Berinarew: Pagsasanib ng Aral at Aliw

“Teduraien u beni.” (Sapagkat isa akong Teduray), ani Seonomon[1] sa dalawang magkahiwalay na insidente sa epikong Berinarew. Sa unang konteksto (saknong 3270), puno ito ng pagmamalaki at tiwala sa sarili. Dahil sanay sa hirap, anumang pagsubok at paghihirap ang kanyang suungin – manatili man siya sa lupa o umalis patungo sa piling ng Manlilikha – hindi siya susuko. “Sapagkat isa akong Teduray”. Sa ikalawa (saknong 4110), matingkad ang pagpapakumbaba at pagmamalaki sa sariling kaakuhan. Tinanggihan niya ang alok ni Datu Kadeg Teresang, ama ng babaeng una niyang napangasawa, na igawad sa kanya ang paggalang na iginagawad sa mga espiritu ng dagat. Wika ni Seonomon:

“Ka tom edoten basa,
Basa i dub layagan-e
Teduraien u i begen,”
(saknong 4110)

(Ayokong tumanggap ng paggalang
na para sa isang taong-dagat;
Isa akong Teduray).


Na para bang sinasabi niya: Igalang mo ako bilang ako, ibigay sa akin kung ano ang nararapat.
Saan kaya humuhugot ng lakas at inspirasyon ang ganitong tiwala at pagmamalaki sa sarili?

Nakaangkla ang buong sanaysay na ito sa nabanggit na tanong.

Binusisi ko ang mga tala ukol sa dalawang tawag sa katutubong tribong ito na ang buhay ay pangunahing nakasandig sa lupa at ilog. Una, TIRURAY. Galing sa salitang “tiru” (kinagisnan, kapanganakan, kinatitirhan) at “ray” sa “daya” (itaas na bahagi ng sapa o ilog). Ikalawa, TEDURAY. Galing sa salitang “tew” ibig sabihin ay lalaki at “duray” na tumutukoy sa isang maliit na kawayan na may bingwit at tali” (Notre Dame University 1). Ayon kay Bho -Keykey[2], isang belian o lider-espirituwal ng mga Teduray, ayaw nila sa salitang tiruray. Bukod sa korupsyon diumano ito ng Teduray, na siyang tunay na pangalan ng kanilang tribo, may konotasyon ito ng panunuya sa kanila bilang katutubo.

Mula sa etemolohiya ng dalawang binanggit na katawagan, nasilip ko ang pangunahing ikinabubuhay ng isang karaniwang Teduray -- pagkakaingin at pangingisda -- pero hindi ko madama dito ang lakas na nagpapaigting sa pangungusap na “Teduraien u i begen.”

Sa una, naka-fokus ang salitang Tiruray sa mga malapit sa ilog. Paano ang mga etew rotor (taong bundok) at etew dogot (taong dagat)? Sa ikalawa naman, ipinako ang kahulugan ng “etew” sa lalaki. Ini-etsapuwera nito hindi lamang ang kababaihan kundi maging ang mga espiritu. Sa mga Teduray, ang “etew” ay tumutukoy sa “keilawan” (tao) at “meguinalew (espiritu).

Kung wala sa mga pangalang ikinakabit sa tribong ito, saan kung gayon nanggagaling ang aking hinahanap?

Para sagutin ang tanong, dalawang punto ang magiging fokus ng papel na ito: ang aral at aliw na nakapaloob sa Berinarew. Sa aral, pagtutuunan ko kung paano inilalarawan sa epiko ang mga pagpapahalagang sentral sa pag-iral at pakikipagkapuwa ng Teduray. Partikular na bubusisiin ko sa bahaging ito ang mga rekisitos na kailangang tugunan ng mga Teduray upang matagumpay silang makapaglakbay mula megubar fantad (lupang marupok) tungo sa kerekamen fantad o lupang walang pangamba. Sa aliw, bibigyan ko ng panimulang sipat ang mga katangian ng epiko bilang oral na panitikan. Pagtutuunan ko sa bahaging ito ang anyo at mga kasangkapang pampanitikan ng akda.

Sa pagbusisi ko sa dalawang hindi mapaghihiwalay na aspektong ito ng epiko, inaasahan kong maisisiwalat ko ang lakas at pagmamalaking nakapaloob sa asersyong “Teduraien u i begen”.

Pero bago ako pumalaot sa aral at aliw na taglay ng Berinarew, uusisain ko muna ang mga usaping signifikante sa pag-unawa sa naturang epiko.

           Sa Berinarew, “Tedurai” ang pangkalahatang terminong ginagamit kapag tinutukoy ang isang Teduray o ang mga Teduray bilang isang grupo. Pero batay sa kanilang lokasyong heograpikal, may iba’t iba pang subdibisyon ang naturang grupo: etew rotor (taong bundok), etew dogot (taong dagat), etew teran (taong teran, pangalan ng ilog), etew ufi o taong Upi (Tricom 28). Karamihan sa mga Teduray ay matatagpuan sa bayan ng Upi, Maguindanaw.

           Bago manghimasok ang mga dayuhan sa kanilang lupain, pagbubungkal ng lupa ang pangunahing ikinabubuhay ng mga Teduray. Ang karagdagang pagkain nila ay nagmumula sa pangangaso at pangingisda. Ang iba pa nilang pangangailangan, tulad ng asin, damit, at kasangkapang bakal, ay kinukuha nila sa pakikipagkalakalan sa mga Muslim. Mula noong buksan ang Mindanao sa mga settler mula sa Visayas at Luzon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, unti-unting nakalbo ang kanilang mga bundok at gubat. Kinamkam ng mga settlers, karamiha’y Krsitiyano, ang kanilang mga lupain. Bunga nito, unti-unting nagkawatak-watak ang mga Teduray. May mga naiwan sa kabayanan/ kapatagan na karamiha’y naging Muslim o Kristyano at may mga nanatili sa kabundukan at namuhay ayon sa kinagisnan nilang paniniwala.[3]
Sa kasalukuyan, nahahati sa tatlong kategroya ang mga Teduray: Una, intact o ang mga nananatili sa tradisyonal na komunidad at nagsasabuhay ng katutubong kultura at tradisyon ng Teduray. Mayorya pa rin ang nakapaloob sa kategoryang ito. Ikalawa, assimilated o ang mga nakakuha ng edukasyong dayuhan at karaniwang nabubuhay sa pagnenegosyo at pamamasukan batay sa kanilang profesyon. Karamihan sa mga assimilated ay nakatira sa mga sentrong urban. At ikatlo, semi-assimilated o ang mga nasa pagitan ng intact at assimilated, na karaniwang nakikinabang sa mga oportunidad na tinatamasa ng dalawang naunang kategorya (Mokudef, Panayam).

Sentral na pagpapahalaga sa buhay ng isang Teduray, partikular ang nasa kategoryang intact, ang pagrespeto sa fedew[4] ng kanyang kapuwa. Apdo ang literal na ibig-sabihin ng fedew at sa metaporikal na pakahulugan, tumutukoy ito sa buong pagkatao ng Teduray. Sa pag-aruga sa fedew ng isa’t isa umiikot ang buong buhay ng mga Teduray. Dito nakasandig ang sistema ng kanilang ekonomiya, politika, hustisya, at espirituwalidad. Kapag tinanong natin, halimbawa, ang dahilan ng desisyon ng isang kefeduwan ukol sa paglutas ng isang kaso, sasabihin niyang iyon kasi ang nararapat. Ano ang nararapat? Ang mga bagay, aksyon, kalagayan na hindi nagdudulot ng sakit sa fedew ng kapuwa; bagkus, rumerespeto at kumakalinga sa pagkatao ng isa’t isa.

          Sa ideyal, gagawin ng isang Teduray ang lahat para proteksyunan at respetuhin ang fedew ng kanyang kapuwa. Ito ang sentral niyang tungkulin bilang Teduray.

Ang salitang kefeduwan, na tumutukoy sa taong pinagkakatiwalaan ng mga Teduray upang magsaayos ng mga gusot sa kanilang komunidad, ay nangangahulugan ng “pagyakap” sa fedew ng bawat myembro ng komunidad. Taglay ng salitang kef (yakap) ang diwa ng pagkalinga sa kolektibong kapakanan ng mamamayan. Sa mga tiyawan o mga pagtitipon upang ayusin ang anumang gusot, ang layunin ng bawat kefeduwan at ng mga kampong sangkot ay hindi upang manalo sa “kaso” kundi maayos ang gusot, mapanumbalik ang nasaktang fedew[5]. Ayon nga kay Schlegel, isang “healing system” (Wisdom 171) ang sistema ng hustisya ng Teduray.

Kaugnay ng ganitong pag-iingat sa fedew, kasalikop ng panga-araw-araw na komunikasyon ng isang Teduray ang paggamit ng wikang binuaya o matatalinghagang salita. Tinitiyak ng ganitong wika na hindi masasaktan ang pinagsasabihan, siya man ay totoong nakagawa ng pagkakamali o pagkakasala. Hindi ito nakasasakit ng loob pero tumatalab at nakapagpapaluwag ng kalooban. Eksperto ang mga kefeduwan sa ganitong wika.

Hangad ng bawat Teduray ang pagtatayo ng isang kaayusang iginagalang ang karapatan ng bawat isa, kaayusang lahat ay nagtatamo ng kaligayahan; samakatuwid, walang fedew na nasasaktan. Kefiyo fedew ang tawag nila sa kaayusang ito. “Maganda”, “mabuti” ang ibig sabihin ng “fiyo”.

Mahigit sampung taon akong naging edukador ng karapatang pantao at sa loob ng panahong ito, sumalig ako sa konsepto at praktika ng karapatan sa kanluran, sa mga instrumento ng United Nations. Paulit-ulit ko mang balikan ang pinagdaanan kong pag-aaral ukol sa karapatang pantao, wala akong mahagilap na isang terminong katumbas ng kefiyo fedew.

Napakahalaga ng pag-unawa sa konseptong ito ng fedew kaugnay ng Berinarew sapagkat ito ang gulugod na naturang epiko. Ito ang lunsaran at batayang motibasyon ng mga kilos at pagpapasiya ng mga tauhan buong akda.

