"Bago pumintog ang palay, magmumuta ang mga uhay,” paliwanag ni Mang Nato nang tanungin ko kung ano ang ibig sabihin ng amugis. Bumunot siya ng talahib at nagpatuloy sa pagpapaliwanag. “Halimbawa,” – hinagod ng kanyang palad ang bulaklak ng hawak niyang talahib – “kung ito ‘yung uhay, may mga kulay puting kakapit dito, parang muta. Amugis ang tawag dun.” Tiningnan ako ni Mang Nato, mula sa mata pababa sa hawak kong digicam, pakiramdam ko tinatantya niya kung naintindihan ko ang kaniyang sinabi.
Akala ko noong una, base sa exposyur ko sa masmidya at panitikang Tagalog, ay iisang wikang Tagalog lamang ang ginagamit sa Calabarzon o maging sa buong Katimugang Tagalog. Pero ang akalang ito ay kaagad na napasinungalingan ng simpleng pakikinig ko sa usapan ng mga estudyante, mga manininda sa palengke, mga drayber, at maging mga propesyunal mula sa iba’t ibang lugar sa rehiyon. Halimbawa, ang sandok ay tinatawag ring sanrok, ang naglalakad ay nagbabakay, ang dahil ay gawa ng, ang lolo ay mamay, ang nilalandi ay nilalaro, ang nag-uurong ay naghihimpil, nagsisimpan, naghuhugas ng pinagkainan, at marami pang iba.
At dahil nga taglay ng wika ang lawak at lalim ng iba’t ibang aspekto ng buhay ng taumbayan, naisip kong napakahalaga para sa UP Los Baños na pag-aralan ang mga varayti ng Tagalog sa naturang bahagi ng Region IV. Dalawa ang pangunahing dahilan nito: Una, nakabase ang UP Los Baños sa rehiyon at natural na ang Katimugang Tagalog ang magsilbing pangunahing balon at lunsaran ng mga teknolohikal na pagtuklas at syentipikong pananaliksik nito. Ikalawa, ang mamamayan ng rehiyon ang pangunahing kaagapay ng unibersidad sa pagsasagawa nito ng iba’t ibang serbisyong pang-komunidad. Halimbawa nito ang programang pang-edukasyon ukol sa paggugubatan at paghahayupan na inilulunsad ng unibersidad sa iba’t ibang barangay sa rehiyon.
Ang pananaliksik na ito, samakatuwid, ay magiging daan ng ibayong kaalaman at pag-unawa ng UPLB sa Katimugang Tagalog, na tuntungan naman ng mas mahusay na pakikipag-ugnayan at serbisyo ng unibersidad sa mamamayan ng rehiyon. Magsisilbi rin itong signifikanteng kontribusyon ng UPLB sa paghubog ng Filipino bilang pambansang wika ng Pilipinas.
Pero sa pagpapabalik-balik ko sa Dolores, higit pa sa itinakda kong layunin ng pananaliksik ang nangyari. Sa proseso ng pakikipagkuwentuhan ko kina Mang Nato, hindi lamang ako nakakalap ng mga salita; napasok ko rin ang “kalooban” ng komunidad na kanilang kinabibilangan at ang mismong buhay ng mga magbubukid na nagluwal ng salitang amugis. Para tuloy umigsing damit ang aking pananaliksik na hindi nagtagal ay tuluyan ko nang ihinubad. Upang mas malaya kong masagap ang lamig ng hangin at ligamgam ng araw sa paanan ng Bundok San Cristobal. Lalo pa’t ang pakikipagkuwentuhan ko kina Mang Nato, ang bawat kasangkapan sa pagsasaka na matiyaga nilang ipinakikilala sa akin, ang bawat bahagi ng linang na aking inuusisa ay naghahatid sa akin sa bukid na daigdig ng aking kamusmusan apatnapung taon na ang nakararaan.
Lumaki akong kapiling ang pilapil. Bago gawing dam ang Pantabangan, ang kabukiran nito ang aking daigdig. Sa edad na sampung taon, natutuhan ko ang iba’t ibang gawaing bukid, mula sa pagpupunla hanggang pag-aani ng palay at sibuyas. Pero hindi naman talaga trabaho sa akin ang mga gawaing iyon. Parang laro lamang; pakikipagtudyuan habang nagtatanim o nagbubunot ng damo o namumulot ng palay.
