Bisyon ng Bagong Daigdig: Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Emmanuel Villajuan Dumlao
Unibersidad ng Pilipinas Los BaƱos


A B S T R A K

Tinatalakay ng sanaysay kung paanong ang Ang Ginto sa Makiling – na may palasak na tema at naratibo ng romantikong pag-ibig – ay nagtataglay ng isang subersibong kamalayan. Iniluwal ng isang tiyak na pook at panahon,  ang nobela ay isang tinig  na  nakikipagtalaban sa iba pang mga salik at puwersang pangkasaysayan; tinig na naghahapag ng daigdig na salungat sa sistemang  panlipunang kinapalooban ni Pineda.

 Sa pamamagitan ng pagbusisi sa sosyo-historikal na konteksto ng nobela at ng awtor, layunin ng sanaysay na maghain ng isang perspektibang lihis sa mga naunang pagsusuri na nagtutuon sa teknikal na aspekto ng akda. 


Key Terms
Macario Pineda
Nobelang Tagalog
Panunuring pampanitikan
Kasaysayan at literatura


             Binubusisi ng sanaysay ang nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda sa tanglaw ng pagtingin nina Balibar at Macherey ukol sa ugnayan ng panitikan at kasaysayan:

                        It is important to ‘locate’ the production of literary effects historically as part of the ensemble of social practices. For this to be seen dialectically rather than mechanically, it is important to understand that the relationship of ‘history’ to ‘literature’ is not the relationship or ‘correspondence’ of two ‘branches’, but concerns the developing forms of an internal contradiction. Literature and history are not each set up externally to each other (not even as the history of literature versus social and political history), but are in an intricate and connected relationship, the historical conditions of existence of anything like literature (kina (Eagleton at Milne 1996: 279).

Sa ganitong lente, Si Pineda, tulad ng kanyang akda, ay hindi lamang produkto ng kanyang panahon; isa rin siyang lakas na nakikipagtalaban at tagisan sa iba pang mga salik at puwersang pangkasaysayan.  Ang dinamismong ito ang magsisilbing angkla ng pagbusisi sa akda.

Umiikot ang nobela sa pag-iibigan nina Edong at Sanang, dalawang tauhang pagkatapos subukin ng tadhana sa loob ng apatnapung  taon ay muling nagkapiling.  Palasak na tema ng pag-ibig ang gulugod ng nobela at  kung gayon, maaaring hakain na wala  itong ipinag-iba sa marami pang kuwentong isinulat ng awtor at lumabas sa iba’t ibang magasin noong huling bahagi ng dekada 40.

Sa ganitong pagtingin, malamang na husgahan ang naturang akda bilang eskapista, isang nobelang nagbubunsod ng pagtakas sa salimuot ng panlipunang realidad. Lalo pa nga’t ni hindi man lamang nito sinaling ang kalagayan ng bansa noong nabanggit na panahon.  Panahon ito na lupaypay pa ang bansa sanhi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig,  panahong sinusupil ng Estados Unidos ang mismong mga mamamayan at grupong kaakbay nito sa paglaban sa mga Hapones, panahong naghahari-harian ang mga panginoong maylupa at ang kanilang goons at konstabularya.

Maaaring sabihing ano nga ba naman ang aasahan kay Pineda na hinubog ng   eskapistang kulturang dala ng mga Amerikano sa bansa.  Ipinanganak si Pineda noong 1912 at edukasyong kolonyal ang kanyang sinuso.  Kabilang siya sa “bagong henerasyon ng mga Filipino na nag-aral ng  buhay ng mga bayaning Amerikano, umawit ng mga awiting Amerikano, at nangarap ng niyebe at Sta. Claus” (Constantino Sr. kina Santillan at Conde 1998: 206).  Sa katunayan, sa wikang Ingles unang nagsulat at nakilala si Pineda.  Kabilang sa mga kuwento niyang inilabas ng  Graphic ang “Five Minutes” at ang “Auntie Writes the Ending”, na ayon  sa editor ng naturang magasin na si A. C. Fabian ay maituturing na mga akdang mataas ang uri. Teknik sa kanluraning pagsulat ang tuon ng naturang papuri na sinusuhayan ng pagtinging “waring higit na nahaling si Pineda sa paggamit ng teknik kaysa pagpapahayag ng isang pangkalahatang bisyon ng magkakaugnay na aspeto ng pansariling karanasan” (Reyes kay Pineda 1990:13).  Tinutukoy ni Reyes sa obserbasyon niyang ito ang unang bahagi ng kasaysayan ng awtor bilang manunulat.

Maging sa mga kuwentong Tagalog ni Pineda ay ganito rin ang tabas ng pagsusuri.  Halimbawa, ayon kay Clodualdo del Mundo:

Si Pineda ay hindi lamang nagpapakilala ng kasanayan sa pagbalangkas ng isang tunay na maikling katha; pinatutunayan pa rin niya ang kaniyang kabihasnan at kataimtiman sa paglikha ng mga tauhang katutubo sa ating mga nayon.  Siya’y isang matapat na tagapaglarawan ng buhay-nayon at mga tauhang doon nag-ugat ang mga buhay (Gonzales, Marin, Rubin 1982: 232).

            Lalong titibay ang pagtinging tiwalag sa salimuot ng realidad panlipunan ang mga akda ni Pineda kapag isinaalang-alang ang kanyang personal at pampamilyang sirkumstansya sa konteksto ng kalakarang pampanitikan ng kanyang panahon.  Pito ang kanyang anak, ibinilanggo dahil pinaghinalaang gerilya, nagkasakit ng tuberkulosis. Dumating ang panahong sa pagsusulat na lamang nanggagaling ang kabuhayan ng kanyang pamilya. Hanggang pati nga pagsulat ng ‘kapalaran’ ay kanya na ring pinatulan.  Bunsod ng ganitong sipag sa pagsusulat, inakusahan siyang “lumihis ng landas at nagtayo ng pagawaan ng kuwento at nobela sa kanilang tahanan” (Agoncillo 1949: 52).

            Batay rito, maaaring mahaka na ang konsiderasyon na lamang ni Pineda ay malathala upang kumita. Samakatwid, nagsusulat siya ayon sa panlasa ng mga editor ng mga magasing naglalathala ng kanyang mga akda, gaya ng Liwayway, Ilang-Ilang, Aliwan, atbp.  Kung ganoon, kauna-unawa nga na magtuon na lamang siya sa mga palasak na paksa at pamamaraan ng pagkukuwentong kinasanayan ng mga mambabasa na ang pagtangkilik ay napakahalaga sa pananatili ng isang publikasyon.

            Samakatuwid, maging ang pagpapasya ni Pineda na talikdan ang Ingles at magsulat sa Tagalog ay maituturing na isa lamang tulak ng pagtugon sa kalam ng tiyan.

Inilathathala ang  Ang Ginto sa Makiling  noong 1947,  panahong nililiglig ng ligalig ng krisis sa politika, gutom, pangangamkam ng lupa, patayan, at iba pang porma ng karahasan ang bansa, partikular ang Gitnang luson.  Taga-Malolos si Pineda at saksi siya sa ligalig na ito. Sinagap ng sensitibo niyang kamalayan ang samutsaring kaisipan at pagpapahalaga mula sa iba’t ibang kampo at paksyon ng lipunan.

Tama ang hinala ng mga Hapon nang hulihin nila si Pineda -- propagandista siya ng kilusang gerilya sa Bulacan (Reyes kay Pineda: 1990).  Maaari nating itanong kung gayon: Bakit napakatiwalag naman ng mga akda ni Pineda sa realidad ng ligalig na ito?  Maging ang mga kuwento niyang “Sinag sa Dakong Silangan” at “May Landas ang mga Bituin” na tuwirang pumapaksa sa digmaan ay salat na salat sa pagsisiwalat ng lalim at lawak ng  kalupitan ng mga mananakop na Hapones.

            Anong klaseng gerilyang manunulat si Pineda at hindi niya pinagtuunan ng kaukulang pansin ang panlipunang realidad ng kanyang panahon?  Bakit hindi hinagip ng kanyang panulat ang dagundong ng mga hayag at lihim na kilusan laban sa mga Hapon, sa mga Amerikano,  at sa bagong tatag na republika? 

            Hindi pa man napapawi ang init  sa mga armas ng  HUKBALAHAP na gumapi sa mga Hapones noong 1945, litaw na litaw na ang tunay na intensyon sa likod ng pangakong “I shall return” ni McArthur.  Pinagdadadakip na ng USAFFE ang mga gerilya.  Sa Nueva Ecija, ikinulong sina Silvestre Liwanag, Luis Taruc,  Castro Alejandrino at iba pang lider ng mga gerilyang lumaban sa Hapon.  At sa taon ding iyon, nangyari ang isang halimbawa ng kataksilan at panunupil ng Estados Unidos sa mga Pilipino. Minasaker ang 109 kasapi ng  Iskuwadron 77 ng HUKBALAHAP.  Sa pamumuno ni Kolonel Adonias Maclang, na binansagang tulisaffe (Agoncillo 1990),  dinakip ang naturang mga gerilya.   Walang paglilitis, pinaghukay sila ni Maclang ng libingan at ipinabaril sa kanyang mga sundalo  (Kerkvliet 1993).

Sinundan ito ng  masaker sa Maliwalu, Bacolor Pampanga at ng tinatawag na MASICO Affair sa Laguna o ang pagmasaker sa mga inosenteng mamamayan.  Sa panahong ito, military police at goons ng mga panginoong maylupa ang naghahari sa kanayunan na itinuturing na “no man’s land” (Agoncillo 1990: 451).   Sa paningin ng isang kasapi ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), ang kalagayan nila noon ay  “kasing-sama, kung hindi man mas masahol pa, sa pananakop ng Hapon” (Kerkvliet 1993: 58).

Noong Agosto 24, si Juan Feleo na isa sa mga lider ng kapisanan ng magbubukid sa Gitnang Luson, ay dinukot at pinugutan ng ulo.  Papunta sila noon sa Maynila upang makipag-usap kina Luis Taruc nang harangin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang sinasakyan. Kasamang pinaslang ang kaniyang asawa at  lima pang kasamahan.  Makaraan ang ilang linggo, natagpuan ang kanilang mga bangkay sa ilog Pampanga.  Inihudyat ng pangyayaring ito ang pagguho ng nalalabi pang pag-asa para sa pagpapairal ng kapayapaan sa buong bansa.  Limang araw pagkatapos dukutin si Feleo, sumulat si Luis Taruc kay Pangulong Roxas upang sabihin ang kapasyahan niyang sumapi sa armadong pakikibaka (Kerkvliet 1993). 

Sa gitna ng nagsasalimbayang mga pangyayaring ito, bakit tila wala man lang ni isa sa mga tauhan sa Ang Ginto sa Makiling ang direktang kumakatawan sa mga makabayang samahan sa Gitnang Luson  gaya ng PKP, HMP, PKM, AMT, atbp.?

susi  sa pagbibigay-kabuluhan

            Sa mas masinsin at malalim na pagsusuri, makikitang ang  Ang Ginto sa Makiling  ay hindi lamang kalipunan ng mga teknik na mahusay na ikinamada ni Pineda.  May higit pang dahilan kaysa sa mga ito kung bakit tinangkilik ito ng kanyang mga mambabasa.   Totoong hindi na natin maaaring makausap pa ang mga orihinal na mambabasa ni Pineda upang alamin ang mga dahilan ng ganitong pagtangkilik. Gayunman,  maaari pa rin nating ipaliwanag ang kabuluhan ng awtor at ng akda dahil nasa akda mismo ang susi ng pagbibigay-kabuluhan (Reyes kay Pineda 1990).

            Upang mahanap at mahusay na magamit ang susing ito, kailangan munang tingnan ang nobela bilang luwal ng isang takdang pook at panahon, “in a field of conflict, where moral claims are made by various social groups” (Mojares 1989: 47).  Kung gayon, ang Ang Ginto sa Makiling ay isang tiyak na tinig, isang depinidong na paninindigan at lakas na pinagitaw ni Pineda sa pamamagitan ng paglikha ng iba’t ibang klaseng daigdig.

            Tatlong daigdig na may kani-kaniyang realidad ang nilikha ni Pineda sa nobela. Una, ipinasisilip niya ang kasalukuyang mundo (1947) ng tagapagsalaysay,  ang mundong nakasandig sa mga katotohanang factual at accurate,  mundong umiingos sa mga sinaunang paniniwala, gaya ng tiyanak, duwende, at iba pang kababalaghan. Ito ang mundong kinukubabawan ng pragmatismo at positibismo na bitbit ng kolonyalistang Estados Unidos.  Napakaikli ng paglalarawan ni Pineda sa mundong ito ngunit kaagad mararamdaman ang tagisan ng dalawang magkasalungat na pagpapahalaga.  Mauulinig  na rito ang subersibong kamalayan at paninindigan ng awtor. 

            Sa pagbukas ng nobela, ipinuwesto ni Pineda ang tagapagsalaysay, na siyang pangunahing daluyan ng kontra-kamalayang nangingibabaw sa kabuuan ng nobela, sa isang dehadong posisyon -- tagasalo ng asignaturang ayaw gampanan ng tauhang nagbabandila ng modernong kaisipan. Higit sa usapin ng husay sa paggamit ng teknik sa pagkukuwento, ang ganitong kamada ay nagpapakita ng malalim na ugnay ng awtor sa kamalayan at tradisyon ng kanyang mambabasa.  Hinuli niya rito ang paghuhugpong ng katutubo at Kristiyanong pagpapahalaga na buhay na buhay sa kamalayan ng mga Pilipino:  ang paniniwala sa mga “kababalaghan” at ang kababaang loob. Sa Pasyon at Rebolusyon, ipinakikita ang kapangyarihan ng kamalayang ito na unang nasaksihan noong 1841 nang maghimagsik ang mga kasapi ng Cofradia de San Jose, sa pamumuno ni Apolinario dela Cruz,  laban sa mga Kastila (Ileto 1979).  Naglakbay ang titis nito  hanggang  Gitnang Luson at muling umapoy bilang Kolorum at Sakdal noong dekada 30.   Sa lawak at sinsin ng paglaganap nito sa Gitnang Luson, hindi malayong makasalamuha ni Pineda ang mga kasapi nito.  Hindi malayong ang pananaw-mundo ng mga samahang ito ay nakipagtalaban at tagisan sa sistema ng pagpapahalagang hinubog sa kanya ng kolonyal na edukasyong Amerikano. 

            Ikalawa, inilalarawan ni Pineda sa mundong nilakhan ni Doro ang pagtatagisan ng iba’t ibang  pagpapahalaga at interes.  Pandayan ito ng kadalisayan  ng loob, isang larangang kailangang pagdaanan ng sinumang naghahangad ng kaginhawahan at kapayapaan.  Sa mundong ito sinubok ang pagkatao at pag-iibigan nina Sanang at Edong.  Ipinakikita rito ng awtor ang tunggalian ng kabutihan at kasamaan: ng kadalisayan ng loob, pakikiramay, at katapatan (sa katauhan nina Doro, Sanang at Edong, Kabisang Indo, Nanong Balabal, atbp.) laban sa makasariling paghahangad, karumihan ng budhi, at kataksilan (sa katauhan nina Sebio, ng binatang taga-Santol, atbp.)