          Ayon kay Schlegel, gaya ng iba pang katutubo sa kabundukan ng Pilipinas, ang mga Teduray ay representatibo ng kulturang laganap sa arkipelago bago dumating ang mga Kastila (Tiruray Justice, 1970). Masasalamin sa kanila ang mga praktis at paniniwala na komon sa maraming katutubo sa Pilipinas. Halimbawa, gaya ng ipinahihiwatig sa mitong “Si Malakas at si Maganda” (na sa Visayas ay simpleng tinatawag na Laqui at Bayi), naniniwala ang mga Teduray sa pagkakapantay ng babae at lalaki. Masasalamin ang ganito sa paniniwala nila sa walang-kasariang manlilikha na si Tulus at sa kataas-taasang si Fulufulu, na isang babae. Isa lamang si Fulufulu sa napakaraming makapangyarihang espiritung babae na gumagabay sa pamumuhay ng mga Teduray.

         Gaya ng pagkilala sa bakla, agi, bayot sa iba’t ibang dako sa Pilipinas, wala ring problema sa mga Teduray ang usapin ng sexual o gender preference. Mayroon silang tinatawag na “mentefuwaley libun” at “mantefuwaley lagey na ang ibig sabihin ay “lalaking naging babae” at “babaeng naging lalaki” (Schlegel 137-142). Ang ganitong pagpapalit ng kasarian para sa isang Teduray ay kasing-natural lamang ng pag-aasawa. Hindi pekpek o titi ang batayan nila ng sekswalidad kundi ang kilos ng isang indibidwal. Ibig sabihin, magiging babae ang isang lalaki kung kikilos at magdadamit siya bilang isang babae.

         Para sa mga Teduray, ang isang lalaking nagpalit ng kasarian ay “mentefuwaley libun”, hindi siya bakla, hindi siya bi-sexual. Siya ay babae, “mentefuwaley libun”.

         Nagulat at namangha ako nang malaman ko ang tungkol dito. Noon lamang kasing 2004 ko na-engkuwentro ang “performativity theory” ni Judith Butler na nagsasabing ang seksuwalidad ng isang indibidwal ay batay sa kung paano niya ito ipini-perform (chap. 4, 900-901).

         Mayaman din ang mga Teduray sa iba’t ibang espiritu – espiritu ng dilim (ang unang bahagi ng Berinarew ay panawagan kay Unggak, espiritung gumagabay sa pagsasalaysay ng uret o kuwento)’ espiritu ng ilog, espiritu ng dagat, mababait na espiritu, masasamang espiritu (busaw). Para sa mga Teduray ang mga espiritu ay kapuwa nila tao; pero kaiba sa kanila, ang mga ito ay hindi nakikita.

Ilang suliranin

Nasa Berinareu: The Religious Epic of the Tirurais ni Fr. Clemens Wein, SVD tangi at kauna-unahang nakalathalang bersyon ng Berinarew. Binubuo ang libro ng bersyong Teduray ng epiko at ng salin sa English ni Fr. Wein. Sa pamagat pa lamang, mahihiwatigan na ang “bias” ng nagsaliksik at nagsalin. Lumalabas kasi na de-kahon ang buhay ng mga Teduray na nagluwal ng naturang epiko. Salungat ito sa obserbasyon ni Schlegel, isang antropolohistang mahigit dalawang taong nakipamuhay sa mga Teduray ng Figel, isang komunidad sa bulubundukin ng Maguindanao malapit sa ilog Teran. Sa paglalarawan ni Schlegel, mahigpit na magkakawing ang panitikan at ang pang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Teduray (Wisdom 1999 at Children 1994).

          Halimbawa, lumalalim ang pagkilala ng batang Teduray sa kanyang kapaligiran sa pamamagitan ng mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng mga bagay, sa mga espiritu, sa mga bawal at hindi bawal na gawin. Ang kuwentuhan ay nasa puso rin ng kanilang pakikisalamuha sa isa’t isa. Ayon kay Tenorio, kaugalian ng isang pamilyang Teduray ang magkuwentuhan bago matulog. Sa pamamagitan ng kuwentuhan, nalalaman nila ang tungkol sa buhay ni Lagey Lengkuos at iba pang mga unang tao sa daigdig na ngayon ay itinuturing nilang mga espiritu. Maging ang kanilang gawi sa pangingisda at pangangaso ay natutuhan nila sa pamamagitan ng mga kuwento ng kanilang mga ninuno (424).

          Nakakabit ang panitikan maging sa paghihiganti ng isang Teduray. Matapos tiyakin ng naghiganti na wala nang buhay ang kanilang pinaghigantihan, sa daan pauwi, kumakanta sila ng kerensiyaw, awit na nananawagan kay Moferow, ang espiritung nakatalaga sa hantungan ng mga kaluluwang namatay sa karahasang kaugnay ng karangalan (Tenorio 389).

         Ayon kay Fr. Wein na iminumulat tayo ng nasabing epiko tungkol sa mga pagpapahalaga na nararapat nating bigyan ng pinakamataas na prayoridad. Dagdag niya “…Berinareu inspires us to think of the lasting goals of our own life” (Inroduction 1).

        Sa unang tingin maaaring sabihing napakadalisay ng ganitong saloobin. Pero paano kaya salungat ang Berinare sa diwa ng Kristiyanismo? Sa susunod na bahagi ng kanyang introduksyon, sinasabi ni Wein na nakikita ng mga Teduray (iyong mga umanib na sa Kristiyanismo) na ang pinakamalalalim nilang aspirasyon ay nagkakaroon ng kaganapan sa Kristiyanismo. Partikular niyang tinukoy ang paghihirap at pagsasakripisyo bilang daan ng kaligtasan, na pareho raw matatagpuan sa Berinarew at sa Kristiyanismo (1).
Maaari ngang malaki ang pagkakahawig ng Berinarew sa Kristiyanismo lalo na sa usapin ng paniniwala sa kabilang buhay at pagsasakripisyo para makamtan ito. Pero kapag binusisi nang masinsinan, makikita ang pundamental na pagkakaiba ng dalawa. Una, napakatindi ng hirarkiya sa Kristiyanismo. Sa mga Teduray, walang ganito. Magkakapantay ang lahat, pantay ang babae at lalaki, ang magulang at anak, ang kefeduwan (kinikilalang awtoridad sa usaping legal), ang beliyan o ( lider espirituwal) at ordinaryong Teduray. At maging si Tulus at si Fulufulu ay kapantay nila. Nagkakaroon lamang ng pagkakaiba sa larangan ng gawain. Sa usapin ni Tulus, siya ang lumikha ng lahat ng bagay ngunit hindi siya nakahihigit sa mga Teduray (Schlegel, Wisdom 111).

         Ikalawa, dominado ng lalaki ang Kristiyanismo; pantay ang kasarian sa mga Teduray. Nakikidigma ang lalaki kasama ang babae. Nalulungkot, nagtatampo, at nakadarama ng pagsuko ang lalaki gaya ng babae.
Ikatlo, nakasentro sa indibidwal na kaligtasan ang Kristiyanismo (ang bersyong ipinakilala sa atin ng mga Kastila na laganap pa rin hangga ngayon). Buong komunidad ang fokus ng pagsasakripisyo at paghihirap sa Berinarew. Buong komunidad ng mga Teduray ang “umakyat” tungo sa kerekamen fantad o lupang wala nang pangamba. Sa Kristiyanismo, mag-isang ‘umakyat sa langit” si Hesus. Sa Berinarew, sambayanang Teduray ang sinalubong ni Fulufulu. Sa Kristiyanismo, ang pagtitika ay indibidwal na pagpapakasakit na hiwalay sa pang-araw-araw na buhay; sa Berinarew, buong komunidad ang nararapat magdaan sa pasasakripisyo – pagkakaingin, paghahanda ng lupa para sa pagkain ng buong komunidad.
Ikaapat, sa usapin ng dahas bilang daan ng kaligtasan, magkaibang-magkaiba ang praktika at pananaw ng dalawa. Sa Deutronomio halimbawa, nandirigma sina Moises upang mag-impose ng iisang pananampalataya, upang gawing unibersal ang katotohanan ni Yahweh, ng Judaismo. Sa Berinarew, nandirigma sina Seonomon at Seangkasien upang ituwid ang isang pagkakamali, upang panumbalikin ang nalabag na karapatan, upang magkaroon ng pagkakasundo. Wala sa Berinarew ang imahe ng Diyos na nag-uutos na alipinin ang mga tatanggap ng alok na kapayapaan at digmain ang mga tatanggi at sirain ang kanilang mga altar, gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises sa harap ng mga nasyon na madadaanan nila patungo sa Canaan.[6]
Ikalima, pinagagana ng konseptong binary opposition ang Kristyanismo. Sa Berinarew, matingkad ang kaisahan ng dilim at liwanag, keilawan (tao) at meguinalew (espiritu), lagey (lalaki) at libun (babae), lowoh (katawan) at remogor (kaluluwa), dahas at kapayapaan.

             Sa kauna-unahang saknong ng epiko halimbawa, hinihingi ng mang-awit ang tulong ng kadiliman para sa kanyang pagsasalaysay. Kasama rin sa pakikipaglaban nina Seonomon ang mga espiritu ng kadiliman.
HIndi matatawaran ang pagsisikap – ang di-birong pagdodokumento at pagsasalin sa Berinarew – na ginawa ni Father Wein. Gayunpaman, umaalingawngaw sa kanyang proyekto ang bigotry na nakapaloob sa sumusunod na pangungusap ni John Pope Paul II:

                        Christ is absolutely original and absolutely unique. If He were only a wise man like Socrates, if he were a “prophet” like Mohammed, if He were “enlightened” like Buddha, without any doubt He would not be what he is. He is the one mediator between God and humanity (Pagels, Introduksyon xx).

            Kapansin-pansin sa bersyong English ang mga terminong nakakiling sa Kristiyanismo at kung gayon ay sumisira sa kahulugan ng orihinal. Halimbawa:: Tulus = Lord, Fulufulu = Lordess. Iniluwal ng lipunang feudal ang naturang mga salin at salungat ito sa kahulugang taglay ng isinalin. Binubura ng “Lord” at “Lordess” ang diwa ng pagkakapantay na sentral sa buhay ng Teduray. Laganap din sa salin ang mga terminong “heaven”, “angel” at iba pang salitang mas nagpapakilala sa relihiyong Katoliko kaysa sa Berinarew.

