Bisyon ng Bagong Daigdig: Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Emmanuel Villajuan Dumlao
Unibersidad ng Pilipinas Los BaƱos


A B S T R A K

Tinatalakay ng sanaysay kung paanong ang Ang Ginto sa Makiling – na may palasak na tema at naratibo ng romantikong pag-ibig – ay nagtataglay ng isang subersibong kamalayan. Iniluwal ng isang tiyak na pook at panahon,  ang nobela ay isang tinig  na  nakikipagtalaban sa iba pang mga salik at puwersang pangkasaysayan; tinig na naghahapag ng daigdig na salungat sa sistemang  panlipunang kinapalooban ni Pineda.

 Sa pamamagitan ng pagbusisi sa sosyo-historikal na konteksto ng nobela at ng awtor, layunin ng sanaysay na maghain ng isang perspektibang lihis sa mga naunang pagsusuri na nagtutuon sa teknikal na aspekto ng akda. 


Key Terms
Macario Pineda
Nobelang Tagalog
Panunuring pampanitikan
Kasaysayan at literatura


             Binubusisi ng sanaysay ang nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda sa tanglaw ng pagtingin nina Balibar at Macherey ukol sa ugnayan ng panitikan at kasaysayan:

                        It is important to ‘locate’ the production of literary effects historically as part of the ensemble of social practices. For this to be seen dialectically rather than mechanically, it is important to understand that the relationship of ‘history’ to ‘literature’ is not the relationship or ‘correspondence’ of two ‘branches’, but concerns the developing forms of an internal contradiction. Literature and history are not each set up externally to each other (not even as the history of literature versus social and political history), but are in an intricate and connected relationship, the historical conditions of existence of anything like literature (kina (Eagleton at Milne 1996: 279).

Sa ganitong lente, Si Pineda, tulad ng kanyang akda, ay hindi lamang produkto ng kanyang panahon; isa rin siyang lakas na nakikipagtalaban at tagisan sa iba pang mga salik at puwersang pangkasaysayan.  Ang dinamismong ito ang magsisilbing angkla ng pagbusisi sa akda.

Umiikot ang nobela sa pag-iibigan nina Edong at Sanang, dalawang tauhang pagkatapos subukin ng tadhana sa loob ng apatnapung  taon ay muling nagkapiling.  Palasak na tema ng pag-ibig ang gulugod ng nobela at  kung gayon, maaaring hakain na wala  itong ipinag-iba sa marami pang kuwentong isinulat ng awtor at lumabas sa iba’t ibang magasin noong huling bahagi ng dekada 40.

Sa ganitong pagtingin, malamang na husgahan ang naturang akda bilang eskapista, isang nobelang nagbubunsod ng pagtakas sa salimuot ng panlipunang realidad. Lalo pa nga’t ni hindi man lamang nito sinaling ang kalagayan ng bansa noong nabanggit na panahon.  Panahon ito na lupaypay pa ang bansa sanhi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig,  panahong sinusupil ng Estados Unidos ang mismong mga mamamayan at grupong kaakbay nito sa paglaban sa mga Hapones, panahong naghahari-harian ang mga panginoong maylupa at ang kanilang goons at konstabularya.

Maaaring sabihing ano nga ba naman ang aasahan kay Pineda na hinubog ng   eskapistang kulturang dala ng mga Amerikano sa bansa.  Ipinanganak si Pineda noong 1912 at edukasyong kolonyal ang kanyang sinuso.  Kabilang siya sa “bagong henerasyon ng mga Filipino na nag-aral ng  buhay ng mga bayaning Amerikano, umawit ng mga awiting Amerikano, at nangarap ng niyebe at Sta. Claus” (Constantino Sr. kina Santillan at Conde 1998: 206).  Sa katunayan, sa wikang Ingles unang nagsulat at nakilala si Pineda.  Kabilang sa mga kuwento niyang inilabas ng  Graphic ang “Five Minutes” at ang “Auntie Writes the Ending”, na ayon  sa editor ng naturang magasin na si A. C. Fabian ay maituturing na mga akdang mataas ang uri. Teknik sa kanluraning pagsulat ang tuon ng naturang papuri na sinusuhayan ng pagtinging “waring higit na nahaling si Pineda sa paggamit ng teknik kaysa pagpapahayag ng isang pangkalahatang bisyon ng magkakaugnay na aspeto ng pansariling karanasan” (Reyes kay Pineda 1990:13).  Tinutukoy ni Reyes sa obserbasyon niyang ito ang unang bahagi ng kasaysayan ng awtor bilang manunulat.

Maging sa mga kuwentong Tagalog ni Pineda ay ganito rin ang tabas ng pagsusuri.  Halimbawa, ayon kay Clodualdo del Mundo:

Si Pineda ay hindi lamang nagpapakilala ng kasanayan sa pagbalangkas ng isang tunay na maikling katha; pinatutunayan pa rin niya ang kaniyang kabihasnan at kataimtiman sa paglikha ng mga tauhang katutubo sa ating mga nayon.  Siya’y isang matapat na tagapaglarawan ng buhay-nayon at mga tauhang doon nag-ugat ang mga buhay (Gonzales, Marin, Rubin 1982: 232).

            Lalong titibay ang pagtinging tiwalag sa salimuot ng realidad panlipunan ang mga akda ni Pineda kapag isinaalang-alang ang kanyang personal at pampamilyang sirkumstansya sa konteksto ng kalakarang pampanitikan ng kanyang panahon.  Pito ang kanyang anak, ibinilanggo dahil pinaghinalaang gerilya, nagkasakit ng tuberkulosis. Dumating ang panahong sa pagsusulat na lamang nanggagaling ang kabuhayan ng kanyang pamilya. Hanggang pati nga pagsulat ng ‘kapalaran’ ay kanya na ring pinatulan.  Bunsod ng ganitong sipag sa pagsusulat, inakusahan siyang “lumihis ng landas at nagtayo ng pagawaan ng kuwento at nobela sa kanilang tahanan” (Agoncillo 1949: 52).

            Batay rito, maaaring mahaka na ang konsiderasyon na lamang ni Pineda ay malathala upang kumita. Samakatwid, nagsusulat siya ayon sa panlasa ng mga editor ng mga magasing naglalathala ng kanyang mga akda, gaya ng Liwayway, Ilang-Ilang, Aliwan, atbp.  Kung ganoon, kauna-unawa nga na magtuon na lamang siya sa mga palasak na paksa at pamamaraan ng pagkukuwentong kinasanayan ng mga mambabasa na ang pagtangkilik ay napakahalaga sa pananatili ng isang publikasyon.

            Samakatuwid, maging ang pagpapasya ni Pineda na talikdan ang Ingles at magsulat sa Tagalog ay maituturing na isa lamang tulak ng pagtugon sa kalam ng tiyan.

