Berinarew: Pagsasanib ng Aral at Aliw

“Teduraien u beni.” (Sapagkat isa akong Teduray), ani Seonomon[1] sa dalawang magkahiwalay na insidente sa epikong Berinarew. Sa unang konteksto (saknong 3270), puno ito ng pagmamalaki at tiwala sa sarili. Dahil sanay sa hirap, anumang pagsubok at paghihirap ang kanyang suungin – manatili man siya sa lupa o umalis patungo sa piling ng Manlilikha – hindi siya susuko. “Sapagkat isa akong Teduray”. Sa ikalawa (saknong 4110), matingkad ang pagpapakumbaba at pagmamalaki sa sariling kaakuhan. Tinanggihan niya ang alok ni Datu Kadeg Teresang, ama ng babaeng una niyang napangasawa, na igawad sa kanya ang paggalang na iginagawad sa mga espiritu ng dagat. Wika ni Seonomon:

“Ka tom edoten basa,
Basa i dub layagan-e
Teduraien u i begen,”
(saknong 4110)

(Ayokong tumanggap ng paggalang
na para sa isang taong-dagat;
Isa akong Teduray).


Na para bang sinasabi niya: Igalang mo ako bilang ako, ibigay sa akin kung ano ang nararapat.
Saan kaya humuhugot ng lakas at inspirasyon ang ganitong tiwala at pagmamalaki sa sarili?

Nakaangkla ang buong sanaysay na ito sa nabanggit na tanong.

Binusisi ko ang mga tala ukol sa dalawang tawag sa katutubong tribong ito na ang buhay ay pangunahing nakasandig sa lupa at ilog. Una, TIRURAY. Galing sa salitang “tiru” (kinagisnan, kapanganakan, kinatitirhan) at “ray” sa “daya” (itaas na bahagi ng sapa o ilog). Ikalawa, TEDURAY. Galing sa salitang “tew” ibig sabihin ay lalaki at “duray” na tumutukoy sa isang maliit na kawayan na may bingwit at tali” (Notre Dame University 1). Ayon kay Bho -Keykey[2], isang belian o lider-espirituwal ng mga Teduray, ayaw nila sa salitang tiruray. Bukod sa korupsyon diumano ito ng Teduray, na siyang tunay na pangalan ng kanilang tribo, may konotasyon ito ng panunuya sa kanila bilang katutubo.

Mula sa etemolohiya ng dalawang binanggit na katawagan, nasilip ko ang pangunahing ikinabubuhay ng isang karaniwang Teduray -- pagkakaingin at pangingisda -- pero hindi ko madama dito ang lakas na nagpapaigting sa pangungusap na “Teduraien u i begen.”

Sa una, naka-fokus ang salitang Tiruray sa mga malapit sa ilog. Paano ang mga etew rotor (taong bundok) at etew dogot (taong dagat)? Sa ikalawa naman, ipinako ang kahulugan ng “etew” sa lalaki. Ini-etsapuwera nito hindi lamang ang kababaihan kundi maging ang mga espiritu. Sa mga Teduray, ang “etew” ay tumutukoy sa “keilawan” (tao) at “meguinalew (espiritu).

Kung wala sa mga pangalang ikinakabit sa tribong ito, saan kung gayon nanggagaling ang aking hinahanap?

Para sagutin ang tanong, dalawang punto ang magiging fokus ng papel na ito: ang aral at aliw na nakapaloob sa Berinarew. Sa aral, pagtutuunan ko kung paano inilalarawan sa epiko ang mga pagpapahalagang sentral sa pag-iral at pakikipagkapuwa ng Teduray. Partikular na bubusisiin ko sa bahaging ito ang mga rekisitos na kailangang tugunan ng mga Teduray upang matagumpay silang makapaglakbay mula megubar fantad (lupang marupok) tungo sa kerekamen fantad o lupang walang pangamba. Sa aliw, bibigyan ko ng panimulang sipat ang mga katangian ng epiko bilang oral na panitikan. Pagtutuunan ko sa bahaging ito ang anyo at mga kasangkapang pampanitikan ng akda.

Sa pagbusisi ko sa dalawang hindi mapaghihiwalay na aspektong ito ng epiko, inaasahan kong maisisiwalat ko ang lakas at pagmamalaking nakapaloob sa asersyong “Teduraien u i begen”.

Pero bago ako pumalaot sa aral at aliw na taglay ng Berinarew, uusisain ko muna ang mga usaping signifikante sa pag-unawa sa naturang epiko.

           Sa Berinarew, “Tedurai” ang pangkalahatang terminong ginagamit kapag tinutukoy ang isang Teduray o ang mga Teduray bilang isang grupo. Pero batay sa kanilang lokasyong heograpikal, may iba’t iba pang subdibisyon ang naturang grupo: etew rotor (taong bundok), etew dogot (taong dagat), etew teran (taong teran, pangalan ng ilog), etew ufi o taong Upi (Tricom 28). Karamihan sa mga Teduray ay matatagpuan sa bayan ng Upi, Maguindanaw.

           Bago manghimasok ang mga dayuhan sa kanilang lupain, pagbubungkal ng lupa ang pangunahing ikinabubuhay ng mga Teduray. Ang karagdagang pagkain nila ay nagmumula sa pangangaso at pangingisda. Ang iba pa nilang pangangailangan, tulad ng asin, damit, at kasangkapang bakal, ay kinukuha nila sa pakikipagkalakalan sa mga Muslim. Mula noong buksan ang Mindanao sa mga settler mula sa Visayas at Luzon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, unti-unting nakalbo ang kanilang mga bundok at gubat. Kinamkam ng mga settlers, karamiha’y Krsitiyano, ang kanilang mga lupain. Bunga nito, unti-unting nagkawatak-watak ang mga Teduray. May mga naiwan sa kabayanan/ kapatagan na karamiha’y naging Muslim o Kristyano at may mga nanatili sa kabundukan at namuhay ayon sa kinagisnan nilang paniniwala.[3]
Sa kasalukuyan, nahahati sa tatlong kategroya ang mga Teduray: Una, intact o ang mga nananatili sa tradisyonal na komunidad at nagsasabuhay ng katutubong kultura at tradisyon ng Teduray. Mayorya pa rin ang nakapaloob sa kategoryang ito. Ikalawa, assimilated o ang mga nakakuha ng edukasyong dayuhan at karaniwang nabubuhay sa pagnenegosyo at pamamasukan batay sa kanilang profesyon. Karamihan sa mga assimilated ay nakatira sa mga sentrong urban. At ikatlo, semi-assimilated o ang mga nasa pagitan ng intact at assimilated, na karaniwang nakikinabang sa mga oportunidad na tinatamasa ng dalawang naunang kategorya (Mokudef, Panayam).