Sa ganitong “lambong” din ng Katolisismo sumablay ang napakayaman sanang akda[7] ni Jose Tenorio. Sa unang tingin, napaka-obhetibo ng pagsasalaysay ni Tenorio Costumbre : “Ang mga Teduray – kung gusto ninyong malaman kung saan sila nagmula – ay nakatira sa pagitan ng Tamontaka at lupain ng Dulangan” (366). Pero kapansin-pansin ang paggamit niya ng “sila” at “nila” na hiwalay sa kanyang “ako”. Mas magiging matingkad ito kapag ikinabit sa mga pangungusap niyang “kahiya-hiyang isalaysay ang gawain/ paniniwala nilang ito” at “isang gawaing hindi maiisip gawin ng isang Kristiyano” na nagkalat sa buong akda. Sa kabuuan nito, minamaliit at nilalait ng libro ang mga paniniwala, tradisyon, kultura ng tribong Teduray.

Sa kabila ng ganitong kahinaan, napakalaking kontribusyon pa rin para sa akin ang nasabing libro kung tungkol lamang din sa mga Teduray ang pag-uusapan. Hindi lamang ito nagbigay sa akin ng mayayamang impormasyon kundi, mas higit, nagbukas din ng oportunidad para sa mas malalim na pagkilala sa tribong Teduray.

Pero hindi ko pa rin maiwasang tanungin: Ano pa kaya ang naikuwento sana ni Sigayan kung hindi siya nalambungan ng anino o censorship ng mga frayleng Hesuwita? Gaano kaya kayaman ang isasalaysay niya kaugnay ng seksuwalidad ng mga Teduray? Kadiwa ng tanong na ito: Ano-ano kayang bahagi ng Berinarew ang nalambungan ng Kristiyanismo ni Father Weins noong sinasaliksik niya at isinasalin ang naturang epiko?

Sa panig naman ng mga sekular na pagsisikap, wala ang panitikan sa mga pinakabago at ‘komprehensibong” pag-aaral ukol sa mga Teduray[8]. Na para bang ang buhay ng Teduray ay lubusang mauunawaan nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang panitikan.

Sa anim na layunin ng pag-aaral na “The Case of the Teduray People…”, halimbawa, wala ni isa ang nagpapahiwatig na mapagtutuunan ng pansin ang panitikan ng mga Teduray. Samantalang kung susuriin ang unang layunin – magkaroon ng higit na kaalaman at pag-unawa sa masalimuot na kalagayan (Notre Dame University 2) – makikita ang mahigpit na pangangailangang saliksikin, pakinggan, at unawain ang mga salaysay na ikinukubli ng mga tanong tungkol sa bilang ng myembro ng pamilya, ikinabubuhay, edukasyon, atbp.

Sa huling layunin, sinasabi na, mapalakas ang komunidad…at mahikayat ang mga tao na makilahok…(3). Anong lakas ang tinutukoy na ito kung sa simula pa lamang ay pinipilayan na ang Teduray sa pag-etsapuwera sa kanilang panitikan? Anong partisipasyon ang hinihingi kung hinahati ang kanilang pagkatao sa binaryong kaluluwa vs. katawan?

          Mula pagpaplano hanggang implementasyon, kompartamentalisado na ang buhay ng Teduray sa nabanggit na pag-aaral. Kung may integrado man sa lapit nito, nakatuon lamang ito sa kung ano ang dating malinaw na – ekonomiya,t politika, at organisasyon. Bubuksan lamang ang kahon ng panitikan kung ito ay magagamit para suhayan ang alinman sa tatlong aspektong ito.

ARAL: Mula megubar fantad patungong kerekamen fantad

Umiinog ang Berinarew sa dalawang konsepto at imahe ng lupa – megubar fantad at kerekamen fantad.[9] Magkasalungat ngunit magkasalikop. Isang pinagmulan at isang patutunguhan. Isang pansamantala at isang walang-hanggan. Puno’t dulo ng pag-iibigan ng dalawang pangunahing tauhan na sina Senonomon at Seangkaien, puno’t dulo ng pagdurusa at ng pag-akyat ng kanilang mga kuyug[10] sa piling ni Fulu-fulu.[11]

megubar fantad

           Ayon sa epiko, tahanan ng mga Teduray ang fantad megubar (saknong 2620, p78). Sa lupang ito nanggagaling ang kanilang ikinabubuhay. Dito rin nila itinutusok ang kanilang mga fandi o maliliit na bandila at inilalagay ang kanilang mga alay upang suyuin ang iba’t ibang espiritu ng kalikasan. Nakahilig pakanluran ang fandi para sa mga natutunaw na tao; pasilangan naman ang para sa mga espiritu ng tubig.

Narito ang mga reguas (ilog) at tuduk (bundok) na nagsisilbing palatandaan sa kanilang paglalakbay at nagbibigay sa kanila ng pagkakakilanlan. Sa bawat paglalakbay, bundok at ilog ang karaniwang palatandaan. Sa kanyang pag-uwi mula sa tribo ni Kadeg Teresang, dumaan si Seonomon sa bundok-na-walang-patlang, sa Seminda-sinda (lugar na umuulan habang umaaraw), sa sangandaan kung saan nakadugtong ang landas papunta sa lupain ng mga Teduray.

Bilang pagkakakilanlan, tinatawag ding Lagey Lengkuos o “binata mula sa Bundok Lengkuos” si Seonomon; samantala, nangangahulugan namang “mula sa gubat” ang Seangkaien. Bai Layagan o “prinsesa ng karagatan” ang isa pang pangalan ni Seangkaien. Tama(n) Talun o “mula sa dulo ng gubat” ang pangalan ng isa sa kanyang mga kapatid. Segoyong Wayeg naman ang tawag sa mga espiritu ng tubig na tagasunod ni Endilayag.

Sa kabila ng mapagpalang katangian ng lupa, tinitingnan ito ng mga Teduray na pansamantala at marupok. At wala rito ang tunay nilang kaligayahan. Nang mag-usisa ang mga kuyog ni Seonomon tungkol sa kanilang kaligayahan, sabi ng binata: ‘N(e) metangka segedoten,/ Tindeg i mekefio-we” (saknong 120). “Napakalayo ng kaligayahan, napakahirap nitong kamtin”.

Ang megubar fantad, gayunman, ay kasalikop ng kerekamen fantad – lunsaran ito ng realisasyon ng mithiin ng mga Teduray na makaakyat sa piling ng kanilang Manlilikha. Dito nila isinakatuparan ang kanilang terasai[12] na batayang kahingian sa kanilang pag-akyat sa piling ni Fulufulu. Dito sila nagbungkal ng kaingin, dito nila itinanim at inani ang binhing semueb, dito nila kinalembang ang gong upang tawagin ang lahat ng aakyat. Dito nagmula ang tipak ng lupang sinakyan nila patungo sa kerekamen fantad.

kerekamen fantad

Ang kerekamen fantad ang rurok ng pag-iral ng mga Teduray sa megubar fantad, sa lupang marupok na kanilang sinilangan at tahanan. Ipinangako ito sa kanila ng kataas-tasang lumikha na si Tulus [13] at ng kataas-taasang lundaan na si Fulu-fulu. Sa lupang ito ng umaalingawngaw na tunog ng tanso (na tumutukoy marahil sa tunog ng mga gong), hindi kumakain ang mga tao; ngumunguya na lamang sila ng nganga. Hindi sila tumatanda o namamatay dahil sila’y ganap nang mga meginalew o espiritu. Ang lupang ito ang minimithing kaligayahan ng mga Teduray.

          Ngunit kahit ipinangako sa kanila, hindi nila basta-basta nakamit ang kerekamen fantad. Mabigat at masalimuot ang pagsubok na kanilang pinagdaanan. Hindi matingkalang hirap ang sinuong nina Seonomon at Seangkaien. Sa umpisa ng epiko, kaagad ipinasilip ng mang-aawit ang paghihirap ni Seonomon:

"Ringonen tad mebilang
          en Mengganad, a ta ferasai fo,
B(e) kesereinseg enan mon
Tuduk Getai Lengkuos an."
(saknong 20)

(Tila hindi maisasalaysay
ang hirap niyang dinanas
nang siya’y maglakbay
mula sa Bundok Lengkuos.)


            Tatlong hamon ang hinarap nina Seonomon bago sila naging karapat-dapat sa lupang walang pangamba. Una, pagdanas ng terasai. Hindi ito indibidwal na pagtitika o personal na paghihirap ng katawan at kalooban para sa minimithing langit. Bagkus, isa itong kolektibong pagsasakripisyo, isang sama-samang paggawa (pagkakaingin) para sa buong inged ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Teduray. Maging ang paghihirap na indibidwal na dinanas ni Seonomon at ni Seangkaien ay hindi para sa sarili nilang kaligayahan. Ang salimuot na pinagdaanan ng kanilang pag-iibigan, ang mga panganib na kapuwa nila sinuong sa pakikidigma, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng kanilang mga inged o komunidad.
Ikalawa, pagpapanumbalik ng nilabag na benal. Karapatan ang salitang Tagalog na pinakamalapit sa benal. Nakapaloob sa konseptong ito ang katarungan at paghihiganti dahil sa nilabag na karapatan. Nang tanungin, halimbawa, ng isang lundaan kung bakit naglalaban sina Seonomon at Gentang Lawai, sumagot si Seonomon: “Walang maglalaban/ kung walang karapatang dapat panumbalikin (saknong 1950).

Sefebenal o pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan ang tuntungan ng tunggalian ng kuwento sa Berinarew. Ito ang puwersang nagpapakilos sa mga pangyayari. Dito nakaangkla ang realisasyon ng pangakong pag-akyat ng mga Teduray sa lupang walang pangamba, sa piling ng kanilang Manlilikha.
Nang dukutin ng pangkat ni Gentanga Lawai si Seangkaien na nakatalagang mapangasawa ni Seonomon, nangyari ang hindi nararapat. Nilabag ang benal hindi lamang ni Seangkaien at ng kanyang pamilya, hindi lamang ni Seonomon kundi ng buo nilang mga angkan. Sa pagdukot na ito, nasira ang pundasyon ng nakatakda, nabulabog ang pangakong pag-akyat ng mga Teduray sa ikawalong antas ng lawai. Kung kaya dapat itong panumbalikin, dapat gawin ang nararapat. Kailangang maghiganti, kailangang magsagawa ng benal.

           Nang malaman ni Seonomon ang mga dumukot kay Seangkaien, agad siyang nagpasya ng paglusob. At dahil ito’y pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan ng buong inged, dumating maging ang mga espiritu mula sa angkan ng kanyang ama.

           Sefebenal ang nagtulak kay Seangkaien upang bawiin ang “gintong sinulid na may walong buhol” mula kay Linauan Kadeg. Batid ng dalaga, na dito nakasalalay ang kaganapan ng misyong itinakda sa kanya ng mga lundaan -- maging katuwang ni Seonomon sa pamumuno sa mga tao papunta sa lupang walang pangamba.