Inilathathala ang  Ang Ginto sa Makiling  noong 1947,  panahong nililiglig ng ligalig ng krisis sa politika, gutom, pangangamkam ng lupa, patayan, at iba pang porma ng karahasan ang bansa, partikular ang Gitnang luson.  Taga-Malolos si Pineda at saksi siya sa ligalig na ito. Sinagap ng sensitibo niyang kamalayan ang samutsaring kaisipan at pagpapahalaga mula sa iba’t ibang kampo at paksyon ng lipunan.

Tama ang hinala ng mga Hapon nang hulihin nila si Pineda -- propagandista siya ng kilusang gerilya sa Bulacan (Reyes kay Pineda: 1990).  Maaari nating itanong kung gayon: Bakit napakatiwalag naman ng mga akda ni Pineda sa realidad ng ligalig na ito?  Maging ang mga kuwento niyang “Sinag sa Dakong Silangan” at “May Landas ang mga Bituin” na tuwirang pumapaksa sa digmaan ay salat na salat sa pagsisiwalat ng lalim at lawak ng  kalupitan ng mga mananakop na Hapones.

            Anong klaseng gerilyang manunulat si Pineda at hindi niya pinagtuunan ng kaukulang pansin ang panlipunang realidad ng kanyang panahon?  Bakit hindi hinagip ng kanyang panulat ang dagundong ng mga hayag at lihim na kilusan laban sa mga Hapon, sa mga Amerikano,  at sa bagong tatag na republika? 

            Hindi pa man napapawi ang init  sa mga armas ng  HUKBALAHAP na gumapi sa mga Hapones noong 1945, litaw na litaw na ang tunay na intensyon sa likod ng pangakong “I shall return” ni McArthur.  Pinagdadadakip na ng USAFFE ang mga gerilya.  Sa Nueva Ecija, ikinulong sina Silvestre Liwanag, Luis Taruc,  Castro Alejandrino at iba pang lider ng mga gerilyang lumaban sa Hapon.  At sa taon ding iyon, nangyari ang isang halimbawa ng kataksilan at panunupil ng Estados Unidos sa mga Pilipino. Minasaker ang 109 kasapi ng  Iskuwadron 77 ng HUKBALAHAP.  Sa pamumuno ni Kolonel Adonias Maclang, na binansagang tulisaffe (Agoncillo 1990),  dinakip ang naturang mga gerilya.   Walang paglilitis, pinaghukay sila ni Maclang ng libingan at ipinabaril sa kanyang mga sundalo  (Kerkvliet 1993).

Sinundan ito ng  masaker sa Maliwalu, Bacolor Pampanga at ng tinatawag na MASICO Affair sa Laguna o ang pagmasaker sa mga inosenteng mamamayan.  Sa panahong ito, military police at goons ng mga panginoong maylupa ang naghahari sa kanayunan na itinuturing na “no man’s land” (Agoncillo 1990: 451).   Sa paningin ng isang kasapi ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), ang kalagayan nila noon ay  “kasing-sama, kung hindi man mas masahol pa, sa pananakop ng Hapon” (Kerkvliet 1993: 58).

Noong Agosto 24, si Juan Feleo na isa sa mga lider ng kapisanan ng magbubukid sa Gitnang Luson, ay dinukot at pinugutan ng ulo.  Papunta sila noon sa Maynila upang makipag-usap kina Luis Taruc nang harangin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang sinasakyan. Kasamang pinaslang ang kaniyang asawa at  lima pang kasamahan.  Makaraan ang ilang linggo, natagpuan ang kanilang mga bangkay sa ilog Pampanga.  Inihudyat ng pangyayaring ito ang pagguho ng nalalabi pang pag-asa para sa pagpapairal ng kapayapaan sa buong bansa.  Limang araw pagkatapos dukutin si Feleo, sumulat si Luis Taruc kay Pangulong Roxas upang sabihin ang kapasyahan niyang sumapi sa armadong pakikibaka (Kerkvliet 1993). 

Sa gitna ng nagsasalimbayang mga pangyayaring ito, bakit tila wala man lang ni isa sa mga tauhan sa Ang Ginto sa Makiling ang direktang kumakatawan sa mga makabayang samahan sa Gitnang Luson  gaya ng PKP, HMP, PKM, AMT, atbp.?

susi  sa pagbibigay-kabuluhan

            Sa mas masinsin at malalim na pagsusuri, makikitang ang  Ang Ginto sa Makiling  ay hindi lamang kalipunan ng mga teknik na mahusay na ikinamada ni Pineda.  May higit pang dahilan kaysa sa mga ito kung bakit tinangkilik ito ng kanyang mga mambabasa.   Totoong hindi na natin maaaring makausap pa ang mga orihinal na mambabasa ni Pineda upang alamin ang mga dahilan ng ganitong pagtangkilik. Gayunman,  maaari pa rin nating ipaliwanag ang kabuluhan ng awtor at ng akda dahil nasa akda mismo ang susi ng pagbibigay-kabuluhan (Reyes kay Pineda 1990).

            Upang mahanap at mahusay na magamit ang susing ito, kailangan munang tingnan ang nobela bilang luwal ng isang takdang pook at panahon, “in a field of conflict, where moral claims are made by various social groups” (Mojares 1989: 47).  Kung gayon, ang Ang Ginto sa Makiling ay isang tiyak na tinig, isang depinidong na paninindigan at lakas na pinagitaw ni Pineda sa pamamagitan ng paglikha ng iba’t ibang klaseng daigdig.

            Tatlong daigdig na may kani-kaniyang realidad ang nilikha ni Pineda sa nobela. Una, ipinasisilip niya ang kasalukuyang mundo (1947) ng tagapagsalaysay,  ang mundong nakasandig sa mga katotohanang factual at accurate,  mundong umiingos sa mga sinaunang paniniwala, gaya ng tiyanak, duwende, at iba pang kababalaghan. Ito ang mundong kinukubabawan ng pragmatismo at positibismo na bitbit ng kolonyalistang Estados Unidos.  Napakaikli ng paglalarawan ni Pineda sa mundong ito ngunit kaagad mararamdaman ang tagisan ng dalawang magkasalungat na pagpapahalaga.  Mauulinig  na rito ang subersibong kamalayan at paninindigan ng awtor. 