Sentral na pagpapahalaga sa buhay ng isang Teduray, partikular ang nasa kategoryang intact, ang pagrespeto sa fedew[4] ng kanyang kapuwa. Apdo ang literal na ibig-sabihin ng fedew at sa metaporikal na pakahulugan, tumutukoy ito sa buong pagkatao ng Teduray. Sa pag-aruga sa fedew ng isa’t isa umiikot ang buong buhay ng mga Teduray. Dito nakasandig ang sistema ng kanilang ekonomiya, politika, hustisya, at espirituwalidad. Kapag tinanong natin, halimbawa, ang dahilan ng desisyon ng isang kefeduwan ukol sa paglutas ng isang kaso, sasabihin niyang iyon kasi ang nararapat. Ano ang nararapat? Ang mga bagay, aksyon, kalagayan na hindi nagdudulot ng sakit sa fedew ng kapuwa; bagkus, rumerespeto at kumakalinga sa pagkatao ng isa’t isa.

          Sa ideyal, gagawin ng isang Teduray ang lahat para proteksyunan at respetuhin ang fedew ng kanyang kapuwa. Ito ang sentral niyang tungkulin bilang Teduray.

Ang salitang kefeduwan, na tumutukoy sa taong pinagkakatiwalaan ng mga Teduray upang magsaayos ng mga gusot sa kanilang komunidad, ay nangangahulugan ng “pagyakap” sa fedew ng bawat myembro ng komunidad. Taglay ng salitang kef (yakap) ang diwa ng pagkalinga sa kolektibong kapakanan ng mamamayan. Sa mga tiyawan o mga pagtitipon upang ayusin ang anumang gusot, ang layunin ng bawat kefeduwan at ng mga kampong sangkot ay hindi upang manalo sa “kaso” kundi maayos ang gusot, mapanumbalik ang nasaktang fedew[5]. Ayon nga kay Schlegel, isang “healing system” (Wisdom 171) ang sistema ng hustisya ng Teduray.

Kaugnay ng ganitong pag-iingat sa fedew, kasalikop ng panga-araw-araw na komunikasyon ng isang Teduray ang paggamit ng wikang binuaya o matatalinghagang salita. Tinitiyak ng ganitong wika na hindi masasaktan ang pinagsasabihan, siya man ay totoong nakagawa ng pagkakamali o pagkakasala. Hindi ito nakasasakit ng loob pero tumatalab at nakapagpapaluwag ng kalooban. Eksperto ang mga kefeduwan sa ganitong wika.

Hangad ng bawat Teduray ang pagtatayo ng isang kaayusang iginagalang ang karapatan ng bawat isa, kaayusang lahat ay nagtatamo ng kaligayahan; samakatuwid, walang fedew na nasasaktan. Kefiyo fedew ang tawag nila sa kaayusang ito. “Maganda”, “mabuti” ang ibig sabihin ng “fiyo”.

Mahigit sampung taon akong naging edukador ng karapatang pantao at sa loob ng panahong ito, sumalig ako sa konsepto at praktika ng karapatan sa kanluran, sa mga instrumento ng United Nations. Paulit-ulit ko mang balikan ang pinagdaanan kong pag-aaral ukol sa karapatang pantao, wala akong mahagilap na isang terminong katumbas ng kefiyo fedew.

Napakahalaga ng pag-unawa sa konseptong ito ng fedew kaugnay ng Berinarew sapagkat ito ang gulugod na naturang epiko. Ito ang lunsaran at batayang motibasyon ng mga kilos at pagpapasiya ng mga tauhan buong akda.

          Ayon kay Schlegel, gaya ng iba pang katutubo sa kabundukan ng Pilipinas, ang mga Teduray ay representatibo ng kulturang laganap sa arkipelago bago dumating ang mga Kastila (Tiruray Justice, 1970). Masasalamin sa kanila ang mga praktis at paniniwala na komon sa maraming katutubo sa Pilipinas. Halimbawa, gaya ng ipinahihiwatig sa mitong “Si Malakas at si Maganda” (na sa Visayas ay simpleng tinatawag na Laqui at Bayi), naniniwala ang mga Teduray sa pagkakapantay ng babae at lalaki. Masasalamin ang ganito sa paniniwala nila sa walang-kasariang manlilikha na si Tulus at sa kataas-taasang si Fulufulu, na isang babae. Isa lamang si Fulufulu sa napakaraming makapangyarihang espiritung babae na gumagabay sa pamumuhay ng mga Teduray.

         Gaya ng pagkilala sa bakla, agi, bayot sa iba’t ibang dako sa Pilipinas, wala ring problema sa mga Teduray ang usapin ng sexual o gender preference. Mayroon silang tinatawag na “mentefuwaley libun” at “mantefuwaley lagey na ang ibig sabihin ay “lalaking naging babae” at “babaeng naging lalaki” (Schlegel 137-142). Ang ganitong pagpapalit ng kasarian para sa isang Teduray ay kasing-natural lamang ng pag-aasawa. Hindi pekpek o titi ang batayan nila ng sekswalidad kundi ang kilos ng isang indibidwal. Ibig sabihin, magiging babae ang isang lalaki kung kikilos at magdadamit siya bilang isang babae.

         Para sa mga Teduray, ang isang lalaking nagpalit ng kasarian ay “mentefuwaley libun”, hindi siya bakla, hindi siya bi-sexual. Siya ay babae, “mentefuwaley libun”.