            Sa bahaging ito, binubulatlat ni Pineda ang bulok ng kanyang panahon, sa isang pailalim na ulos.  Ang paglalarawan niya ng karahasang idinulot ng labanan sa pagitan nina Kabisang Indo at ng mga taga-Santol ay tila isang lohikal na debelopment lamang sa kabuuang balangkas ng nobela – may naagrabyado, may gumanti.  Sa unang tingin, natural na daloy lamang ito ng naratibo. Ngunit kapag binasa sa konteksto ng kalagayan ng bansa, partikular ng Gitnang Luson noong huling bahagi ng dekada 40, isa itong matalas na pahayag ng pagkadismaya sa kaayusang panlipunan ng nabanggit na panahon.  Mas titingkad ang pagkadismayang ito kapag itinabi ang nabanggit na tagpo sa sinabi ni Edong na isa sa mga katangian ng bayan ni Makiling: “Walang punong-bayang may nakikilalang kaibigan at mayroong hindi (247).

            Kapansin-pansin sa nobela, lalo na sa bahaging ito ng pisikal na komprontasyon ng mga tauhan, ang kawalan ng politikal na istrukturang magpapairal ng regulasyon sa komunidad. Inilagay ni Pineda sa taumbayan ang pagpapasya.  Nasa kanilang kamay ang batas at ang katarungan.  Sa ganitong paglalarawan, hindi lamang ipinakikita ni Pineda ang aktuwal na kondisyon ng kanyang panahon kundi mas higit, inalisan niya ng lambong ang “kapayapaan”  ng pacification campaign ng Estados Unidos sa bansa.  Hinubaran niya ang mga pretensyon ng imperyalistikong hegemonya nito na isinalaksak sa mga Pilipino sa pamamagitan ng politika, relihiyon, edukasyon, at panitikan (San Juan, Jr.:1996).

            Ikatlo, sa pamamagitan ng alamat ni Maria Makiling na inilangkap niya sa nobela, inilalahad ni Pineda ang kanyang bisyon ng isang ideal na daigdig.  Sa mundong ito, tanging ang mga nagtataglay ng dalisay na  loob ang nakapapasok.  Pinamamahalaan ni Mariang Makiling, nakatira sa pinagpalang pook na ito ang mga bayaning nag-alay ng buhay para sa bayan. Narito rin ang tauhang nakaukit sa puso at isip ng Pilipino, gaya ng mag-inang sina Sisa at Crispin.  Sa madaling salita, ang mundong ito ang kataliwasan ng kasalukuyang mundo ng tagapagsalaysay at ng mundong nilakhan ni Doro.  Tahanan ito ng mga uliran at ng mga  maliliit at inaapi sa kasaysayan.  Ang kaligayahan ng mga nakatira rito ay

ang kanilang pagtitinginang tunay na sa mga magkakapatid. Ang kakanin ng isa’y ipakikihating walang agam-agam sa nangangailangan.  Ang isang kabang palay na hiniram sa tag-ulan ay isang  kabang palay ring isasauli sa tag-araw… (247).

            Pinalulutang dito ni Pineda ang bisyon niya ng komunal na pamumuhay na pinamamayanihan ng pagkakapantay-pantay at kawalan ng pagsasamantala.  Binibigkis ito ng  diwa ng tunay na kapatiran. Sino ang makapipigil sa mga mambabasa ni Pineda na tingnan ang pinagpalang pook na ito kung saan “ang lahat ay nabubuhay sa katotohanan”  bilang kritisismo sa kanilang aktuwal na kalagayan?  Sinong makapipigil sa mga mambabasa na idugtong ito sa adhikain ng kilusang mapagpalaya na kanilang nakakasalamuha, kung hindi man kinabibilangan? Mas tatalas ang ganitong pagsasalikop ng nobela at ng aktuwal na sitwasyon ng mambabasa sa pahayag ng tauhang si Doro, na nang dahil sa kamusmusan at kadalisayan ng puso ay nakapasok sa pook ni Makiling:

                        Naiisip kong sa kalagayan ng ating bansa ngayon ay dapat sanang pakisalamuhain sa bayan ang mga ulirang yaon. At sa kanilang halimbawa’y akayin ang bansa sa landas ng matuwid, ng katapatan, ng kagitingan, ng katiningan ng loob sa katotohanan,,,, (374)

            Sa siniping pangungusap, isinisiwalat ni Pineda ang kanyang pananaw hinggil sa sistema ng pamamahala sa bansa:  walang matuwid, walang kakayahan ang mga umuugit ng pamahalaan na akayin ang bansa tungo sa kaginahawahan at kapayapaan.  Patay ang katapatan at kagitingan at naghahari ang kasinungalingan.  Tinapos  niya ang nobela sa isang tanong na binigkas ni Doro: “Kailan pa kaya mabubuksan ang mina ng ginto sa Makiling?” (374)  Sa tanong na ito, pinaalingawngaw ni Pineda ang madilim na larawan ng bansa at ang hamon  ng pagbabanyuhay.  

            At ang pagbabanyuhay na ito ay kayang likhain ng tao sa kasalukuyan. Hindi ito isang langit na makakamit sa kamatayan kundi isang kondisyong pagbabanatan ng buto.  Malilikha lamang ito ng mga Sanang at Edong na handang isakripisyo ang personal na kaligayahan, na handang magtaya ng buhay para sa kapuwa.  Mararating lamang ito ng mga Doro na may musmos at dalisay na puso.  Sa ganito, walang puwang sa akda ang eskapismo; bagkus hinahamon nito ang mambabasa na kumilos tungo sa pagbabago. Naghahapag ito ng mga kongkretong pamantayang moral at etikal para sa pagpapakatao, pakikipagkapuwa, at pagbubuo ng bansa.  Ang paggamit ni Pineda sa alamat ni Makiling bilang batayan ng nobela ay isang “malikhaing pagbibigay ng bagong interpretasyon sa isang matandang alamat upang lalong maunawaan ng publiko ang kabuluhan ng nakaraan sa kasalukuyan” (Reyes 1982: 142).

            Sa pagtatalaban ng tatlong mundong nilikha ni Pineda at ng  aktuwal na kalagayan ng mga mambabasa ng Ang Ginto sa Makiling, makikita ang pagsasalikop ng panitikan at realidad panlipunan.  Aalingawngaw sa nobela ang dantaong tema ng pagpapakasakit, pagdadamayan, pagdalisay ng kalooban – mga pagpapahalagang nakaukit sa puso at kamalayan ng mga Pilipino.
Kung gayon, nagsilbing instrumento ni Pineda ang nobela upang “antigin hindi lamang ang damdamin ng publiko kundi ang kanilang isipan upang masusi nilang limiin ang kakulangan at kadahupan ng sariling buhay at karanasan” (Reyes kay Pineda 1990: 59).

            At sa mga pagliliming ganito, tumitining ang paghahangad ng tao sa kalayaan at katotohanan, ang pagsasakatuparan niya ng bisyon ng isang bagong daigdig.


Mga Sanggunian

Agoncillo, T. (1990). History of the Filipino People, (8th ed). QC: GAROTECH Publishing.

__________ (1948) Ang Maikling Kuwentong Tagalog (1886-1948). QC: Inang Wika Publishing.

Eagleton and Milne. (1996). Marxist Literary Theory. USA: Blackwell Publishers, Inc.

Gonzales, L., Ludivina Cresini-Marin, at Ligaya Tiamson-Rubin. (1982). Panitikan sa Pilipino: Pandalubhasaan. Manila: REX Book Store.

Ileto, R. (1979). Pasyon and Revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910.
                 QC: ADMU Press.

Kerkvliet, B. (1979). The Huk Rebellion: A Study of Peasant Revolt in the Philippines.
                QC: New Day Publishers.

Lumbera, B. (2008).  Panayam.

Mojares, R. “Waiting for Mariang Makiling: History and  Folklore”. 44-51. KULTURA. Vol 2, No. 4. (1999). Manila: CCP.

Pineda, M .(1990). Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento ni Macario Pineda.
                Isinaayos at binigyang introduksyon ni Soledad Reyes.  QC: ADMU Press.

Reyes, S. (1982). Nobelang Tagalog 1905-1975: Tradisyon at Modernismo. QC: ADMU Press.

Santillan, N. at M. Conde. (1998). Kasaysayan at Kamalayan: Mga piling akda ukol sa diskursong pangkasaysayan. QC: Limbagang Pangkasaysayan.

San Juan Jr., E. (1996). The Philippine Temptation: The dialectics of Philippines-US literary traditions. Philadelphia: Temple Universtiy Press.

Jollibee


Lagi siyang umaaligid sa Jollibee. Tumatanghod sa mga kustomer para sa tirang coke, french fries, o kung suwerte’y chicken joy. O kung minsan nama’y barya. Sa linis ng dingding na salamin, para siyang putikang patpat na nakasandal sa isang malaking yelo.

Tumapat siya sa akin kanina. Tinitigan ko siya pero binarahan ng halumigmig na nakakapit sa salamin ang tangka kong pakikipag-ugnayan. Gusto ko sanang ipaabot na tanging ang malinis at makapal na salamin ng Jolibbee ang naghihiwalay sa amin. Pero syempre, nagdududa rin ako kung makukuha niya ang aking mensahe kahit na nga siguro magkanduduling ako sa pagpapalamlam ng mata. Iba kasi ang karanasan ng pagtanghod sa labas kaysa pag-upo sa loob ng Jollibee.

Sa loob, nakikita niya na binabati, pinaglilingkuran, nakapag-uutos, at pinasasalamatan ang mga kustomer. Malaya silang nakakakilos, nakakapunta sa comfort rooms nang walang nagbabawal. Nakakapamili  ng puwesto, nakakapag-request na hinaan o lakasan ang aircon. Nakakahingi ng ketchup, suka at kung anu-ano pang pampasarap o pampagana sa pagkain. Malaya sila sa usok, tindi ng sikat ng araw, at ulan.

Samantalang siya, mapaloob o mapalabas, ipinagtatabuyan. Wala siyang pribelihiyo ng relax na pagkilos lalo na sa panahon ng pagsalisi sa guwardiya para unahan ang crew sa paghipos sa mga pinagkainan ng kustomer. Maging ang pagtanaw at pagtakam sa mga pagkain ay hindi rin niya palaging magawa dahil ipinagbabawal nga ang pagtanghod.

Alam kong batid niya ang dahilan ng ganito - wala siyang pera, hindi siya mayaman, tambay lamang siya. At araw-araw ay nararanasan niya na ang Jollibee -  na itinuturing na simbolo ng tagumpay ng negosyong Pinoy; simbolo ng pag-unlad (mula sa pagiging talahiban ay naging kaayaaya at kapakipakinabang ang lugar); nagbibigay ng convenience sa mga taong masyadong abala; nagsisilbi ring lugar ng iba’t ibang klase ng pagtitipon o mga impormal na miting; nagp-oprovide ng job opportunities, at kung ano-ano pang biyaya -  ay isang makapal na bubog na lalong sumusugat sa kanyang pagkatao, lalong dumudusta sa kanyang pagkaaba.

Makukumbinsi ko ba siya sa pagpapapungay ng mata? Gayong batid kong nararanasan niya na hindi lamang salamin ang nakapagitan sa aming dalawa?

Dalidali akong tumayo upang iabot sa kanya ang napangalahati ko nang chicken joy at coke. Ngunit di pa ako nakakalabas ay iglap siyang nawala, nasalubong ko ang guwardiya pabalik sa kanyang puwesto.

“Tenk yu ser, kam agen.”


At muli kong nilanghap ang usok-hangin ng Philcoa. Habang nakasakay sa jipni pa-UP, binuklat ko ang aking ulat tungkol sa bago at experimental na panitikan. 

P99.00 only!


Parang isang higanteng kahon ng balota ang Shoe Mart. Nagsasamasama dito, tulad ng pagsasamasama ng balota sa urna, ang iba’t ibang klase ng tao.

Sa unang tingin ay walang sinisino ang Shoe Mart.  Pwedeng i-enjoy ng kahit sino ang lawak, linis, liwanag at lamig ng kaligiran nito. Nakakapaglibot dito hindi lamang ang mga empleyado kundi maging ang mga manggagawa sa konstruksyon; hindi lamang ang mga estudyante kundi maging mga batang lansangan; hindi lamang ang may mga sariling kotse kundi maging ang mga namamasahero at nagka-cadillac (kadilakad).  Talagang tanggap ang lahat. Ano pa nga ba naman ang ibig sabihin ng “welcome” sa bawat entrance nito kundi pagtanggap sa mga kustomer.

Pero sa isang kritikal na pagtingin, nagkakaroon ng bagong bihis ang SM. Lumalalim ang  kahulugan ng pagkakahalintulad  nito sa urna.  Nakagawian na nating tingnan ang urna bilang palatandaan ng pag-iral ng demokrasya sa bansa.  Maaari naman nating ituring ang SM bilang isang larawan ng demokratisasyon, isang lugar na kung saan malayang nakakakilos ang mga tao,  mariwasa man o hikahos.  Sa puntong ito pumapasok ang mas malalim na kahulugan ng pagkumpara sa dalawa: pawang paimbabaw ang ipinapakitang demokrasya ng mga ito, kung matatawag nga itong demokrasya.  Sa totoong buhay,  pera naman ang nagpapasya  kadalasan. At hindi matatawaran ang impluwensya ng pera sa kinahihinatnan ng boto at sa paggalaw ng mga tao sa SM.

Kung matamang pagmamasdan ang tila walang kawawaang salimbayan ng galaw ng mga tao sa SM, tiyak na mapapansin ang kaibahan ng paggamit ng espasyo sa pagitan ng mayroon at wala.  Halimbawa,  mas  kampante ang kilos ng mga taong halos ituring na extensyon ng kanilang sala ang SM --- nakaunat ang paa at nakaatang ang mga siko sa sandalan ng bangko kung maupo; kampanteng maglakad kahit anong suot;  buong tiwalang nakakapaglabas-masok  sa  mga establisyemento at nakapagtatanong sa sekyu o sales personnel;  nakakahipo, nakakapagsukat, nakakabuklat nang walang alinlangan.  Siguro sila  yung mga taong palaging nagi-SM at hindi nawawalan ng pang-SM. 

Samantala, asiwa namang gumalaw ang  mga taong nagtuturing na isang espesyal na okasyon ang pagpunta sa SM.  Dahil espesyal nga , kontodo bihis sila pero hindi matakpan ng gara ng kanilang kasuotan ang pagka-estranghero nila sa lugar.  Mahahalata ang pag-aalinlangan sa kanilang paghipo o maging sa pagbabayad ng paninda.  Kadalasan, nangingimi silang makipag-usap sa sekyu at sales personnel; pasilipsilip lamang sila sa labas ng salamin; maingat sa paglalakad (natatakot makatisod at baka pagbayarin). Sila siguro ang mga tao na tuwing suweldo o kung may espesyal na okasyon lamang, tulad ng birthday, pumupunta sa SM.  Sila yung mga kailangang magtabi ng pang-SM.

Mapapansin din na hindi kampante ang mga gusgusing batang pumapasok sa SM, kahit na sabihing wala silang pakialam sa decorum na hinihingi dito. Iglap at kalkulado pa rin ang kanilang mga kilos. Hindi sila dapat makita ng sekyu hangga’t maaari  dahil kapag nakita sila, purnada ang biyaya nilang barya at tirang pagkain mula sa mga kustomer.  May matatanggap pa silang mura o kaya’y pitik mula sa sekyu.