Kaya higit sa pag-abot sa mga layunin ng aking pananaliksik, ang ginagawa kong pangangalap ng salita sa Dolores ay isang pagbabalik sa sarili. Lalo pa’t natuklasan ko na ang mga salitang inakala kong taal na dilang Pantabangan ay ginagamit din sa Dolores. Halimbawa nito ang bakol (yari sa kawayan o yantok na lalagyan ng palay o gulay); bangkuwang (klase ng banig), bakuko o binakuko (klase ng itak), at maraming pang katawagan.
Kaya sa kabila ng mga problemang kinaharap ko sa pananaliksik na ito, gaya ng kakapusan ng pera at panahon, hirap ng byahe, at problema sa kaligtasan, hindi ako pinanghinaan ng loob. Pakiwari ko kasi, sarili kong buhay ang aking sinasaliksik.
Noong ipinapaliwanag ni Mang Nato ang tungkol sa amugis at pagbubuntis ng palay, ang nasa isip ko ay ang mga dilaw-berdeng palay sa bukid ng aking lolo. Alam ko ang sinasabi niyang kulay puting nasa uhay, nahawakan ko na iyon, pero hindi ko alam ang pangalan. At may inggit na namuo sa loob ko: “Bakit wala sa bokabularyo namin ang salitang amugis?”
Aywan ko, siguro hindi ko lamang alam. Baka mayroon din, kung hindi man eksaktong amugis ay ibang salita. Kaya lamang, kasama na yata itong nalunod ng mga pinitak noong palubugin ang bayan namin. At dahil wala na ang mga bukid, unti-unti na ring nababaon sa limot ang maraming salitang Pantabangan na iniluwal ng pakikipagniig ng aming mga ninuno sa lupa.
Nahalinhan ng mga kuwentong-abrod ang mga kuwentong-bukid. Ang dating umpukan tungkol sa pagtatanim, pag-aani, at iba pang gawaing-bukid ay napalitan ng mga balitaan tungkol sa padala, dolyar, remitans, at iba pang may kaugnayan sa pangangamuhan sa ibayong dagat. At isa-isa nang namamatay ang mga matatandang ginugol ang halos buong buhay nila sa bukid, mga magsasakang ang talino ay nalinang sa piling ng araro at kalabaw.
Isa ang karanasang ito sa mga inspirasyong nagtutulak sa akin na halughugin ang mga kabukiran sa Calabarzon, partikular sa Dolores, Quezon. Bukod sa posibilidad na mabaybay ko ang ugat ng aming dila, malamang masagip ko rin ang mga salita naming nalunod sa dam. Totoong wala nang praktikal na gamit ang mga salitang ito dahil wala na ang aming mga palayan; pero makakatulong ito sa rekonstruksyon ng aming nakaraan. Gaya ng kung paanong sa pamamagitan ng mga termino sa pagsasaka sa Dolores ay nasilip ko ang iba’t ibang aspekto ng buhay ng mga magsasaka roon.
Sa proseso ng pakikipanayam, hindi ko lamang naitala ang mga salita; mas higit nahukay ko ang mga kaalaman, pagpapahalaga, karanasan, at ugnayan ng mga tao sa Dolores. Pinagtitibay nito na ang wika ay hindi lamang simpleng midyum ng komunikasyon; nakapaloob din dito ang kalinangan ng mga taong nagluwal nito. Halimbawa, habang ikinukuwento ni Mang Nato ang proseso ng pagsasakang sahod-ulan, nailalarawan na rin niya ang “buhay-buhay” sa kanilang lugar at ang karunungang taglay ng isang magbubukid.
Mula paghahanda ng lupang tatamnan hanggang pagbabayo ng aning palay, maalam bumasa ng mga palatandaan ang magbubukid. At may pangalan ang bawat palatandaan: nanunulot ang tawag sa sumisibol na punla, nangangarayom kapag marami nang nakausbong, nanunudling kapag nakikita na ang hilera ng mga punla, at nalugay o natungo ang mga uhay kapag buntis na ang mga butil. Hudyat ng pagbubuntis ng palay ang kaamugisan.
Sa pamamagitan ng kalmot o parang suklay na gamit-pandamo, pupuladin o bubunutin ng magsasaka ang mga damo sa paligid ng palay. Kapag tumaas na ng isang piye ang damo, susungalin o tatabunan ang mga ito para tuluyang mamatay.