         Nagulat at namangha ako nang malaman ko ang tungkol dito. Noon lamang kasing 2004 ko na-engkuwentro ang “performativity theory” ni Judith Butler na nagsasabing ang seksuwalidad ng isang indibidwal ay batay sa kung paano niya ito ipini-perform (chap. 4, 900-901).

         Mayaman din ang mga Teduray sa iba’t ibang espiritu – espiritu ng dilim (ang unang bahagi ng Berinarew ay panawagan kay Unggak, espiritung gumagabay sa pagsasalaysay ng uret o kuwento)’ espiritu ng ilog, espiritu ng dagat, mababait na espiritu, masasamang espiritu (busaw). Para sa mga Teduray ang mga espiritu ay kapuwa nila tao; pero kaiba sa kanila, ang mga ito ay hindi nakikita.

Ilang suliranin

Nasa Berinareu: The Religious Epic of the Tirurais ni Fr. Clemens Wein, SVD tangi at kauna-unahang nakalathalang bersyon ng Berinarew. Binubuo ang libro ng bersyong Teduray ng epiko at ng salin sa English ni Fr. Wein. Sa pamagat pa lamang, mahihiwatigan na ang “bias” ng nagsaliksik at nagsalin. Lumalabas kasi na de-kahon ang buhay ng mga Teduray na nagluwal ng naturang epiko. Salungat ito sa obserbasyon ni Schlegel, isang antropolohistang mahigit dalawang taong nakipamuhay sa mga Teduray ng Figel, isang komunidad sa bulubundukin ng Maguindanao malapit sa ilog Teran. Sa paglalarawan ni Schlegel, mahigpit na magkakawing ang panitikan at ang pang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Teduray (Wisdom 1999 at Children 1994).

          Halimbawa, lumalalim ang pagkilala ng batang Teduray sa kanyang kapaligiran sa pamamagitan ng mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng mga bagay, sa mga espiritu, sa mga bawal at hindi bawal na gawin. Ang kuwentuhan ay nasa puso rin ng kanilang pakikisalamuha sa isa’t isa. Ayon kay Tenorio, kaugalian ng isang pamilyang Teduray ang magkuwentuhan bago matulog. Sa pamamagitan ng kuwentuhan, nalalaman nila ang tungkol sa buhay ni Lagey Lengkuos at iba pang mga unang tao sa daigdig na ngayon ay itinuturing nilang mga espiritu. Maging ang kanilang gawi sa pangingisda at pangangaso ay natutuhan nila sa pamamagitan ng mga kuwento ng kanilang mga ninuno (424).

          Nakakabit ang panitikan maging sa paghihiganti ng isang Teduray. Matapos tiyakin ng naghiganti na wala nang buhay ang kanilang pinaghigantihan, sa daan pauwi, kumakanta sila ng kerensiyaw, awit na nananawagan kay Moferow, ang espiritung nakatalaga sa hantungan ng mga kaluluwang namatay sa karahasang kaugnay ng karangalan (Tenorio 389).

         Ayon kay Fr. Wein na iminumulat tayo ng nasabing epiko tungkol sa mga pagpapahalaga na nararapat nating bigyan ng pinakamataas na prayoridad. Dagdag niya “…Berinareu inspires us to think of the lasting goals of our own life” (Inroduction 1).

        Sa unang tingin maaaring sabihing napakadalisay ng ganitong saloobin. Pero paano kaya salungat ang Berinare sa diwa ng Kristiyanismo? Sa susunod na bahagi ng kanyang introduksyon, sinasabi ni Wein na nakikita ng mga Teduray (iyong mga umanib na sa Kristiyanismo) na ang pinakamalalalim nilang aspirasyon ay nagkakaroon ng kaganapan sa Kristiyanismo. Partikular niyang tinukoy ang paghihirap at pagsasakripisyo bilang daan ng kaligtasan, na pareho raw matatagpuan sa Berinarew at sa Kristiyanismo (1).
Maaari ngang malaki ang pagkakahawig ng Berinarew sa Kristiyanismo lalo na sa usapin ng paniniwala sa kabilang buhay at pagsasakripisyo para makamtan ito. Pero kapag binusisi nang masinsinan, makikita ang pundamental na pagkakaiba ng dalawa. Una, napakatindi ng hirarkiya sa Kristiyanismo. Sa mga Teduray, walang ganito. Magkakapantay ang lahat, pantay ang babae at lalaki, ang magulang at anak, ang kefeduwan (kinikilalang awtoridad sa usaping legal), ang beliyan o ( lider espirituwal) at ordinaryong Teduray. At maging si Tulus at si Fulufulu ay kapantay nila. Nagkakaroon lamang ng pagkakaiba sa larangan ng gawain. Sa usapin ni Tulus, siya ang lumikha ng lahat ng bagay ngunit hindi siya nakahihigit sa mga Teduray (Schlegel, Wisdom 111).