Kaya kabaligtaran ng ipinapakita ng pahapyaw na pagtingin, hindi welkam ang lahat sa SM. Ang buong istruktura at disenyo nito ay nangingilala --- sinisino nito ang bulsa ng sinomang pumapasok dito.

Texto ng Pangungutya

Isang dambuhalang texto ng pangungutya ang SM.  Kinukutya nito ang mga kustomer na ang pagpunta sa SM ay nangangahulugan ng pagkakait sa sarili,  ibayong pagtitipid at pag-iipon. 

Isang halimbawa ng pangungutyang ito ang mga presyong may “only” sa dulo, halimbawa’y  P99 only.  Ang “only” ay salitang may mas malalim na konotasyon kaysa sa  inihahayag nitong  mura ang paninda o mabait ang kapitalista. Kinukutya nito ang mga taong nagdidildil ng asin at ni walang pagkakataong  makipag-unahan sa mga “sale”. Kung “only” ang turing ng SM sa siyamnapu’tsiyam na piso (ilang kilong bigas rin ang katumbas),  ano kaya ang turing nito sa mga taong hindi maabot  ang presyong ito?  Ano kaya ang turing nito sa mga taong halos masaid ang kita sa isang buwan dahil sa gamot, pamasahe at pagkain at kailangan pang mag-ipon para makapag-mall? 

Kakabit ng “only” ang kalidad ng bilihing pinapatungkulan nito.  Kadalasan, ang mga bilihing ito ay malapit nang ma-expire, may damage, lukot-lukot, madumi  at kung ano ano pa.  Kaakibat din nito ang lokasyon ng naturang mga bilihin.  Nakatambak  ang mga ito sa isang lugar na madaling makita ng lahat.  Madalas kailangan mong makipagsiksikan at maghalungkat para makapili.  Kaibang kaiba sa mga bilihing may pangalan: nakadispley sa mga eskaparate, protektado ng malilinis na salamin,  maayos ang pagkakahilera o kaya’y may kanya-kanyang lalagyan at tinututukan  ng ilaw. 

Karugtong ng distinksyong ito ang dalawang klase ng pagpapahalaga:  mababang klase ang mga bilihing may “only” at idinadambana naman ang mga bilihing may pangalan at mahal.  Sa distinksyong ito makikita ang magkaibang pagpapahalaga sa mga mayroon at walang pera: bale-wala ang wala at sinasanto ang meron.  Isa itong sistema ng lalong pagdidiin sa kaabahan ng mga wala, pagdidiin kasalikop ng mga pangungutyang nararanasan nila sa labas ng SM.


Kaya ang welcome sa bawat entrance at thank you, come again sa bawat exit ng SM ay may dalawang kahulugan: pagkilala at pasasalamat sa mga may pera at pagtataboy at pangungutya naman sa mga wala.


Salimbatayan ng Texto at Kontexto sa aking Kamalayan


“We know perfectly well that we are not free 
to say just anything.” -          Michel Foucault


I           Sariling Danas

Kuwento at utos ang unang engkuwentro ko sa texto. Kuwento at utos na may tiyak na kahulugan at pinanggagalingan, hiwalay ngunit mahigpit ang ugnayan sa realidad.   Kapag inutusan ako, halimbawa, ng aking lolo na magdilig na halaman, buo at tiyak ang kahulugan ng kanyang utos: “magdilig ka ng halaman”.  Ibig sabihin, kailangan kong kumuha ng timba o regador para buhusan ng tubig ang paligid ng halaman sa likod-bahay. Ang mga salitang “halaman”, “timba”, “regador”, “likod-bahay” ay tumutukoy sa aktuwal na “halaman”, “timba”, “regador”, at “likod-bahay”. At may taginting ng awtoridad ang utos na iyon; mga salitang dapat sundin, at di dapat pasubalian. 

            Noong bata pa ako, hindi bungang-isip lamang ang mga kuwento ng aking lolo; mayroong tiyak na korespondensya sa totoong buhay ang mga ito.  May tiyak na representasyon ang mga maligno at lamang-lupa.  Ang duwende ay maliit na taong sayad sa lupa ang balbas; samantala ang kapre ay higanteng may sigarilyong kasinglaki ng poste.  Buhay na buhay sa aking imahinasyon ang mga karakter ng kuwento ni lolo. Kasing-init ng kanyang boses ang presensya nila sa aking diwa. Kasing-totoo sila ng kinatatakutan kong punso sa gilid ng aming bakod.  Nananatili kahit matagal nang tapos ang kuwentuhan.

            Sa pagpasok ko sa eskuwela, nagkaroon ng bagong dimensyon ang mga salitang sinasambit at naririnig ko lamang.  Natuto akong sumulat at bumasa.  At gaya ng mga salitang sinasambit, ang mga salitang nasa papel ay may tiyak na pinapatungkulan.  Ang kumbinasyon ng mga titik na m-a-i-s, halimbawa, ay tumutukoy sa aktuwal na mais. Singtiyak ng tumbasang ito ang pinanggagalingan ng mga salita – ang awtor  na siyang may-ari ng kahulugang inilalapat ng aklat sa aking kamalayan.  Kung hindi ang awtor, ang guro na siyang nagpapabasa ang nagpapataw ng kahulugan.

            Ang mga talata sa Bibliya na matututuhan kong basahin ay may tiyak ding
painapatungkulan: ang langit ay lugar na pupuntahan ng mga kaluluwa ng mababait na tao; ang impyerno ay walang hanggang apoy na nakalaan para sa masasamang tao; ang Diyos ay matandang lalaking balbasarado; ang puno ng Igos ay isang punong hindi namumunga.  At tulad ng salita ng aking lolo, ang mga talatang ito ay dapat paniwalaan at sundin sapagkat utos ng dakilang Diyos na tagapagligtas. Tulad ng salita ni lolo, mataginting ang boses ng Diyos na naririnig ko kapag nagbabasa ako ng Bibliya.

            Dalawang taon matapos ideklara ni Marcos ang Batas Militar (nasa ikaapat na baitang ako noon sa elementarya), naligalig ang payapang tumbasan ng salita at kahulugan sa kinagisnan kong mundo.  Matututuhan ko ang isang klase ng salitang noon ko lamang maririnig.  Isang kantang dala ng mga estudyanteng aktibista na ipinadpad ng pag-oorganisa sa aming lugar:

            Tamad na burgis na ayaw gumawa
            Sa pawis ng iba't nagpapasasa
            Hindi marunong mangahiya,
            Walanghiya!

            Banderang pula iwagayway
            Banderang pula iwagayway
            Ang anakpawis ay mabuhay.

            Hindi katulad ng mga salita ng aking lolo at ng mga talata sa Bibliya, walang malinaw na kahulugan sa akin ang kantang ito.  Isa pa, wala itong alingawngaw ng “utos ng hari na di mababali.” Basta ang dinig ko noon sa 'tamad ana burgis' ay tumataburgis na sa salitang Pantabangan ay nangangahulugang tumatae. 

            Sa aking pagbabalik-tanaw, ito ang unang karanasan ko ng katotohanang puwedeng magkaroon ng iba pang kahulugan ang texto na kaiba sa intensyon ng lumikha nito.  Na ako, na dating tagatanggap lamang ng salita, ay maaaring maglapat ng sarili kong pagkaunawa sa salitang aking nakaka-engkuwentro.  Mas higit, pa, kakabit ng pag-unawang ito ang mga kilos at pakiramdam ng paglaya. Habang kinakanta ko at ng aking mga pinsan ang “tumataburgis”, nagmamartsa kaming naniningkit ang mga mata sa tuwa, lalo na bahaging “Banderang pula iwagayway....” na sinasabayan namin ng pagwawagayway ng hinubad naming mga damit. 

            Mula sa mga salitang inuunawa at tinatanggap sa kontexto ng utos at pagsunod, naranasan ko ang pag-intindi sa salita sa kontexto ng paglalaro at pagsuway.  Mahigpit ang utos ng aking lolo, na bise-alkalde noon at maka-Marcos: “huwag na huwag ko nang maririnig na kakantahin nyo ulit ang kantang iyan”.  Ang pagsuway sa utos na ito ay katumbas ng latay sa puwet o ng talim ng pananakot: “isa pa at tatamaan na kayo.” Pero malakas ang batak sa amin ng kantang iyon, kaya magpapatuloy ang pagsuway.  Hindi na lamang ako kumakanta ng tumataburgis kundi makikipagtalaban pa sa iba’t ibang texto -- mga polyetos at iba pang babasahin na naglalatag ng kontexto ng paghihigpit ng aking lolo. At lalawak ang pag-intindi ko sa pagparoot-parito ng mga aktibista sa aming lugar; ang pagtutol ng mga kababayan sa aming paglikas; ang paglipana ng mga sundalo; at higit sa lahat, ang pagpapalubog ng aming bayan para gawing dam.

            Mula rito, uusbong ang realisasyon na hindi simpleng obhektibong tumbasan ang relasyon ng salita at realidad.  Na ang salita ay hindi lamang nyutral na simbolong tagapagpangalan ng mga bagay at karanasan, isa rin itong kasangkapan ng politikal na kapangyarihan at kontrol. Na ang salita ay larangan ng ideolohikal at makauring tunggalian. 

            Matututuhan ko na ang pagbabawal ng aking lolo sa kantang tumtaburgis ay bahagi ng  mapaniil at mapanlinlang na texto at kontexto ng batas militar.  Magkakaroon ng bagong mukha ang mga tauhan sa mga kuwento ng aking lolo, mga mukhang bibigyang hugis ng sarili kong imahinasyon batay sa aking pagtanggap at hindi na sa dikta ng makapangyarihang tinig ng aking lolo.  Hindi na iisa ang ibig sabihin ng duwende, ng kapre; hindi na iisa ang pinanggagalingan ng kanilang kahulugan; at hindi na lamang ako simpleng tagapakinig.  Isa na rin akong manlilikha ng texto at kahulugan.


II         Pakikipagtalaban sa Teorya

            Sa larangan ng panitikan, texto ang katawagang ginagamit upang tukuyin ang iba’t ibang mga akda, lalo na ang mga nakasulat.  Sa texto umiinog, naglalagos, nagbabanggaan ang iba’t ibang teoryang pampanitikan, na hinati ni Wendell Harris sa dalawang kampo: hermetic at hermeneutic (Harris, Litearary Maeaning). Hermetic ang tawag ni Harris sa mga teoryang nagtuturing sa texto bilang endtidad na walang ugnay sa mundo o realidad. Para sa hermetic, wala sa labas ng salita ang kahulugan ng isang akda, kundi nasa loob mismo nito – nasa wika, nasa kasangkapang pampanitikan.  Itinuturing naman ng hermeneutic na may kaugnayan sa lipunan ang texto.  Isa itong imbitasyon tungo sa malalim na pag-unawa sa realidad.

            Ngunit hindi ganito kasimple ang hatian ng mga teoryang ito.  Bagamat nagkakaisang walang kinalaman sa realidad ang texto, ang mga teoryang nakapailalim sa hermetics ay nagsasalungatan din sa kanilang mga lapit ukol sa pag-unawa sa kahulugan at kabuluhan ng texto.  Idinidiin ng Russian formalism, halimbawa, na ang pagsusuring pampanitikan ay dapat maging syentipiko tulad ng lapit sa likas na agham.  Sa ganitong pagtingin, tanging ang mga pampanitikang kasangkapan ang dapat tingnan sapagkat ang mga ito lamang ang maaaring pag-usapan at pagkasunduan sa pamamaraang syentipiko.  Ang kinasanayang paraan ng pagbasa sa akda ay walang kinalaman sa akda, kaya: ipaubaya na sa kasaysayan ang pagbusisi  sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng lipunan; sa sosyolohiya ang tungkol sa kalagyaan at relasyon ng mga tao at komunidad; sa sikolohiya ang mga bagay na tungkol sa kamalayan, gawi, at pag-iisip ng indibidwal; sa relihiyon ang tungkol sa mga aral.
 
Salungat naman sa ganitong pagtingin ang kabilang dulo ng formalism, ang New American Critics.  Idinidiin nito na hindi maaaring isalang sa laboratoryo ang emosyon, ang espiritu ng tao na siyang itinatampok ng panitikan.  Naniniwala itong ang mga akda ay kalipunan ng mga kasangkapan, ngunit ang mga ito ay hindi upang bigyan lamang ng sariwang karanasan o perspektiba ng isang bagay ang mambabasa.  Mas higit, kasangkapan ito upang mas maunawaan ang ideyal na esensya ng tao at ng kanyang ugnay sa dakilang Espiritu.

           
Para naman sa istrukturalismo, walang halaga ang texto; bahagi lamang ito ng pang-araw-araw na pahayag (utterance) na nagkakaroon lamang ng kabuluhan  dahil sa pag-iral ng isang unibersal na mga istruktura ng wika. Walang bagong texto, and lahat ay pag-uulit-ulit lamang ng mga dati nang nakasulat. Wala nang ginagawa ang manunulat kundi  muling isalansan, kumpunihin, pagsamahin ang mga dati nang umiiral na akda.  Patay na ang awtor at sa kamatayang ito isinilang ang mambabasa, ayon nga kay Roland Barthes.

            Sa teoryang ito, hindi mahalaga ang anyo, hindi mahalaga ang mga kasangkapang pampanitikan; may halaga lamang ang akda dahil nagsisilbi itong bintana kung saan masisilip ang unibersal na operasyon ng mga istruktura ng wika, gaya ng gramatika, ponolohiya, semantika.  Sa equation ni Ferdinand de Saussure,  langue/parole.  Ang parole bilang tawag sa pang-araw-araw na pahayag kasama na ang mga akdang pampanitikan at langue, na tumutukoy sa mga istruktura ng wika na siyang gumagabay sa pagbuo ng mga pangungusap na nauunawaan.

            Ang texto, ayon kay Saussure, ay isang senyal na binubuo ng dalawang aspekto – ang signified at signifier.  Bahagi ang mga ito ng iisang kabuuan at mahigpit ang ugnayan sa isa’t isa ngunit kailanman ay hindi ganap na magtatagpo.  Hindi kailanman mahuhuli ng salitang tumutukoy (signifier) ang salitang tinutukoy (signified).  Halimbawa, ang salitang bukid bilang senyal ay hindi nakatali sa konsepto ng lupang tinatamnan ng palay dahil wala naman sa pinagkabit-kabit na mga letrang b, u, k, i, at d at sa tunog na nililikha ng pagkakabit na ito ang pagkabukid ng bukid o ang konsepto ng lupang tinatamnan.  Kung hindi ganito, hindi sana magiging bundok ang pagkaunawa ng isang Cebuano sa salitang bukid.  Kung gayon, pinasusubalian nito ang paniniwalang ang salita ay simbolong may tiyak na katumbas sa realidad. Ayon kay Roland Barthes:

            We now know that the text is not a line of words releasing a single theological meaning (the ‘message’ of an author-God) but a multi-dimensional space in which a variety of writing, none of them original, blend and clash.  The text is a tissue of quotation drawn from innumerable centers of culture.” (Culler, pp. 32-33)
  
Ayon sa istrukturalsimo, arbitraryo ang kahulugan;  nabubuo ito hindi dahil nakapaloob na ito sa mga titik at tunog na bumubuo nito kundi dahil  ito ay kaiba sa iba pang kahulugan o salita.  Sa ganitong lohika, ang bukid ay naging bukid dahil hindi ito bukod, hindi ito bukad, hindi bakod, atbp. 

