Ilang Tala sa Pagtula

I     Pag-aruga sa Malikhaing Sarili

Isa sa mga pagsasanay na ginagawa namin sa mga writers’ groups sa UPLB ay ang tinatawag na free writing – isang tuloy-tuloy na pagsulat ng kung ano ang maisip at maramdaman sa loob ng pinagkasunduang oras (madalas 5 minuto).  Wala itong editing, walang sinusunod na rules of grammar, at walang censorship; basta ang mahalaga ay malayang maisulat ang iniisip o nararamdaman.  Kadalasan ginagawa ito sa tulong ng isang writing prompt – isang quotation, dialogue, o linya sa tula o kahit anong puwedeng pangiliti sa imahinasyon. Halimbawa: ‘Sa libingan ng maliit ang malaki ay may libangan’. Maaaring ganito ang kalabasan ng exercise:

“sa libingan ng maliit ang malaki ay may libangan bakit ganito ang buhayang salamin ay nababasag at ang daga pag tahimik ay salamin nababasag din pero muling nabubuo ang mga patay muling nabubuhay bakit si kristo nagpasan ng krus…”

Sa ganitong paraan, kumokonekta tayo o tumitibay ang ating uganayan sa ating malikhaing sarili.  Kailangan natin ito bilang mga manunulat; isang paraan ito ng pagpapahusay ng ating sining.  Isang paraan ito ng pagbalanse sa ating sarili na mas madalas kaysa hindi ay dominado ng kaliwang utak, na nagdidikta ng rason, lohika, isip.  Sa pamamagitan nito, nabibigyang puwang ang ating kanang utak, ang responsable sa sining, sa mga imahe, sa emosyon.

Ano ang gamit nito sa ating pagtula?

May isa akong free writing exercise na sinulat ko sa loob ng 10 minuto.  Nakakawalong tula na ako mula rito at hindi pa ubos ang mga imahe at konsepto para sa mas marami pang tula.  Meron din akong mga ginawang kaunting editing na lamang ay pinal nang tula.  Sa madaling salita, ang ganitong pagsasanay ay paghukay sa bukal ng ating pagkamalikhain.  Sa sandaling panahon ng pananahimik at pakikipag-usap sa ating sarili, nagagawa nating sunduin at padaluyin ang mga imahe, emosyon, kaisipang binabansot ng ating pagkukumahog sa araw-araw.

Kapag maglalaan tayo ng kahit 15 minuto lamang araw-araw para pakinggan ang ating sarili, walang mawawala sa atin kundi ang mga agiw na bumabara sa malayang pagdaloy ng ating pagkamalikhain.

I.                   Ilarawan Huwag Sabihin

Walang iisang pamantayan ang kagandahan, walang may monopolyo kung ano ang maganda o epektibong tula. Ang tugmang humahalina sa akin ay maaaring  magpasakit sa tainga ng iba.  Ang mensaheng nagpapalutang sa iyong diwa ay maaari namang magdag-an ng halobalak sa aking dibdib.

Gayunman, may mga best practices sa larangan ng pagtula na puwede nating maging huwaran. Isa rito ang nakapaloob sa dictum na ‘show don’t tell’ o  ilarawan huwag sabihin.  Hindi ito absolute pero batayang alituntunin sa pagtula.

Ang taong bumabasa ng tula ay may limang pandamdam: paningin, pandinig, panlasa, pang-amoy, at pakiramdam. Pero kadalasan, iniisnab natin ang mga ito.  Isang dahilan nito ang pagkahirati natin sa mga abstraktong pagpapahayag o adiksyon sa pang-uri. Mas madali kasing magsabi kaysa maglarawan. Halimbawa, andali-daling sabihing maganda, madilim, nakakatakot, maginaw, karimlan, lagim, atbp. Pero kadalasang  walang dating ang ganitong mga salita?.  Kaya ang hamon ay ilarawan – ibig sabihin, ipakita, ipalasa, ipaamoy, ipadinig, iparamdam. 