            Sa pagbukas ng nobela, ipinuwesto ni Pineda ang tagapagsalaysay, na siyang pangunahing daluyan ng kontra-kamalayang nangingibabaw sa kabuuan ng nobela, sa isang dehadong posisyon -- tagasalo ng asignaturang ayaw gampanan ng tauhang nagbabandila ng modernong kaisipan. Higit sa usapin ng husay sa paggamit ng teknik sa pagkukuwento, ang ganitong kamada ay nagpapakita ng malalim na ugnay ng awtor sa kamalayan at tradisyon ng kanyang mambabasa.  Hinuli niya rito ang paghuhugpong ng katutubo at Kristiyanong pagpapahalaga na buhay na buhay sa kamalayan ng mga Pilipino:  ang paniniwala sa mga “kababalaghan” at ang kababaang loob. Sa Pasyon at Rebolusyon, ipinakikita ang kapangyarihan ng kamalayang ito na unang nasaksihan noong 1841 nang maghimagsik ang mga kasapi ng Cofradia de San Jose, sa pamumuno ni Apolinario dela Cruz,  laban sa mga Kastila (Ileto 1979).  Naglakbay ang titis nito  hanggang  Gitnang Luson at muling umapoy bilang Kolorum at Sakdal noong dekada 30.   Sa lawak at sinsin ng paglaganap nito sa Gitnang Luson, hindi malayong makasalamuha ni Pineda ang mga kasapi nito.  Hindi malayong ang pananaw-mundo ng mga samahang ito ay nakipagtalaban at tagisan sa sistema ng pagpapahalagang hinubog sa kanya ng kolonyal na edukasyong Amerikano. 

            Ikalawa, inilalarawan ni Pineda sa mundong nilakhan ni Doro ang pagtatagisan ng iba’t ibang  pagpapahalaga at interes.  Pandayan ito ng kadalisayan  ng loob, isang larangang kailangang pagdaanan ng sinumang naghahangad ng kaginhawahan at kapayapaan.  Sa mundong ito sinubok ang pagkatao at pag-iibigan nina Sanang at Edong.  Ipinakikita rito ng awtor ang tunggalian ng kabutihan at kasamaan: ng kadalisayan ng loob, pakikiramay, at katapatan (sa katauhan nina Doro, Sanang at Edong, Kabisang Indo, Nanong Balabal, atbp.) laban sa makasariling paghahangad, karumihan ng budhi, at kataksilan (sa katauhan nina Sebio, ng binatang taga-Santol, atbp.)

            Sa bahaging ito, binubulatlat ni Pineda ang bulok ng kanyang panahon, sa isang pailalim na ulos.  Ang paglalarawan niya ng karahasang idinulot ng labanan sa pagitan nina Kabisang Indo at ng mga taga-Santol ay tila isang lohikal na debelopment lamang sa kabuuang balangkas ng nobela – may naagrabyado, may gumanti.  Sa unang tingin, natural na daloy lamang ito ng naratibo. Ngunit kapag binasa sa konteksto ng kalagayan ng bansa, partikular ng Gitnang Luson noong huling bahagi ng dekada 40, isa itong matalas na pahayag ng pagkadismaya sa kaayusang panlipunan ng nabanggit na panahon.  Mas titingkad ang pagkadismayang ito kapag itinabi ang nabanggit na tagpo sa sinabi ni Edong na isa sa mga katangian ng bayan ni Makiling: “Walang punong-bayang may nakikilalang kaibigan at mayroong hindi (247).

            Kapansin-pansin sa nobela, lalo na sa bahaging ito ng pisikal na komprontasyon ng mga tauhan, ang kawalan ng politikal na istrukturang magpapairal ng regulasyon sa komunidad. Inilagay ni Pineda sa taumbayan ang pagpapasya.  Nasa kanilang kamay ang batas at ang katarungan.  Sa ganitong paglalarawan, hindi lamang ipinakikita ni Pineda ang aktuwal na kondisyon ng kanyang panahon kundi mas higit, inalisan niya ng lambong ang “kapayapaan”  ng pacification campaign ng Estados Unidos sa bansa.  Hinubaran niya ang mga pretensyon ng imperyalistikong hegemonya nito na isinalaksak sa mga Pilipino sa pamamagitan ng politika, relihiyon, edukasyon, at panitikan (San Juan, Jr.:1996).

            Ikatlo, sa pamamagitan ng alamat ni Maria Makiling na inilangkap niya sa nobela, inilalahad ni Pineda ang kanyang bisyon ng isang ideal na daigdig.  Sa mundong ito, tanging ang mga nagtataglay ng dalisay na  loob ang nakapapasok.  Pinamamahalaan ni Mariang Makiling, nakatira sa pinagpalang pook na ito ang mga bayaning nag-alay ng buhay para sa bayan. Narito rin ang tauhang nakaukit sa puso at isip ng Pilipino, gaya ng mag-inang sina Sisa at Crispin.  Sa madaling salita, ang mundong ito ang kataliwasan ng kasalukuyang mundo ng tagapagsalaysay at ng mundong nilakhan ni Doro.  Tahanan ito ng mga uliran at ng mga  maliliit at inaapi sa kasaysayan.  Ang kaligayahan ng mga nakatira rito ay

ang kanilang pagtitinginang tunay na sa mga magkakapatid. Ang kakanin ng isa’y ipakikihating walang agam-agam sa nangangailangan.  Ang isang kabang palay na hiniram sa tag-ulan ay isang  kabang palay ring isasauli sa tag-araw… (247).

            Pinalulutang dito ni Pineda ang bisyon niya ng komunal na pamumuhay na pinamamayanihan ng pagkakapantay-pantay at kawalan ng pagsasamantala.  Binibigkis ito ng  diwa ng tunay na kapatiran. Sino ang makapipigil sa mga mambabasa ni Pineda na tingnan ang pinagpalang pook na ito kung saan “ang lahat ay nabubuhay sa katotohanan”  bilang kritisismo sa kanilang aktuwal na kalagayan?  Sinong makapipigil sa mga mambabasa na idugtong ito sa adhikain ng kilusang mapagpalaya na kanilang nakakasalamuha, kung hindi man kinabibilangan? Mas tatalas ang ganitong pagsasalikop ng nobela at ng aktuwal na sitwasyon ng mambabasa sa pahayag ng tauhang si Doro, na nang dahil sa kamusmusan at kadalisayan ng puso ay nakapasok sa pook ni Makiling:

                        Naiisip kong sa kalagayan ng ating bansa ngayon ay dapat sanang pakisalamuhain sa bayan ang mga ulirang yaon. At sa kanilang halimbawa’y akayin ang bansa sa landas ng matuwid, ng katapatan, ng kagitingan, ng katiningan ng loob sa katotohanan,,,, (374)

            Sa siniping pangungusap, isinisiwalat ni Pineda ang kanyang pananaw hinggil sa sistema ng pamamahala sa bansa:  walang matuwid, walang kakayahan ang mga umuugit ng pamahalaan na akayin ang bansa tungo sa kaginahawahan at kapayapaan.  Patay ang katapatan at kagitingan at naghahari ang kasinungalingan.  Tinapos  niya ang nobela sa isang tanong na binigkas ni Doro: “Kailan pa kaya mabubuksan ang mina ng ginto sa Makiling?” (374)  Sa tanong na ito, pinaalingawngaw ni Pineda ang madilim na larawan ng bansa at ang hamon  ng pagbabanyuhay.  

