggan din ang paghahanap ng kahulugan. Amen.
Samanatala,
gamit ang diagram ni Roman Jacobson na
CONTEXT(referential)
WRITER
(emotive) WRITING (poetic) READER (connotative)
CODE (metalinguistic)
inihanay ni Raman Selden ang mga
teoryang pampanitikan nang ganito:
MARXIST
ROMANTIC FORMALISTIC READER-ORIENTED
STRUCTURALIST
Nakatuon
ang formalist theories sa mismong akto ng
pagsusulat nang tiwalag sa realidad. Ang
structuralist theories naman ay nakapokus sa wika, sa mga istruktura nito. Kabilang ang dalawa sa tradisyong hermetic.
Samantala,
buhay at kamalayan naman ng awtor ang konsentrasyon ng romantic theories.
Binusisi ng mga ito ang emosyon, paniniwala, paninindigan ng awtor. Kinikilingan naman ng Marxist theories ang
sosyal at historikal na kontexto ng texto. Inuusisa nito ang kalagayang
nagluwal ng akda. Karanasan, pananaw, at
emosyon naman ng mambabasa ang binibigyang-diin ng reader-oriented
theories. Nakapaloob ang tatlong ito sa
tradisyon ng hermeneutic.
Naniniwala
ang tatlong ito na ang texto ay may
kakayahang magbigay-liwanag sa mga entidad labas sa salita: sa awtor, sa lipunan, sa mambabasa.
Masasalamin
sa texto ang intensyon ng manunulat,
nakatala rito ang kanyang paniniwala at paninindigan. Maririnig sa kanyang akda ang kanyang tinig,
madarama ang kanyang emosyon. Sa
pamamagitan ng kanyang tula, halimbawa, masisilip, kung hindi man magagalugad,
ang kamalayan ng makata..
Larangan
ng pakikilahok sa pagbuo ng kahulugan ang texto. Isa itong bukas na parang na nagbibigay ng
pagkakataon sa mambabasa na makipagtalaban sa awtor sa pagbuo ng panibagong
kahulugan. Nangyayari ito dahil walang textong tapos na ang kahulugan. “The meaning of the text is never
self-formulated;” sabi nga ni Selden, “the reader must act upon the textual
material in order to produce meaning.” (p. 109)
Wala
sa diagram ni Selden ang feminism at post-colonial theory pero maihahanay rin
ito sa tradisyong hermeneutic. Hindi masusukat ang papel ng texto sa pagbibigay-katuwiran sa
patriyarkismo. Kadalasan nang inilalarawan sa panitikan ang babae bilang
mahinang kasarian na nararapat lamang maging anino o pag-aari ng lalaki. Sa Katolisismo halimbawa, mas
binibigyang-diin ang kuwentong nagmula si
Eba sa tadyang ni Adan kaysa sa pantay na pagakakalikha sa kanila ng
Diyos. Sa kabilang banda, texto rin
ang pangunahing magiging kasangkapan ng kababaihan upang palayain ang kanilang
sarili mula sa hulmang pinaglagakan sa kanila ng patriarkal na lipunan.
Kaugnay
naman ng pananakop, sinasabi ni Said na totoong sa lupa umiinog ang sentrong
tunggalian sa pagitan ng mananakop at ng sinasakop. Ngunit ang usapin ng kung sino ang nararapat
magmay-ari ng lupa, kung sino ang nararapat tumira at magtrabaho sa lupa, atbp
ay pinagpapasiyahan sa naratibo, sa texto.
Dagdag ni Said: “The power to narrate or to block other narratives from
forming and emerging, is very important to culture and imperialism, and
constitutes one of the main connections between them.” (Culture and Imperialism
p.xiii)
Tunay
na ang texto ay isang entidad na hindi maaaring ihiwalay sa lipunan. Hinubog ito ng isang partikular na lipunan at
panahon at katulong rin ito sa paghubog ng lipunan at panahong iyon. Larangan ito ng tunggalian ng mga uri. Bahagi ito ng gahum (hegemony) ng naghaharing uri; bahagi rin ito ng sandata
ng uring pinagsasamantalahan tungo sa kanilang paglaya. Kapuwa aspekto ng iisang
kabuuan ang texto (mga akda) at kontexto (lipunan). Ayon kay Edward W. Said sa The World, the Text, and the Critic, “It
is not only that any text … is a networking of often colliding forces but also
that a text in its actually being a text, is a being in the world, it therefore
addresses anyone who reads…” (p. 33)
Binibigyang-diin
dito ni Said ang diyalektikong ugnayan ng panitikan at lipunan, ng texto at kontexto sa pagbuo ng kahulugan.
Ipinakikita niya rito na buhay ang texto,
umiiral sa daigdig at samakatuwid ay nakikipag-usap dala ang mga espesipikong
realidad ng lipunang inusbungan nito.
Pinasusubalian nito ang mga paniniwalang itinuring na katotohanan sa
mahabang panahon: na ang texto ay walang
kaugnayan sa realidad; na ang texto ay isang nyutral na larangan; na ang
mambabasa ay pasibong tagatanggap ng katotohanan ng texto.
----
Mga Sanggunian
Culler, Jonathan D. 1986.
On Deconstruction: Theory and Criticism
after Structuralism. Cornell Universtiy Press: New York, USA.
Harris, Wendell V. 1996. Literary
Meaning: Reclaiming the Study of Literature. MacMillan Press Ltd.: London,
UK.
Rivkin, Julie and Michael
Ryan. 1998. Literary Theory: An Anthology
(2nd ed). Blackwell Publisihing:
Oxford, UK.
Said, Edward W. 1983. The
World, the Text, the Critic. Edward
Said: USA
_____________ . 1994.
Culture and Imperialism. Vintage: London, UK.
Selden, Raman. 1985. A Reader’s Guide to Contemporary Literary
Theory. University Press of
Kentucky: USA.