Di maglalaon, ang ganitong pagtingin sa texto ay tatalikuran din ng mismong mga pasimuno nito.  Isa sa mga problemang kakaharapin nila ay mismong ang konsepto ng binary opposition na puso at kaluluwa ng istrukturalismo.  Halimbawa, itinuturing nilang mas mahalaga ang langue kaysa parole ngunit sa mas masinsing pagsusuri, lumalabas na mas importante ang parole dahil kung wala ito, paano malalaman ang operasyon ng langue?  Itutulak sila ng  ganitong kawalan ng istableng posisyon ng senyal tungo sa masalimuot ng mundo ng post-structuralism,  kung saan ang lahat ay nagsasalimbayan bilang mga texto.  Sa mundong ito, na ang lahat ng bagay at texto, walang sentro.  Ang awtor, ang mambabasa, ang kanilang lipunan ay kapuwa mga texto na nakikipagtalaban sa isa’t isa.  Wala nang pagkakaiba ang texto sa kontexto
At dahil walang hanggan ang pagkakaiba-iba ng mga salita, walang hanggan din ang paghahanap ng kahulugan.   Amen.

            Samanatala, gamit ang diagram ni Roman Jacobson na

                                                            CONTEXT(referential)
            WRITER (emotive)                WRITING (poetic)                 READER (connotative)
                                                            CODE (metalinguistic)

inihanay ni Raman Selden ang mga teoryang pampanitikan nang ganito:

                                                            MARXIST
            ROMANTIC                          FORMALISTIC                     READER-ORIENTED
                                                            STRUCTURALIST

Nakatuon ang  formalist theories sa mismong akto ng pagsusulat nang tiwalag sa realidad.  Ang structuralist theories naman ay nakapokus sa wika, sa mga istruktura nito.  Kabilang ang dalawa sa tradisyong hermetic.

            Samantala, buhay at kamalayan naman ng awtor ang konsentrasyon ng romantic theories. Binusisi ng mga ito ang emosyon, paniniwala, paninindigan ng awtor.  Kinikilingan naman ng Marxist theories ang sosyal at historikal na kontexto ng texto. Inuusisa nito ang kalagayang nagluwal ng akda.  Karanasan, pananaw, at emosyon naman ng mambabasa ang binibigyang-diin ng reader-oriented theories.  Nakapaloob ang tatlong ito sa tradisyon ng hermeneutic.

            Naniniwala ang tatlong ito na ang texto ay may kakayahang magbigay-liwanag sa mga entidad labas sa salita:  sa awtor, sa lipunan, sa mambabasa. 

            Masasalamin sa texto ang intensyon ng manunulat, nakatala rito ang kanyang paniniwala at paninindigan.  Maririnig sa kanyang akda ang kanyang tinig, madarama ang kanyang emosyon.  Sa pamamagitan ng kanyang tula, halimbawa, masisilip, kung hindi man magagalugad, ang kamalayan ng makata..

            Larangan ng pakikilahok sa pagbuo ng kahulugan ang texto.  Isa itong bukas na parang na nagbibigay ng pagkakataon sa mambabasa na makipagtalaban sa awtor sa pagbuo ng panibagong kahulugan.  Nangyayari ito dahil walang textong tapos na ang kahulugan.  “The meaning of the text is never self-formulated;” sabi nga ni Selden, “the reader must act upon the textual material in order to produce meaning.” (p. 109)

            Wala sa diagram ni Selden ang feminism at post-colonial theory pero maihahanay rin ito sa tradisyong hermeneutic. Hindi masusukat ang papel ng texto sa pagbibigay-katuwiran sa patriyarkismo. Kadalasan nang inilalarawan sa panitikan ang babae bilang mahinang kasarian na nararapat lamang maging anino o pag-aari ng lalaki.  Sa Katolisismo halimbawa, mas binibigyang-diin ang kuwentong nagmula si  Eba sa tadyang ni Adan kaysa sa pantay na pagakakalikha sa kanila ng Diyos. Sa kabilang banda, texto rin ang pangunahing magiging kasangkapan ng kababaihan upang palayain ang kanilang sarili mula sa hulmang pinaglagakan sa kanila ng patriarkal na lipunan.

            Kaugnay naman ng pananakop, sinasabi ni Said na totoong sa lupa umiinog ang sentrong tunggalian sa pagitan ng mananakop at ng sinasakop.  Ngunit ang usapin ng kung sino ang nararapat magmay-ari ng lupa, kung sino ang nararapat tumira at magtrabaho sa lupa, atbp ay pinagpapasiyahan sa naratibo, sa texto. Dagdag ni Said: “The power to narrate or to block other narratives from forming and emerging, is very important to culture and imperialism, and constitutes one of the main connections between them.” (Culture and Imperialism p.xiii)

            Tunay na  ang texto ay isang entidad na hindi maaaring ihiwalay sa lipunan.  Hinubog ito ng isang partikular na lipunan at panahon at katulong rin ito sa paghubog ng lipunan at panahong iyon.  Larangan ito ng tunggalian ng mga uri.  Bahagi ito ng gahum (hegemony)  ng naghaharing uri; bahagi rin ito ng sandata ng uring pinagsasamantalahan tungo sa kanilang paglaya. Kapuwa aspekto ng iisang kabuuan ang texto (mga akda) at kontexto (lipunan).  Ayon kay Edward W. Said sa The World, the Text, and the Critic, “It is not only that any text … is a networking of often colliding forces but also that a text in its actually being a text, is a being in the world, it therefore addresses anyone who reads…” (p. 33)

Binibigyang-diin dito ni Said ang diyalektikong ugnayan ng panitikan at lipunan, ng texto at kontexto sa pagbuo ng kahulugan.  Ipinakikita niya rito na buhay ang texto, umiiral sa daigdig at samakatuwid ay nakikipag-usap dala ang mga espesipikong realidad ng lipunang inusbungan nito.  Pinasusubalian nito ang mga paniniwalang itinuring na katotohanan sa mahabang panahon:  na ang texto ay walang kaugnayan sa realidad; na ang texto ay isang nyutral na larangan; na ang mambabasa ay pasibong tagatanggap ng katotohanan ng texto. 


----
Mga Sanggunian

Culler, Jonathan D. 1986. On Deconstruction: Theory and Criticism after Structuralism. Cornell Universtiy Press: New York, USA.
 Harris, Wendell V.  1996. Literary Meaning: Reclaiming the Study of Literature. MacMillan Press Ltd.: London, UK.
 Rivkin, Julie and Michael Ryan. 1998. Literary Theory: An Anthology (2nd ed). Blackwell Publisihing:  Oxford, UK.
 Said, Edward W.  1983. The World, the Text, the Critic.  Edward Said: USA
 _____________ . 1994. Culture and Imperialism. Vintage: London, UK.
 Selden, Raman. 1985. A Reader’s Guide to Contemporary Literary Theory.  University Press of Kentucky: USA.

Anotasyon ng Kuwentong “ALOHA” ni Deogracias A. Rosario

Si Deogracias A. Rosario[1] ay ipinanganak sa Tondo Maynila noong 17 Okrubre 1894 at namatay noong 26 Nobyembre 1936. Isa siyang makata, kuwentista, at peryodista. Kilala rin siya sa mga ga bansag na D.A.R., Roscelin, Rosalino, Mortimer, Dante A. Rossetti, Delfin A. Resurreccion, Delfin, Delfin A. Roxas, Dario, Angelino, Rex, Delio, at Angelus. Tulad ng kanyang mga kapanahon, binasa niya sina O Henry, Guy de Maupassant, William Saroyan, William Faulkner, atbp. Sinubaybayan din niya ang mga akda nina Faustino Aguilar, Patricio Mariano, Lope K. Santos, Veleriano Hernandez PeƱa, at Rosauro Almario.

Nagsulat siya sa Ang Demokrasya, 1912; Buntot Pagi, 1914; Taliba, 1917; Pagkakaisa ng Bayan at Photo News (Liwayway ngayon), Sampaguita, at Lipang Kalabaw. Naging presidente siya ng Ilaw at Panitik, Katipunan ng mga Kuwentista, at Katipunan ng mga Dalubahasa ng Akademya ng Wikang Tagalog.

Ayon sa CCP Encylopedia of Philippine Art: Philippine Literature, Vol. IX, sa puntodebista ng fictiveness, si D.A.R. ang itinuturing na nagsulat ng unang kuwentong Tagalog – “Kung Magmahal ang Makata” – na lumabas sa Buntot Pagi noong 1914. Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit tinagurian siyang “Ama ng Maikling KathangTagalog.” Higit dito, sinasabi ni Alejandro A. Abadilla na namumukod-tangi si D.A.R. sa kanyang mga kasabayang kuwentista na karamiha’y promotor ng moralista t eskapistang panitikan. Ayon kay Abadilla: “Si D.A.R. ay isang ginoong mamamayan ng daigdig, wika nga, sapagkat samantalang naibibigay niya ang hilig at kapritso ng tinatawag na karaniwang mambabasa sa kanyang panahon ay hindi naman niya naitataboy sa labas ng bakuran ng sining ang ilang may maselang panlasa...(Abadila, et.al. 1954. Ang Maikling Kathang Tagalog. Maynila: Communication on the National Language Textbook Preparation).

Sa kanyang sanaysay ng “Deogracias A. Rosario: Ang Maikling Kuwentong Tagalog sa Gitna ng Pagbabago”, sinasa bi ni Romeo G. Dizon na inilalarawan ng mga kuwento ni D.A.R. ang buhay sa pagitan ng naglalahong lumang kultura at umuusbong na bagong kultura. Aniya ang mga akda ni D.A.R. ay “pagwawaksi sa lumang kalakaran at moralidad panlipunan habang kinikilala nang may pagpuna ang pagsulpot ng bagong moralidad at kalakaran...” (Dizon, Romeo G. 1995. Deogracias A. Rosario: Ang Sining ng Maikling Kuwento. Lungsod ng Quezon: Kolehiyo ng Arte at Literatura xix).
Nakapanghihinayang na sa kabila ng pagiging “Ama ng Maikling Kathang Tagalog” ni D.A.R. ay napakanipis ng mga nasusulat tungkol sa kanya, at mas higit, halos di kilala ang kanyang mga akda. Maliban sa mga kuwentong “Greta Garbo”, “Walang Panginoong”, at “Ako’y Mayroong Isang Ibon” (ang kauna-unahang kathang walang banghay (CCP Encyclopedia of Philippine Art, Vol. IX) at kung gayon ay sumasalungat sa tradisyonal na paraan ng pagkukuwento) ay wala nang ibang alam na akda ni D.A.R ang karamihang Pinoy.

      Sa U.P. Diliman Main Library, wala sa mga microfilm (MCF 7566 at MCF 8014D) ang sinasabing “DAR Collection” at mga newspaper clippings ukol kay D.A.R.. Kung naroon man, malamang hindi na rin mapapakinabangan dahil napakadilim ng pagkakakopya ng mga textong naroon.

     Sa kuwentong “Aloha”, makikita ang lawak at lalim ng kaalaman ni D.A.R. sa realidad ng kanyang panahon. Bukod sa mahusay na paglalarawaan sa estilo ng pamumuhay ng mga nabibilang sa tinatawag na “alta sociedad”, binubusisi rin ng kuwento ang ideolohiya ng racial discrimination.
Aloha[2]
       MANIWALA KA sa kadalubhasaan[3] ni Rudyard Kipling[4]! Hindi ako naniniwala sa kasabihan niyang:

“Ang Silangan ay Silangan
Ang Kanluran ay Kanluran;
Magkapatid silang kambal,
Magkalayo habang buhay.”[5]

     Ayaw kong ipahalata sa kausap ko ang malaking pagkamangha sa pagpapasinungaling niya sa sumulat ng “The Ballad of East and West.”[6] Noon ay magkaibayo[7] kami sa isang mesa sa veranda[8] ng Waikiki Tavern[9] sa Honolulu[10] at nakikipagpaalam sa “paglubog ng araw” sa bantog na pasigan ng Waikiki. Tig-isa kaming tasa ng mainit na kapeng Haba[11] na isinasalit[12] namin ang paghigop sa pagtanaw sa malalapad na dalig[13] sa ibabaw ng malalaking alon.

    Ang tanawing ito’y pangkaraniwan sa pasigan ng Waikiki, kung laki[14] ang dagat at nagngangalit[15] ang alon. Isang sport[16] ito ng mga taga-Haway[17] na sariling-sarili[18] lamang nila. Bawat isa ay may mga dalig na tatlong dipa[19] ang haba at kalahating dipa ang lapad na taluhaba[20] ang hugis. Sa ibabaw ng mga dalig na itong sumasalunga[21] sa ibabaw ng alon ay doon sila tumitindig na nakadipa ang dalawang kamay at kung minsan nama’y itinutukod ang kanilang ulo na unat na unat ang katawan na ang dalawang paa naman ang tuwid na tuwid na tila itinuturo sa langit. Ang “pangangabayong[22] ito sa alon ng mga taga-Haway” ang ipinagmamalaki sa akin ni Dan Merton, Amerikanong mamamahayag sa Honolulu noong ako’y maparaan doon.

     Iyan ang dahilan kaya’t noong hapong yaon ay magkaharap kami sa veranda ng Waikiki Tavern. Palibhasa’y nagtapos sa Unibersidad ng Southern California[23] sa Los Angeles[24], at lipi[25] ng isang angkang[26] milyonaryo sa Hollywood[27], si Merton ay isang tunay na gentleman na wala kang sukat ipintas sa pakikihrap kanino man.

     Nalalaman ni Dan Merton ang sakit[28] ng kanyang mga kalahi, at hindi lamang ng mga Amerikanong[29] katulad niya, kundi lahat ng kakulay nila ... ng lahat ng puti[30].

     “Ako ay may ibang paniwala, kaibigan,” ang sabi niya sa akin bago nabuksan[31] ang kay Rudyard Kipling. “Ang palagay ng mga taga-Kanluran[32] ay binigyan sila ng maputing balat ng katalagahan[33] upang maging Kayumangging sumilang sa Kasilanganan[34]. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay aking pinag-aralan. Ngunit kailanman ay hind nabanggit sa mga aklat kong napagaralan ang mga tagumpay sa panitikan ng isang Rabindranath Tagore[35] at ng mga tagumpay sa karunungan ng mga dalubhasang Hapones na kinukusa nilang itago. Balang araw ay naasahan kong isa namang Pilipino[36] ang maririnig nating magwawagi kung di sa pulitika ay sa kabuhayang pandaigdig. Makikita mo kaibigan![37]

     Kinakailangan kong tumungga ng kape at sundan ng hitit ng sigarilyo upang huwag mahalata ni Merton na ako’y pinanunuyuan ng laway[38] nang mabanggit niya ang ukol sa aking kalahi. Diyata’t[39] may isang Amerikano pang gaya nito na umaasang balang araw ay may isang Pilipinong magkakaroon ng isang katangiang pandaigdig[40]? Diyata?

     Pasasalamatan ko sana si Merton sa kanyang mabuting hangad sa aking kalahi, datapuwa’t[41] doon nga nga nabanggit ang “pagkaligaw”[42] ni Rudyard Kipling sa pagkasulat ng kanyang kasabihang[43] ngayo’y palasak[44] na sa buong daigdig.

     “Kung ang langit at lupa’y maaaring paglapitin,” ang giit[45] niya sa akin nang mahulaan niyang ako’y may pag-aalinlangan[46] sa kanyang sinabi, “ay ang Kanluran at Silangan pa kaya?”