Kapag bumubulwak o lumalabas na sa uhay ang palay, lalabas na rin ang mga kamutaan o mga puti sa dulo ng uhay. At alam ng magsasaka sa panahong ito na nag-aamugis na o nagkakaroon na ng polinasyon. Pag kaalabugan o sapaw na ang mga uhay at naghahati na ang dilaw at berde sa palayan, malapit na ang pagapas.
Ang ganitong kakayahang basahin ang mga likas na palatandaan ay karunungang kakambal ng nakayapak na pagtuntong sa lupa. Wala ito sa klasrum. Noong ikuwento ko ito sa isang MA student ng agriculture, kamot-ulo lamang ang nagawa niya sa paghanga. At panghihinayang na wala ang ganitong “karunungan ng lupa” sa kanilang kurikulum. Kahit na raw sa mga expertong nakakasalamuha nila mula sa IRRI.
Sa panahon ng anihan, mas tumitingkad ang bayanihan. Aning-kamay man o ginamitan ng yatab o bakal na may talim na iniiipit sa mga daliri, mas malamang kaysa hindi na magtutulungan ang mga magsasaka. Masigla sila sa pagpungpong o pagtipon ng palay sa kanilang kamay; sa pagtalaksan ng mga inaning uhay – pabilog man (talapok) o pahaba (suwangga).
Kasunod nila ang mga naglilikay, mga taong namumulot ng mga naiwang uhay sa linang na pinagdaanan ng mga nag-ani. Kadalasang walang sariling linang ang mga naglilikay. Alam nila na may mga uhay na sinasadyang iwanan ng mga manggagapas kung kaya sa proseso ay lalong tumitibay ang unawaan at kapatiran sa kanilang pagitan.
Sa paggigiik, nagbibidahan sila o nagkakantahan habang tinatapakan nila ang mga uhay. At hindi lamang simpleng pagpadyak sa palay ang kanilang ginagawa, habang tumatagal ang paggigiik, nakakabuo sila ng sinkronisadong ritmo ng pagpadyak at pagkanta.
Kung may nupnop at hindi sila nakakapaghayang ng palay, mayroon silang paraan para matuyo at maging bigas ang bagong aning palay. Magtitinanak sila -- isisigang ang sariwang palay sa palyok, pagkatapos ay isasangag at babayuhin. Mayroon na silang isasaing. Sa dinami-dami ng librong binasa ko tungkol sa pagsasaka sa bansa, sa dinadami-dami ng kinunsulta kong mga dalubhasa sa agrikultura, hindi ko kailanman nasumpungan ang ganitong karunungan.
Kapag tumataguktok na ang halo at lusong, imbitasyon na iyon ng pakikiasod o pagtulong sa pagbabayo ng palay, na susuklian naman ng bigas ng may-ari. Kapag dalawa ang nagbabayo, tinatawag nila itong magkaasod; kapag tatlo, asudan. Parang alon ng ilog na kusang dumadaloy ang ganitong pagbabayanihan, pinagdudugtong ang magkakapitbahay, ang mga henerasyon, ang mga pamilya, ang mga nagliligawan.
Sa proseso ng pagtutulungang ito, napag-uusapan nila ang mga planong pagdiriwang sa komunidad, ang kalagayan ng isa’t isa, ang kanilang mga problema, ang pagtaas ng presyo ng pestisidyo at pataba at pagbaba naman ng halaga ng kanilang ani; ang unti-unting pagliit ng kanilang linang at pagyabong ng mga gusali sa kanilang paligid; at ang paglalaho sa hangin ng samyo ng kanilang mga katutubong binhi. Dahil dito, humihigpit ang bigkis ng komunidad at lumalawak at lumalalim ang kaalaman nila sa isa’t isa at ang pag-unawa nila sa kanilang mga tradisyon at kultura. Nagsisilbi naman itong edukasyon ng mga anak na aktibo ring kalahok sa produksyon.