Halimbawa, sa halip na sabihing ‘kayganda ng buwan kagabi’, mas may dating kung ‘bangkang gumagaod ang buwan sa dagat ng dilim’.  Kongkreto ang mga salitang bangka, buwan, dagat, at dilim at nakakakita tayo ng aksyon sa salitang gumagaod.  Sa ganito, mas yumayaman ang kahulugan ng ipinapahayag.

Ano ang batayang alituntunin?  Iwasan hangga’t maaari ang mga abstraktong salitang mas magiging makabuluhan kung gagawing kongkreto.  Sa madaling sabi,  pag-isipan nang makailang beses kung gagamit ng pang-uri, pang-abay o abstraktong pangngalan.  Gamitin lamang ang mga ito kung kailangang-kailangan. Mas mayaman at mas may dating ang mga kongkretong pangngalan at pandiwa.   Tingnan ang sumusunod na saknong mula sa ‘Kung tuyo na ang luha mo’ ni AV Hernandez:

                  Lumuha ka habang sila ay palalong nagdiriwang,
                  sa libingan ng maliit ang malaki ay may libangan;
                  katulad mo ay si Hulȇ, naaliping bayad-utang,
                  katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
                  walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
                  tumataghoy kung paslangin; tumatangis kung pahirapan.

      Isa-isahin natin ang mga pandiwa na nagpapakilos sa siniping saknong: lumuha, nagdiriwang, naalipin, binaliw, magtanggol, lumaban, tumataghoy, paslangin, tumatangis, pahirapan.

      Nariyan din ang mga kongkretong salita gaya ng: Sisa at Hulȇ na parehong karakter sa nobela ni Rizal atbp.  Bukod pa syempre ang teknik na paglalagay ng mga salungatan:  pagluha vs pagdiriwang; libingan ng maliit vs libangan ng malaki, atbp.

II.                Tunog

May sukat at tugma man o malayang taludturan, napakahalaga ng tunog sa tula.  Pakinggan, halimbawa, ang liyab ng damdamin sa paulit-ulit na tunog ng letrang ‘l’ sa siniping saknong.  Napakayaman ng wikang Filipino sa mga salitang ang tunog ay naglalarawan ng bagay na kanilang pinatutungkulan. Halimbawa, sagitsit (halos marinig mo ang sagitsit ng mantika sa mainit na kawali); lagaslas (halos marinig mo ang pagbagsak ng talon); lagablab (halos makita at marinig ang liyab ng apoy) at marami pang katulad na mga salita. 

Ang mahusay na paggamit at kombinasyon ng tunog ng mga salita ay nakakatulong sa paglikha ng epektibong tula. May mga tunog na nagpapahayag ng gaan ng damdamin, ng bigat ng kalooban  at ang ganito ay hindi tsambahan – idinedisenyo ito ng makata.  At makakamit ito hindi lamang sa pagtutugma ng huling pantig ng bawat linya. Kung minsan,  ang tugmaang ganito ay nakakaduwal; kaya ang ginagawa ng iba ay umiimbento sila ng ibang padron. Sa halip na puro a halimbawa, yung iba ginagawa nilang aabb:

Halina, magyapak at makipaghagaran (a)
Sa mga paruparo, tutubi at tipaklong; (a)
Halina, hubarin ang lungkot at pangamba (b)
            Pasisirin sa ulap ang ating saranggola. (b)
                                         
                                         

Bawat kalabit, bawat panginginig (a)
ng kuwerdas, ng mga daliri at tinig, (a)
may mga alikabok na nalalaglag, (b)
may mga alaalang naglalagalag –(b)

Syempre may mga tula namang wala na talagang tugmaan pero nasa loob naman ang disenyo ng tunog sa pamamagitan ng aliterasyon. Tingnan ang mga nakatagilid na salita sa sumusunod na saknong:

                        Isang kisap ang buhay at kulang upang kuyumin
ang ligaya’t ligalig ng ating pag-ibig;
 ngunit ano nga ba ang walang-hanggan
kundi pagsasamang-wagas
na may wakas.