     Sasabihin ko sanang ako’y naniniwala na sa kanyang palagay, ako ay naakit[47] na niya laban sa :kasinungalingan ni Kipling” at nahuhulaan[48] ko na ang kanyang ibig sabihin, datapuwa’t siya na rin ang nagdugtong. “Hala, ubusin mo na ang iyong kape. Tayo na sa bahay. At ang asawa ko ang magsasabi sa iyong “ligaw” si Kipling.”

     NANG MAGTAPOS si Dan Merton sa Unibersidad ng South California, ang naging gantimpala[49] sa kanya ng kanyang ama ay isang pagliliwaliw[50] sa “Paraiso ng Pasipiko”[51] – ang Haway. Bagong labas sa kolehiyo, may pangalan at tanyag[52] palibhasa’y kapitan ng mapagwaging[53] koponan[54] sa football[55] ng kanilang paaralan; anak ng milyonaryo sa Hollywood at sadya namang magandang lalaki, si Merton ay naging “idolo”[56] ng mga sakay[57] sa Malolo, nang minsang tumulak[58] ito buhat sa Los Angeles hanggang Honolulu.

     Halos ay sundan siya sa kanyang kamarote[59] ng mga kasama niyang mga debutante[60] sa bapor. Hindi lamang dalawang dosenang “aklat ng mga lagda”[61] ang napaglagyan ng kanyang pangalan at lilimampung pamaypay ng mga pasahera ang kanyang nasulatan. Minsang ipininid niya ang pinto ng kanyang kamarote, ang maluwang na laylayan ng isang paa ng “pajama”[62] ng huling humingi sa kanya ng lagda ay naipit pa.

     “O, ang mga babaing ito!” ang nasabi na lamang niya, “bakit kaya ayaw akong patahimikin?”
Sa agahan, hindi pa siya nakatatapos ay may kumakasundo[63] na sa kanya upang maging kalaro ng deck sports. Sa tanghali, hindi pa siya nakapaghihimagas, ay may lumalapit na sa kanya upang siya’y makalaro, kung di ng bridge ay kahit na mahjong[64]. At sa gabi, anim-anim na may sulat na menu ng mga dalaga ang dinaratnan niya sa kanyang mesa at nagsasabing ibig nilang maging kapareha nila siya sa sayawan sa kubyerta[65].

     Kung nag-iisa na si Merton sa kanyang silid, ang gayong tila paghanga sa kanya ng karamihan ay nagiging paksa ng kanyang dilidili[66]. Akala niya’y sa isang Rudolph Valentino[67] o isang Ramon Navarro[68] lamang maaaring “masira”[69] ang mga dalaga. “Hindi pala’t sa isang bagong labas sa kolehiyong gaya ko ay mayroon ding maaaring mahaling[70].”


RODOLPH VALENTINO
(May 6, 1895 - December 23, 1913)
     Natatawa lamang si Merton sa harap ng nangyayari sa kanya. Kung hindi kaya siya si Dan Merton, na kapitan ng koponan ng football sa Unibersidad ng Southern California at angkan ng milyonaryong Merton sa Hollywood, ay pintuhuin[71] kaya siya ng sinuman na gaya ng ginagawa sa kanya sa bordo[72] ng bapor Malalo? Palibhasa’y mapag-aral siya ng ugali ng mga tao, kaya’t ang kilos ng kanyang kapwa ay pinag-aalinlanganan pa rin niya. Naniniwala siya hangga ngayon, na ang sangkatauhan ay sumasamba pa rin sa diyus-diyusan[73], hindi lamang sa ayos-bakang pintakasi[74] ng mga taga-Ehipto[75], kundi sa gintong sangkap sa katawan ng nasabing baka. Kabalintunaan[76]!
Bago siya nagtungo sa Haway ay wala siyang anumang yaring palatuntunan[77] ng kanyang dapat gawin. Maliban sa kanyang nababasang polyeto[78] na ipinamamahagi ng mga turista[79] tungkol sa nasabing “Paraiso ng Pasipiko” ay wala siyang anumang nalalaman tungkol sa nasabing lupaing sakop ng Amerika. Nasa sari-saring pagmumuni siya sa loob ng kanyang kamarote nang sa butas ng lagusan ng hangin[80] sa bapor ay tila kalatas[81] na ibinalita sa kanya ng taginting[82] ng musika ang pagdaong[83] nila sa Honolulu. Noon niya nasukat[84] na may limang araw na pala siyang naglalayag, hindi man lamang siya nainip, at dumating na siya sa kanyang patutunguhan.
Agad niyang binuksan ang kanyang traveling trunk[85] at sa isa sa mga kahon ay kinuha ang tarhetang[86] bigay sa kanya ng kanyang ama na kinaroroonan ng pangalan ng isang taong sasalubong sa kanya.

     “Aha!” ang nasabi niya sa sarili. “Editor ito ng pinakamalaganap na pahayagan[87] sa Honolulu. Dapat siyang maging malaking tao[88].”

     Pagbaba niya sa andamyo[89] , isang lalaking may kagulangan na,[90] mapuputi ang buhok at may kunot na ang mukha, ang biglang sumunggab[91] sa kanya.

     “Hindi ako maaaring magkamali,” sabi sa kanya. “Kamukhang-kamukha ka ng aking kaibigang si Daniel Merton. Hindi ba ikaw ang kanyang anak? Tinanggap ko ang kable[92] ng iyong ama, kaya kita sinalubong.!”

     Hindi pa nakasasagot man lamang ng “salamat po!” si Merton ay isinabit sa kanyang liig ang isang mahabang kuwintas ng mga bulaklak na sariwang kilala sa tawag na lei.
“Iyan ang Aloha[93] ko sa iyo,” sabi sa kanya.

     May isang buwan na si Dan Merton sa Royal Hawaiian Hotel sa Waikiki. Isang magandang suite de luxe[94] ang sa pamamagitan ng kable ay ipinahanda ng kanyang ama buhat sa Hollywood upang kanyang matirhan. Nagsawa na siya sa lahat ng sinasabing ganda ng Honolulu. Napagod na siya sa paglangoy sa War Memorial Natatorium[95] at sa Waikiki. Hindi miminsang nagdaan-daan siya sa matayog na Pali[96], nadalawa na niya ang templo ng mga Mormon[97] na may bughaw na tubig ukol sa mga binibinyagan, at makailan na ring nagpalipas siya ng gabi sa sayawan sa Kailuwa[98], kung nagsasawa na siya sa bulwagan ng kanyang otel. Nakadalawa na rin siya sa Hilo[99] at sa Molokai[100], sa pamamagitan ng eroplano, nakita na niya ang kumukulong laba ng bulkan, saka ang mga “buhanging tumatahol[101]”. Ano pa ang nalalabi sa kanyang hindi nakikita sa “Paraisa ng Pasipiko”?

     Talagang naghahanda na siya sa pag-alis nang sabihin sa kanya ng kaibigang editor ng kanyang ama sa Honolulu, na hintayin muna niya ang pagtatapos ng klase sa kolehiyo ng Punahu[102]. “Ako ang nahirang na magbigay ng pangaral[103] sa mga natapos sa taong ito,” ang sabi niya kay Merton, “at maibabalita mo sa iyong ama sa Hollywood kung gaano kabuting magsermon sa mga wahini[104] (babae sa wikang Kanaka[105] )ang kanyang kaibigan sa Honolulu.”
Pumayag si Dan Merton. Sa nasabing Commencement[106] ng Punahu School, doon niya nakilala si Noemi[107], isang tunay na Kanaka, subali’t halimbawa ng dalagang may mataas na pinag-aralan. Hindi niya malaman kung bakit ang mga matang buhay na buhay ni Noemi ay walang iniwan[108] sa palasong[109] sabay na tumuhog sa kanyang puso[110]. Si Noemi ang naging patnubay[111] ng mga pangaral, palibhasa’y siyang pangulo ng Kapisanan[112] ng mga Senior[113] sa nasabing kolehiyo. Anong tamis niyang magsalita ng wikang Ingles! Anong lambing[114] niyang bumigkas ng mga pangungusap!

     “Wala pa akong naririnig na dalagang Amerikana na kasintamis niyang magsalita!” ang sabi pa ni Merton pagkatapos.

     “Ginoong editor,” ang sabi niya sa kaibigan ng kanyang ama, “Hindi ako uuwi na di kasama si Noemi.”

     “Talaga bang totoo ang sinasabimo?” ang usisa sa kanya ng matanda.

     “Paris ng katotohanang ang umaga’y sumusunod sa gabi[115].”

   “Dan!” ang may halong pangaral na pahayag ng matanda, “ang mga Kanaka ay mamamayang Amerikano lamang[116], ngunit hindi laging Amerikano. Kawika lamang natin sila, datapuwa’t hindi natin sila kalahi[117].”

Ang palagay ni Dan Merton ay napakakitid ng noo[118] ng kanyang kausap. “Matanda na at editor pa naman ng pahayagan,” ang bulong niya sa sarili. “Maano[119] kung hindi kalahi? Maano kung hindi kakulay? Hindi ba bayan ng pagkakapantay-pantay ang Amerika[120]? At hindi ba lahat ng tao ay mamamayan ng daigdig?”

Sa sarili na lamang nangatuwiran si Merton. At nang minsang umalis sa Honolulu ang bapor City of Los Angeles, sa talaan ng mga sakay ay mababasa ang ganitong mga pangalan: “Mr. Dan Merton” at “Mrs. Dan Merton”. Ang “Mrs. Merton” ay si Noemi – ng Punahu School.

Nang umuwi si Merton, halos ang mga kasabay rin niya sa malalo na mga debutante ang kanyang kasamang umuwi, ngunit hindi na gaya ng dati. Kahit na siya nag-iisa sa kubyerta kung ayaw lumabas ni Noemi, ay maanong sulyapan[121] man lamang siya. Kung pagmasdan niya’y tila pa nasusuklam sa kanya, dahil sa nanghahaba ang kanilang mga labi [122], at nagsisitalim ang kanilang mga mata sa pagtanaw sa kanya.

“Kabalintunaan sa sangkatauhan!” ang nasabi na lamang. “Ako’y nag-asawa sa aking iniibig, dahil ako’y sumunod sa tibok ng puso ko at hindi sa alituntuning magdaraya ng lipunan[123] at kinasusuklaman na ako ngayon.”

Nguni’t may iba siyang naisip.

“Ano kaya ang sasabihin ni Ama, kung malamang nag-asawa ako sa isang hindi namin kalahi, sa isang kayumangging[124] Kanaka?”

Natira[125] si Dan Merton sa gayong pagmumuni-muni[126]. Sa kanyang mga mata’y may sampung daliring maliit na tumakip buhat sa likod:

“Hulaan mo kung sino ako!” ang impit ng tinig na utos sa kanya.

Disyembre na nang sila’y papauwi sa Los Angeles. Ilang araw na lamang at Pasko na. Sa loob ng kanilang suite de luxe sa bapor ay inisa-isa ni Merton kay Noime kung gaano magiging kasaya ang kanilang Pasko. Humigit-kumulang[127] ay nababatid ni Noemi na milyonaryo ang ama ni Dan, kaya’t di kataka-takang magkaroon siya ng Paskong lalong masaya sa kanyang buhay sa piling ng sinumpaan niyang “sa buhay at kamatayan”[128] ay kanyang makakahati[129].

Kinusa ni Merton na huwag ipaalam sa kanyang ama ang kanyang pagbabalik. Ang ibig niya’y makagawa ng isang “sorpresa.” Datapuwa, isang araw nang dumating ang bapor sa Wellington[130], tumanggap siya ng isang kable mula sa Hollywood na humigit-kumulang ay ganito ang sinasabi: “KUNG IBIG MONG MABUHAY HANGGANG PASKO SA PILING NG IYONG ASAWANG KANAKA, HUWAG KANG MAGKAKAMALING TUMUNTONG SA UNANG BAITANG NG ATING HAGDANAN...DANIEL MERTON.”


Rolls Royce Phantom II
Ayaw na niyang maniwala ay nasisinag[131] niya sa gayong mga kataga ang pangungusap ng kanyang ama – matitigas, matutulis at mababagsik. Kilala niya ang kanyang ama. Sabi lamang niya sa lumuluhang si Noemi na isang biro lamang yaon, bagama’t iniisip niya kung sa Embassy[132] o sa Baltimore[133] sila tutuloy na mag-asawa pagsapit[134] sa Los Angeles. Hindi siya magtutuloy sa Hollywood.

Balisa at kumakaba ang kanyang dibdib, ang bapor ay dumaong sa Wellington, datapuwa’t laban sa kanyang pag-asa [135], nasa himpilan ng perokaril[136] ang malaki niyang Rolls Royce[137].

“Nakita mo na!” ang sabi ni Merton kay Noemi. “Hayun ang awto[138] namin. At hayun si ama sa loob. Hinihintay tayo!”

Isang ngiting may kahulugan – ang ngiting may pangamba at alinlangan -- ang itinugon ni Noemi sa malaking galak[139] at lukso ng puso ng kanyang asawa. At sino naman ang hindi malulugod?

Ang mag-ama ay nagyakap at si Noemi ay kinamayan ng kanyang biyenan[140]. “Wala kayong dapat alalahanin!” ang sabi sa kanila na lalo pang ikinatahimik ng loob ni Merton.

“Sa bahay, at nang makapagpahinga kami agad!” ang utos ni Dan sa kanilang tsuper[141], na gaya ng karaniwang pag-uutos kung ginagamit niya ang nasabing kotse kung siya ang nagpapalakad[142].

     “Hindi!” ang sigaw ng matanda. Ikukuha ko kayo ng isang bungalow[143] sa Sta. Monica[144] beach, malapit sa bahay ni Bebe Daniels[145]!”

    “Mabuti nga’t nasa tabi ng dagat.” salo ni Dan. “Hindi na maninibago si Noemi, dahil sa katulad din ng Waikiki beach. Makalalangoy kami kahit anong oras!”

     “Kahit saan ay masisiyahan ako,” ang bulong ng Kanaka ng hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang bisig, “nasa piling lamang kita.”

     Napatingin sa kanila ang matanda na tila sinusukat ang ibig na sabihin. “Bilang pasalubong sa inyo,” sabi ng matanda, “ay magdaraos doon ng party[146] ngayong gabi. Pinaanyayahan ko na ang lahat ng dalaga’t binata sa Hollywood, karamihan ay mga artista sa sine, upang masiyahan kayo sa pagsisimula sa pagsisimula ng isang bagong kabuhayan.”

     “Pasintabi[147] sa inyo,” ang pakli[148] ni Noemi, “inaasahan kong ang nasabing party – ay hindi katulad ng mga wild party[149] na ikinamatay ng isang artista nang magdaos si Fatty Arbucle[150] o kaya’y ng nangyari kay Miss Pringle[151] nang magdaos naman si Pantages[152].”

     Tatangu-tango ang matanda na tila noong lamang niya nakilala kung gaano kataas ang napag-aralan ng kanyang manugang[153]. Ibig sabihin ng kanyang sarili ay “Mahigit pa sa roon” subali’t iba ang binigkas ng kanyang bibig: “Marahil ay mahuli-huli roon.”

     “Nguni’t, Ama!” ang agaw ni Dan, “ang asawa ko ay marangal na babae. Tila hindi dapat sa kanya ang gayong pasalubong.”