Masasalamin ang pagtutulungan at hatian ng gawain partikular sa paraan nila ng paghahasik ng binhi o pagbabalawang. Ang balawang ay ga-brasong mahabang kawayan na sa puno ay may talim na bakal at ang dulo ay biyak-biyak. Kapag itinusok sa lupa, lumilikha ito ng tunog na parang palakpak. Hawak ang mga balawang, nakahanay ang mga lalaki sa unahan. Tinatawag silang magbabakal o taga-gawa ng butas na paghuhulugan ng binhi. Kasunod nila ang mga babae, na magbububod o taga-hulog ng binhi. Kasunod naman ng mga babae ang mga bata na sila namang magpapayi o magtatabon sa mga binhi sa pamamagitan ng pamayi. Gawa sa palapa ng niyog ang pamayi.
Sinkronisado ang hakbang at kilos ng katawan ng mga magbabalawang o magbabakal. Masiglang idinomonstreyt sa akin ni Mang Nato ang wastong paghawak sa balawang at paghakbang. Umiindayog ang katawan niya pakaliwa’t pakanan habang nagbabago ng direksyon ang kanyang pagbabalawang. Bukod sa masaya at nakakaalis ng pagod, may praktikal ding silbi ang wastong hakbang at kilos. Kapag hindi sinkronisado, tiyak na magkakabanggaan ang mga magbabalawang, na makakaabala naman sa magbububod at sa mga sumusunod sa kanilang magpapayi. Ang ganitong karanasan ay nagagamit nina Mang Nato sa pagbibigay-linaw sa konsepto ng pagtutulungan at pagkakaisa. Minsan, nang napag-usapan namin ang tungkol sa epektibong pag-gogobyerno, sinabi ni Mang Nato na “parang pagbabalawang laang iyan, kailangan nagkakaisa, nasa kumpas.”
Sa huling yugto ng pagtatanim na tinatawag na pagsasarado, kadalasang nagkakaroon ng pilipigan ang mga binata’t dalaga. Isang pagtitipon ito na lalong nagpapahigpit ng samahan ng mga kabataan sa komunidad at nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na makilala ang isa’t isa, lalo na ang mga nagkakagustuhan.
Para sa iba pang mga gawaing pangkomunidad, bumubuo sila ng kapisanan o temporaryong samahan na mangangasiwa ng mga aktibidad. Sa proseso ng lahat ng ito, lumilitaw ang mga bayani, o ang mga taong kusang-loob na tumutulong sa mga gawain.
Isa sa mga hindi sinasadyang nabungkal ko habang naghahalungkat ng mga salita ang ugnayan ng pagsasaka at espirituwalidad ng mga magsasaka sa Dolores. Noong pinag-uusapan namin ang tungkol dito, napansin kong parang nagningning ang mata ni Mang Nato. “Pagbalik mo rito, ipapakita namin kung paano ito ginagawa,” sabi niya pagkatapos niyang ikuwento ang tungkol sa kanilang rituwal sa pagtatanim at pag-aani. Itinuro niya ang dalisdis sa likod ng kanilang bahay at sinabing doon namin gagawin ang rituwal. “Dating palayan ‘yan,” aniya.
Habang nirerekonstrak ni Mang Nato ang dating bukid, kaagad bumangon sa akin ang gunita ng aming palayan. Payuko-yuko ako sa pilapil habang nagpapabakas o nanghuhuli ng hito o dalag sa gitna ng pinitak. Mula sa gilid ng kubo, naaamoy ko ang pindang o tapa na iniihaw ni Ingkong. Kumakaluskos naman ang atip na kogon ng kubo, nangakatinghas habang sinasabunutan ng hangin. Unti-unting sumasabog at lumulutang ang mga pulbos ng putik na nabulabog ng aking paa, parang mga ulap na tumatabon sa repleksyon ng walang kabahid-bahid na kabughawan ng langit.
Hinawakan ako ni Mang Nato sa balikat, habang pinakikinis ng kanyang paa ang lugar na madalas pagtirikan ng krus kapag ginagawa nila ang rituwal. Tuwang-tuwa ako nang malaman ko ang tungkol sa bagay na iyon. Akala ko mga katutubo lamang, o iyong hangga ngayon ay may malinaw pang distink na tribong kinabibilangan, ang gumagawa ng ganoon.