         Ikalawa, dominado ng lalaki ang Kristiyanismo; pantay ang kasarian sa mga Teduray. Nakikidigma ang lalaki kasama ang babae. Nalulungkot, nagtatampo, at nakadarama ng pagsuko ang lalaki gaya ng babae.
Ikatlo, nakasentro sa indibidwal na kaligtasan ang Kristiyanismo (ang bersyong ipinakilala sa atin ng mga Kastila na laganap pa rin hangga ngayon). Buong komunidad ang fokus ng pagsasakripisyo at paghihirap sa Berinarew. Buong komunidad ng mga Teduray ang “umakyat” tungo sa kerekamen fantad o lupang wala nang pangamba. Sa Kristiyanismo, mag-isang ‘umakyat sa langit” si Hesus. Sa Berinarew, sambayanang Teduray ang sinalubong ni Fulufulu. Sa Kristiyanismo, ang pagtitika ay indibidwal na pagpapakasakit na hiwalay sa pang-araw-araw na buhay; sa Berinarew, buong komunidad ang nararapat magdaan sa pasasakripisyo – pagkakaingin, paghahanda ng lupa para sa pagkain ng buong komunidad.
Ikaapat, sa usapin ng dahas bilang daan ng kaligtasan, magkaibang-magkaiba ang praktika at pananaw ng dalawa. Sa Deutronomio halimbawa, nandirigma sina Moises upang mag-impose ng iisang pananampalataya, upang gawing unibersal ang katotohanan ni Yahweh, ng Judaismo. Sa Berinarew, nandirigma sina Seonomon at Seangkasien upang ituwid ang isang pagkakamali, upang panumbalikin ang nalabag na karapatan, upang magkaroon ng pagkakasundo. Wala sa Berinarew ang imahe ng Diyos na nag-uutos na alipinin ang mga tatanggap ng alok na kapayapaan at digmain ang mga tatanggi at sirain ang kanilang mga altar, gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises sa harap ng mga nasyon na madadaanan nila patungo sa Canaan.[6]
Ikalima, pinagagana ng konseptong binary opposition ang Kristyanismo. Sa Berinarew, matingkad ang kaisahan ng dilim at liwanag, keilawan (tao) at meguinalew (espiritu), lagey (lalaki) at libun (babae), lowoh (katawan) at remogor (kaluluwa), dahas at kapayapaan.

             Sa kauna-unahang saknong ng epiko halimbawa, hinihingi ng mang-awit ang tulong ng kadiliman para sa kanyang pagsasalaysay. Kasama rin sa pakikipaglaban nina Seonomon ang mga espiritu ng kadiliman.
HIndi matatawaran ang pagsisikap – ang di-birong pagdodokumento at pagsasalin sa Berinarew – na ginawa ni Father Wein. Gayunpaman, umaalingawngaw sa kanyang proyekto ang bigotry na nakapaloob sa sumusunod na pangungusap ni John Pope Paul II:

                        Christ is absolutely original and absolutely unique. If He were only a wise man like Socrates, if he were a “prophet” like Mohammed, if He were “enlightened” like Buddha, without any doubt He would not be what he is. He is the one mediator between God and humanity (Pagels, Introduksyon xx).

            Kapansin-pansin sa bersyong English ang mga terminong nakakiling sa Kristiyanismo at kung gayon ay sumisira sa kahulugan ng orihinal. Halimbawa:: Tulus = Lord, Fulufulu = Lordess. Iniluwal ng lipunang feudal ang naturang mga salin at salungat ito sa kahulugang taglay ng isinalin. Binubura ng “Lord” at “Lordess” ang diwa ng pagkakapantay na sentral sa buhay ng Teduray. Laganap din sa salin ang mga terminong “heaven”, “angel” at iba pang salitang mas nagpapakilala sa relihiyong Katoliko kaysa sa Berinarew.

Sa ganitong “lambong” din ng Katolisismo sumablay ang napakayaman sanang akda[7] ni Jose Tenorio. Sa unang tingin, napaka-obhetibo ng pagsasalaysay ni Tenorio Costumbre : “Ang mga Teduray – kung gusto ninyong malaman kung saan sila nagmula – ay nakatira sa pagitan ng Tamontaka at lupain ng Dulangan” (366). Pero kapansin-pansin ang paggamit niya ng “sila” at “nila” na hiwalay sa kanyang “ako”. Mas magiging matingkad ito kapag ikinabit sa mga pangungusap niyang “kahiya-hiyang isalaysay ang gawain/ paniniwala nilang ito” at “isang gawaing hindi maiisip gawin ng isang Kristiyano” na nagkalat sa buong akda. Sa kabuuan nito, minamaliit at nilalait ng libro ang mga paniniwala, tradisyon, kultura ng tribong Teduray.

Sa kabila ng ganitong kahinaan, napakalaking kontribusyon pa rin para sa akin ang nasabing libro kung tungkol lamang din sa mga Teduray ang pag-uusapan. Hindi lamang ito nagbigay sa akin ng mayayamang impormasyon kundi, mas higit, nagbukas din ng oportunidad para sa mas malalim na pagkilala sa tribong Teduray.

Pero hindi ko pa rin maiwasang tanungin: Ano pa kaya ang naikuwento sana ni Sigayan kung hindi siya nalambungan ng anino o censorship ng mga frayleng Hesuwita? Gaano kaya kayaman ang isasalaysay niya kaugnay ng seksuwalidad ng mga Teduray? Kadiwa ng tanong na ito: Ano-ano kayang bahagi ng Berinarew ang nalambungan ng Kristiyanismo ni Father Weins noong sinasaliksik niya at isinasalin ang naturang epiko?

Sa panig naman ng mga sekular na pagsisikap, wala ang panitikan sa mga pinakabago at ‘komprehensibong” pag-aaral ukol sa mga Teduray[8]. Na para bang ang buhay ng Teduray ay lubusang mauunawaan nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang panitikan.

Sa anim na layunin ng pag-aaral na “The Case of the Teduray People…”, halimbawa, wala ni isa ang nagpapahiwatig na mapagtutuunan ng pansin ang panitikan ng mga Teduray. Samantalang kung susuriin ang unang layunin – magkaroon ng higit na kaalaman at pag-unawa sa masalimuot na kalagayan (Notre Dame University 2) – makikita ang mahigpit na pangangailangang saliksikin, pakinggan, at unawain ang mga salaysay na ikinukubli ng mga tanong tungkol sa bilang ng myembro ng pamilya, ikinabubuhay, edukasyon, atbp.

Sa huling layunin, sinasabi na, mapalakas ang komunidad…at mahikayat ang mga tao na makilahok…(3). Anong lakas ang tinutukoy na ito kung sa simula pa lamang ay pinipilayan na ang Teduray sa pag-etsapuwera sa kanilang panitikan? Anong partisipasyon ang hinihingi kung hinahati ang kanilang pagkatao sa binaryong kaluluwa vs. katawan?

          Mula pagpaplano hanggang implementasyon, kompartamentalisado na ang buhay ng Teduray sa nabanggit na pag-aaral. Kung may integrado man sa lapit nito, nakatuon lamang ito sa kung ano ang dating malinaw na – ekonomiya,t politika, at organisasyon. Bubuksan lamang ang kahon ng panitikan kung ito ay magagamit para suhayan ang alinman sa tatlong aspektong ito.