Ang ganitong pagtalima sa benal ang sukatan ng mabuting keilawan[14]. “N(e) komon fio so i eteu-e/ K(e) talikuf sefebenal.” (saknong 5330) “Matuwid ang tao kung lagi niyang hinahangad ang nararapat”. Noong iligtas nina Seonomon si Seangkaien mula sa pangkat ni Gentang Lawai, pinuri ng dalaga ang binata: “kagula i Teduraien-e,… / Ne metintu sefebenal.” (saknong 2400) Ganiyan ang mga Teduray / Matapat nilang hinahanap kung ano ang nararapat.

            Ikatlo, pagkakaroon ng serefat (pagkakasundo) tungo sa linaw (kapayapaan). Mabibigo ang angkan ni Seangkaien sa pagbawi sa gintong sinulid kung nanatili ang hidwaan sa pagitan nila at ng angkan ni Seonomon. Totoo, buo ang kanilang loob na ipaglaban ang kanilang karapatan sa naturang gintong sinulid ngunit walang karanasan sa pakikidigma ang marami sa kanyang mga kapatid. Dahil dito, humingi ng tulong sa angkan ni Seonomon ang dalaga. At naghilom ang sugat na hatid ng hindi nila pagkakaunawaan. Nagsanib ang kanilang mga puwersa sa isang paghihirap tungo sa pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan (saknong 4990).

           Nang magapi ang tribo nina Kadeg Teresang at mabawi ni Seangkaien ang gintong sinulid, nagkaroon ng ganap na pagkakasundo ang dalawang angkan. At iniluwal nito ang linaw o kapayapaan sa kanilang mga inged. Ngayo’y wala nang sagabal sa kanilang paglalakbay. Bago sila tuluyang pumasok sa tahanang nakalaan sa kanila sa kerekamen fantad, pumunta sila sa reguas Seobudon upang gawin ang kahuli-hulihang kahingian ng kanilang mithi – pagtanggal sa kanilang mga katawan (saknong 8450).

          Bagamat magkasalungat, malinaw sa epiko ang ugnayan ng megubar fantad at kerekamen fantad. Hindi balakid ang lupang marupok, bagkus isa itong behikulo ng pagkakamit ng kaligayahan. Sa katunayan, ang kauna-unahang porma ng terasai na pinagdaanan ng mga Teduray ay pagkakaingin, isang kolektibong paggawa upang pagyamanin ang lupa. Ang ugnayang ito ay binibigyang-diin din ng dalawa pang kondisyong pinagdaanan ng mga angkan nina Seonomon at Seangkaien: pagtatanggol ng sefebenal at serefat. Batay dito, malinaw na kasalikop ng kerekamen fantad ang mga konsepto at praktika ng terasai, sefebenal, at serefat.

ALIW: Berinarew bilang oral na panitikan

Ilug ang tawag ng mga Teduray sa Berinarew, isang mahabang tulang inaabot ng walumpong oras kapag inawit nang buo (Wisdom, 1999). Mayroon itong dalawang bahagi: una, ang siasid o panawagan. Sa bahaging ito, ang mang-aawit ay nananawagan sa espiritu ng kadiliman na si Unggak.[15] Hinihiling niya na wala sana siyang malimutan ni anuman sa kanyang pagsasalaysay “dahil ang lupa naming marupok ay nababalot ng kadiliman” (saknong 1).

          Pito ang batayang bilang ng pantig ng epiko pero wala itong regular na tugmaan. Karamihan sa mga saknong ay nagsisimula sa mga salitang “Na dauen de nen” (Ay, kahabag-habag) at paulit-ulit rin, lalo na sa mga tagpong gustong bigyang-diin ang paglalarawan, ang pangungusap na “Akar eme de k(e) loo” (Ilarawan sa diwa). Dalawa ang gamit ng mga ito sa epiko: upang ihudyat ang pagbabago sa daloy ng kuwento at upang bigyang-diin ang paglalarawan ng mga karakter, lugar, bagay, o pangyayari.

          Sa panahon ng pag-awit ng epiko, ang mga tagapakinig ay bahagi ng buong pagtatanghal at hindi mga pasibong tagatanggap lamang. Halimbawa, nang awitin ni beliyan Bho-Keykey ang ilang bahagi ng Berinarew sa isang pagtitipon[16], may mga tunog na pinadadaloy sa ilong mula sa mga tagapakinig ang paminsan-minsan ay sumisingit o sumasabay sa awit. Ayon kay Bho-Keykey, dalawa ang layunin ng “pagsingit”: Una, pagtaboy sa mga masasamang espiritu na nagtatangkang guluhin ang pagtitipon at ikalawa, pag-engganyo sa mang-aawit na ipagpatuloy pa ang awit. Palatandaan ito na nagugustuhan ng tagapakinig ang performans ng mang-aawit.

           Hinabi ang epiko sa pamamagitan ng pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan, nang walang gatol na paghuhugpong ng natural at supernatural na mga bagay at pangyayari. Kasing-natural ng dilim ng gabi ang kamangha-manghang katangian ng lupa, ilog, at iba pang aspekto ng kalikasan. May sariling buhay at nagtataglay ng pambihirang katangian ang ordinaryong mga kasangkapang pandigma tulad ng kalasag at tabak.

Narito ang ilang halimbawa ng nabanggit ng pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan:

Magkasamang nananahan sa lupa ang keilawan at meginalew bilang mgas etew. Nag-uugnayan sila sa isa’t isa – nag-iibigan, nag-aaway, nagtutulungan. Halimbawa, noong lusubin nina Seonomon sina Gentang Lawai upang bawiin si Seangkaien, tumulong ang mga espiritu mula sa angkan ng ama ng binata.

Ang lupa na nagsisilbing tahanan, na pinagkukunan ng pagkain, at ginagamit na panandang heograpikal ay may kakayahang lumipad at maglakbay. Sa fesayawan[17] sumakay sina Seonomon at Seangkaien kasama ang kanilang mga tagasunod nang pumunta sila sa ikawalong antas ng lawai pagkatapos nilang gapihin ang tribo ni Kadeg Teresang. Samantala, matatagpuan sa bundok- na-walang-patlang ang ta(d)geher, punong ginintuan ang mga sanga at bahaghari ang mga dahon, at ang refuruh feketunag o hanging tumutunaw ng tao.

              Sa ilog nagkakanlong ang buwayang tumulong kay Seonomon upang makarating siya sa inged nina Linauan Kadeg. Ilog din ang nagtanggal ng katawan ng mga keilawan bago sila umakyat sa lupang walang pangamba. Naging tubig ang kaluluwa ni Seonomon bago siya buhayin ni Seangkaien.

             Nagsasalita at may sariling buhay ang renomot o kalasag ni Seonomon. Halimbawa, noong nakikipaglaban ang binata kay Gentang Lawai, inakala nito na natagpas niya si Seonomon. Pero nagsalita ang renomot ng binata, tinuya nito si Gentang Lawai at itinuro sa mandirigma ang walang kagalos-galos na si Seonomon. Renomot din ang sinasakyan ni Seonomon sa kanyang mga paglalakbay, lumilipad itong parang agila, kumikinang na parang araw.

            Pamaypay naman ang ginamit ni Seangkaien upang buhayin ang mga kaanak na napapatay sa labanan. Agad tumatayo na parang walang nangyari ang bawat paypayan ng dalaga. Pamaypay ang ipinambuhay ng dalaga kay Seonomon.

           Hitik sa ganitong kababalaghan at kamangha-manghang pangyayari ang buong epiko. Walang gatol ang pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan, isinasalaysay nang tuloy-tuloy na kasing-natural ng daloy ng ilog.

           Punong-puno rin ng talinghaga ang epiko mula sa salaysay ng mang-aawit hanggang sa diyalogo ng mga tauhan. Ihinalintulad sa lagaslas ng ilog ang tikhim ni Seonomon nang makita niya si Linauan Kadeg. Nakasisilaw si Seangkaien, napalilibutan siya ng walang patid na kidlat. Maningning siyang parang araw, malamlam na parang buwan.

           Parang tumataginting na mga kuliling ang kalansing ng mga pulseras sa bisig ni Seonomon habang siya’y nakikipaglaban. Tila agilang naghahanap ng madadapuan sa kulumpon ng mga halaman ang kanyang renomot. Mistulang tumutukang tagak ang pagdidikdik ni Seangkaien ng nganga. Dumagundong ang kulog na parang napupunit ang langit at nagigiba ang lupa nang humingi ng hudyat ng tagumpay sina Seonomon. Tila tuloy-tuloy na talampas at sumusukdol sa langit ang mga renomot nina Gentang Lawai. Nagliliyab ang pagtatagis ng mga tabak, umaapoy ang bawat renomot na mahagip ng mga ito.

           Mula simula hanggang dulo, nagsasalikop ang karaniwan at kababalaghan sa epiko at mahigpit na magkakawing ang yaman ng wika at husay ng pagsasalaysay. Dalawang katangian ito na nagbibigay lakas sa Berinarew bilang anyong pampanitikan. Hindi mapasusubalian ang kapangyarihan nitong mang-aliw.

Bukod pa rito, kapana-panabik din ang kuwento. Buong-buo ang balangkas, malinaw ang motibasyon ng bawat kilos ng mga tauhan, at humahatak ng atensyon ang pagkakahanay ng mga pangyayari. Walang ligoy ang umpisa, ipinasilip kaagad ang bisyon ng buong epiko: nag-uusap sina Seonomon tungkol sa pag-akyat nila sa lupang walang pangamba at sa rasai na dapat nilang pagdaanan. Sa kalagitnaan ng nasabing usapan, pumasok si Lukes Libun, hinahanap ang dinukot niyang anak na si Seangkaien. Mula rito, umarangkada na ang kuwento – hitik sa mga sorpresa, kababalaghan, at umaatikabong drama at aksyon. Kagiliw-giliw ang mga tauhan – mga superhuman pero nagkakamali, nagtatampo, napapagod, nalilito, umiiyak, sumusuko, nagbibiro.