     Tutugunin pa sana ng matanda ang pasalubong ay siya ang may handog, nguni’t biglang tumigil ang awto sa tapat ng isang gusali sa tabi ng dagat.

    “Narito na ang inyong bahay!” ang sabi sa kanila. “Lahat ay nakahanda na para ngayong gabi!”
Ipikit at idilat ni Noemi ang dalawa niyang mata ay hindi niya mapaniwalaan ang kanyang nakikita, gayong mag-iikaapat na ng madaling-araw. Ang mga babaing panauhin at halos wala nang damit, sapagka’t punit-punit na ang kanilang mga kasuutan sa pakikipagbatakan sa mga lalaki. Ang mga lalaki naman ay kusa nang nag-aalis ng kasuutan nila at wala nang natitira sa katawan kundi ang kahuli-hulihang inaalis bago matulog[154].

     Ang lahat ay lasing. Lasing na ang lahat na ang mga mata’y nakulabaan[155] na ng matapang na sugapa[156] ng alak, kung kaya’t hindi na napapansin ang kahiya-hiyang kalagayan ng lahat. Si Dan ay lasing na rin. Apat na kilalang artista sa Hollywood ang nagpupulupot[157] ng katawan nilang halos ay bilad nang lahat sa kanyang matipunong katawan.

     Si Noemi ay nagdahilang nahihilo pa sa malaking hapo[158] sa bapor, kaya’t kahit pinagbatakanan siya ay hindi siya nakihalubilo. Samantalang pinagmamasdan niya ang magandang kuwadro[159] ng kahalayan sa kanyang tahanan ay may tumapik sa kanyang balikat. Nang lumingon siya ay nakita niya ang ama ni Merton, ang kanyang biyenan.

     “Ano, Noemi?” ang bati sa kanya. “Hindi ba nanghihinawa[160] ang pag-ibig mo kay Dan? Ibig mo ba ng ganyang buhay? Hindi ka ba nasusuklam[161]? Kung ibig mong tumakas ngayong gabi ay nariyan ang kotse. May bapor na tutulak bukas. Pababaunan kita ng sampung libong dolyar[162]. Ano, sumagot ka?”

     Tinitigan ni Noemi ang matanda. Ibig niyang sa kanyang tingin ay mawatasan[163] ng matanda na nababatid niya na ginawa yaon upang mapawi ang pag-ibig niya kay Merton, sapagkat laban sa kanyang kalooban ang pagkakapag-asawa nito sa isang hindi kalahi, sa isang Kanaka. Tutugon na sana si Noemi ng “Gayon pala!” datapuwa’t naunahan siya ng matanda.

     “Hindi magiging maligaya sa piling mo si Merton,” ang sabi uli. “Sa habang panahon ay lalayuan siya ng kanyang mga kakulay, ng kanyang mga kalahi. Gagawin kong $25,000, pabayaan mo na lamang siya.”

     Sa nagdidilim na pag-iisip ni Noemi, ang mga pangungusap ng matanda ay naging kidlat na nag-iwan ng apoy, kaya’t nagliwanag. Walang kibo, si Noemi ay tumakbo sa kanyang silid, at nang lumabas ay hindi na ang Noemi na gayak-Amerikana[164], kundi isang tunay na Kanaka; walang takip sa dibdib kundi ang makapal na lei at sa ibaba ng katawan ay ang kanyang sayandamo[165]. Nanaog siya. Nakisalamuha siya sa madla[166] at sa saliw ng inaaantok nang orkestra[167] ay nagsayaw ng Hulahula[168].

     Sa gayo’y tila nagising ang mga lalaki. Ang kanyang katawang katutubo ang pagkakayumanggi at hindi sinunog sa araw[169], paris ng mga Amerikana, nguni’t walang iniwan sa kumikiwal[170] na ahas ang galaw ng katawan, pati ng dalawang bisig at ng dalawang paa, ang damdaming makahayop[171] ng mga lalaki ay nagising. Iniwan ang mga kapiling nilang babae at ibig nilang yakapin, lingkisin[172] at kung ano pa, nguni’t maliksi naman nitong naiwasan.

     Sa gayong ayos nadilat ang mga mata ni Merton. Nakita niya ang babaing “una at huli” niyang inibig ay nasa bunganga ng mga halimaw na lasing na hindi nalalaman ang ginagawa. Bigla siya nagpupumiglas sa apat na babaing “namumulupot” sa kanya at humadlang sa nagsisihabol kay Noemi.

     “Mga alibugha,” nakadipang wika niya sa paghadlang sa lahat. “Madudurog ang liig ng sinumang mangangahas humipo sa katawan ng asawa ko!”

     Nang marinig ito ni Noemi ay napahalakhak[173] ng tawa sa kanyang tagumpay. Noon din ay lumapit siya sa piyano, sinimulan niyang saliwan[174] ang kanyang sarili sa pagawit ng Aloha[175], awit ng tagumpay! Awit ng luwalhati[176]!

      Nang lumingon siyang muli ay wala nang ibang tao sa bulawagan[177]. Pati ang biyenan niya ay wala na rin. Walang natira kundi si Dan Merton na hawak sa kamay ang isang tsekeng[178] $500,000. Nguni’t yaon man ay pinagkasunduan nilang ibalik sa matanda.
“Babalil uli tayo sa Honolulu!” ang may pagdaramdam na sabi ni Dan Merton. “Iniwan ni ama ang pabaon niya sa atin!”

     “Nasabi ko na sa iyo,” ang ulit ni Noemi. “Kahit saan ay masisiyahan ako, nasa piling lamang kita, aking hari!”

     “Pag-ibig! Pag-ibig, kaibigan, ang makapaglalapit sa Silangan at Kanluran” – ang buong kasiyahang nasabi ni Merton nang matapos isalaysay ni Mrs. Noemi Merton ang magandang romansa[179] ng kanilang pag-iibigan. “Ang langit at lupa man ay mapaglalapit, dahil sa pag-ibig!”
Tila nga naman totoo ang sabi ng mamamahayag[180] na Amerikanong ito. Idinugtong niyang kung itinaboy man silang mag-asawa sa Paraiso sa Hollywood ay lalong paraiso[181] sa kanya ang Honolulu, palibhasa’y nakikilala niyang “may katinuan ang mga Amerikanong” naroon, kaysa mga aristokratikong[182] nasa baybayin ng Pasipiko.

    Sa katunayan, nang magbalik sila, ang editor ding kaibigan ng kanyang ama ang nagbigay sa kanya ng tungkuling makasama sa staff[183] ng pahayagang kanyang sinusulatan matapos tukuyin sa kanya ang “Sinasabi ko na nga ba!”

    “Maganda nga sana ang aking bayan,” ang sabi pa ni Merton, “datapuwa’t lumabis nang totoo ang yabang na balang araw ay mahuhulog din sa kanyang sariling bigat[184].”

     “Narito na ang nagdurugtong sa Kanluran at Silangan!” ang sabi ng ina.

     “Oo nga,” ani Merton, “ang nagkakabit sa langit at lupa.”

     “May anak na kayo?” ang pamangha kong tanong.

     “Oo,” ang sabay nilang tugon. “Bininyagan namin ng ALOHA.”


-WAKAS-



[1] Ang mga impormasyon tungkol kay D.A.R. ay mula sa CCP Encyclopedia of Philippine Art, Volume IX. 733.

[2] Aloha - salitang Olelo Hawaii, isa sa pinakamatatandang buhay na wika sa daigdig. Katumbas ito ng “kumusta” o “paalam" at ng “pag-ibig” at “pagkagiliw” o affection. Ikinakabit ito sa ibang salita upang maging gamit-pambati, gaya ng “aloha kakahiaka” (magandang umaga), “aloha auinala” (magandang tanghali), at “aloha ahiahi” (magandang gabi). Pero higit na malalim ang kahulugan ng “aloha” kaysa sa binanggit na pagbati. Ang literal na kahulugan nito ay “pagka-naririyan ng hininga” o “hininga ng buhay”, at sa Hawaii, sumasaklaw ito sa kaibuturan ng pagpapakatao at espirituwalidad (mula sa To- Hawaii.Com, http://www.to-hawaii.com/aloha.php. 17 October 2009)/ May tatlong paraan ng pagkakasulat ang pamagat ng kuwentong ito: “Aloha” sa DEOGRACIAS A. ROSARIO: Ang Sining ng Maikling Kuwento na tinipon at sinuri ni Romeo G. Dizon at inilathala ng KAL UP (ang bersyong ito), “ALOHA” sa kauna-unahang limbag, at “Aloha!” sa iba pang mga antolohiya. Wala akong nakalap na impormasyon ukol sa pagbabago-bagong ito.
Ginawaran ng karangalang Kuwentong Ginto noong 1932, ang “ALOHA” ay nagtamo ng mga medalyang ginto sa “Ilaw at Panitik” at “Kalipunan ng mga Kuwentista”. Sa “Paunang Salita “ ng unang limbag ng kuwento, sinasabi ni Alejandro G. Abadila -- hurado ng naturang patimpalak -- na ito ay “perlas ... sa gitna ng mga perlas....Sinasalamin ko ang “ALOHA”, sa kanya’y namalas ko ang aking larawang kayumanggi, ang larawan ng aking lahi”. Sa pagsusuma, sinasabi ni Abadilla na ang “ALOHA” ay “makasining sapagka’t nangangayupapa sa paanan ng Kagandahan,; teckniko, sapagkat ang ‘tatlong pagkakaisa’ na kinakailangan sa isang ... maikling katha ay na sa balangkas ng diwa ni Deogracias A. Rosario; at may dakilang tinutukoy sa pagkakasulat, sapagka’t may lihim na hangaring magpabulaan sa isang paniniwalang tila di gumagalang sa kabanalan ng isang Dios.” Sampung libong kopya ang bilang ng unang limbag ng ALOHA (Rosario, Deogracias A. 1933. Anak Ko at ALOHA. Maynila: Benipayo Press at Fotograbado).

[3] kadalubhasaan - galing sa salitang dalubhasa na nangangahulugang bihasa o experto. Malalim na kasanayan o kaalaman sa isang partikular na larangan o disiplina. Para tukuyin ang isang partikular na kadalubhasaan, idinudugtong ang dalub sa angkop na larangan o disiplina. Halimbawa, dalub-wika (experto sa wika), dalub-agham (scientist), atbp.

[4] Rudyard Kipling Ipinanganak sa Bombay, India noong 30 Disyembre 1865 at namatay sa London noong 18 Enero 1936. Nobelista, kuwentista, at makata. Kauna-unahang English author na tumanggap ng gantimpalang Nobel Prize noong 1907. Kabilang sa mga akda ni Kipling ang The Light that Failed, isang mahabang tula tungkol sa isang bulag na pintor ng digmaan at ang Barrack-Room Ballads, antolohiya ng mga tula (Kipling (Joseph) Rudyard. Microsoft Encarta Suite 2005).

[5] Ang Silangan ay Silangan /Ang Kanluran ay Kanluran;/Magkapatid silang kambal,/ Magkalayo habang buhay - salin ni DAR ng “OH, East is East, and West is West, and never the twain shall meet.”

[6] The Ballad of the East and West - pamagat ng tulang pinagkunan ng siniping linya. Sa halip na “The Ballad...”, “Ommar Khayam” ang nasa unang limbag ng ALOHA, The Rupaiyat of Omar Kalvin” naman sa Alip, Efronio at Julian Balmaseda. 1940. Mga Hiyas ng Wikang Pambansa. Manila: Filipiniana Publishing House. Myaroon pang Omar Kahvan” sa ibang libro.Ang “Rubbaiyat of Ommar Khayyam” ay pamagat na ibinigay ni Edward Fitzgerald, isang tagasalin at makatang English na ipinanganak sa Woodbridege, Sufolk, sa koleksyon ng mga tulang pinaniniwalaang sinulat ni Ommar Khayyam. Ang rubai ay terminong Arabic na ibig sabihin ay apatang linya, ang rubbaiyat ay plural form na tumutukoy sa koleksyon ng mga tulang may tig-aapat na linya. Si Ommar Khayyam ay isa ng Persian Poet, ang pinaniniwalaang sumulat ng orihinal ng mga tulang isinalin ni Fitzgerald sa “Rubbaiyat...”. Lumalabas na ang nasa bersyong Dizon at ang mga kagayang bersyon ay koreksyon ng orihinal ni DAR.

[7] magkaibayo –nasa magkabilang dulo ng isang lugar o bagay. Sa salitang-ugat na ibayo na ang ibig sabihin ay kabilang dulo. Laging nakapaloob sa salitang ito ang presensya ng isang mental o pisikal na pagitan na naghihiwalay sa dalawang bagay o tao. Mahusay ang pagkakagamit nito sa kuwento dahil sinusuhayan nito ang pagkakaiba ni Dan Merton at ng tagapagsalita sa kuwento.Puwede rin itong mangahulugan ng pagkakaiba ng opinyon o posisyon sa isang usapin. Haliimbawa, Magkaibayo ang kanilang sinsabi tungkol sa nangyari. Iba pang kaugnay na kahulugan: dulo’t dulo, magkalayo.

[8] veranda – extensyon sa labas ng pader o dingding ng isang gusali, kadalasang may atip at walang dingding. Sa mga establisyementong tulad ng Waikiki Tavern, pnipili ito ng mga kustomer dahil mula rito ay natatanaw nila ang lawak ng dagat, sariwa ang simoy ng hangin, pinapasok ito ng sinag-araw, at kung gabing maganda ang panahon, tanaw ang aliwalas ng langit. Balkon o balkonahe ang katumbas nito sa Pilipinas.

[9] Waikiki Tavern – isang primera klaseng bar sa 417 Nohonani St., Honolulu. Kilala sa mga puting baybay-dagat, nakabibighaning paglubog ng araw, at magarang otel at iba pang amenidad. Sentro ito ng gobyerno ng Hawaii noong 1450s (Aloha-Hawaii.Com: Dive in, Drift Away. http://oahu.aloha-hawaii.com/hawaii/waikiki/).

[10] Honolulu – sentro ng kalakalan ng Hawaii. Narito rin ang mga tanyag na historikal na lugar o gusali gaya ng “Aloha Tower” at “Iolani Palace” (Aloha-Hawaii.Com: Dive in, Drift Away. http://oahu.aloha-hawaii.com/tours/downtown+honolulu/)

[11] kapeng Haba – kapeng mula sa Java, Indonesia.

[12] isinasalit – isinisingit. Kilos na nagpapahiwatig ng saglit na paglihis o pag-abala sa isang regular na padron ng aktibitidad o bagay; isang kilos na ginagawa sa pagitan ng iba pang gawain.

[13] dalig surfboard, isang makitid at mahahabang tabla na tinutuntungan ng mga surfers sa ibabaw ng mga alon.

[14] laki –mataas ang tubig o high tide, taib (kabaligtaran ng hibas).

[15] nagngangalit – mula sa ngalit na ang ibig sabihin ay matinding galit o poot. Malalaki ang mga alon. Karaniwang ipinang-uuri sa mga penomenong pangkalikasan tulad ng bagyo, ulan, hangin, putok ng bulkan, atbp.

[16] isport – laro o libangan.

[17] taga-Haway – mga naninirahan sa Hawaii. Ang Hawaii ay panglimampung state ng USA. Pumasok ito sa Union noong 21 Agosto 1959. Pangunahing binubuo ito ng Hawaiian islands, gaya ng Hawaii, Maui, Oahu, Niihai, Kahoolawe, atbp (Microsoft Encarta Premium suite 2005).