            At ang pagbabanyuhay na ito ay kayang likhain ng tao sa kasalukuyan. Hindi ito isang langit na makakamit sa kamatayan kundi isang kondisyong pagbabanatan ng buto.  Malilikha lamang ito ng mga Sanang at Edong na handang isakripisyo ang personal na kaligayahan, na handang magtaya ng buhay para sa kapuwa.  Mararating lamang ito ng mga Doro na may musmos at dalisay na puso.  Sa ganito, walang puwang sa akda ang eskapismo; bagkus hinahamon nito ang mambabasa na kumilos tungo sa pagbabago. Naghahapag ito ng mga kongkretong pamantayang moral at etikal para sa pagpapakatao, pakikipagkapuwa, at pagbubuo ng bansa.  Ang paggamit ni Pineda sa alamat ni Makiling bilang batayan ng nobela ay isang “malikhaing pagbibigay ng bagong interpretasyon sa isang matandang alamat upang lalong maunawaan ng publiko ang kabuluhan ng nakaraan sa kasalukuyan” (Reyes 1982: 142).

            Sa pagtatalaban ng tatlong mundong nilikha ni Pineda at ng  aktuwal na kalagayan ng mga mambabasa ng Ang Ginto sa Makiling, makikita ang pagsasalikop ng panitikan at realidad panlipunan.  Aalingawngaw sa nobela ang dantaong tema ng pagpapakasakit, pagdadamayan, pagdalisay ng kalooban – mga pagpapahalagang nakaukit sa puso at kamalayan ng mga Pilipino.
Kung gayon, nagsilbing instrumento ni Pineda ang nobela upang “antigin hindi lamang ang damdamin ng publiko kundi ang kanilang isipan upang masusi nilang limiin ang kakulangan at kadahupan ng sariling buhay at karanasan” (Reyes kay Pineda 1990: 59).

            At sa mga pagliliming ganito, tumitining ang paghahangad ng tao sa kalayaan at katotohanan, ang pagsasakatuparan niya ng bisyon ng isang bagong daigdig.


Mga Sanggunian

Agoncillo, T. (1990). History of the Filipino People, (8th ed). QC: GAROTECH Publishing.

__________ (1948) Ang Maikling Kuwentong Tagalog (1886-1948). QC: Inang Wika Publishing.

Eagleton and Milne. (1996). Marxist Literary Theory. USA: Blackwell Publishers, Inc.

Gonzales, L., Ludivina Cresini-Marin, at Ligaya Tiamson-Rubin. (1982). Panitikan sa Pilipino: Pandalubhasaan. Manila: REX Book Store.

Ileto, R. (1979). Pasyon and Revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910.
                 QC: ADMU Press.

Kerkvliet, B. (1979). The Huk Rebellion: A Study of Peasant Revolt in the Philippines.
                QC: New Day Publishers.

Lumbera, B. (2008).  Panayam.

Mojares, R. “Waiting for Mariang Makiling: History and  Folklore”. 44-51. KULTURA. Vol 2, No. 4. (1999). Manila: CCP.

Pineda, M .(1990). Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento ni Macario Pineda.
                Isinaayos at binigyang introduksyon ni Soledad Reyes.  QC: ADMU Press.

Reyes, S. (1982). Nobelang Tagalog 1905-1975: Tradisyon at Modernismo. QC: ADMU Press.

Santillan, N. at M. Conde. (1998). Kasaysayan at Kamalayan: Mga piling akda ukol sa diskursong pangkasaysayan. QC: Limbagang Pangkasaysayan.

San Juan Jr., E. (1996). The Philippine Temptation: The dialectics of Philippines-US literary traditions. Philadelphia: Temple Universtiy Press.

Jollibee


Lagi siyang umaaligid sa Jollibee. Tumatanghod sa mga kustomer para sa tirang coke, french fries, o kung suwerte’y chicken joy. O kung minsan nama’y barya. Sa linis ng dingding na salamin, para siyang putikang patpat na nakasandal sa isang malaking yelo.

Tumapat siya sa akin kanina. Tinitigan ko siya pero binarahan ng halumigmig na nakakapit sa salamin ang tangka kong pakikipag-ugnayan. Gusto ko sanang ipaabot na tanging ang malinis at makapal na salamin ng Jolibbee ang naghihiwalay sa amin. Pero syempre, nagdududa rin ako kung makukuha niya ang aking mensahe kahit na nga siguro magkanduduling ako sa pagpapalamlam ng mata. Iba kasi ang karanasan ng pagtanghod sa labas kaysa pag-upo sa loob ng Jollibee.

Sa loob, nakikita niya na binabati, pinaglilingkuran, nakapag-uutos, at pinasasalamatan ang mga kustomer. Malaya silang nakakakilos, nakakapunta sa comfort rooms nang walang nagbabawal. Nakakapamili  ng puwesto, nakakapag-request na hinaan o lakasan ang aircon. Nakakahingi ng ketchup, suka at kung anu-ano pang pampasarap o pampagana sa pagkain. Malaya sila sa usok, tindi ng sikat ng araw, at ulan.

Samantalang siya, mapaloob o mapalabas, ipinagtatabuyan. Wala siyang pribelihiyo ng relax na pagkilos lalo na sa panahon ng pagsalisi sa guwardiya para unahan ang crew sa paghipos sa mga pinagkainan ng kustomer. Maging ang pagtanaw at pagtakam sa mga pagkain ay hindi rin niya palaging magawa dahil ipinagbabawal nga ang pagtanghod.

Alam kong batid niya ang dahilan ng ganito - wala siyang pera, hindi siya mayaman, tambay lamang siya. At araw-araw ay nararanasan niya na ang Jollibee -  na itinuturing na simbolo ng tagumpay ng negosyong Pinoy; simbolo ng pag-unlad (mula sa pagiging talahiban ay naging kaayaaya at kapakipakinabang ang lugar); nagbibigay ng convenience sa mga taong masyadong abala; nagsisilbi ring lugar ng iba’t ibang klase ng pagtitipon o mga impormal na miting; nagp-oprovide ng job opportunities, at kung ano-ano pang biyaya -  ay isang makapal na bubog na lalong sumusugat sa kanyang pagkatao, lalong dumudusta sa kanyang pagkaaba.

Makukumbinsi ko ba siya sa pagpapapungay ng mata? Gayong batid kong nararanasan niya na hindi lamang salamin ang nakapagitan sa aming dalawa?