IV        LOHIKA, KONSISTENSI, KAISAHAN

May sariling uniberso o daigdig ang bawat tula at bawat daigdig na ito ay may sariling lohika o batas ng ugnayan ang mga imahe, kaisipan, kilos. Halimbawa, kung ang sentral na imahe ng tula ay bulaklak,  lohikal lamang na magkaroon ng imahe ng dahon, tinik, lupa, sikat ng araw, hamog.  Pag nakakita tayo ng kalawang sa ganitong daigdig, medyo nababalaho tayo.  Maliban kung ang iyong bulaklak na tinutukoy natin ay nasa gilid ng bakod na may alambre. Kung hindi, puwede nating sabihing nawawalan ng kaisahan ang tula.  Pero syempre hindi absolute ang ganito.  Maraming tula, magagandang tula, na nagsasalimbayan ang mga imahe tulad halimabawa ng mga tula ni Pablo Neruda (paki-google na laang ang tungkol sa kanya). Maaaring ang magtakda ng konsostensi at lohika ay ang tema. Halimbawa, kung tungkol sa lungkot ang tula, maaari itong ipahayag sa pamamagitan ng mga sumusunod na imahe: sagwan na palutang-lutang sa dagat, gulanit na lambat, ulilang tarangkahan, kalawanging tadyang ng payong.   Puwedeng pagsama-samahin, diskartehan na lamang ang disenyo o pagkakahanay ng mga imahe. 

Pero para sa mga nagsisimula, mainam na magtuon muna sa isang mundo, isang fokus. Sa ganito, mas madaling madidiskartehan ang pagpili ng pinakaangkop na salita nang may masinop na konsiderasyon sa tunog at bilang ng pantig nito.  Makakatulong ito para madebelop ang kakayahan natin na magkaroon ng kaisahan ang mensahe, porma, mga salita, imahe, at tunog ng tula.  Halimbawa, hindi sapat na mensahe laang ang magtaglay ng damdaming malungkot sa isang tula tungkol sa lungkot.  Kailangang nagtutulong-tulong ang imahe,  ang pantig at tunog ng mga salita sa pagpapahayag ng ganitong damdamin.

Halimbawa:

                                    Pangungulila

Kagabi,
sa pusod ng dilim,
isa akong

ulilang sagwan,

kinukutib
ng mga alon
sa gitna ng laot.

Nakatingala
sa kulay kalabaw
na langit,

nakamasid
sa mga pundidong bituin,

habang sunung-sunong
ang unti-unting natutunaw

na buwan.

Kinukutikot ko pa ang susunod. Maligayang pagtula!


n  EVDumlao

Batayang Gabay sa Pagtula


unang bigwas: sarili

Nagsimula tayo sa ating mga sarili. Naglaan ng isang tiyak na
panahon at lugar para sa malayang pagdaloy ng tinig na madalas nating
isantabi. Binuhay o pinalakas ang reception capacity ng ating mga
senses. Gumawa tayo ng mga exercises na idinisenyo para paganahin
ang ating pang-amoy, panlasa, pandama, pandinig at inoryent natin ang
paningin sa kahalagahan ng sariwang pagtingin sa mga kapaligiran
Layunin nito na balansehin ang pagdomina ng rason/ isip sa ating
sarili at paalagwain ang ating imahinasyon.

"What I love in you, dear imagination, is that you do not forgive."
sabi ni André Breton, tatay raw ng surrealism (sino kaya ang nanay?).
At pinalaya nga natin ang ating imahinasyon

Kipkip nating parang Bibliya ang kautusang "show don't tell,"
kautusang napakahirap sundin, kautusang mas madalas kaysa hindi ay
nilalabag natin. Gayonman, alam nating nagdaraan sa proseso ang
lahat at napatunayan nating it's really more difficult to unlearn
than to learn. Sige lang, kayod pa rin – habi pa rin ng salita, ng
imahen at tunog.