Pagbalik ko sa UPLB, agad akong humagilap ng mahihiraman ng videocam at taong makakatulong sa akin sa pagdokumento ng nasabing rituwal. Pumayag naman agad ang isang gurong nag-aaral ng paggawa ng pelikula sa Diliman. Tag-araw noon ng 2008, bakasyon at may sapat akong panahon para makatigil nang matagal-tagal sa Dolores. Pero hindi na ako nakabalik doon hangga ngayong isinusulat ko ang sanaysay na ito. Santambak na propaganda laban sa mga taong pinararatangang mga terorista at taga-suporta ng NPA at komunista ang kumalat sa UPLB at kalapit nitong mga barangay. Kasama ang pangalan ko sa mga pinararatangan. Bahagi ng pag-iingat, hindi muna ako pumunta sa mga lugar ng aking pananaliksik.
Akala ko noong umalis ako sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP)[1] ay tatantanan na ako ng mga katulad na pagpaparatang; hanggang sa simpleng pangangalap pala ng salita ay susundan ako ng ganitong peste. Ang laking abala ng nangyari. May mga pagkakataong tinatagpo ko na lamang sa inaakala kong ligtas na lugar ang mga taong kailangan kong interbyuhin. Sa ganitong mga kaso, mahirap ang proseso ng paghahanap ng salita dahil wala ang aktuwal na mga bagay.
Kapag nasa mismong erya ako, itinuturo ko lamang ang bagay o kagamitan na gusto kong malaman ang tawag at gamit. Pinangalanan ko itong turo-turo, isang pamamaraang napaka-epektibo sa ginagawa kong pananaliksik.
Pero dahil sa problemang nabanggit, idinodrowing ko na lamang o kaya naman ay nagdadala ako ng litrato. Epektibo rin naman ang ganitong pamamaraan, pero wala talagang papalit sa aktuwal na mga bagay.
Nitong nakaraang Bagong Taon, nag-text si Mang Nato. Nangungumusta at ibinalitang handa na ang mga kawayan at iba pang mga gagamitin namin sa rituwal. Naisip ko agad na baka mabulok ang mga kawayan dahil matatagalan pa bago ako makabalik sa Dolores. Pero ang totoo, hindi pa ang pagkabulok ng mga gagamitin sa rituwal ang pangamba ko. Matanda na si Mang Nato, 78 taon na siya ngayon.
Nangangamba ako dahil sa Pantabangan, isa-isa nang nawawala ang mga ihinanay kong iintebryuhin tungkol sa aming salita at panitikan. Mula pa noong magsimula akong mag-MA noong 1998, taon-taon kong ipinaplano ang pag-uwi, pero lagi na lamang akong walang panahon at pera. Kapag may pera, walang panahon; kapag may panahon, wala namang pera. Kapag may panahon at pera, may sumusulpot na ibang problema. Gaya noong 2007, handang-handa na akong umuwi – armado ng digicam, laptop, at printer na puwedeng mag-xerox. Bigla namang nagka-engkuwentro ang militar at NPA sa pagitan ng Castañeda, Nueva Vizcaya, at Baler. Umabot ang bakbakan hanggang sa mga sitio ng Pantabangan. Ginawang bakwitan ang eskuwelahan sa barangay Malbang na isa pa naman sana sa puntirya kong balikan. Napurnada ang pag-uwi ko, lalo na’t nagsakliwat ang mga tsekpoynt ng militar sa buong bayan.
Namatay na si Tang Bering, isang musiko na hindi pa ako ipinapanganak katuwang na ng mga pari sa simbahan. Paano na ang mga sarili niyang komposisyon na balak kong tipunin? Wala na rin si Tang Anwar at si Tang Pat “Bom” Romero. Nuno ng pagpapatawa si Tang Anwar. Bubuka pa lamang ang bibig niya para umpisahan ang kanyang kuwento, humahalakhak na ang mga tagapakinig niya. Kahit paulit-ulit ang kuwento, tatawa at tatawa pa rin ang nakikinig sa kanya. Napakahusay naman ni Tang Pat sa pagtatalumpati, sa pag-iimbento ng kung ano-anong mga boses. Sino kaya ang nakapagtala ng kanilang mga kuwento?
Binawian na rin ng buhay si Tang Alyong. Ang matanda na kahulihulihang umalis sa Pantabangan. Dinidilaan na ng tubig ang haligi ng bahay niya, napapaligiran na siya ng tubig-dam, ayaw pa rin niyang lumipat sa bagong bayan. May makapagkuwento pa kaya ng lawak at lalim ng pagtutol niya sa pagtatayo ng dam?
Maraming baul ng mga kuwento tungkol sa Pantabangan ang hindi na mabubuksan.