ARAL: Mula megubar fantad patungong kerekamen fantad

Umiinog ang Berinarew sa dalawang konsepto at imahe ng lupa – megubar fantad at kerekamen fantad.[9] Magkasalungat ngunit magkasalikop. Isang pinagmulan at isang patutunguhan. Isang pansamantala at isang walang-hanggan. Puno’t dulo ng pag-iibigan ng dalawang pangunahing tauhan na sina Senonomon at Seangkaien, puno’t dulo ng pagdurusa at ng pag-akyat ng kanilang mga kuyug[10] sa piling ni Fulu-fulu.[11]

megubar fantad

           Ayon sa epiko, tahanan ng mga Teduray ang fantad megubar (saknong 2620, p78). Sa lupang ito nanggagaling ang kanilang ikinabubuhay. Dito rin nila itinutusok ang kanilang mga fandi o maliliit na bandila at inilalagay ang kanilang mga alay upang suyuin ang iba’t ibang espiritu ng kalikasan. Nakahilig pakanluran ang fandi para sa mga natutunaw na tao; pasilangan naman ang para sa mga espiritu ng tubig.

Narito ang mga reguas (ilog) at tuduk (bundok) na nagsisilbing palatandaan sa kanilang paglalakbay at nagbibigay sa kanila ng pagkakakilanlan. Sa bawat paglalakbay, bundok at ilog ang karaniwang palatandaan. Sa kanyang pag-uwi mula sa tribo ni Kadeg Teresang, dumaan si Seonomon sa bundok-na-walang-patlang, sa Seminda-sinda (lugar na umuulan habang umaaraw), sa sangandaan kung saan nakadugtong ang landas papunta sa lupain ng mga Teduray.

Bilang pagkakakilanlan, tinatawag ding Lagey Lengkuos o “binata mula sa Bundok Lengkuos” si Seonomon; samantala, nangangahulugan namang “mula sa gubat” ang Seangkaien. Bai Layagan o “prinsesa ng karagatan” ang isa pang pangalan ni Seangkaien. Tama(n) Talun o “mula sa dulo ng gubat” ang pangalan ng isa sa kanyang mga kapatid. Segoyong Wayeg naman ang tawag sa mga espiritu ng tubig na tagasunod ni Endilayag.

Sa kabila ng mapagpalang katangian ng lupa, tinitingnan ito ng mga Teduray na pansamantala at marupok. At wala rito ang tunay nilang kaligayahan. Nang mag-usisa ang mga kuyog ni Seonomon tungkol sa kanilang kaligayahan, sabi ng binata: ‘N(e) metangka segedoten,/ Tindeg i mekefio-we” (saknong 120). “Napakalayo ng kaligayahan, napakahirap nitong kamtin”.

Ang megubar fantad, gayunman, ay kasalikop ng kerekamen fantad – lunsaran ito ng realisasyon ng mithiin ng mga Teduray na makaakyat sa piling ng kanilang Manlilikha. Dito nila isinakatuparan ang kanilang terasai[12] na batayang kahingian sa kanilang pag-akyat sa piling ni Fulufulu. Dito sila nagbungkal ng kaingin, dito nila itinanim at inani ang binhing semueb, dito nila kinalembang ang gong upang tawagin ang lahat ng aakyat. Dito nagmula ang tipak ng lupang sinakyan nila patungo sa kerekamen fantad.

kerekamen fantad

Ang kerekamen fantad ang rurok ng pag-iral ng mga Teduray sa megubar fantad, sa lupang marupok na kanilang sinilangan at tahanan. Ipinangako ito sa kanila ng kataas-tasang lumikha na si Tulus [13] at ng kataas-taasang lundaan na si Fulu-fulu. Sa lupang ito ng umaalingawngaw na tunog ng tanso (na tumutukoy marahil sa tunog ng mga gong), hindi kumakain ang mga tao; ngumunguya na lamang sila ng nganga. Hindi sila tumatanda o namamatay dahil sila’y ganap nang mga meginalew o espiritu. Ang lupang ito ang minimithing kaligayahan ng mga Teduray.

          Ngunit kahit ipinangako sa kanila, hindi nila basta-basta nakamit ang kerekamen fantad. Mabigat at masalimuot ang pagsubok na kanilang pinagdaanan. Hindi matingkalang hirap ang sinuong nina Seonomon at Seangkaien. Sa umpisa ng epiko, kaagad ipinasilip ng mang-aawit ang paghihirap ni Seonomon:

"Ringonen tad mebilang
          en Mengganad, a ta ferasai fo,
B(e) kesereinseg enan mon
Tuduk Getai Lengkuos an."
(saknong 20)

(Tila hindi maisasalaysay
ang hirap niyang dinanas
nang siya’y maglakbay
mula sa Bundok Lengkuos.)


            Tatlong hamon ang hinarap nina Seonomon bago sila naging karapat-dapat sa lupang walang pangamba. Una, pagdanas ng terasai. Hindi ito indibidwal na pagtitika o personal na paghihirap ng katawan at kalooban para sa minimithing langit. Bagkus, isa itong kolektibong pagsasakripisyo, isang sama-samang paggawa (pagkakaingin) para sa buong inged ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Teduray. Maging ang paghihirap na indibidwal na dinanas ni Seonomon at ni Seangkaien ay hindi para sa sarili nilang kaligayahan. Ang salimuot na pinagdaanan ng kanilang pag-iibigan, ang mga panganib na kapuwa nila sinuong sa pakikidigma, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng kanilang mga inged o komunidad.
Ikalawa, pagpapanumbalik ng nilabag na benal. Karapatan ang salitang Tagalog na pinakamalapit sa benal. Nakapaloob sa konseptong ito ang katarungan at paghihiganti dahil sa nilabag na karapatan. Nang tanungin, halimbawa, ng isang lundaan kung bakit naglalaban sina Seonomon at Gentang Lawai, sumagot si Seonomon: “Walang maglalaban/ kung walang karapatang dapat panumbalikin (saknong 1950).