Dalidali akong tumayo upang iabot sa kanya ang napangalahati ko nang chicken joy at coke. Ngunit di pa ako nakakalabas ay iglap siyang nawala, nasalubong ko ang guwardiya pabalik sa kanyang puwesto.

“Tenk yu ser, kam agen.”


At muli kong nilanghap ang usok-hangin ng Philcoa. Habang nakasakay sa jipni pa-UP, binuklat ko ang aking ulat tungkol sa bago at experimental na panitikan. 

P99.00 only!


Parang isang higanteng kahon ng balota ang Shoe Mart. Nagsasamasama dito, tulad ng pagsasamasama ng balota sa urna, ang iba’t ibang klase ng tao.

Sa unang tingin ay walang sinisino ang Shoe Mart.  Pwedeng i-enjoy ng kahit sino ang lawak, linis, liwanag at lamig ng kaligiran nito. Nakakapaglibot dito hindi lamang ang mga empleyado kundi maging ang mga manggagawa sa konstruksyon; hindi lamang ang mga estudyante kundi maging mga batang lansangan; hindi lamang ang may mga sariling kotse kundi maging ang mga namamasahero at nagka-cadillac (kadilakad).  Talagang tanggap ang lahat. Ano pa nga ba naman ang ibig sabihin ng “welcome” sa bawat entrance nito kundi pagtanggap sa mga kustomer.

Pero sa isang kritikal na pagtingin, nagkakaroon ng bagong bihis ang SM. Lumalalim ang  kahulugan ng pagkakahalintulad  nito sa urna.  Nakagawian na nating tingnan ang urna bilang palatandaan ng pag-iral ng demokrasya sa bansa.  Maaari naman nating ituring ang SM bilang isang larawan ng demokratisasyon, isang lugar na kung saan malayang nakakakilos ang mga tao,  mariwasa man o hikahos.  Sa puntong ito pumapasok ang mas malalim na kahulugan ng pagkumpara sa dalawa: pawang paimbabaw ang ipinapakitang demokrasya ng mga ito, kung matatawag nga itong demokrasya.  Sa totoong buhay,  pera naman ang nagpapasya  kadalasan. At hindi matatawaran ang impluwensya ng pera sa kinahihinatnan ng boto at sa paggalaw ng mga tao sa SM.

Kung matamang pagmamasdan ang tila walang kawawaang salimbayan ng galaw ng mga tao sa SM, tiyak na mapapansin ang kaibahan ng paggamit ng espasyo sa pagitan ng mayroon at wala.  Halimbawa,  mas  kampante ang kilos ng mga taong halos ituring na extensyon ng kanilang sala ang SM --- nakaunat ang paa at nakaatang ang mga siko sa sandalan ng bangko kung maupo; kampanteng maglakad kahit anong suot;  buong tiwalang nakakapaglabas-masok  sa  mga establisyemento at nakapagtatanong sa sekyu o sales personnel;  nakakahipo, nakakapagsukat, nakakabuklat nang walang alinlangan.  Siguro sila  yung mga taong palaging nagi-SM at hindi nawawalan ng pang-SM. 

Samantala, asiwa namang gumalaw ang  mga taong nagtuturing na isang espesyal na okasyon ang pagpunta sa SM.  Dahil espesyal nga , kontodo bihis sila pero hindi matakpan ng gara ng kanilang kasuotan ang pagka-estranghero nila sa lugar.  Mahahalata ang pag-aalinlangan sa kanilang paghipo o maging sa pagbabayad ng paninda.  Kadalasan, nangingimi silang makipag-usap sa sekyu at sales personnel; pasilipsilip lamang sila sa labas ng salamin; maingat sa paglalakad (natatakot makatisod at baka pagbayarin). Sila siguro ang mga tao na tuwing suweldo o kung may espesyal na okasyon lamang, tulad ng birthday, pumupunta sa SM.  Sila yung mga kailangang magtabi ng pang-SM.

Mapapansin din na hindi kampante ang mga gusgusing batang pumapasok sa SM, kahit na sabihing wala silang pakialam sa decorum na hinihingi dito. Iglap at kalkulado pa rin ang kanilang mga kilos. Hindi sila dapat makita ng sekyu hangga’t maaari  dahil kapag nakita sila, purnada ang biyaya nilang barya at tirang pagkain mula sa mga kustomer.  May matatanggap pa silang mura o kaya’y pitik mula sa sekyu.

Kaya kabaligtaran ng ipinapakita ng pahapyaw na pagtingin, hindi welkam ang lahat sa SM. Ang buong istruktura at disenyo nito ay nangingilala --- sinisino nito ang bulsa ng sinomang pumapasok dito.

Texto ng Pangungutya

Isang dambuhalang texto ng pangungutya ang SM.  Kinukutya nito ang mga kustomer na ang pagpunta sa SM ay nangangahulugan ng pagkakait sa sarili,  ibayong pagtitipid at pag-iipon. 

Isang halimbawa ng pangungutyang ito ang mga presyong may “only” sa dulo, halimbawa’y  P99 only.  Ang “only” ay salitang may mas malalim na konotasyon kaysa sa  inihahayag nitong  mura ang paninda o mabait ang kapitalista. Kinukutya nito ang mga taong nagdidildil ng asin at ni walang pagkakataong  makipag-unahan sa mga “sale”. Kung “only” ang turing ng SM sa siyamnapu’tsiyam na piso (ilang kilong bigas rin ang katumbas),  ano kaya ang turing nito sa mga taong hindi maabot  ang presyong ito?  Ano kaya ang turing nito sa mga taong halos masaid ang kita sa isang buwan dahil sa gamot, pamasahe at pagkain at kailangan pang mag-ipon para makapag-mall? 

Kakabit ng “only” ang kalidad ng bilihing pinapatungkulan nito.  Kadalasan, ang mga bilihing ito ay malapit nang ma-expire, may damage, lukot-lukot, madumi  at kung ano ano pa.  Kaakibat din nito ang lokasyon ng naturang mga bilihin.  Nakatambak  ang mga ito sa isang lugar na madaling makita ng lahat.  Madalas kailangan mong makipagsiksikan at maghalungkat para makapili.  Kaibang kaiba sa mga bilihing may pangalan: nakadispley sa mga eskaparate, protektado ng malilinis na salamin,  maayos ang pagkakahilera o kaya’y may kanya-kanyang lalagyan at tinututukan  ng ilaw. 

Karugtong ng distinksyong ito ang dalawang klase ng pagpapahalaga:  mababang klase ang mga bilihing may “only” at idinadambana naman ang mga bilihing may pangalan at mahal.  Sa distinksyong ito makikita ang magkaibang pagpapahalaga sa mga mayroon at walang pera: bale-wala ang wala at sinasanto ang meron.  Isa itong sistema ng lalong pagdidiin sa kaabahan ng mga wala, pagdidiin kasalikop ng mga pangungutyang nararanasan nila sa labas ng SM.