            Nang hindi harapin ni Seangkaien si Seonomon, sumakit ang loob ng binata at agad gumawa ng pasyang halos ikasira ng kanyang misyon bilang tagapamuno sa pag-akyat ng mga Teduray sa piling ni Fulu-fulu. Sa gitna ng kanyang kalituhan, balewala na sa kanya kung umakyat man siya o hindi tulad ng ipinangako sa kanila. Sa kabilang banda, nagtampo si Seangkaien sa kapatid niyang si Endilayag dahil hindi ito ang nagligtas sa kanya mula kina Gentang Lawai. Humagulhol siya nang mamatay si Seonomon. Nagalit siya kay Seonomon nang magbiro ang binata noong naglalakbay sila sakay ng fesayawan.
Sa paglalakbay na iyon, nangamba ang dalaga na baka sa pagdaan nila sa tapat ng refuruh feketunag ay matangay ang ilan sa kanilang mga tagasunod. Nagbiro ang binata na pananagutan ng dalaga ang sinumang tangayin ng hangin at kung sino man ang tangayin, regalo na lamang sila sa hangin. Sinigawan ng dalaga ang binata at sinabing, “hindi maganda ang ganyang biro sa kalagayang pinagdaraanan natin ngayon” (mga saknong 8190 -2000).

            Sa kabuuan, makikita sa Berinarew ang mahigpit na pagkakaisa ng anyo at nilalaman. Isa itong obrang pampanitikan na epektibong umaaliw at nangangaral. Umaaliw, hindi sa pamamagitan ng paglulubid ng walang kawawaang katawa-tawang mga pangyayari kundi sa husay ng pagkukuwento at yaman ng pananalinghaga. Nangangaral, hindi isa pamamagitan ng nakaririnding sermon kundi sa pamamagitan ng malikhaing presentasyon ng isang bisyon at posibilidad ng pag-iral.

Itinatampok nito ang mga pagpapahalagang balon ng lakas at inspirasyon ng asersyon ni Seonomon na “Isa akong Teduray”. Mga pagpapahalagang nararapat taglayin ng bawat Filipinong nagnanais magtayo ng isang lipunang gumagalang at kumakalinga sa fedew ng bawat mamamayan.


Mga Binanggit na Akda

Butler, Judith. “Performative Acts and Gender Constitution”. Rivkin, Julie and Ryan Michael (Eds). Literary Theory: An Anthology (2nd ed). USA: Blackwell 1998. 900-911.
Mokudef, Johnny. Panayam. 30 Abril 2009.
Notre Dame University Research Center and Accion Contra El Hambre – Philippine Mission. Ang Kalagayan ng mga Teduray sa Walong Barangay ng Upi Maguindanao. 2005.
Tenorio, Jose. The Customs of the Tiruray People. Stuart A. Schlegel (Trans.) Philippine Studies, vol. 18, no. 2. Quezon City: Ateneo de Manila University, 1970.
364-428.
TRICOM. Defending the Land: Lumad and Moro People’s Struggle for Ancestral Domain in Mindanao. 1998.
Schlegel, Stuart A. Wisdom from the Rainforest: The Spiritual Jpurney of an Anthropologist. Quezon City: Ateneo de Manila Universtiy Press, 1999.
_ _ _ . Children of Tulus: Essays on the Tiruray People. Quezon City: Giraffe Books, 1994.
_ _ _. Tiruray Justice: Traditional Tiruray Law and Morality. California: University of California Press, 1970.
____________________. Tiruray-English Lexicon. California: University of California Press, 1971.
Wein, Clemens SVD. Berinareu: The Religious Epic of the Tiruray. Manila: Divine Word Publications, 1989.


[1] Lagey Lengkuos ang isa pang pangalan ni Seonomon. Ang ibig sabihin ng Seonomon ay “siya na dapat sundan” at ang Lagey Lengkous ay “binata o lalaki ng bundok Lengkuos”. Sa epiko, tinatawag din siyang kuyugon (siya na dapat sundin) at lalagen (siya na dapat pangilagan).

[2] Johnny Mokudef ang buong pangalan ni Bho-Keykey. Sa Teduray, Ipinapangalan sa panganay na anak ang mga magulang. Ang Bho o Mo ay “tatay”, kaya ang Bho-Keykey ay “tatay ni Keykey”. Ideng ang tawag sa “nanay”.

[3] Sa kanyang librong Wisdom from the Rainforest, inilalarawan ni Stuart Schlegel ang sistema ng pamumuhay ng mga Teduray na tumangging sumanib sa kulturang Muslim o Kristyano.

[4] Pangunahing sanggunian ko ukol sa “fedew” ang librong Wisdom from the Rainforest ni Stuart A. Schlegel. Tinatalakay rin niya ito sa Tiruray Justice: Traditional Tiruray Law and Morality.

[5] Mula sa pakikipag-usap kay Ka Deming Valero, kefeduwan.

[6] Basahin ang mga sumusunod na bersikulo sa Deuteronomio: 6:10-12, 7:1-6, 20: 10-18

[7] The Customs of the Tiruray People. Isinalin ni Suart A Schlegel mula sa orihinal na Kastila.

[8] Totoo ito kahit sa pinakaprogresibong organisasyon na tumutulong sa empowerment ng mga Teduray sa kasalukuyan. Economic at political empowerment ng organisasyong ito at kung may mabanggit man kaugnay ng panitikan, ito ay para suhayan lamang ang dalawang aspektong ito.

[9] megubar fantad lupang marupok, lupain ng mga Teduray; kerekamen fantad – lupang walang pangamba, lupang ipinangako ni Tulus sa mga Teduray.

[10] kuyug - tagasunod

[11] Fulu-fulu –kataas-taasang diwata ng mga Teduray

[12] rasai – pagdurusa, paghihirap

[13] Tulus – diyos na walang kasarian

[14] keilawan – tao o human. Sa Teduray, may terminong etew na tumutukoy sa keilawan (human) at meginalew (espiritu)

[15] Unggak – espiritung gumagabay sa pagkukuwento

[16] Seminar ukol sa karapatang pantao kung saan inimbita nila ako bilang tagapagsalita.

[17] fesayawan – pook sayawan; malinis na lupa sa harap ng bahay ng datu na pinagdarausan ng ritwal, kasayahan, at mga pagpupulong

Palalim nang Palalim ang Gabi


Wala akong kaamor-amor sa aso. Aso kasi ang kauna-unahang nag-iwan ng peklat sa aking balat. Pauwi ako noon mula sa eskuwela, pakandi-kandirit habang ikinakaway sa hangin ang kauna-unahang drawing ko na naka-100 at may mahabang-mahabang tsek ng titser. Halos matuyo ang gilagid ko sa pagngiti, sabik na sabik makauwi para maipagmalaki ang aking drawing.

Dahil sa tuwa, halos hindi ko namalayang nasa tapat na pala ako ng bahay ni Apong Goyang, limang lote mula sa amin. Kinatatakutan ang bahay na iyon, may lumalabas daw kasing amat[1] lalo na kapag oras ng orasyon. May aninong puti raw na pabalik-balik na lumulutang sa tapat ng bintana habang umaalulong ang aso ni Apong Goyang na si Kikintod. Kaya kapag dumadaan ako roon, sa kabilang gilid lagi ako ng kalsada naglalakad. Halos magkandabali ang leeg o magkandatisod sa paglingon palayo sa bahay ng matanda.

Pero noong hapong iyon, parang nawala ang kaduwarkugan[2] ko; halos maglaway ako sa kulumpon ng mga butil ng pulang-pulang Patak-dugo sa magkabilang gilid ng tarangkahan nila Apong Goyang. Gustong-gusto kong sinisipsip ang Patak-dugo lalo na kapag nagsasanib na sa dila ang tamis ng nektar at pakla ng dagta; nakakatanggal ng pagod at uhaw.

Bago ko pa man maibulsa ang dinakot kong mga butil, may kumaluskos at umangil mula sa balumbon ng mga sanga at dahon sa harapan ko. Sa takot, saglit akong napatda pero agad ding kumaripas. Nakakailang hakbang pa lamang ako nang maramdaman kong parang may humambalos sa akin. Dinamba pala ako ni Kikintod, kapapanganak at kaaway ang halos buong mundo. Wakwak ang shorts kong khaki na dalawang beses ko pa lamang naisusuot at parang riles ng tren ang kalahig ng mga kuko ni Kikintod sa aking hita.

Naaaninag pa hangga ngayon ang bakas ng mga pangil ni Kikintod sa kaliwang pisngi ng aking puwet.

Mula noon, isinumpa ko ang mga aso, gaano man kakyut, gaano man kamapagmahal. Hanggang dumating si Kero sa buhay naming mag-anak. Walang kaabog-abog. Ikatlong araw ng bakasyon noon, nagising na lamang ako isang umaga na may sinisinghalan si Doraemon sa sulok ng bakod. Naisip ko na baka nakakita na naman ng daga. Pero parang nag-aalangan siyang sumagpang. Habang ngumingiyaw, itinataas-baba niya ang kaliwang paa sa harap na parang ihinahanda ang bigwas ng kanyang kanan. Mayamaya, may iba pang pusang dumating.

“Grabe naman Tay, tumawag pa ng reinforcement,” sabi ng bunso kong anak na si Azul. Mukhang panawagan nga ang mga ngiyaw ni Doraemon. Hindi kasi nagtagal, langkay-langkay na nagsulputan ang lahat na yata ng pusakal o pusangkalye sa buong Tandang Sora – may sumuot sa ilalim ng gate, may nag-akrobat sa pader, at may bigla na lamang iniluwa ng lupa at ihinulog ng ulap. Naisip ko noon: Saang lupalop kaya namin itututok ang aming mga ilong kapag umebak ang sangkaterbang pusang ito?

Dali-dali kong dinampot at isinalpak sa gripo ang hose at pinusit-sitan ang mga katropa ni Doraemon. Para silang binomberong mga demonstrador, nagkanya-kanyang likwad at kubli.
Kung gaano sila kabilis sumulpot, ganoon din sila kabilis nawala. Samantala, nakaastang palaban pa rin si Doraemon, handang ipaglaban ang kanyang teritoryo hanggang wakas. Itinutok ko sa kanya ang hose; naningkit ang mga mata niya. Bahagya niyang binali ang kanyang mga paa sa likod at ikinurba ang kanyang gulugod. Umakmang tatalilis. Kabisado na kasi niya ang mangyayari; madalas ko siyang tutukan ng hose lalo na kapag naiinip ako. Bago pa siya makasikad para umeskapo, niratrat ko siya ng pinong pusitsit ng tubig. Sumukot siya at bahag-buntot na kumaripas, sunod-sunod ang kanyang pagbahing. Tinigilan ko lamang siya pagkatapos niyang makaisang ikot sa buong bakuran at tuluyan na siyang nakapuslit sa aking kalupitan. Tiyak gabi na ulit siya babalik.