Paano kaya ang mga kuwento ni Mang Nato? Kunsabagay, nagkakaingin pa siya. Noong huli kong punta sa kanila noong 2008, may bitbit siyang niyog at ilang puno ng balinghoy na mas kilala sa tawag na kamoteng kahoy. Masigla pa ang kanyang kilos pero halata na ang kulaba sa kanyang mata at ang bahagyang panginginig ng daliri kapag may itinuturo. Medyo garalgal na rin ang kanyang boses at kapansin-pansin ang malalim na paghingal pagkatapos ng mahaba-habang pagsasalita. Pero hindi ako sigurado kung ang mahahabang patlang sa pagitan ng kanyang mga salita ay palatandaan ng pagod o pagsalakay ng gunita.
Bago siya magpresentang ipapakita niya sa pagbalik ko sa Dolores kung paano ginagawa ang ritwal sa pagtatanim at pag-aani, napansin ko ang mahahabang patlang sa kanyang pagsasalita at ang malalim na buntong-hininga. Habang ikinukuwento at ikinikilos niya ang ilang bahagi ng rituwal, madalas siyang lumilingon sa bundok San Cristobal, parang nagpapaalam muna bago magsalita. Naitanong ko tuloy sa sarili: May ninuno kaya siya sa mga magbubukid na kauna-unahang naglunsad ng organisadong rebolusyon laban sa mga mananakop na Kastila?[2] Nakinita ko sa balumbon ng mga dahon sa paanan ng San Cristobal ang pulutong ng mga magsasakang may mga hawak na itak at pinatulis na kawayan; naulinig ko ang dagundong ng pagnanasa nilang lumaya mula sa kaalipinan.
Garagal pero tumataginting sa dibdib ko ang boses ni Mang Nato. Bago ihasik ang binhi, magtitirik ng krus sa gitna ng linang ang pinakamatanda at respetadong magsasaka sa komunidad. Halos malunod ako sa lalim ng kahulugang ibinabadya ng kanyang mga mata. Sa tabi ng krus, itatanim niya ang tatlong puno ng tagbak[3] at tatlong uhay ng tanglad. Sa tabi ng mga ito, ibabaon ang tatlong piraso ng bunga o betel nut.
Sinuyod ko ng tingin ang dalisdis mga ilang dipa mula sa aming kinauupuan. Ginagapangan ng mga dilaw-berdeng baging ang mga tulos at pagapang. May mga batong buhay na parang mga ulong nakatingala sa langit. Hihilingin niya sa mga butil ng binhi na gayahin ang mga katangian ng tagbak, tanglad, at bunga; ibig sabihin, maging matataba, mababango, at mabibilog sila. Parang naulinigan ko ang bulong ng aking lolo habang binubunutan niya ng damo ang mga sibuyas: “bumilog kayo at palutungin ang inyong mga talukap.”
Bago naman anihin ang palay, pinupunuan muna ito o binabalian ng mga uhay. Ginagawa ito kapag tao[4]g ang dagat, para maging masagana ang ani. Namimitig ang mga ugat sa mga braso ni Mang Nato habang ginigiyahan ng mga krokis sa lupa ang kanyang pagkukuwento, Kakulay ng kanyang balat ang lupa, kasinggaspang ng tiningkal ang kanyang palad.
Sa madaling-araw pinupunuan ang palay, dapat walang makakita sa gagawa nito, kahit na ‘yung mga kasama niya sa bahay. Kung hindi, mamalasin. Kaya dapat lihim talagang ihanda ng tagapuno ang mga kagamitan sa rituwal at patago siyang umaalis sa bahay papunta sa linang. Magdadala siya ng bao ng makapuno na nakabalot sa puting tela at ng tungkod na gawa sa berdeng kawayang walang bulo at tinik.
Dahan-dahang tumayo si Mang Nato, tumuro sa bandang itaas ng dalisdis. Walang kaulap-ulap ang langit. Pagdating niya sa gitna ng palayan, pipikit siya at babali ng mga uhay na isisilid niya sa ba. Hindi siya mumulat hanggang hindi puno ang bao. Pag-uwi niya, magkukunwari siyang mabigat ang dala. Panawagan ito sa palay na magbigay ng masaganang ani. Tatlong araw bago buksan ang bao, ilalagay ito sa mataas na lugar, kadalasan ay sa bubong. Kasama ito sa mga binhing ihahasik sa susunod na anihan.