Sefebenal o pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan ang tuntungan ng tunggalian ng kuwento sa Berinarew. Ito ang puwersang nagpapakilos sa mga pangyayari. Dito nakaangkla ang realisasyon ng pangakong pag-akyat ng mga Teduray sa lupang walang pangamba, sa piling ng kanilang Manlilikha.
Nang dukutin ng pangkat ni Gentanga Lawai si Seangkaien na nakatalagang mapangasawa ni Seonomon, nangyari ang hindi nararapat. Nilabag ang benal hindi lamang ni Seangkaien at ng kanyang pamilya, hindi lamang ni Seonomon kundi ng buo nilang mga angkan. Sa pagdukot na ito, nasira ang pundasyon ng nakatakda, nabulabog ang pangakong pag-akyat ng mga Teduray sa ikawalong antas ng lawai. Kung kaya dapat itong panumbalikin, dapat gawin ang nararapat. Kailangang maghiganti, kailangang magsagawa ng benal.

           Nang malaman ni Seonomon ang mga dumukot kay Seangkaien, agad siyang nagpasya ng paglusob. At dahil ito’y pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan ng buong inged, dumating maging ang mga espiritu mula sa angkan ng kanyang ama.

           Sefebenal ang nagtulak kay Seangkaien upang bawiin ang “gintong sinulid na may walong buhol” mula kay Linauan Kadeg. Batid ng dalaga, na dito nakasalalay ang kaganapan ng misyong itinakda sa kanya ng mga lundaan -- maging katuwang ni Seonomon sa pamumuno sa mga tao papunta sa lupang walang pangamba.

Ang ganitong pagtalima sa benal ang sukatan ng mabuting keilawan[14]. “N(e) komon fio so i eteu-e/ K(e) talikuf sefebenal.” (saknong 5330) “Matuwid ang tao kung lagi niyang hinahangad ang nararapat”. Noong iligtas nina Seonomon si Seangkaien mula sa pangkat ni Gentang Lawai, pinuri ng dalaga ang binata: “kagula i Teduraien-e,… / Ne metintu sefebenal.” (saknong 2400) Ganiyan ang mga Teduray / Matapat nilang hinahanap kung ano ang nararapat.

            Ikatlo, pagkakaroon ng serefat (pagkakasundo) tungo sa linaw (kapayapaan). Mabibigo ang angkan ni Seangkaien sa pagbawi sa gintong sinulid kung nanatili ang hidwaan sa pagitan nila at ng angkan ni Seonomon. Totoo, buo ang kanilang loob na ipaglaban ang kanilang karapatan sa naturang gintong sinulid ngunit walang karanasan sa pakikidigma ang marami sa kanyang mga kapatid. Dahil dito, humingi ng tulong sa angkan ni Seonomon ang dalaga. At naghilom ang sugat na hatid ng hindi nila pagkakaunawaan. Nagsanib ang kanilang mga puwersa sa isang paghihirap tungo sa pagpapanumbalik ng nilabag na karapatan (saknong 4990).

           Nang magapi ang tribo nina Kadeg Teresang at mabawi ni Seangkaien ang gintong sinulid, nagkaroon ng ganap na pagkakasundo ang dalawang angkan. At iniluwal nito ang linaw o kapayapaan sa kanilang mga inged. Ngayo’y wala nang sagabal sa kanilang paglalakbay. Bago sila tuluyang pumasok sa tahanang nakalaan sa kanila sa kerekamen fantad, pumunta sila sa reguas Seobudon upang gawin ang kahuli-hulihang kahingian ng kanilang mithi – pagtanggal sa kanilang mga katawan (saknong 8450).

          Bagamat magkasalungat, malinaw sa epiko ang ugnayan ng megubar fantad at kerekamen fantad. Hindi balakid ang lupang marupok, bagkus isa itong behikulo ng pagkakamit ng kaligayahan. Sa katunayan, ang kauna-unahang porma ng terasai na pinagdaanan ng mga Teduray ay pagkakaingin, isang kolektibong paggawa upang pagyamanin ang lupa. Ang ugnayang ito ay binibigyang-diin din ng dalawa pang kondisyong pinagdaanan ng mga angkan nina Seonomon at Seangkaien: pagtatanggol ng sefebenal at serefat. Batay dito, malinaw na kasalikop ng kerekamen fantad ang mga konsepto at praktika ng terasai, sefebenal, at serefat.

ALIW: Berinarew bilang oral na panitikan

Ilug ang tawag ng mga Teduray sa Berinarew, isang mahabang tulang inaabot ng walumpong oras kapag inawit nang buo (Wisdom, 1999). Mayroon itong dalawang bahagi: una, ang siasid o panawagan. Sa bahaging ito, ang mang-aawit ay nananawagan sa espiritu ng kadiliman na si Unggak.[15] Hinihiling niya na wala sana siyang malimutan ni anuman sa kanyang pagsasalaysay “dahil ang lupa naming marupok ay nababalot ng kadiliman” (saknong 1).

          Pito ang batayang bilang ng pantig ng epiko pero wala itong regular na tugmaan. Karamihan sa mga saknong ay nagsisimula sa mga salitang “Na dauen de nen” (Ay, kahabag-habag) at paulit-ulit rin, lalo na sa mga tagpong gustong bigyang-diin ang paglalarawan, ang pangungusap na “Akar eme de k(e) loo” (Ilarawan sa diwa). Dalawa ang gamit ng mga ito sa epiko: upang ihudyat ang pagbabago sa daloy ng kuwento at upang bigyang-diin ang paglalarawan ng mga karakter, lugar, bagay, o pangyayari.