[18] sariling-sarili – walang ibang gumagawa o nagmamay-ari. Isang praktis o bagay na tanging sa isang komunidad, lahi, o lugar lamang ginagawa o matatagpuan.

[19] dipa – espasyong sakop ng nakaunat na dalawang kamay ng isang tao. Kadalasang ginagamit panukat ng haba; ang haba ng isang nakaunat na kamay mula dulo ng pinakamahabang daliri hanggang sa puno ng kilikili ay kadalasang katumbas ng isang yarda.

[20] taluhaba – parihabang patatsulok ang magkabilang dulo.

[21] sumasalunga – sumasalubong; kumikilos pasalungat. Maaari ring gamitin para tukuyin ang isang desisyong kaiba sa desisyon ng nakararami.

[22] pangangabayo – pagsakay sa tumatakbong kabayo; ginagamit sa mga kilos o sitwasyon may pagkakatulad sa tumatakbong kabayo. Halimbawa, Baku-bako ang daan, maghapon kaming nangabayo sa motorsiklo.[23] Unibersidad ng Southern California – University of Southern California. Isa sa mga nangungunang research Universities sa daigdig. Itinatag noong 1880 at nagsimula sa 53 estudyante at 10 guro (University of Southern California. http://www.usc.edu/about/ataglance/. 17 October 2009).[24] Los Angeles – lungsod na California . Pangalawa sa New York bilang most populated cities sa USA. Isa sa mga lugar na pinakamatindi ang diskriminasyon laban sa mga Pinoy at iba pang lahing “maykulay”.

[25] lipi – kasinghulugan ng lahi; kadalasang tumutukoy sa kulay ng ng balat.

[26] angkan – tribo, o grupo ng mga taong nagmula sa iisang pamilya.

[27] Hollywood – sentro ng idustriya ng pelikula sa USA.

[28] sakit – karamdaman, kapintasan, o kahinaan. Ang tinutukoy na sakit ng mga kalahi ni Merton ay ang pagpapalagay na ang lahing puti ay mas mataas kaysa iba pang lahing may-kulay. Tumutukoy ito sa diskriminsayong nararanasan ng ibang lahi mula sa mga mga Puti.

[29] Amerikano – mamamayang ng North Amerika. Sa Pilipinas, Amerikano ang kinasanayang tawag sa lahat ng puti.

[30] puti – tumutukoy sa lahat ng lahing puti ang kulay ng balat na kadalasang mamamayan ng Kanluran o Hilagang bahagi ng daigdig. Sa mga bansang itinuturing na Ikatlong Daigdig, kakabit ng puti ang salitang mananakop.

[31] nabuksan – naalis ang takip (lit.); naungkat, naumpisahan, nasimulang pag-usapan.

[32] Kanluran – dakong nilulubugan ng araw (lit.); tumutukoy sa bahagi ng daigdig na inu-okupa ng lahing puti; sa kontexto ng kasaysayang pandaigdig, kaibayo ito ng Silangan, at kung gayon ay maaaring itumbas sa praseng lupain ng mananakop.

[33] katalagahan – kapalaran o tadhana. Isang bagay na di mapasusubalian dahil likas at nakatadhana. Halimbawa, katalagahang sakupin ng Amerika ang Pilipinas sapagkat atas ng tadhana na turuan ng mga puti ang mga Pinoy ukol sa demokrasya, edukasyon, atbp.

[34] upang maging Kayumangging sumilang sa Kasilanganan – nakakalito ang praseng ito. Walang refernsya sa kasaysayan ang ganitong palagay na ang Puti ay isinilang na Puti para maging kayumanggi na ipinanganak sa Silangan. Ang nasa kasaysayan ay manifest destiny o itinadhana na ang Puti ay maging tagapagligtas ng lahing Itim o Kayumanggi.

[35] Rabindranath Tagore – pinakatanyag na personalidad sa modernong literatura ng India. Kauna-unahang non-European na nakatanggap ng Nobel Prize for Literature noong 1913, dahil sa kanyang Gitanjali na isinalin niya sa English mula Bengali. Nagsulat sa wikang English at Bengali. Sa kanyang mga nobela at kuwento, tinatalakay niya ang mga sosyo-politikal na realidad sa India. Sa huling bahagi ng kanyang career, mas matingkad na sa kanyang mga akda ang espirituwalidad. Ipinanganak sa Calcutta noong 1861 at namatay noong 1946 (Tagore, Rabindranath, Microsoft Encarta Premium Suite)/

[36] Balang araw ay inaasahan kong isa namang Pilipino – mukhang nakaligtaan dito ni D.A.R . si Jose Rizal. At kung aral si Dan Merton, gaya ng paglalarawan sa kanya sa kuwento, natural lamang sana na alam niya ang tungkol kay Rizal, lalo pa’t Amerika ang pangunahing nagluklok kay Rizal bilang pamabansang bayani ng Pilipinas. O gusto lamang ilarawan ng awtor ang pagiging-tiwalag ng Pinoy sa kasaysayan ng kanyang bansa? Kunsabagay, wala kasing ng nobel prize si Rizal.

[37] Makikita mo kaibigan! – expresyon ng katiyakan na mangyayari ang isang bagay.

[38] pinanunuyuan ng laway – paglalarawan ng matinding emosyon na nagbubunsod ng pagkaumid o pag-aalangan dahil sa pagharap sa isang di inaasahang pangyayari. Sa kuwento, positibo ang panunuyo ng laway ng persona dahil nanggaling ang “papuri” sa Pinoy mula sa isang Puti.

[39] Diyata’t – diyata + at (hindi kaya pinaikling hindi yata ang diyata?). Salitang ginagamit para ipahayag ang pagtataka sa isang di inaasahang pangyayari. Sa ngayon, puwede nang ipahayag ang ganitong emosyon kahit wala ang diyata. Halimbawa, ang pangungusap na Diyata’t nagawa niya iyon? ay maipapahayag na – sa pamamagitan ng angkop na bigkas – ng pangungusap na Nagawa niya ‘yon? O kung talagang alam na ng mga nag-uusap ang kontexto ng pinag-uusapan, puwede na ang Ganon?. Syempre kailangan ang tamang bigkas.

[40] pandaigdig – tumutukoy sa kalidad na pasado sa internasyonal na istandard, na ang ibig lamang namang sabihin ay panlasa ng mga Puti, partikulara ang mga Amerikano. Ang pag-asam ng ganitong kalidad ay bahagi kaisipang kolonyal na ipinunla sa atin ng kolonyalismo. Hinubog nito ang kamalayan Pinoy tungo sa paniniwalang lahat ng mula sa Kanluran ay mainam at “world class” kaya dapat pamarisan o gawing modelo.

[41] datapuwa’t – datapuwa + at. Sugnay na ginagamit para iintrodyus ang isang kaisipan o damdamin na kaiba sa inaasahan. Ginagamit din ito para ipahayag ang opinyon o na taliwas sa unang ipinahayag, o katumbas ng ngunit at pero.[42] pagkaligaw – pagkawala; isang sitwasyong hindi alam ang daan pauwi; pagiging lihis sa tama o katuwiran. Sa kontexto ng kuwento, binibigyang-diin nito ang pagiging lihis ni Kipling sa katuwiran.

[43] kasabihan – mga “butil” ng kaalamang nasa porma ng tula. Ayon kay Bienvenido Lumbera Sa Philippine Literature: History and Antholgoy, isa ang kasabihan sa pinakamaiikling anyo ng tula sa Pilipinas. nagtataglay ito ng mga kaalamang maaaring gumabay sa buhay.

[44] palasak – napaka-ordinaryo, alam at halos ginagamit ng lahat. “gasgas” o wala nang dating dahil sa paulit-ulit na gamit.

[45] giit – pahayag na may pagbibigay-diin upang makita ang katuwiran. Halimabawa, Igiit mo ang iyong punto para maintindihan niya ang kalagayan mo.[46] pag-aalinlangan – pagdududa, pangamba. Damdaming bunsod ng kawalang-katiyakan sa kahihinatnan o kawalan ng kaalaman o paniniwala sa isang pangyayari, kaisipan, bagay, o tao.

[47] naakit – nakumbinsi, napapaniwala. Nakatawag ng pansin ang pinaka-karaniwang kahilugan nito, pero depende sa kontexto, puwede itong mangahulugan ng natukso – sekswal man o moral. Mga halimbawa: 1) Naakit ako ng maumbok niyang puwet. 2) Naakit ako ng kanyang kayamanan.

[48] nahuhulaan – alam na ang susunod na mangyayari o susunod na gagawin o sasabihin ng isang tao. Sa kuwento, ang ibig sabihin ng nagsasalita ay halos alam na niya ang sasabihin ni Merton.

[49] gantimpala – mula sa ganting pagpapala. Premyo, insentibong sukli sa isang mahusay na gawa. Bagay, pera, o parangal na ipinagkaloob bilang pagkilala sa mabuting gawa o kagandahang-loob.

[50] pagliliwaliw – paglilibot, paglalamyarda, pagpapasarap sa buhay.

[51] Paraiso ng Pasipiko – taguri sa Hawaii dahil sa mga kaakit-akit nitong mga likas na tanawin at mga modernong amenidad.

[52] may pangalan at tanyag –tumutukoy sa mga taong may pinag-aralan, kilala, at kadalasang iginagalang sa lipunan.

[53] mapagwagi – laging nananalo, laging kampeon.

[54] koponan – grupo ng mga manlalaro sa isang partikular na larangan ng paligsahan; halimbawa, koponan sa basketbol.[55] football – isang matandang larong maiuugat sa larong Tsu chu sa Tsina 2, 500 taon na ang nakararaan. Nilalaro ng dalawang koponan na ang layunin ay maka-iskor sa pamamagitan ng pagsipa sa bola papasok sa goal ng kalaban.

[56] idolo –isang tao na pinamamarisan o ginagawang modelo sa buhay. Sa kuwento mas tumutukoy ito kay Merton bilang objek ng paghanga ng mga kababaihan.

[57] sakay – pasahero, mga taong nasa isang sasakyan para pumunta sa isang destinasyon.

[58] tumulak – umalis, lumarga. Halimbawa, Lumarga na sila kaninang madaling araw.

[59] kamarote – mula sa Espanyol na camarote na ang ibig sabihin ay cabin o stateroom. Sa Encarta dictionary, ito ay dampa, silid ng crew o pasahero sa eroplano o sa bapor o iba pang sasakyan. Sa kuwento, ito ay tumutukoy sa kuwartong-pampasahero na tinutuluyan ni Merton.

[60] debutante –ayon sa Encarta Dictionary, ito ay tumutukoy sa mga nagdadalaga (maglalabing-walong taong gulang) na “ipinapakilala” sa lipunan o komunidad sa pamamagitan ng isang sayawan o piging. Mas ginagawa ng mga pamilyang mga maykaya sa lipunan.

[61] aklat ng mga lagda – mga notbuk o librong na pinapipirmahan sa mga kaibigan o artistang hinahangaan bilang remembrans. (Ngawit na ngawit siguro si Dan Merton sa pagpirma).

[62] pajama – maluluwag na salawal na ginagamit pantulog. Mga mayayaman ang kadalasang may pajama; sa mahihirap, kung ano ang panglaro siya na ring pangtulog.

[63] kumakasundo – taong nakikipag-usap para mag-imbit sa isang gawain o tipanan.

[64] mahjong – laro o sugal na nagmula sa Tsina. Gumagamit ito ng 144 tiles na may iba’t ibang disenyo at nilalaro ng apat na tao. Mananalo ang manlalarong unang makabuo ng isang partikular na padron gamit ang 13 tiles (Encarta Dictionary)

[65] kubyerta – isang palapag sa barko na ginagamit sa mga pagtitipon, piging, o sayawan.
[66] dilidili – pag-iisip, pagmumuni, pagninilay, repleksyon.

[67] Rodolph Valentino – artista sa silent movies. Ipinanganak sa Italya 06 May 1895. Dumating sa Amerika noong 23 Disyembre 1913. Sumikat noong gumanap siya sa pelikulang "The Sheik." Siya ay may taas na 5’7 at may timbang 154 libra . itim ang buhok at may mga matang kulay brown (Silent movies.org . http://silentgents.com/PRudy.html).

[68] Ramon Navarro – dating mananayaw. Ipinanganak sa Durango, Mexico noong 06 Pebrero 1899; lahing Kastila. Ramon Gil Samanyiegos ang tunay niyang pangalan. Sumikat sa mga pelikulang "Prisoner of Zenda," "Trifling Women," "Where the Pavement Ends" and "Scaramouche.” 5’10 ang kanyang taas, 160 libra ang timbang, dark brown ang mga mata (Silent movies.org http://silentgents.com/PNovarro.html.)

[69] masira – mabaliw, mahaling, maloko.

[70] mahalingtingnan ang sinundang tala[71] pintuhuin – suyuin, pag-ukulan ng pagtatangi o pag-ibig.

[72] bordo – gilid ng barko; lugar kung saan tumatanaw sa paligid o nagpapahangin ang mga pasahero.

[73] diyus-diyusan – alusyon sa mga Israelitang muling sumamba sa mga inukit na imahe ng diyos, gaya ng mga gintong baka, pagkatapos ng matagumpay nilang pagtawid sa “Dagat na Pula” sa Ehipto. Sa kuwento, tumutukoy ito sa pera o ginto.

[74] pintakasi – patrong santo, halimbawa, Si Birheng Maria ang pintakasi ng Antipolo.[75] ayos-bakang pintakasi ng mga taga-Ehipto – alusyon sa mga imahe ng inukit na baka na “sinasamba” sa sinaunang Ehipto. Itinuturing na sagrado at simbolo ng kayamanan ang baka, hindi lamang sa Ehipto, kundi maging sa ibang lupain o relihiyon, gaya ng Hinduismo.

[76] kabalintunaan – tumutukoy sa isang sitwasyong umiiral o nangyayari gayong di nararapat.

[77] palatuntunan – programa, talaan ng mga gagawin, gabay. Tumutukoy sa listahan ng mga gagawin at mga lugar na pupuntahan ni Merton sa Hawaii.

[78] polyeto -- promosyonal na patalastas ukol sa isang lugar o produkto. Ipinapakita rito na talagang walang malalim at direktang karanasan o kaalaman si Merton tungkol sa kanyang pupuntahan.

[79] turista – mga taong nagliliwaliw sa isang lugar na kadalasan ay baybay-dagat at iba pang likas na tanawin.

[80] lagusan ng hangin – siwang o puwang na nagsisilbing bintana ng barko.

[81] kalatas – mahalagang mensahe.

[82] taginting – kaaya-ayang tunog ng metal pero ginagamit sa positibong paglalarawan ng boses o ano pa mang tunog.

[83] pagdaong – pagdating o pagsadsad ng sasakyang pantubig sa pantalan o pampang.
[84] nasukat – nalaman, nabilang.

[85] traveling trunk – isang malaking baul na gamit-pambiyahe.

[86] tarhetacalling card, kadalasang ipinamimigay ng may-ari sa mga kakilala, kaibigan, at mga prospektibang kliyente. Nakatala sa card na ito ang pangalan, pangalan at adres ng kompanya, kalikasan ng negosyo, at bilang ng telepono ng may-ari.

[87] editor ito ng pinakamalaganap na pahayagan – ipinapakita ng ganitong koneksyon ng ama ni Dan Merton na talagang “bigatin” ang kanilang pamilya.