Habi pa rin ng salita – isinasapuso ang silbi ng paghubog ng bago at
pinatinding karanasan (heightened experience) sa pamamagitan ng mga
sariwang metapora at anggulo ng pagtingin sa mga bagay at karanasan.
Gabay natin dito ang mga sumusunod (pero hindi absolute na batas):

- maging kongkreto – iwasan ang mga abstraktong salita gaya ng
pang-uri, pang-abay at abstraktong pangngalan. hangga't kaya palitan
ng pandiwa at kongkretong pangngalan ang mga ito. Kung kapos ang
pandiwa at kongkretong pangngalan, gumamit ng metaphor at iba pang
tayutay. Halimbawa, mas nasasagap ng ating senses ang bato,
kulangot, garapata kaysa sa mga salitang matigas, malagkit, at
makulit. Pansinin ang pagkakaiba:

(a) makulit ang mga estudyante
(b) para garapata ang mga estudyante

- maging specific – iwasan ang mga general statement. Tingnan
halimbawa: sasakyan, kotse, volks; hayop, ibon, agila; tanim, gulay,
ampalaya. Nagiging mas malinaw at tiyak habang nagiging specific.
 






- iwasang dumaldal – kung masasabi sa isang salita,
huwag sabihin sa dalawa o sa tatlo. Halimbawa sa halip na sabihing
limampung piso ang isang kilong timbang ng isdang galungggong
sabihin na limampung piso ang isang kilo ng galunggong; sa nangilid
ang luha sa kanyang mata, oks na ang nangilid ang luha puwera lang
kung may kung anong epek kang gustong palitawin. Kapag sa ilong
nangilid ang luha, kailangang banggitin talaga ang ilong dahil kaiba
ito.

- hangga’t maaari, huwag magsermon – bahagi pa rin ito ng "show don't tell.".
Mas suwabe ang dating, halimbawa, kung ilalarawan ang isang sitwasyon
kaysa sabihing “balot ng pagkakasala ang tribong iyon”. Iwasan ding
sumigaw ng propaganda gaya ng "walang ibang daan ng kaginhawahan
kundi ang magkapitbisig at patalsikin sa poder ang mapang-aping
uri!!!!!!" He he he "papa don't preach".

- sikaping magkaroon ng kaisahan ang mga metaphor na ginagamit
sa isang tula – mauuntol ang pagbasa kung sa gitna ng karagatan, ng
mga alon ay biglang may sisingit na pakong kalawangin. Pero hindi
laging ganito, magbasa na lang ng mga tula ni Neruda para makita kung
paano epektibong pinagsasama-sama ang magkakasalungat na metaphor.

sukat at tugma

Sumubok na rin tayo sa ilang tradisyunal na porma ng tulang
katutubo. Sumulat tayo ng tanaga, diona, dalit. Sumali pa nga ang
iba sa atin sa kontes sa pagsulat ng mga nabanggit. Walang nanalo
pero natuto.

Sumawsaw rin tayo sa dayuhang porma, villanelle. Sa pamamagitan ng
mga ito, dinama natin ang musika ng tula, partikular ang indayog ng
regular na ritmo nito, parang alon – klok, klok, klok, swashhh, klok,
klok, klok, swashhh, klok, klok, klok, swashhh. PERO,

andaming karanasang hindi puwedeng ikulong sa mga kinasanayang
pamamaraan. At sumabak tayo sa malayang taludturan. Marami sa atin
ang mas komportable sa ganitong pagtula – malaya, makilos, kayang i-
akomodeyt ang samut-saring experyensya lalo na sa lungsod. Ang hirap
nga namang ilagay sa regular na ritmo at pantig ang sumusulasok na
alingasaw ng imburnal o tambutso ng jip.

Sa dalawang porma, nasa indibidwal na makata na ang pagpili kung alin
ang para sa kanya ay epektibong makapagpapahayag ng kanyang
saloobin.


ikalawang bigwas

 dagdag sa tugma at sukat

             Sinasabi natin na may mga karanasan, tunog at imahe na mahirap ipahayag sa tulang may regular na tugma at sukat. Halimbawa, ang palengkeng pinasambulat ng bomba ay mahirap ilarawan sa ganitong tula. Hindi nito kayang hulihin, nang kasing-epektibo ng malayang taludturan, ang nabanggit na sitwasyon.

             Pero madalas, sa ating mga tula, makikitang kakapusan pa ng pag-unawa sa tugma at sukat ang dahilan ng paggamit natin ng free verse o malayang taludturan.  Marami sa ating mga tula ang naka-focus sa mensahe at imahen at parang walang pakialam sa silbi ng tunog sa tula. Mahalaga ang musicality.  Isa ito sa pagtutuunan natin ng pansin sa ating mga worksyap.