Kaya ang welcome sa bawat entrance at thank you, come again sa bawat exit ng SM ay may dalawang kahulugan: pagkilala at pasasalamat sa mga may pera at pagtataboy at pangungutya naman sa mga wala.


Salimbatayan ng Texto at Kontexto sa aking Kamalayan


“We know perfectly well that we are not free 
to say just anything.” -          Michel Foucault


I           Sariling Danas

Kuwento at utos ang unang engkuwentro ko sa texto. Kuwento at utos na may tiyak na kahulugan at pinanggagalingan, hiwalay ngunit mahigpit ang ugnayan sa realidad.   Kapag inutusan ako, halimbawa, ng aking lolo na magdilig na halaman, buo at tiyak ang kahulugan ng kanyang utos: “magdilig ka ng halaman”.  Ibig sabihin, kailangan kong kumuha ng timba o regador para buhusan ng tubig ang paligid ng halaman sa likod-bahay. Ang mga salitang “halaman”, “timba”, “regador”, “likod-bahay” ay tumutukoy sa aktuwal na “halaman”, “timba”, “regador”, at “likod-bahay”. At may taginting ng awtoridad ang utos na iyon; mga salitang dapat sundin, at di dapat pasubalian. 

            Noong bata pa ako, hindi bungang-isip lamang ang mga kuwento ng aking lolo; mayroong tiyak na korespondensya sa totoong buhay ang mga ito.  May tiyak na representasyon ang mga maligno at lamang-lupa.  Ang duwende ay maliit na taong sayad sa lupa ang balbas; samantala ang kapre ay higanteng may sigarilyong kasinglaki ng poste.  Buhay na buhay sa aking imahinasyon ang mga karakter ng kuwento ni lolo. Kasing-init ng kanyang boses ang presensya nila sa aking diwa. Kasing-totoo sila ng kinatatakutan kong punso sa gilid ng aming bakod.  Nananatili kahit matagal nang tapos ang kuwentuhan.

            Sa pagpasok ko sa eskuwela, nagkaroon ng bagong dimensyon ang mga salitang sinasambit at naririnig ko lamang.  Natuto akong sumulat at bumasa.  At gaya ng mga salitang sinasambit, ang mga salitang nasa papel ay may tiyak na pinapatungkulan.  Ang kumbinasyon ng mga titik na m-a-i-s, halimbawa, ay tumutukoy sa aktuwal na mais. Singtiyak ng tumbasang ito ang pinanggagalingan ng mga salita – ang awtor  na siyang may-ari ng kahulugang inilalapat ng aklat sa aking kamalayan.  Kung hindi ang awtor, ang guro na siyang nagpapabasa ang nagpapataw ng kahulugan.

            Ang mga talata sa Bibliya na matututuhan kong basahin ay may tiyak ding
painapatungkulan: ang langit ay lugar na pupuntahan ng mga kaluluwa ng mababait na tao; ang impyerno ay walang hanggang apoy na nakalaan para sa masasamang tao; ang Diyos ay matandang lalaking balbasarado; ang puno ng Igos ay isang punong hindi namumunga.  At tulad ng salita ng aking lolo, ang mga talatang ito ay dapat paniwalaan at sundin sapagkat utos ng dakilang Diyos na tagapagligtas. Tulad ng salita ni lolo, mataginting ang boses ng Diyos na naririnig ko kapag nagbabasa ako ng Bibliya.

            Dalawang taon matapos ideklara ni Marcos ang Batas Militar (nasa ikaapat na baitang ako noon sa elementarya), naligalig ang payapang tumbasan ng salita at kahulugan sa kinagisnan kong mundo.  Matututuhan ko ang isang klase ng salitang noon ko lamang maririnig.  Isang kantang dala ng mga estudyanteng aktibista na ipinadpad ng pag-oorganisa sa aming lugar:

            Tamad na burgis na ayaw gumawa
            Sa pawis ng iba't nagpapasasa
            Hindi marunong mangahiya,
            Walanghiya!

            Banderang pula iwagayway
            Banderang pula iwagayway
            Ang anakpawis ay mabuhay.

            Hindi katulad ng mga salita ng aking lolo at ng mga talata sa Bibliya, walang malinaw na kahulugan sa akin ang kantang ito.  Isa pa, wala itong alingawngaw ng “utos ng hari na di mababali.” Basta ang dinig ko noon sa 'tamad ana burgis' ay tumataburgis na sa salitang Pantabangan ay nangangahulugang tumatae. 

            Sa aking pagbabalik-tanaw, ito ang unang karanasan ko ng katotohanang puwedeng magkaroon ng iba pang kahulugan ang texto na kaiba sa intensyon ng lumikha nito.  Na ako, na dating tagatanggap lamang ng salita, ay maaaring maglapat ng sarili kong pagkaunawa sa salitang aking nakaka-engkuwentro.  Mas higit, pa, kakabit ng pag-unawang ito ang mga kilos at pakiramdam ng paglaya. Habang kinakanta ko at ng aking mga pinsan ang “tumataburgis”, nagmamartsa kaming naniningkit ang mga mata sa tuwa, lalo na bahaging “Banderang pula iwagayway....” na sinasabayan namin ng pagwawagayway ng hinubad naming mga damit. 

            Mula sa mga salitang inuunawa at tinatanggap sa kontexto ng utos at pagsunod, naranasan ko ang pag-intindi sa salita sa kontexto ng paglalaro at pagsuway.  Mahigpit ang utos ng aking lolo, na bise-alkalde noon at maka-Marcos: “huwag na huwag ko nang maririnig na kakantahin nyo ulit ang kantang iyan”.  Ang pagsuway sa utos na ito ay katumbas ng latay sa puwet o ng talim ng pananakot: “isa pa at tatamaan na kayo.” Pero malakas ang batak sa amin ng kantang iyon, kaya magpapatuloy ang pagsuway.  Hindi na lamang ako kumakanta ng tumataburgis kundi makikipagtalaban pa sa iba’t ibang texto -- mga polyetos at iba pang babasahin na naglalatag ng kontexto ng paghihigpit ng aking lolo. At lalawak ang pag-intindi ko sa pagparoot-parito ng mga aktibista sa aming lugar; ang pagtutol ng mga kababayan sa aming paglikas; ang paglipana ng mga sundalo; at higit sa lahat, ang pagpapalubog ng aming bayan para gawing dam.

            Mula rito, uusbong ang realisasyon na hindi simpleng obhektibong tumbasan ang relasyon ng salita at realidad.  Na ang salita ay hindi lamang nyutral na simbolong tagapagpangalan ng mga bagay at karanasan, isa rin itong kasangkapan ng politikal na kapangyarihan at kontrol. Na ang salita ay larangan ng ideolohikal at makauring tunggalian. 