Kumakawag-kawag naman ang buntot ng tuta sa sulok ng bakod, sa tabi ng katatanim na bugambilya. Parang nagpapasalamat sa kanyang kaligtasan mula sa tiyak na kamatayan. Kasingliit lamang siya ng sapatos ko. Malago ang kanyang balahibo, maamo ang mga mata, at di-hamak na kaibig-ibig kaysa mga karaniwang askal na madalas humablot sa plastik ng basurang isinasabit ko sa bakod.

Gising na rin noon si Luntian, ate ni Azul. “Tay, saan po galing?” tanong niya. Hindi pa ako nakakasagot nilapitan na niya ang tuta, kinarga ito at hinimas-himas. “Paliguan natin Ate,” sabi ni Azul na agad namang kumuha ng planggana at tinanggal sa gripo ang kabilang dulo ng hawak kong hose. Habang nagpa-flash sa utak ko ang itsura ni Kikintod at ang halos isang linggo ko ring hindi pagpasok dahil sa bagsik ng kanyang pangil, binibinyagan naman nina Azul at Luntian ang tuta.

“Mula ngayon tatawagin kang Kero!” Paborito nilang magkapatid ang anime na Keroberos at sa pagbili ng mga kard na Keroberos halos nauuwi ang kanilang mga baon. “Savior ka namin laban sa mga daga!” At tuwang-tuwa silang inilublob sa isang plangganang tubig ang binibinyagan.

Pagkatapos ng rituwal, tuloy-tuloy na nilang pinaliguan ang tagapagligtas. Halos maubos ang kabibili kong kalahating litrong anti-dandruff shampoo na may isang oras yata nilang ipinampabula sa balahibo ni Kero. Tumigil lamang sila nang mangaligkig na sa ginaw ang gasuntok na katawan ng tuta. Kasunod noon, may isang oras yatang umatungal ang hair blower, na sinundan ng isang kawanggawang pang-aso: ginamit nila kay Kero ang hair brush na iniregalo sa akin ng bhuddist kong kaibigan noong nag-aral ako ng Human Rights sa Holland.

Sa halip na magalit, napakamot-ulo na lamang ako at nakisaya. “Ipaglaban ang karapatan ng sangkatutaan!” sigaw ni Luntian habang itinataas ang isang paa ni Kero sa harap. Kinuha naman ni Azul ang kabilang paa at agad ding itinaas. “Iboto para konsehal ng mga aso sa Tandang Sora!”
Hindi nagtagal, tumulong na rin ang nanay nila sa paglalagay ng kung anu-anong borloloy kay Kero. Ipinony ang buhok sa tuktok ng ulo, nilagyan ng ribbon sa buntot, sinuutan ng shades, minanikyuran, nilipstikan ang ilong, at dinamitan ng sandong inagaw sa isang teddy bear ni Azul.
Mabuti naman at may mapagkakalitungan na sila sa bahay. At saka naisip ko rin na hindi naman yata tamang pagkaitan ng pagkakataong magkaroon ng alagang aso ang anak dahil lamang kinagat ng aso ang ama.

  Nakihimas na rin ako. Parang bulak ang balahibo ni Kero. Sinarili ko na lamang, pero noong mga sandaling iyon, tuluyan na akong nagpaalam sa aking peklat at nagluwag ang aking dibdib. Pakiramdam ko lumaya ako at naibsan ng isang mabigat na bagahe ng alaala ang aking puwet, parang biglang nabura ang bakas ng pangil ni Kikintod.
Kapag may binyagan, natural may handaan. Sumikwat ng isang hiwang adobong baboy si Luntian mula sa aming almusal at idinutdot kay Kero. Matapos singhot-singhutin ang humahalimuyak na asim-alat ng mga himaymay ng kanyang handa, umingos lamang ang tuta. Lumabas ako agad para bumili ng gatas na kondensada. Noong buhay pa ang nanay ko, sabi niya nakaisang kuwarto raw ako ng Liberty at Alaska mula nang matuyuan siya ng gatas. Siguro naman hindi ako matutuyuan ng bulsa at matututo nang kumain si Kero.

Umalingawngaw sa bawat sulok ng bahay ang aming tuwa noong araw na iyon. Naroong mag-aso-asuhan o magpusa-pusaan ako sa pakikipaglaro sa bagong myembro ng aming pamilya. Halos hindi namin namalayan na gabi na at patapos na ang huling eksena ng paborito naming Jewel in the Palace nang magbukas kami ng telebisyon.

Pagkahapunan, si Kero pa rin ang fokus ng atensyon, at para bang alam niyang ganoon nga. Sa lahat ng posisyon niya – nakaupo, nakatayo, nakadapa, nakahiga – todo pakyut siya at papungay ng mata. Mag-aalas-dose na ng gabi nang tantanan namin siya. Iginawa ko siya ng higaan sa sulok malapit sa pinto – dalawang magkapatong na bagong labang doormat na may kobrekamang puting kamiseta. Bago matulog sina Luntian at Azul, tiniyak muna nilang maayos ang unang gabi ni Kero sa bahay. Iniwan nila siyang payapang nakadapa habang nakapatong sa dalawang paa ang baba.
Pagkatapos ng sampung minutong meditasyon at malalim na paghinga, inasahan kong magiging malalim ang tulog ko noong gabing iyon. At malamang na may kulay pa ang aking panaginip. Minasdan ko si Kero. Nakapikit at walang kakibo-kibo. . Dahan-dahan kong pinagdikit ang dalawang mahahabang bangkong kawayan at nag-iinat na inilapat sa mga ito ang aking likod.
 
Tulad ng dati, bago tuluyang anurin ng antok, nakipagtitigan muna ako sa kisame. Para muling usigin ng pabalik-balik na tanong: Kailan kaya kami magkakaroon ng sariling bahay?
Nakikitira kami noon sa bahay ng isang mapagkawanggawang kamag-anak. Kaya halos lahat ng puwede kong gawing palatandaan ng pakikisama ginagawa ko. Bukod sa pagbutingting ng kung ano-anong bagay, gaya ng pag-aayos ng tumatagas na lababo at di-gumaganang linya ng kuryente, iniatang ko na rin sa aking balikat ang pag-aayos ng bakuran. Sa likod, gumagapang na ang mga tanim kong giant ampalaya. Sa harap, nagdadahon na ang iba’t ibang kulay ng bugambilya na hinagilap ko pa sa kung saan-saang sulok ng UP Los Baños. Namumulaklak na rin ang yellow bell na pinagapang ko sa harap ng bahay paarko sa bintana. At kasinglapad na ng payong ng magmamani ang itinanim kong banaba sa gitna ng bakuran. Nakapaligid sa banaba ang mga paso ng gumamelang dilaw, daisy, camia, rose, sampaguita, at iba pang mga bulaklak.

Nasa ganito akong pagmumuni nang ihudyat ng huli kong hikab ang pagsuko ng aking mga pilik. Humukay ako ng isang malalim na buntong-hininga para tuluyan nang magpaangkin sa kapayapaan ng gabi. At nangyari ang hindi ko inaasahan.

Una’y kaluskos na sinundan ng pag-ungot. Sinubukan kong balewalain, pero parang sutsot ng security guard na nakaalalang kailangan palang busisiin ang bag ng mga pumapasok sa mall.
Nagkunwari akong walang narinig, todo-lambitin sa unti-unting tumatakas na antok. Ipinulupot ko ang aking konsentrasyon sa aking paghinga, sinubukang bilangan ang bawat pagpasok at paglabas ng hangin sa aking ilong. Kumangkang si Kero, parang palahaw ng nagugutom na sanggol. Palakas nang palakas, pahaba nang pahaba. Tuluyan nang nabulabog ang aking antok. Tumalungko ako at sinilaban ng nagliliyab na titig ang tutang parang pinupunit na lata ang lalamunan. Biglang bumalik ang sagpang ng mga pangil ni Kikintod sa aking puwet at ang kayod ng kanyang mga kuko sa aking hita. Bumalikwas ang suklam ko sa sangkaasuhan ng buong daigdig.

         Napurnada ang buong tag-araw na iyon na matagal kong inasam. Pambawi ko sana sa hapo at tensyon ng nagdaang semestre. Mga gabi sana iyon na walang tsetsekang papel at mga umagang hindi lilimbuwasangin ng alarm clock. Mga umagahan, tanghalian, at hapunang nanamnamin ang pagkain hanggang sa kahuli-hulihang katas. Mga araw na malaya sa pagkukumahog.

Pero wasak na pangarap ang lahat. Parang tore ng mga barahang pagkatapos pagtiyagaang pagpatung-patungin nang patagilid ay pinasambulat lamang ng buga ng electric fan.
Ang resulta: sinasalubong ko ang bawat umaga na namimigat sa bunakol ang aking mga mata, mistulang duhat na halos malaglag dahil sa kahinugan. Lulugo-lugo pero hindi puwedeng matulog ni lumingat man lamang. Pagkatapos magkakangkang sa buong magdamag, mananalanta ang sumisilip pa lamang na mga pangil ni Kero. Lahat ng kanyang makagat, nauurib – daig pa ang gilid ng pahina ng notebook na pinilas mula sa spring. Hindi niya pinatawad ang mula pa sa Amerikang mga tsinelas na pasalubong ng may-ari ng aming tinitirhan. Parang niratrat ng armalayt ang kaisa-isa kong sapatos na balat na may kung ilang linggo ko ring hinagilap sa ukay-ukay.

Nilapastangan din ni Kero ang mga paa ng sofa at mga kabinet, ang mga labi ng plastik na paso, ang mga gilid ng hamba ng pinto. Pati laylayan ng mga unipormeng isinasampay sa likod ng ref hindi pinaligtas ng kanyang walang kapagurang mga pangil.

At sa loob pa lamang iyon ng bahay. Sa labas, mas kasumpa-sumpa ang kanyang krimen. Pinagbubunot niya ang mga puno ng bugambilya, hinablot sa balag ang mga ampalaya. Parang inondoy ang mga bulaklak sa silong ng banaba, hindi hamak na mas sawimpalad kaysa mga nasalanta ng bagyong Ondoy.