[88] malaking tao – may sinasabi o maimpluwensya sa lipunan.

[89] andamyo iskapold o tuntun\gan paakyat o pababa ng bapor o anumang sasakyan.

[90] may kagulangan na – matanda na. Isang eupemismong ginagamit bilang tanda ng paggalang sa matatanda.

[91] sumunggab – mabilis na paglapit o pagkuha o pagsakmal. Marahil ang gustong ikintal na larawan ni DAR dito ay ang mabilis na paglapit ng matanda kay Merton.

[92] kable – pahatid-kawad, telegramang ipinapadala sa pamamagitan ng kable.

[93] aloha – palatandaan ng pagtanggap ng matanda kay Merton. Tingnan sa Tala 2 ang iba’t ibang kahulugan ng Aloha.

[94] suite de luxe – primera klaseng silid.

[95] War Memorial Natatorium -- isang 100 X 40 metrong tubig-dagat na swimming pool na itinayo bilang parangal sa mga namatay at lumahok sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig mula sa Hawaii (Waikiki War Memorial Natatarium. http://natatorium.org/history/)

[96] Pali – bulkan sa Hawaii.

[97] templo ng mga Mormon -- Laie Hawaii Temple. Itinuturing na kauna-unahang templo sa Polynesia. Ang mga Mormon ay kilala rin bilang The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Ang Mormon ay nagsimula sa Hawaii noong 1850 (Light Planet.
http://www.lightplanet.com/mormons/daily/history/hawaii.html).

[98] Kailuwa -- Kailua, Oahu. Isang bayang may napakagandang baybay-dagat (Aloha-Hawaii.Com. http://oahu.aloha-hawaii.com/hawaii/kailua,+oahu/).

[99] Hilo -- masiglang sentro ng kalakal noong panahon ng magtandang (ancient) ancient Hawaii,. Dito nakikipag-ugnayan ang mga katutubo sa kanilang kapit-tribo sa Ilog Wailuku. Isa sa mga dinadayo dito ay ang Lawa ng Hilo (Aloha-Hawaii.Com .http://hawaii.aloha-hawaii.com/hawaii/hilo/)/

[100] Molokai – isla sa Hawaii na pinagmulan ng sayaw na Hula.

[101] buhanging tumatahol mga buhangin sa isla ng Kaua’i sa Dagat Pasipiko. Sinasabing ang buhangin dito ay tumutunog kapag inaapakan o nahihipan ng malakas na hangin.

[102] Punahu – Punahou School, dating Oahu College mula 1859 hanggang 1934. Dito nagtapos si Barrack Obama noong 1979 (Philip Rucker . “With Obama's Rise, Hawaii School Adds to Its Distinctions”, The Washington Post. January 3, 2009. http://www.washingtonpost.com/wp-dyn/content/article/2009/01/02/AR2009010202325_pf.htm.)

[103] magbigay ng pangaral – magtalumpati na ang pangunahing layunin ay magbigay ng mahahalagang aral na magsisilbing gabay sa buhay ng mga tagapakinig.

[104] wahini – salitang Kanaka na tumutukoy sa babae o reyna (Urban Dictionary.
http://www.urbandictionary.com/define.php?term=wahini)

/[105] Kanaka – Wika ng mga katutubong Hawaiian o Polynesian. Nangangahulkugan ding tao o lalaki.

[106] Commencement – araw ng pagtatapos; seremonya ng gradwasyon.

[107] Noemi – Kasiya-siya o kalugod-lugod sa Espanyol, sa Hebrew naman ay “ang aking lugod o kaligayahan”.

[108] walang iniwan – katulad. kagaya, parang, tila, kapareho, kamukha.

[109] palaso – bala ng pana o busog; tunod. Talinghagang ginagamit kapag “tinamaan” ang isang tao ng pag-ibig; ginagamit ni kupido para “patibukin” ang puso ng isang tao.

[110] palasong sabay na tumuhog sa kanyang puso – nagpaibig, bumihag sa puso.

[111] patnubay – gabay.

[112] kapisanan galing sa salitang ugat na “pisan” na katumbas ng “sama” at “sapi”. Kapag sinabing “kapisan”, nangangahulugan ito ng kasama.; samahan.; kasapian. Sa isang “kapisanan”, magkakapisan ang mga myembro. Kasama sa kahulugan ang pagdadamayan.

[113] senior – mga nasa ikaapat na baitang na, mga graduating. Isa mga kategorya ng mga esudyante sa hayskul o koloehyo: freshman, sophomore, junior, senior.

[114] lambing – lamyos, giliw. Hal: Malambing ang kanyang boses = Malamyos o magiliw ang kanyang boses.

[115] paris ng katotohanang ang umaga’y sumusunod sa gabi – paghahambing na ang punto ay bigyang diin ang katiyakan ng sinasabi o ipinapaliwanag.

[116] mamamayang Amerikano lamang -- national lamang ng Amerika. Binibigyang-diin ang pagiging “sakop” ng mga Kanaka. Ang mga national ay wala ng mga karapatan at pribelihiyong tinatamasa ng mga citizen.

[117] hindi natin sila kalahi – manipestasyon ito ng diskriminasyon. “Tagalabas” ang tingin ng mga Amerikano sa mga lahing may kulay ang balat. Salungat ito sa mga ideyal ng mga “founding fathers” ng Amerika, gaya ng pagkakapantay-pantay.

[118] napakakitid ng noo – napakababaw ng pang-unawa; bobo.

[119] Maano – e ano naman. Expresyon ng pagsalungat sa pinapatungkulan nitong ideya o opinyon. Ikinakabit sa unahan ng salitang kung o kung hindi para sabihing hindi problema ang itinuturing na problema o para kwestyunin ang isang asersyon. Hal, Maano kung matanda na. (Pagkuwestyon sa pagtawad sa kakayahan ng isang matanda).

[120] bayan ng pagkakapantay-pantay ang Amerika – ito ang islogang ipinangangalandakan ng Amerika sa buong daigdig, partikular sa mga sakop nitong bansa. Sa Pilipinas, ang ganitong mga ideyal ay bahagi ng kurikulum ng formal education. Ganito, halimbawa, ang bitbit na paniniwala ni Carlos Bulosan, na halos kasabayan ni DAR na pumunta sa Amerika noong 1930, panahon ng Depresyon.

[121] sulyapan – tapunan ng tingin.

[122] nanghahaba ang kanilang mga labi – umiingos, expresyon ng pagmamaliit . Sa kuwento, inilalarawan nito ang inggit at galit ng mga dalaga kay Noemi.

[123] alituntuning magdaraya ng lipunan – mga gawi na nakasisira ng kapuwa; tiwaling panununtunan sa buhay. Binibigyang-diin dito ni Merton ang pag-ibig niya kay Noemi.

[124] kayumanggi – brown, kulay-lupa. Sa kontext ng pangungusap ni Merton, ito’y pagbibigay-diin sa pagkakaiba ng lahing puti at lahing kayumanggi.

[125] natira – nanatili.

[126] pagmumuni-muni – pagninilay, repleksyon, rekoleksyon, pagdidili-dili.

[127] humigit-kumulang – halos, sa pinakabatayan. Expresyon ng pagtantyang malapit sa katotohanan o bagay na tinatantya.

[128] sa buhay at kamatayan – kahit anong mangyari, sa lahat ng pagkakataon.

[129] makakahati – makakasama sa hirap at ginhawa.

[130] Wellington – kapitolyo ng New Zealand, kilala sa kanyang natural harbor.

[131] nasisinag – nababanaag. Ipinapakita nito na halos alam na ni Merton ang sasabihin ng ama.

[132] embassy – embahada, residensya ng ambassador.

[133] Baltimore – lungsod ng Maryland, USA. Isa sa pinakaabalang daungan sa buong Amerika.
Itinatag ito noong 1729 at isinunod sa pangalan ng mga maharlikang Baltimore, mga British founder ng Maryland Colony (Micosoft Encarta Premium Suite 2005)

[134] pagsapit – pagdating.

[135] laban sa kanyang pag-asa – kaiba o salungat sa kanyang inaasahan.

[136] perokaril – mula sa Espanyol na ferrocarril na ibig sabihin ay riles ng tren o daambakal.

[137] Rolls Royce – isang primera klaseng kotxe. Produkto ng Rolls Royce, isa kompanyang ang pangalan ay hango sa pinagsamang apelyido nina Charles Rolls at Henry Royce na mga pundador ng naturang kompanya. Binuo ang kompanya noong 04 Mayo 1904 (Rolls Royce Motorcar.com. http://www.rolls-roycemotorcars.com/#/the_company/history/the_beginning/).

[138] awto – pinaikling automobile; kotse.

[139] galak – tuwa, kasiyahan.

[140] biyenan – magulang ng asawa.

[141] tsuper – hango sa Pranses na chauffeur na katumbas ng drayber; tagapagmaneho.

[142] nagpapalakad – nagmamaneho.

[143] bungalow – bahay na iisa ang palapag.

[144] Sta. Monica – lungsod sa baybayin ng Los Angeles County, California.

[145] Bebe Daniels – Bebe Daniels. Screen name ni Phyllis “Bebe” Virginia Daniels, artista ng silent movie. Ipinanganak sa Dallas, Texas noong 14 Enero 1901. Kauna-unahang gumanap bilang Dorothy sa pelikulang The Wonderful Wizard of Oz”( Golden Silents.Com/ http://www.goldensilents.com/stars/bebedaniels.html. 17 October 2009).

[146] party – pagtitipon, piging.

[147] pasintabi – mawalang galang na. Expresyon ng paghingi ng paumanhin.

[148] pakli – sagot, tugon.

[149] wild party – tinutukoy dito ang mga pagtitipon o piging na mas nakatuon sa pagbibigay sa hilig ng katawan. Kinatatampukan ng inuman, pagdodroga, at walang pakundangang sex.

[150] Fatty Arbucle – pangalan sa pelikula ni Roscoe Conkling Arbuckle, artista sa silent movie. Pinagbintangang pumatay kay Virginia Rappe, isang ring artista sa silent movie, noong 1921. Napawalang-sala siya pero na-blacklist sa Hollywood sa loob ng 11 taon (Arbucklemania, Silent Movies.org. http://silent-movies.org/Arbucklemania/ScandalShort.html 17 Oct.2009).  

[151] Miss Pringle – Eunice Pringle, usherette sa isa sa mga Pantages theaters. Naghabla ng kasong rape laban kay Alexander Pantages (may-ari ng Pantages theater chains sa iba’t ibang lugar sa Amerika) noong 1929. Hinatulan Si Pantages ng 50 taong pagkakabilanggo.
Ayon sa mga “tisimis” sa Hollywood, binayaran daw si Pringle ni Joseph P Kennedy ng $10,000 para pumasok sa isa sa mga teatro ni Pantages at akusahan ito ng rape. (Sinubukang bilhin ni Kennedy ang mga teatro ni Pantages pero tumanggi ang huli). Namatay sa cyanide poisoning si Pringle noong diumano ay ipagtatapat na niya ang nabanggit na “pakana” (Eunice Pringle: Encyclopedia. All Experts. http://en.allexperts.com/e/e/eu/eunice_pringle.htm).

[152] Pantages – teatro sa Hollywood. Pinagpapalabasan ng bodabil at silent movies.

[153] manugang – terminong tumutukoy sa asawa ng anak.

[154] kahuli-hulihang inaalis bago matulog – panty o brief. Masasalamin sa ganitong ligoy na saradong bagay pa rin sa panitkan noong panahon ni DAR ang tahasang pagtalakay ukol sa sex at sa mga bagay na may kaugnayan dito.

[155] nakulabaan – galing sa salitang ugat na kulaba oputing lamad na bumabalot sa tao-tao. Nagiging sanhi ito ng katarata, sakit na nagiging sanhi ng pagkabulag.

[156] sugapa – gumon, adik, lulong. Taong lulong sa bisyo.

[157] nagpupulupot – mahigpit na yumayakap o yumayapos.

[158] hapo – sobrang pagod.

[159] kuwadroframe ng litrato. Binibigyang diin nito ang matamang panonood ni Noemi sa mga nangyayari sa kanilang bahay.

[160] nanghihinawa – nagsasawa.

[161] nasusuklam – galing sa salitang ugat na suklam na katumbas ng poot o matinding galit; napopoot.

[162] dolyar – pera ng Amerika. Ang alok na sampung libong dolyar ng ama ni Dan Merton kay Noemi ay isang manipestasyon ng isang konsumeristikong lipunan kung saan pati pag-ibig ay tinatangkang bayaran.

[163] mawatasan – maintindihan, malaman.

[164] gayak-Amerikana –nakadamit o nakaposturang tulad ng isang Amerikana.

[165] sayandamo – sayang damo, isa sa mga kostyum ng mga mananayaw ng Hula.

[166] madla – mga tao.

[167] orkestra – grupo ng mga musikero na humahawak ng iba’t ibang instrumento, gaya ng gitara, biyolin, tambol, atbp.

[168] Hulahula – Hula, katutubong na sayaw ng Hawaii. Ayon sa internet site na Alternative Hawaii, ang Hula ay “kaluluwa ng Hawaii na ipinahahayag sa pamamagitan ng galaw.” Naniniwala ang mga Hawaiian na ang kauna-unahang Hula ay sinasayaw ng mga diwata, kaya itinuturing itong sagrado.

[169] sinunog sa araw – sinadyang ibilad sa araw para umitim. Sa kontexto ng pinanggalingan nitong pangungusap, panarurunggitan ang mga Amerikano na nagpapaitim ng balat sa pagbibilad; samantalang ang kulay ng balat ni Noemi at likas, kaya mas mainam.

[170] kumikiwal – umeekis, galaw na tulad ng bulate o ahas.[171] damdaming makahayop – tumutukoy sa libog ng mga lalaking nanonood kay Noemi habang siya ay sumasayaw.

[172] lingkisin – mahigpit na puluputan, tulad ng ginagawa ng sawa sa pagkain nitong hayop bago lunukin.

[173] napahalakhak – napatawa nang malakas

[174] saliwan – sabayan ng awit o tugtog.

[175] Aloha pamagat ng awit. Maraming kanta sa Hawaii na may pamagat na “Aloha”. Tingnan sa INDEX ang “Aloha O’e” o “Farewell to Thee” na nilikha ng huling reyna ng Hawaii na si Lili ‘uokalani.

[176] awit ng luwalhati -- maringal na awiting nagpapahayag ng malalim na kapanatagan at pagdiriwang.

[177] bulwagan – entrada ng isang gusali, sala kumbaga sa bahay.

[178] tseke – sabstityut sa pera. Isang printed form na ginagamit para bigyan ng instruksyon ang bangko na ibigay ang halagang nakasulat sa naturang form sa taong nakapangalan dito.

[179] romansa -- tumutukoy sa kuwento o kasaysayan ng pagmamahalan nina Merton at Noemi.
[180] mamamahayag – journalist, peryodista.

[181] paraiso – isang ideal na lugar na walang suliranin at tinatamasa ang mga biyaya ng kalikasan sa buong kasaganaan nito; langit.

[182] aristokratiko – dugong bughaw; may negatibong higing ang gamit sa pangungusap dito, may tonong disgusto sa mga taong ito na mapagmataas.

[183] staff – mga tauhan sa isang opisina.

[184] mahuhulog din sa kanyang sariling bigat – isang idioma na nagsasabing ang yabang ng isang tao ang magiging dahilan ng kanyang pagbagsak.