            Matututuhan ko na ang pagbabawal ng aking lolo sa kantang tumtaburgis ay bahagi ng  mapaniil at mapanlinlang na texto at kontexto ng batas militar.  Magkakaroon ng bagong mukha ang mga tauhan sa mga kuwento ng aking lolo, mga mukhang bibigyang hugis ng sarili kong imahinasyon batay sa aking pagtanggap at hindi na sa dikta ng makapangyarihang tinig ng aking lolo.  Hindi na iisa ang ibig sabihin ng duwende, ng kapre; hindi na iisa ang pinanggagalingan ng kanilang kahulugan; at hindi na lamang ako simpleng tagapakinig.  Isa na rin akong manlilikha ng texto at kahulugan.


II         Pakikipagtalaban sa Teorya

            Sa larangan ng panitikan, texto ang katawagang ginagamit upang tukuyin ang iba’t ibang mga akda, lalo na ang mga nakasulat.  Sa texto umiinog, naglalagos, nagbabanggaan ang iba’t ibang teoryang pampanitikan, na hinati ni Wendell Harris sa dalawang kampo: hermetic at hermeneutic (Harris, Litearary Maeaning). Hermetic ang tawag ni Harris sa mga teoryang nagtuturing sa texto bilang endtidad na walang ugnay sa mundo o realidad. Para sa hermetic, wala sa labas ng salita ang kahulugan ng isang akda, kundi nasa loob mismo nito – nasa wika, nasa kasangkapang pampanitikan.  Itinuturing naman ng hermeneutic na may kaugnayan sa lipunan ang texto.  Isa itong imbitasyon tungo sa malalim na pag-unawa sa realidad.

            Ngunit hindi ganito kasimple ang hatian ng mga teoryang ito.  Bagamat nagkakaisang walang kinalaman sa realidad ang texto, ang mga teoryang nakapailalim sa hermetics ay nagsasalungatan din sa kanilang mga lapit ukol sa pag-unawa sa kahulugan at kabuluhan ng texto.  Idinidiin ng Russian formalism, halimbawa, na ang pagsusuring pampanitikan ay dapat maging syentipiko tulad ng lapit sa likas na agham.  Sa ganitong pagtingin, tanging ang mga pampanitikang kasangkapan ang dapat tingnan sapagkat ang mga ito lamang ang maaaring pag-usapan at pagkasunduan sa pamamaraang syentipiko.  Ang kinasanayang paraan ng pagbasa sa akda ay walang kinalaman sa akda, kaya: ipaubaya na sa kasaysayan ang pagbusisi  sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng lipunan; sa sosyolohiya ang tungkol sa kalagyaan at relasyon ng mga tao at komunidad; sa sikolohiya ang mga bagay na tungkol sa kamalayan, gawi, at pag-iisip ng indibidwal; sa relihiyon ang tungkol sa mga aral.
 
Salungat naman sa ganitong pagtingin ang kabilang dulo ng formalism, ang New American Critics.  Idinidiin nito na hindi maaaring isalang sa laboratoryo ang emosyon, ang espiritu ng tao na siyang itinatampok ng panitikan.  Naniniwala itong ang mga akda ay kalipunan ng mga kasangkapan, ngunit ang mga ito ay hindi upang bigyan lamang ng sariwang karanasan o perspektiba ng isang bagay ang mambabasa.  Mas higit, kasangkapan ito upang mas maunawaan ang ideyal na esensya ng tao at ng kanyang ugnay sa dakilang Espiritu.

           
Para naman sa istrukturalismo, walang halaga ang texto; bahagi lamang ito ng pang-araw-araw na pahayag (utterance) na nagkakaroon lamang ng kabuluhan  dahil sa pag-iral ng isang unibersal na mga istruktura ng wika. Walang bagong texto, and lahat ay pag-uulit-ulit lamang ng mga dati nang nakasulat. Wala nang ginagawa ang manunulat kundi  muling isalansan, kumpunihin, pagsamahin ang mga dati nang umiiral na akda.  Patay na ang awtor at sa kamatayang ito isinilang ang mambabasa, ayon nga kay Roland Barthes.

            Sa teoryang ito, hindi mahalaga ang anyo, hindi mahalaga ang mga kasangkapang pampanitikan; may halaga lamang ang akda dahil nagsisilbi itong bintana kung saan masisilip ang unibersal na operasyon ng mga istruktura ng wika, gaya ng gramatika, ponolohiya, semantika.  Sa equation ni Ferdinand de Saussure,  langue/parole.  Ang parole bilang tawag sa pang-araw-araw na pahayag kasama na ang mga akdang pampanitikan at langue, na tumutukoy sa mga istruktura ng wika na siyang gumagabay sa pagbuo ng mga pangungusap na nauunawaan.

            Ang texto, ayon kay Saussure, ay isang senyal na binubuo ng dalawang aspekto – ang signified at signifier.  Bahagi ang mga ito ng iisang kabuuan at mahigpit ang ugnayan sa isa’t isa ngunit kailanman ay hindi ganap na magtatagpo.  Hindi kailanman mahuhuli ng salitang tumutukoy (signifier) ang salitang tinutukoy (signified).  Halimbawa, ang salitang bukid bilang senyal ay hindi nakatali sa konsepto ng lupang tinatamnan ng palay dahil wala naman sa pinagkabit-kabit na mga letrang b, u, k, i, at d at sa tunog na nililikha ng pagkakabit na ito ang pagkabukid ng bukid o ang konsepto ng lupang tinatamnan.  Kung hindi ganito, hindi sana magiging bundok ang pagkaunawa ng isang Cebuano sa salitang bukid.  Kung gayon, pinasusubalian nito ang paniniwalang ang salita ay simbolong may tiyak na katumbas sa realidad. Ayon kay Roland Barthes:

            We now know that the text is not a line of words releasing a single theological meaning (the ‘message’ of an author-God) but a multi-dimensional space in which a variety of writing, none of them original, blend and clash.  The text is a tissue of quotation drawn from innumerable centers of culture.” (Culler, pp. 32-33)
  
Ayon sa istrukturalsimo, arbitraryo ang kahulugan;  nabubuo ito hindi dahil nakapaloob na ito sa mga titik at tunog na bumubuo nito kundi dahil  ito ay kaiba sa iba pang kahulugan o salita.  Sa ganitong lohika, ang bukid ay naging bukid dahil hindi ito bukod, hindi ito bukad, hindi bakod, atbp. 