          Sa panahon ng pag-awit ng epiko, ang mga tagapakinig ay bahagi ng buong pagtatanghal at hindi mga pasibong tagatanggap lamang. Halimbawa, nang awitin ni beliyan Bho-Keykey ang ilang bahagi ng Berinarew sa isang pagtitipon[16], may mga tunog na pinadadaloy sa ilong mula sa mga tagapakinig ang paminsan-minsan ay sumisingit o sumasabay sa awit. Ayon kay Bho-Keykey, dalawa ang layunin ng “pagsingit”: Una, pagtaboy sa mga masasamang espiritu na nagtatangkang guluhin ang pagtitipon at ikalawa, pag-engganyo sa mang-aawit na ipagpatuloy pa ang awit. Palatandaan ito na nagugustuhan ng tagapakinig ang performans ng mang-aawit.

           Hinabi ang epiko sa pamamagitan ng pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan, nang walang gatol na paghuhugpong ng natural at supernatural na mga bagay at pangyayari. Kasing-natural ng dilim ng gabi ang kamangha-manghang katangian ng lupa, ilog, at iba pang aspekto ng kalikasan. May sariling buhay at nagtataglay ng pambihirang katangian ang ordinaryong mga kasangkapang pandigma tulad ng kalasag at tabak.

Narito ang ilang halimbawa ng nabanggit ng pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan:

Magkasamang nananahan sa lupa ang keilawan at meginalew bilang mgas etew. Nag-uugnayan sila sa isa’t isa – nag-iibigan, nag-aaway, nagtutulungan. Halimbawa, noong lusubin nina Seonomon sina Gentang Lawai upang bawiin si Seangkaien, tumulong ang mga espiritu mula sa angkan ng ama ng binata.

Ang lupa na nagsisilbing tahanan, na pinagkukunan ng pagkain, at ginagamit na panandang heograpikal ay may kakayahang lumipad at maglakbay. Sa fesayawan[17] sumakay sina Seonomon at Seangkaien kasama ang kanilang mga tagasunod nang pumunta sila sa ikawalong antas ng lawai pagkatapos nilang gapihin ang tribo ni Kadeg Teresang. Samantala, matatagpuan sa bundok- na-walang-patlang ang ta(d)geher, punong ginintuan ang mga sanga at bahaghari ang mga dahon, at ang refuruh feketunag o hanging tumutunaw ng tao.

              Sa ilog nagkakanlong ang buwayang tumulong kay Seonomon upang makarating siya sa inged nina Linauan Kadeg. Ilog din ang nagtanggal ng katawan ng mga keilawan bago sila umakyat sa lupang walang pangamba. Naging tubig ang kaluluwa ni Seonomon bago siya buhayin ni Seangkaien.

             Nagsasalita at may sariling buhay ang renomot o kalasag ni Seonomon. Halimbawa, noong nakikipaglaban ang binata kay Gentang Lawai, inakala nito na natagpas niya si Seonomon. Pero nagsalita ang renomot ng binata, tinuya nito si Gentang Lawai at itinuro sa mandirigma ang walang kagalos-galos na si Seonomon. Renomot din ang sinasakyan ni Seonomon sa kanyang mga paglalakbay, lumilipad itong parang agila, kumikinang na parang araw.

            Pamaypay naman ang ginamit ni Seangkaien upang buhayin ang mga kaanak na napapatay sa labanan. Agad tumatayo na parang walang nangyari ang bawat paypayan ng dalaga. Pamaypay ang ipinambuhay ng dalaga kay Seonomon.

           Hitik sa ganitong kababalaghan at kamangha-manghang pangyayari ang buong epiko. Walang gatol ang pagsasalikop ng karaniwan at kababalaghan, isinasalaysay nang tuloy-tuloy na kasing-natural ng daloy ng ilog.

           Punong-puno rin ng talinghaga ang epiko mula sa salaysay ng mang-aawit hanggang sa diyalogo ng mga tauhan. Ihinalintulad sa lagaslas ng ilog ang tikhim ni Seonomon nang makita niya si Linauan Kadeg. Nakasisilaw si Seangkaien, napalilibutan siya ng walang patid na kidlat. Maningning siyang parang araw, malamlam na parang buwan.

           Parang tumataginting na mga kuliling ang kalansing ng mga pulseras sa bisig ni Seonomon habang siya’y nakikipaglaban. Tila agilang naghahanap ng madadapuan sa kulumpon ng mga halaman ang kanyang renomot. Mistulang tumutukang tagak ang pagdidikdik ni Seangkaien ng nganga. Dumagundong ang kulog na parang napupunit ang langit at nagigiba ang lupa nang humingi ng hudyat ng tagumpay sina Seonomon. Tila tuloy-tuloy na talampas at sumusukdol sa langit ang mga renomot nina Gentang Lawai. Nagliliyab ang pagtatagis ng mga tabak, umaapoy ang bawat renomot na mahagip ng mga ito.

           Mula simula hanggang dulo, nagsasalikop ang karaniwan at kababalaghan sa epiko at mahigpit na magkakawing ang yaman ng wika at husay ng pagsasalaysay. Dalawang katangian ito na nagbibigay lakas sa Berinarew bilang anyong pampanitikan. Hindi mapasusubalian ang kapangyarihan nitong mang-aliw.

Bukod pa rito, kapana-panabik din ang kuwento. Buong-buo ang balangkas, malinaw ang motibasyon ng bawat kilos ng mga tauhan, at humahatak ng atensyon ang pagkakahanay ng mga pangyayari. Walang ligoy ang umpisa, ipinasilip kaagad ang bisyon ng buong epiko: nag-uusap sina Seonomon tungkol sa pag-akyat nila sa lupang walang pangamba at sa rasai na dapat nilang pagdaanan. Sa kalagitnaan ng nasabing usapan, pumasok si Lukes Libun, hinahanap ang dinukot niyang anak na si Seangkaien. Mula rito, umarangkada na ang kuwento – hitik sa mga sorpresa, kababalaghan, at umaatikabong drama at aksyon. Kagiliw-giliw ang mga tauhan – mga superhuman pero nagkakamali, nagtatampo, napapagod, nalilito, umiiyak, sumusuko, nagbibiro.