Gusto ko na sana siyang balahibuhan at ipapulutan sa mga kapitbahay kong lasenggo. Dagdag gastos na nga, dahil binibilhan pa ng gatas at kung anu-anong pampabango at pamatay-pulgas, nambubulabog pa ng tulog at parang pesteng nananalanta. Pero sa tuwing hahawakan ko siya, nagdadalawang isip ako. Lalo na kapag tinititigan niya ako nang malamlam. Nararamdaman kong sa isang tingin lamang niya ay nawawala ang suklam ko sa sangkaasuhan. Isa pa, napamahal na siya sa mga bata at talaga namang sa mga oras ng kanyang katinuan ay para siyang anghel na sugo ng langit – maamo, malambing, at masayahin. Nagpasiya akong pagtiyagaan na lamang siya.

Minsan, naisip kong busalan si Kero. Kumuha ako ng basong styro, binutasan ang magkabilang gilid, binuhulan ng tansi, at itinakip ko sa kanyang nguso. Para siguradong hindi malalaglag, itinali ko ang styro sa kanyang kolar. Epektibo. Maghapon siyang hindi nakapanalanta. Kaya lamang, wala nang patlang ang kanyang pag-atungal. Araw at gabi na. Sa halip na kahit paano’y nakakanakaw ako ng idlip sa mga sandali ng kanyang pagpapahinga at kabaitan, maghapon akong nagtatakip ng tainga. Wala akong nagawa kundi isuko ang aking imbensyon.

Kunsabagay, napakahirap naman talaga ng kaniyang kalagayan. Halos matakpan ng styro ang mga mata niya, madalas siyang mabunggo at sumemplang. Parang lagi siyang lasing, bukod pa sa nahihirapan siyang huminga. Nagdalang-habag ako. Tinanggal ko ang styro sa kaniyang nguso, binayaang kumawala ang kaniyang mga atungal.

Natapos ang bakasyon at balik-pagtuturo ako. Sa wakas lumaya ako kay Kero, matatahimik na rin ang mga gabi ko. Sa dulo ng Umali Subdivision, Los Baños ako umuupa ng kuwarto noon. Dating poultry daw iyon, bihira pa ang bahay. Pagdating ng alas-sais ng hapon, kuliglig at katok ng butiki na lamang ang naririnig ko. Angkop na angkop sa paghihiganti sa puyat. Pero limang araw akong inisnab ng tulog, kahit antok na antok, kahit gaano ko piliting pumikit, nakikita ko si Kero. Naririnig ko ang kanyang mga ungot at palahaw. Kinikiliti ng kanyang dila at ngipin ang dulo ng mga daliri ko sa paa, ang aking talampakan. Nami-miss ko ang aming tagapagligtas.

         Biyernes pa lamang ng umaga ng linggong iyon umuwi na ako. Si Kero ang nasa isip ko sa buong biyahe at ang dami kong sana: sana araw-araw siyang pinaliliguan, sana ipinaghihimay siya ng ulam, sana huwag siyang awayin ni Doraemon. Nabura na lahat ng nagawa niyang atrosidad at balewala na rin sa akin kung sakaling napudpod na niya ang lahat ng puwede niyang ngatngatin sa bahay. Bago ako dumiretso nang uwi, dumaan muna sa ako sa palengke. Nagpalagare ako ng buto ng baka. Mas mainam iyon kaysa sa butu-butuhang yari sa plastik. Siguradong walang kemikal.
Pipindutin ko pa lamang ang doorbell lumusot na sa silong ng gate si Kero. Diniladilaan ang daliri ko sa paa, inamoy-amoy ang aking Sandugo. Walang tigil sa pagkawag ang kanyang buntot. Hindi magkamayaw ang kanyang mga paa sa pag-ukyabit sa laylayan ng aking pantalon.

          Dinampot ko siya at hinalik-halikan. Makintab ang itim na itim niyang mga balahibo, maamong-maamo ang mga mata niyang napapalibutan ng magkasing-bilog na kulay lupang tagpi. Parang antipara ni John Lennon. Pagpasok namin, ibinaba ko ang aking bakpak at ibinigay sa kanya ang pasalubong ko. Kinala-kalabit lamang niya sa una, parang tinatantya kung reresbak. Itinulak-tulak niya ng kanyang ilong at sinimulang dilaan. Hindi nagtagal at konsentrado na siya sa pagngatngat sa buto.

           Bawat linggo mula noon, inuuwian ko ng pasalubong si Kero. Binilhan ko siya ng bola ng tennis, na gustong-gusto niyang pagulung-gulungin at habul-habulin sa buong bakuran. Kapag may dala akong buko pie, siguradong may isang hiwa para sa kanya. Hanggang dumating ang araw na tumigil sa pangangati ang kanyang mga pangil, at unti-unting nagbago ang kanyang boses. Natapos ang kapraningan ko tungkol sa mga bagay na puwede niyang salantain at nakakatulog na ako nang mahimbing tuwing Sabado at Linggo.

Noong sumunod na tag-araw, ibang-iba na si Kero. May iisang sulok na siyang ihian at dumihan at kusa na siyang pumupunta sa tabi ng gripo sa oras ng kanyang pagligo. Hindi nagtagal at nagpakita na rin siya ng talento at kaya na niyang sumunod sa mga utos. Natuto siyang tumayo at maglakad nang nakataas ang dalawang paa sa harap, sumuot sa ilalim ng bangko nang gumagapang, tumalon sa magkakasunod na harang, pumulot ng mga bagay, sumipsip ng tubig gamit ang straw, magbilang sa pamamagitan ng pagkahol, lumakad nang patalikod, at marami pang “kabulastugan” na lalong nagpamahal sa kanya sa bawat isa sa bahay.

Kasabay ng magagandang bagay na nangyayari kay Kero, unti-unti namang tumubo at yumabong ang mga halaman sa bakuran. Dumami rin ang mga kulisap. Minsan, habang pinapanood namin nina Azul at Luntian ang mga uod na ngumangatngat sa dahon ng lagundi, patalon-talon sina Kero at Doraemon sa pakikipaghabulan sa mga paruparo. Maging ang mga dating napakaiilap na maya ay hindi na rin nagugulat sa kanya. Kahit na nagdadadamba siya, naroon lang sila palukso-lukso, kampanteng tinutuka ang mga kaning sinasadya kong isabog para sa kanila.
Nagbinata si Kero kasabay ng pagyabong at pamumulalak ng bugambilya at yellow bell. Berdeng berde rin ang mga palmerang nakahalayhay sa gilid ng bakod. Sa silong nila nagpapalamig si Kero tuwing tanghali. Sa gilid ng pader, nakakapit na ang mga orkids na iniuwi ko mula sa kung saan-saang tindahan ng bulaklak sa Los Baños. Sa likod, gahinlalake na ang mga buko ng ampalaya, dilaw na dilaw ang kanilang mga bulaklak, Nangangako ng isang masaganang ani.

Naging mas responsable naman ang dalawa kong anak. Maaga silang umuuwi galing sa eskuwela para makipaglaro kay Kero o magtulungan sa pag-aasikaso sa kanyang pangangailangan. Natuto rin silang maging masinop at matipid sa pagkain. Kapag karne ang ulam, siguradong may porsyento si si Kero sa kanilang parte. Kapag bumibili sila ng ice cream, tiyak na mayroon para sa tagapagligtas.

Lumaking mabulas si Kero, hindi hamak na mas malaki kaysa karamihang askal. Sabi nga ng mga kaibigan kong dumadalaw sa bahay, parang kombinasyon daw ng german shepherd at doberman si Kero. Talaga namang hindi siya mukhang askal, malinis siya at halos hanggang baba ko siya kapag nagsasayaw kami. At malagong ang kanyang kahol, bumabahag ang buntot ng mga asong makarinig sa kanyang boses.

Nang magtatlong taon siya, natutuhan niyang pumihit ng doorknob, magbukas at magsara ng pinto, at pumindot ng switch ng ilaw. Natutuhan din niyang piliin ang pag-aaksayahan niya ng kahol. Kapag kilala niya ang nasa gate, kakamot siya sa pinto at magpapaikot-ikot hanggang hindi nakakapasok ang dumating. Kapag hindi niya kilala, pupuwesto siya sa tapat ng gate at magpapakawala ng mga solidong kahol, higit sa sapat para magdalawang-isip ang sinumang nagbabalak manloob.

Mula noon, hindi na siya sa loob ng bahay natutulog; nabubulabog kasi ang buong sambahayan kapag naaamoy niyang may estranghero sa gate. Ihinudyat noon ang simula ng wakas ng kanyang pagiging kyut na laruan lamang. Katuwang na siya sa pagtiyak ng aming seguridad; hindi na lamang siya tagapagligtas mula sa daga; tagapagtanggol na rin siya laban sa mga akyat-bahay.
Sa mga gabi ng pagtupad niya sa kanyang tungkulin, naririnig siguro ng sangkaasuhan sa Tandang Sora ang alingawngaw ng kaniyang boses, ang matipuno niyang kahol. Kaya hindi nagtagal at may mga dalaginding nang umaaligid sa bahay. Sa una’y pasilip-silip lamang sa siwang sa ilalim ng gate pero nang lumaon, pumapasok na at nakikipagharutan kay Kero.

Isang Sabado, namasyal sa SM ang mga kasama ko sa bahay. Sasama sana ako pero marami akong dinalang papel na tsetsekan. Alas-siete pa lamang ng umaga, sinimulan ko nang makipagbuno sa santambak na sanaysay ng aking mga estudyante. Tinamad na akong magluto, bumili na lamang ako ng pandesal para may ipantawid kami ni Kero sa pananghalian. Pagdating ng alas-tres, gusto nang bumagsak ng mga mata ko at nangangalay na ang aking likod. Pero hindi ako puwedeng matulog, halos nangangalahati pa lamang ako sa pagtsetsek.

Tumayo ako at naglakad-lakad habang nag-iinat. Umikot ako sa likod-bahay at nilanghap ang samyo ng mga bulaklak ng ampalaya. Sa gilid ng pader, nakasikangkang si Kero, kakawag-kawag na parang kinakati ang likod. Biglang kumislap ang isang karumaldumal na balak sa aking utak. Bakit nga ba hindi, sabi ko sa aking sarili. Nilapitan ko si Kero at hinihimas-himas, una sa leeg at sa mga kilikili. Hanggang dumako ang mga daliri ko sa kanyang titi, pinisil-pisil ko muna bago sinakmal at unti-unting sinalsal. Parang nagustuhan naman niya; umunat lalo ang kaniyang mga paa. Hindi nagtagal sumungaw ang matulis at kulay rosas niyang laman, mamasa-masa at pahaba nang pahaba.