Di maglalaon, ang ganitong pagtingin sa texto ay tatalikuran din ng mismong mga pasimuno nito.  Isa sa mga problemang kakaharapin nila ay mismong ang konsepto ng binary opposition na puso at kaluluwa ng istrukturalismo.  Halimbawa, itinuturing nilang mas mahalaga ang langue kaysa parole ngunit sa mas masinsing pagsusuri, lumalabas na mas importante ang parole dahil kung wala ito, paano malalaman ang operasyon ng langue?  Itutulak sila ng  ganitong kawalan ng istableng posisyon ng senyal tungo sa masalimuot ng mundo ng post-structuralism,  kung saan ang lahat ay nagsasalimbayan bilang mga texto.  Sa mundong ito, na ang lahat ng bagay at texto, walang sentro.  Ang awtor, ang mambabasa, ang kanilang lipunan ay kapuwa mga texto na nakikipagtalaban sa isa’t isa.  Wala nang pagkakaiba ang texto sa kontexto
At dahil walang hanggan ang pagkakaiba-iba ng mga salita, walang hanggan din ang paghahanap ng kahulugan.   Amen.

            Samanatala, gamit ang diagram ni Roman Jacobson na

                                                            CONTEXT(referential)
            WRITER (emotive)                WRITING (poetic)                 READER (connotative)
                                                            CODE (metalinguistic)

inihanay ni Raman Selden ang mga teoryang pampanitikan nang ganito:

                                                            MARXIST
            ROMANTIC                          FORMALISTIC                     READER-ORIENTED
                                                            STRUCTURALIST

Nakatuon ang  formalist theories sa mismong akto ng pagsusulat nang tiwalag sa realidad.  Ang structuralist theories naman ay nakapokus sa wika, sa mga istruktura nito.  Kabilang ang dalawa sa tradisyong hermetic.

            Samantala, buhay at kamalayan naman ng awtor ang konsentrasyon ng romantic theories. Binusisi ng mga ito ang emosyon, paniniwala, paninindigan ng awtor.  Kinikilingan naman ng Marxist theories ang sosyal at historikal na kontexto ng texto. Inuusisa nito ang kalagayang nagluwal ng akda.  Karanasan, pananaw, at emosyon naman ng mambabasa ang binibigyang-diin ng reader-oriented theories.  Nakapaloob ang tatlong ito sa tradisyon ng hermeneutic.

            Naniniwala ang tatlong ito na ang texto ay may kakayahang magbigay-liwanag sa mga entidad labas sa salita:  sa awtor, sa lipunan, sa mambabasa. 

            Masasalamin sa texto ang intensyon ng manunulat, nakatala rito ang kanyang paniniwala at paninindigan.  Maririnig sa kanyang akda ang kanyang tinig, madarama ang kanyang emosyon.  Sa pamamagitan ng kanyang tula, halimbawa, masisilip, kung hindi man magagalugad, ang kamalayan ng makata..

            Larangan ng pakikilahok sa pagbuo ng kahulugan ang texto.  Isa itong bukas na parang na nagbibigay ng pagkakataon sa mambabasa na makipagtalaban sa awtor sa pagbuo ng panibagong kahulugan.  Nangyayari ito dahil walang textong tapos na ang kahulugan.  “The meaning of the text is never self-formulated;” sabi nga ni Selden, “the reader must act upon the textual material in order to produce meaning.” (p. 109)

            Wala sa diagram ni Selden ang feminism at post-colonial theory pero maihahanay rin ito sa tradisyong hermeneutic. Hindi masusukat ang papel ng texto sa pagbibigay-katuwiran sa patriyarkismo. Kadalasan nang inilalarawan sa panitikan ang babae bilang mahinang kasarian na nararapat lamang maging anino o pag-aari ng lalaki.  Sa Katolisismo halimbawa, mas binibigyang-diin ang kuwentong nagmula si  Eba sa tadyang ni Adan kaysa sa pantay na pagakakalikha sa kanila ng Diyos. Sa kabilang banda, texto rin ang pangunahing magiging kasangkapan ng kababaihan upang palayain ang kanilang sarili mula sa hulmang pinaglagakan sa kanila ng patriarkal na lipunan.

            Kaugnay naman ng pananakop, sinasabi ni Said na totoong sa lupa umiinog ang sentrong tunggalian sa pagitan ng mananakop at ng sinasakop.  Ngunit ang usapin ng kung sino ang nararapat magmay-ari ng lupa, kung sino ang nararapat tumira at magtrabaho sa lupa, atbp ay pinagpapasiyahan sa naratibo, sa texto. Dagdag ni Said: “The power to narrate or to block other narratives from forming and emerging, is very important to culture and imperialism, and constitutes one of the main connections between them.” (Culture and Imperialism p.xiii)

            Tunay na  ang texto ay isang entidad na hindi maaaring ihiwalay sa lipunan.  Hinubog ito ng isang partikular na lipunan at panahon at katulong rin ito sa paghubog ng lipunan at panahong iyon.  Larangan ito ng tunggalian ng mga uri.  Bahagi ito ng gahum (hegemony)  ng naghaharing uri; bahagi rin ito ng sandata ng uring pinagsasamantalahan tungo sa kanilang paglaya. Kapuwa aspekto ng iisang kabuuan ang texto (mga akda) at kontexto (lipunan).  Ayon kay Edward W. Said sa The World, the Text, and the Critic, “It is not only that any text … is a networking of often colliding forces but also that a text in its actually being a text, is a being in the world, it therefore addresses anyone who reads…” (p. 33)

Binibigyang-diin dito ni Said ang diyalektikong ugnayan ng panitikan at lipunan, ng texto at kontexto sa pagbuo ng kahulugan.  Ipinakikita niya rito na buhay ang texto, umiiral sa daigdig at samakatuwid ay nakikipag-usap dala ang mga espesipikong realidad ng lipunang inusbungan nito.  Pinasusubalian nito ang mga paniniwalang itinuring na katotohanan sa mahabang panahon:  na ang texto ay walang kaugnayan sa realidad; na ang texto ay isang nyutral na larangan; na ang mambabasa ay pasibong tagatanggap ng katotohanan ng texto. 


----
Mga Sanggunian

Culler, Jonathan D. 1986. On Deconstruction: Theory and Criticism after Structuralism. Cornell Universtiy Press: New York, USA.
 Harris, Wendell V.  1996. Literary Meaning: Reclaiming the Study of Literature. MacMillan Press Ltd.: London, UK.
 Rivkin, Julie and Michael Ryan. 1998. Literary Theory: An Anthology (2nd ed). Blackwell Publisihing:  Oxford, UK.
 Said, Edward W.  1983. The World, the Text, the Critic.  Edward Said: USA
 _____________ . 1994. Culture and Imperialism. Vintage: London, UK.
 Selden, Raman. 1985. A Reader’s Guide to Contemporary Literary Theory.  University Press of Kentucky: USA.