Bumuntung-hininga siya at muling tumingin sa bundok, niyakap kami ng katahimikan. Mayamaya, binura niya ng hawak niyang patpat ang mga krokis na ginawa sa lupa.
“Apatnapung taon na yata ang nakalipas mula noong huling ginawa dito ‘yan,” sabi ni Mang Nato. Hindi agad pumasok sa isip ko ang sinabi niya; nakasunod pa rin sa matandang nakapikit habang bumabali ng uhay ng palay ang utak ko. Malalim din ang pananampalataya ng lolo ko at sa katunayan isa siyang albularyo, pero hindi ko siya kinakitaan ng rituwal sa pagsasaka gaya ng ibinahagi ni Mang Nato.
Kahanga-hanga ang rituwal na ito ng mga magsasaka sa Dolores. Nasilip ko rito ang operasyon ng isang holistikong pananaw-mundo na nasa bingit na ng paglalaho. Matagal bago rumehistro sa isip ko ang sinabi ni Mang Nato na apatnapung taon na mula noong huling gawin ang rituwal na iyon sa kanilang lugar. Tumatanggi siguro ang loob ko na ang ganoon kalalim ng ugnayan ng lupa at espirituwalidad ay isang kuwento na lamang.
Ikatlong balik ko na noon sa Dolores at halos napuntahan ko na ang lahat ng barangay nito. Wala akong maalalang may nadaanan o nakita akong palayan. Parang bigla akong naalimpungatan. “Kahit ‘yong magsasaka diyan sa Sta. Lucia, sumuko na rin, nagtanim na rin ng sitaw. Kami noong 1970 pa tumigil sa pagtatanim ng palay,” sabi ni Mang Nato. Idinagdag niya na sa buong Dolores ay wala nang nagtatanim ng palay. Lugi sa pagod at sa gastos. Mas mainam pa ang gulay at madaling anihin. Mahirap ding umasa sa ulan para sa patubig. Isa pa ay lumiit na raw nang lumiit ang lupang taniman. Sinakop na ng mga subdibisyon. “Inangkin ng mga mayayaman,” himutok ni Mang Nato.
Niyaya niya ako sa likod ng kanilang bahay para ipakita ang mga gamit niya sa pagsasaka. Kinakain na ng kalawang ang kanyang araro at puno na ng sapot ang yugo o singkaw ng kalabaw. Naisip ko ang nakalap kong mga salita – ilan kaya ang hindi pa niya nasasabi dahil nakalimutan na niya? Dahil wala nang batayan para maalala pa.
Hinayang na hinayang ako sa mga binhing dati nilang itinatanim, nakatala pa sa memorya ni Mang Nato ang mga ito: buluhan, denurado, dinolores, gininto, inuway, kinamalig, kinanda, kinustanyo, kuliit, malagkit, nagdami, pirurutong, pulupot, tangi. “Hindi ipinagbibili ang tangi, para sa ‘yan sa pamilya. Mabango at malambot ang tangi.” May pagmamalaki sa boses ni Mang Nato, pero bakas na bakas ang panghihinayang.
Bumibili na sila ng bigas ngayon mula sa mga kalapit na probinsya. At noong mga nakaraang krisis sa bigas, naranasan nilang pumila para makabili ng bigas na inangkat mula sa Thailand. “Alam mo sir,” sabi ni Mang Nato, “dito laang nag-aral tungkol sa pagsasaka ang mga dayuhang ‘yan.” Napangiti ako, sabi ko sa kanya: “Marami pa rin pong dayuhan dito, mga konsultant po.” Hindi siya kumibo, bumuntong-hininga lamang siya nang malalim. Saka niya ikinuwento ang karanasan nila sa mga mananaliksik mula pa noong dekada sitenta.
May nagsaliksik na rin daw tungkol sa mga salita nila at nangakong bibigyan sila ng kopya ng sinusulat na libro tungkol sa kanilang buhay. Pero ni minsan daw ay hindi na ito bumalik. Noong huli nilang mabalitaan, nagtatrabaho na sa Amerika. Sanay na raw silang pinag-aaralan sila. Parang nakaramdam naman ako ng hiya lalo na nang idiniin niya ang tungkol sa salitang “pag-aaral.” Inusisa ko agad ang sarili ko kung bakit naroon ako. Hindi nga ba kung tutuusin ay pinag-aaralan ko rin sila? Naisip ko tuloy kung ano ang iniisip sa akin ni Mang Nato. Kunsabagay, wala naman akong inilihim sa kanila. Sana nga lamang matupad ko ang pangako kong isasama ko sila sa IRRI para makita ulit nila ang binhing dati nilang ihinahasik. Nangako rin ako sa kanila ng kopya ng diksyunaryong mabubuo ko.