“Tarantado ka Kero!” patawa kong sabi habang tuloy-tuloy pa rin ako sa pagsalsal sa kanya.

         Humaginit pabalik sa sagingan sa gilid ng aming kubo ang aking memorya. Hali-haliling pinipitik-pitik ng uncle ko ang mga titi naming magpipinsan. Bibigyan raw niya ng bentesingko ang may pinakamahaba. Ipinakita niya sa amin kung paano magpalaki ng titi. Hinawakan niya ang hintuturo ng kabila niyang kamay saka sinalsal. Puwede rin daw ipitin ang titi sa pagitan ng mga palad habang pinagtatagis ang mga ito. “Sige subukan n’yo,” sabi niya. Habang ginagawa namin ang kanyang itinuro, inilabas niya ang kanyang uten. Halos mapasigaw ang pinsan kong si Biryong. “Asus, angkil, grabi naman yan, parang burdon[3]!” sabi niya. Halos mapigtas na ang mga ugat ng titi ko noon, at mahapdi na. Mayamaya gumawa ng tig-isang butas sa tatlong puno ng saging si uncle. Para raw mapraktis, kailangang ilabas-masok namin ang aming mga titi sa butas na iyon. Ganoon daw ang ginawa niya. Lalong humapdi ang titi ko, kaya lamang gusto ko magkaroon ng ga-trosong titi kaya sumunod na lamang ako.

“Pag bilang ko ng tatlo” sabi ni uncle, “pumunta kayo sa ilalim ng balag at pumili kayo ng upo na tutularan ng mga titi n’yo.” Agad kaming pumili ng kanya-kanyang upo pagdating namin sa ilalim ng balag. Piliin daw namin ang pinakamabalahibo. Ga-braso ang pinili ko, balbon na balbon sa bulo. Gaya ng utos ni uncle, ikinaskas namin sa pinili naming upo ang mga titi namin, sa paniniwalang pagkatapos noon ay matutupad ang pangarap naming magkaroon ng higanteng uten. Habang nakapikit, sabay-sabay naming ibinulong ang lihim na dasal na itinuro ni uncle: “Uten ko, uten ko, lumaki kang tulad ng upo.” Tatlong beses naming inusal ang dasal. Pagmulat namin wala na si uncle, dapat daw kasi hindi niya marinig ang pagdadasal namin.

Kinabukasan, nalinggal ang buong bayan dahil sa palahaw ni uncle habang binabambo ni Lolo. Hindi na kasi namin nailihim ang nangyari. Pagkagaling namin sa balag ng upo, halos gumapang kami sa alikabok pauwi dahil sa kati at hapdi ng aming mga titi. Lumaki nang ga-braso ko ang aking titi dahil sa pamamaga.

Naputol ang paglalakbay-diwa ko nang magsimulang maglaway ang titi ni Kero. “Tarantado!” sabi ko uli, kasunod ng malutong kong tawa. May kumalatik sa gate, bumukas ang pinto. Bumalikwas si Kero at sabik na sabik na sumalubong sa mga dumating. Hindi ko malaman ang isasagot ko nang tanungin ni Azul kung bakit may nakalabas na laman sa tiyan ni Kero. Napapatawa pa rin ako hangga ngayon kapag naaalala ko ang ginawa kong iyon kay Kero. Karumaldumal na “krimen” pero walang pangingimi kong isinakatuparan.

At ito ang siste pagkatapos noon: Tuwing uuwi ako, sasalubungin ako ni Kero, yayakapin ako sa binti at kakantutin. Kahit anong bawal ko sa kanya, ganoon at ganoon ang ginagawa niya tuwing magkikita kami.

Minsan, may home visitation ang adviser ng seksyon nila Azul at ang kanilang prinsipal. Para hindi na magkawalaan, sinalubong ko na sila sa kanto ng Himlayan Road at Tandang Sora, mga limampung metro mula sa amin. Pareho silang matandang dalaga, at halos di makabasag pinggan. Pagbukas ko ng gate, agad akong dinamba ni Kero. Yumakap siya sa kanan kong binti at parang nagmamalaking idinemonstreyt ang pinakabago niyang natutuhan sa buhay. Kunwari namang walang nakita ang dalawa, nilibang nila ang kanilang sarili sa pagpuri sa tanim kong mga bulaklak. Sa hiya ko, nasaid ang kalahating sako naming mangga na galing pa sa Zambales. Ipinabaon ko lahat sa dalawang bisita.

Nawala lamang ang pagnanasa sa akin ni Kero nang magsimula na siyang manligaw. Madalas pag-uwi niya, may kasama siyang babaeng aso na makikitulog at makikikain sa bahay sa loob ng tatlo o limang araw. Hanggang minsan binulaga na lamang kami ng dalawang asong kamukhang kamukha ni Kero. Hindi nagtagal at naging asawa niya ang isa sa mga iyon. Kumbaga sa tao, isang dakilang palikero si Kero. Playdog sabi nga ng aming kapitbahay. Hindi lamang siguro dalawampu ang kanyang nakarelasyon at naanakan. Wala pa sa bilang na iyon ang mga nainlab sa kanyang hindi namin nakita. Madalas na siyang lumabas noon, madalas nang inuumaga ng uwi.
Minsan dumating si Kero na lulugo-lugo. Nang pagbuksan ko siya ng gate, dali-dali siyang pumunta sa kanyang tulugan. Sinundan ko siya at tinanong kung anong nangyari. Hinipo ko siya sa ulo, halos mapaso ako sa init. Nilalagnat siya. Mayamaya, tumayo siya at susuray-suray na nag-ikot sa bakuran. Humablot siya ng damo na nginuya niya nang nginuya hanggang masuka siya. Sa awa ko, nilapitan ko siya para haplusin. Bigla niya akong sininghalan, inilabas niya ang kanyang mga pangil at kumamot sa pader ang kanyang angil. Umigtad ako palayo sa kanya. Si Kikintod ang nakita ko, nakaambang dumamba sa akin.

Nataranta ako, umaapuhap ng kaligtasan. Hindi ako papayag na maulit ang ginawa sa akin ni Kikintod. Halos mapigtas ang mga ugat ko sa kamay sa higpit ng kapit ko sa hawakan ng walis-tingting na nakasandal sa banaba. Binaligtad ko iyon at agad na ipinang-ulos sa pasugod na si Kero. Suwak sa kaniyang bibig ang dulo ng kahoy. Sumargo ang dugo mula sa kaniyang gilagid. Humataw pa ako ng isa, sapul siya sa panga. Sumukot siya at kumaripas palabas. Hindi ko maubos-maisip kung paano siya nagkasiya sa isang dangkal na siwang sa ilalim ng gate. Nanginginig akong binitiwan ang walis, napaupo ako, binabayo ang dibdib.

Magdamag kong hinintay si Kero, hindi siya dumating. Natapos ang maghapon kinabukasan, walang Kero. Nagdaan ang isang linggo at parang namatayan sa bahay. Naglaho ang tawanan. “Baka nakakita ng bagong syota,” sabi ng kapitbahay. “Sana nga,” sabi ko sa sarili ko. Kunsabagay, may mga pagkakataon ding halos isang linggo siyang hindi umuwi.

Pugad ng mga lasenggo ang isang compound na mga dalawampung metro ang layo mula sa amin. Sa tuwing maiisip ko ang puwedeng mangyari kay Kero, hindi ko maiwasang magalit sa sarili. Kung pinabayaan ko na lamang muna siya, sana hindi siya nagtampo, sana hindi siya nawala.
Hindi ko na matitigan ang mga bata, lalo na si Azul. Bakas na bakas ang lungkot sa kaniyang mukha, laging nangingilid ang luha kapag napag-uusapan si Kero. Isang Sabado, pasado alas-nuwebe na ng gabi at nag-aabang pa rin siya sa gate. Hindi ko matagalan ang taghoy ng pangungulila sa pagsigaw niya ng “Kero”. Nilapitan ko siya. “Anak, matulog ka na, hayaan mo hahanapin ko siya.” Tuluyan na siyang humagulhol. Inihatid ko siya sa higaan at pinangakuang hindi ako uuwi nang hindi ko nahahanap si Kero.

Noong gabing iyon, bumuo ako ng isang sumpang pinanghahawakan ko pa rin hangga ngayon: hinding-hindi na ako magmamahal at mag-aalaga ng aso. Lalo na ngayon na nakatira ako sa komunidad na mahigpit ang patakaran sa pag-aalaga ng hayop. Kailangang pabakunahan, kailangang nakatali o nakakulong. Kawawa ang asong nakakulong, nalalapastangan ang kanyang pagkaaso. Kapag pinawalan naman, laging naririyan ang panganib na baka makakagat o baka pulutanin. Ayaw ko na talagang magmahal ng aso.

Paglabas ko ng gate, humugot ako ng mahabang buntong-hininga. Inarmasan ng pag-asa ang sarili para sa isang mahabang paghahanap. Habang binabaybay ko ang kahabaan ng Himlayan Road, paminsan-minsan isinisigaw ko ang pangalan ni Kero. Pagdating sa pugad ng mga lasenggo, tumigil ako at nakiramdam, iginala sa paligid ang mata, tinalasan ang ilong. May ilang umpukan pero hindi naman tumatagay. Nagpatuloy ako sa paglakad. Hindi ko na namamalayang halos mapaos na ako sa pagsigaw ng “Kero”. Bawat asong itim na maaninag ko agad kong tinututukan ng flaslayt at sinusundan.

Habang naglalakad, sumagi sa isip ko si Fr. Rudy Romano, idolo kong pari noong nasa seminaryo ako. Dinukot siya ng militar noong 1985 at hindi pa natatagpuan hangga ngayon. Sinalakay ako ng panlulumo na agad sinundan ng pagsilakbo ng poot. Ubod-lakas kong ibinato ang hawak kong flaslayt. Humagulhol ako at nagmura: “Putang ama Kero, pari na ‘yon, alagad ng Diyos! Ikaw pa kaya?”

Hindi ko na mapigurahan noon kung saang direksyon ako papunta; padilim nang padilim ang paligid, palalim nang palalim ang gabi. Nangangapa ang aking mga paa, gumagaralgal ang aking lalamunan sa pag-alulong:

“Kerooooooooooo! Kerooooooooooo!”


[1] amat (mabilis) – multo.
[2] kaduwarkugan (mabilis) – kaduwagan o pagiging matatakutin. Mula sa duwarkog na ang ibig sabihin ay duwag.
[3] burdon -- troso.