             Mas gamay natin ang malayang taludturan pero kailangan nating tandaan na hindi naman ito talaga kasing-laya ng isang nagwawalang baka – damba nang damba, walang pakialam kung ano ang madapurak; unga nang unga walang pakialam kung kaninong tainga ang mawarat.  Kailangan din dito ng ingat at sinop. Ang kalayaan sa free verse  ay hindi kasing-kahulugan ng pagsulat ng kahit anong salitang ating maisip o matipuhan.  Tinatawag lamang itong malayang taludturan dahil hindi ito nagpapakulong sa regular na tugmaan at bilang ng taludtod pero may sinusunod pa rin itong mga gabay upang maging mas epektibo ang pagtula.  Madalas nating pag-usapan ang mga gabay na ito (tingnan ang unang bigwas).

 persona at tagpuan

Sumulat din tayo ng mga tulang nagpapakita kung sino ang persona (nagsasalita sa tula) at saan siya naroroon.  Nakita natin na malaking tulong ang ganito sa dramatisasyon ng karanasan, emosyon, at kaisipan na gusto nating ipaabot. Halimbawa:

                        tulad kagabi
                        narito na naman ako
                        nakahilata sa gulod
                        unan ang magkasalikop
na palad kumot ang hamog
at dilim
nakikipagkuwentuhan sa mga bituin
hinihintay ka, kailan ka darating?

Hindi na kailangang sabihin ng makata ang nadarama ng persona, epektibo na itong nailarawan sa pamamagitan ng pagpapakita ng sirkumstansya ng persona: nasa gulod, nag-iisang naghihintay habang nagbibilang ng bituin, makata siguro.

Sa mga tula nating kumusta ka na kaya?, nakita naman natin ang gamit ng paglalahad ng malinaw na sirkumstansya ng tao o hayop na kinakausap o tinutukoy  ng persona.  “Kumusta ka na kaya diyan sa Saudi ‘tay”, kaagad-agad ipinakikita nito ang agwat sa pagitan ng anak at ama.  Kapag mahusay na nailarawan ang kalagayan ng ama sa Saudi, kahit sa pamamagitan lamang ng paglalahad ng mga pangamba (“di kaya nginatngat na ng pintura ang iyong daliri at baga”), epektibo nang mabibigyang-hugis ang karanasang nakapaloob sa tula.

Pansinin naman ang mga linyang ito:

            h’wag matakot na sumuong
            sa dako pa roon may apoy
            ng tatanglaw, magtataboy
            sa kadilimang nakalambong.

 Ganda no? Mapanukso ang tugma at sukat ng tula – abba, 9/8/9/8 ang bilang ng pantig. Pero tulad ng madalas nating pag-usapan, hindi lamang tugma at sukat ang tula at mas lalong  hindi ito lantarang pamimilosopiya.  Siguro bukod sa regular na tugma at sukat nito, maaaring makakiliti ito ng isip at suwabe sa tenga, pero hanggang doon na lamang.

 Masiyadong abstrakto ang siniping mga linya para mapakilos nito ang ating mga senses.  Hindi sapat ang salitang apoy upang makadama tayo ng init at maitaboy nito ang panlalamig na dulot ng takot.  Hindi natin sinasabing walang silbi sa tula ang mga abstraktong salita pero pag mahusay nating napuntirya ang  ating mga senses, madalas kaysa hindi, kalabisan na ang mga abstraktong salita.  PERO


sugatang pag-iisa
ni rocio montano

sapagkat sangsang ng pulburang
kumitil sa maligamgam na dibdib
ng iyong ina ang sumalubong

sa iyong pagsilang,
pagdamutan mo bunso
ang ulila kong bisig

bayaang iduyan ko sa liyab
ng himagsik-pagibig-pagasa
ang iyong kawalang-muwang

na tanging balabal ko sa lamig
nitong sugatang pag-iisa.

             Marami itong abstraktong salita.  Kilatisin at tingnan kung ano ang kaibahan.

----------