Naalala ko ang IRRI at ang sinasabi lagi ni Ka Jimmy Tadeo tungkol sa imperyalismo ng butil. Kung sino raw ang may kontrol ng butil, siyang may kontrol ng daigdig. Nasa museum ng IRRI ang halos lahat ng binhi ng palay sa Pilipinas. Noong panahon ng Masagana 99 program ni Imelda Marcos, pinalitan ng high yielding varieties ang mga tradisyonal na binhing tinatanim ng mga Filipinong magsasaka. At nangulila ang kabukiran sa Pilipinas sa mga binhing dantaon nitong kapiling.
“Dati,” pangiting sabi ni Mang Nato, “dinikdik na dahon ng madre cacao o sili lamang ang ginagamit para itaboy ang peste ng palay, sa HYV santambak na pestisidyo.” Idinagdag niya na kapag nasobrahan sa kemikal, natutungro ang palay. Natural kapag tungro ang tanim, kailangang gamutin; ang problema, kapag naiaplay na ang gamot sa tungro, may panibagong sakit na dadapo sa palay.
Lahat ng gamot sampu ng pataba at kasangkapan pansaka, mabibili sa nagsuplay ng binhing HYV. Natali ang magsasaka sa kapitalista, namihasa ang lupa sa kemikal hanggang mawala na ang sigla nito. Hindi na kayang umaruga ng palay nang hindi dinadamihan ang pestisidyo; ang palay naman hindi na sumisigla hanggang hindi binobombahan ng kemikal na kailangang mas matapang kaysa nakaraang taniman.
“Nakasira laang ‘yang Land Reform ni Marcos, wala tayong napala.” Ikinuwento ni Mang Nato ang hindi matapos-tapos na pakikipaglaban ng mga magsasaka para sa lupa. Mahigit apatnapung taon na siyang hindi nagsasaka pero nasa boses pa rin ni Mang Nato ang taginting ng wikang pinanday ng mahabang karanasan sa piling ng lupa.
Sa mga nakalap kong salita mula sa Dolores, makikita ang sinasabi ni Terry Eagleton na ang mga terminong ginagamit natin para sa pinakamatatayog na aktibidad ng tao ay mula sa paggawa at agrikultura.[5] Isang halimbawa nito ang salitang kalinangan na mula sa salitang-ugat na linang.
At narito ang salitang amugis, iniaalay ang sarili hindi lamang bilang panumbas sa pollen at pollination. Kaya rin nitong saklawin ang akto ng pagpapalitan ng idea, ang polinasyon ng kamalayan. Kaya rin nitong tukuyin ang fertilisasyon ng isip na nangyayari sa isang forum o malayang talakayan. Amugisan – parang Taboan. Isang pagtitipon na naglalayong magbahaginan tungo sa ibayong paglinang ng kamalayan.
Saan ipinadpad ng hangin ang mga amugis? Wala na sa Dolores ang muta-mutang kumakapit sa mga uhay upang ihudyat ng magbubuntis ng palay. Sapagkat wala na ang bukirin doon na dating tinatanuran ng Bundok San Cristobal. Pero nanatiling kaamugisan sa dila ni Mang Nato ang mga salitang iniluluwal ng lupa. Patuloy silang sumasakay sa hangin, patuloy na namamagpag, at sinasalo ng mga tulyapis.
At nakanganga ang aking isip, mistulang tulyapis na tumatanggap ng amugis mula sa karanasan ni Mang Nato, mula sa karunungang iniluwal ng patatalik ng lupa at magbubukid.
[1] Halos sampung taon akong nagtrabaho sa TFDP bilang human rights educator. Sa pagpunta namin sa mga liblib na lugar sa bansa para magsagawa ng edukasyon sa karapatang pantao o para magdokumento ng mga paglabag sa karapatan, madalas kaming paratangang maka- NPA ng mga militar.