            Nang hindi harapin ni Seangkaien si Seonomon, sumakit ang loob ng binata at agad gumawa ng pasyang halos ikasira ng kanyang misyon bilang tagapamuno sa pag-akyat ng mga Teduray sa piling ni Fulu-fulu. Sa gitna ng kanyang kalituhan, balewala na sa kanya kung umakyat man siya o hindi tulad ng ipinangako sa kanila. Sa kabilang banda, nagtampo si Seangkaien sa kapatid niyang si Endilayag dahil hindi ito ang nagligtas sa kanya mula kina Gentang Lawai. Humagulhol siya nang mamatay si Seonomon. Nagalit siya kay Seonomon nang magbiro ang binata noong naglalakbay sila sakay ng fesayawan.
Sa paglalakbay na iyon, nangamba ang dalaga na baka sa pagdaan nila sa tapat ng refuruh feketunag ay matangay ang ilan sa kanilang mga tagasunod. Nagbiro ang binata na pananagutan ng dalaga ang sinumang tangayin ng hangin at kung sino man ang tangayin, regalo na lamang sila sa hangin. Sinigawan ng dalaga ang binata at sinabing, “hindi maganda ang ganyang biro sa kalagayang pinagdaraanan natin ngayon” (mga saknong 8190 -2000).

            Sa kabuuan, makikita sa Berinarew ang mahigpit na pagkakaisa ng anyo at nilalaman. Isa itong obrang pampanitikan na epektibong umaaliw at nangangaral. Umaaliw, hindi sa pamamagitan ng paglulubid ng walang kawawaang katawa-tawang mga pangyayari kundi sa husay ng pagkukuwento at yaman ng pananalinghaga. Nangangaral, hindi isa pamamagitan ng nakaririnding sermon kundi sa pamamagitan ng malikhaing presentasyon ng isang bisyon at posibilidad ng pag-iral.

Itinatampok nito ang mga pagpapahalagang balon ng lakas at inspirasyon ng asersyon ni Seonomon na “Isa akong Teduray”. Mga pagpapahalagang nararapat taglayin ng bawat Filipinong nagnanais magtayo ng isang lipunang gumagalang at kumakalinga sa fedew ng bawat mamamayan.


Mga Binanggit na Akda

Butler, Judith. “Performative Acts and Gender Constitution”. Rivkin, Julie and Ryan Michael (Eds). Literary Theory: An Anthology (2nd ed). USA: Blackwell 1998. 900-911.
Mokudef, Johnny. Panayam. 30 Abril 2009.
Notre Dame University Research Center and Accion Contra El Hambre – Philippine Mission. Ang Kalagayan ng mga Teduray sa Walong Barangay ng Upi Maguindanao. 2005.
Tenorio, Jose. The Customs of the Tiruray People. Stuart A. Schlegel (Trans.) Philippine Studies, vol. 18, no. 2. Quezon City: Ateneo de Manila University, 1970.
364-428.
TRICOM. Defending the Land: Lumad and Moro People’s Struggle for Ancestral Domain in Mindanao. 1998.
Schlegel, Stuart A. Wisdom from the Rainforest: The Spiritual Jpurney of an Anthropologist. Quezon City: Ateneo de Manila Universtiy Press, 1999.
_ _ _ . Children of Tulus: Essays on the Tiruray People. Quezon City: Giraffe Books, 1994.
_ _ _. Tiruray Justice: Traditional Tiruray Law and Morality. California: University of California Press, 1970.
____________________. Tiruray-English Lexicon. California: University of California Press, 1971.
Wein, Clemens SVD. Berinareu: The Religious Epic of the Tiruray. Manila: Divine Word Publications, 1989.


[1] Lagey Lengkuos ang isa pang pangalan ni Seonomon. Ang ibig sabihin ng Seonomon ay “siya na dapat sundan” at ang Lagey Lengkous ay “binata o lalaki ng bundok Lengkuos”. Sa epiko, tinatawag din siyang kuyugon (siya na dapat sundin) at lalagen (siya na dapat pangilagan).

[2] Johnny Mokudef ang buong pangalan ni Bho-Keykey. Sa Teduray, Ipinapangalan sa panganay na anak ang mga magulang. Ang Bho o Mo ay “tatay”, kaya ang Bho-Keykey ay “tatay ni Keykey”. Ideng ang tawag sa “nanay”.

[3] Sa kanyang librong Wisdom from the Rainforest, inilalarawan ni Stuart Schlegel ang sistema ng pamumuhay ng mga Teduray na tumangging sumanib sa kulturang Muslim o Kristyano.

[4] Pangunahing sanggunian ko ukol sa “fedew” ang librong Wisdom from the Rainforest ni Stuart A. Schlegel. Tinatalakay rin niya ito sa Tiruray Justice: Traditional Tiruray Law and Morality.

[5] Mula sa pakikipag-usap kay Ka Deming Valero, kefeduwan.

[6] Basahin ang mga sumusunod na bersikulo sa Deuteronomio: 6:10-12, 7:1-6, 20: 10-18

[7] The Customs of the Tiruray People. Isinalin ni Suart A Schlegel mula sa orihinal na Kastila.

[8] Totoo ito kahit sa pinakaprogresibong organisasyon na tumutulong sa empowerment ng mga Teduray sa kasalukuyan. Economic at political empowerment ng organisasyong ito at kung may mabanggit man kaugnay ng panitikan, ito ay para suhayan lamang ang dalawang aspektong ito.

[9] megubar fantad lupang marupok, lupain ng mga Teduray; kerekamen fantad – lupang walang pangamba, lupang ipinangako ni Tulus sa mga Teduray.

[10] kuyug - tagasunod

[11] Fulu-fulu –kataas-taasang diwata ng mga Teduray

[12] rasai – pagdurusa, paghihirap

[13] Tulus – diyos na walang kasarian

[14] keilawan – tao o human. Sa Teduray, may terminong etew na tumutukoy sa keilawan (human) at meginalew (espiritu)

[15] Unggak – espiritung gumagabay sa pagkukuwento

[16] Seminar ukol sa karapatang pantao kung saan inimbita nila ako bilang tagapagsalita.

[17] fesayawan – pook sayawan; malinis na lupa sa harap ng bahay ng datu na pinagdarausan ng ritwal, kasayahan, at mga pagpupulong