Bisyon ng Bagong Daigdig: Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Emmanuel Villajuan Dumlao
Unibersidad ng Pilipinas Los Baños


A B S T R A K

Tinatalakay ng sanaysay kung paanong ang Ang Ginto sa Makiling – na may palasak na tema at naratibo ng romantikong pag-ibig – ay nagtataglay ng isang subersibong kamalayan. Iniluwal ng isang tiyak na pook at panahon,  ang nobela ay isang tinig  na  nakikipagtalaban sa iba pang mga salik at puwersang pangkasaysayan; tinig na naghahapag ng daigdig na salungat sa sistemang  panlipunang kinapalooban ni Pineda.

 Sa pamamagitan ng pagbusisi sa sosyo-historikal na konteksto ng nobela at ng awtor, layunin ng sanaysay na maghain ng isang perspektibang lihis sa mga naunang pagsusuri na nagtutuon sa teknikal na aspekto ng akda. 


Key Terms
Macario Pineda
Nobelang Tagalog
Panunuring pampanitikan
Kasaysayan at literatura


             Binubusisi ng sanaysay ang nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda sa tanglaw ng pagtingin nina Balibar at Macherey ukol sa ugnayan ng panitikan at kasaysayan:

                        It is important to ‘locate’ the production of literary effects historically as part of the ensemble of social practices. For this to be seen dialectically rather than mechanically, it is important to understand that the relationship of ‘history’ to ‘literature’ is not the relationship or ‘correspondence’ of two ‘branches’, but concerns the developing forms of an internal contradiction. Literature and history are not each set up externally to each other (not even as the history of literature versus social and political history), but are in an intricate and connected relationship, the historical conditions of existence of anything like literature (kina (Eagleton at Milne 1996: 279).

Sa ganitong lente, Si Pineda, tulad ng kanyang akda, ay hindi lamang produkto ng kanyang panahon; isa rin siyang lakas na nakikipagtalaban at tagisan sa iba pang mga salik at puwersang pangkasaysayan.  Ang dinamismong ito ang magsisilbing angkla ng pagbusisi sa akda.

Umiikot ang nobela sa pag-iibigan nina Edong at Sanang, dalawang tauhang pagkatapos subukin ng tadhana sa loob ng apatnapung  taon ay muling nagkapiling.  Palasak na tema ng pag-ibig ang gulugod ng nobela at  kung gayon, maaaring hakain na wala  itong ipinag-iba sa marami pang kuwentong isinulat ng awtor at lumabas sa iba’t ibang magasin noong huling bahagi ng dekada 40.

Sa ganitong pagtingin, malamang na husgahan ang naturang akda bilang eskapista, isang nobelang nagbubunsod ng pagtakas sa salimuot ng panlipunang realidad. Lalo pa nga’t ni hindi man lamang nito sinaling ang kalagayan ng bansa noong nabanggit na panahon.  Panahon ito na lupaypay pa ang bansa sanhi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig,  panahong sinusupil ng Estados Unidos ang mismong mga mamamayan at grupong kaakbay nito sa paglaban sa mga Hapones, panahong naghahari-harian ang mga panginoong maylupa at ang kanilang goons at konstabularya.

Maaaring sabihing ano nga ba naman ang aasahan kay Pineda na hinubog ng   eskapistang kulturang dala ng mga Amerikano sa bansa.  Ipinanganak si Pineda noong 1912 at edukasyong kolonyal ang kanyang sinuso.  Kabilang siya sa “bagong henerasyon ng mga Filipino na nag-aral ng  buhay ng mga bayaning Amerikano, umawit ng mga awiting Amerikano, at nangarap ng niyebe at Sta. Claus” (Constantino Sr. kina Santillan at Conde 1998: 206).  Sa katunayan, sa wikang Ingles unang nagsulat at nakilala si Pineda.  Kabilang sa mga kuwento niyang inilabas ng  Graphic ang “Five Minutes” at ang “Auntie Writes the Ending”, na ayon  sa editor ng naturang magasin na si A. C. Fabian ay maituturing na mga akdang mataas ang uri. Teknik sa kanluraning pagsulat ang tuon ng naturang papuri na sinusuhayan ng pagtinging “waring higit na nahaling si Pineda sa paggamit ng teknik kaysa pagpapahayag ng isang pangkalahatang bisyon ng magkakaugnay na aspeto ng pansariling karanasan” (Reyes kay Pineda 1990:13).  Tinutukoy ni Reyes sa obserbasyon niyang ito ang unang bahagi ng kasaysayan ng awtor bilang manunulat.

Maging sa mga kuwentong Tagalog ni Pineda ay ganito rin ang tabas ng pagsusuri.  Halimbawa, ayon kay Clodualdo del Mundo:

Si Pineda ay hindi lamang nagpapakilala ng kasanayan sa pagbalangkas ng isang tunay na maikling katha; pinatutunayan pa rin niya ang kaniyang kabihasnan at kataimtiman sa paglikha ng mga tauhang katutubo sa ating mga nayon.  Siya’y isang matapat na tagapaglarawan ng buhay-nayon at mga tauhang doon nag-ugat ang mga buhay (Gonzales, Marin, Rubin 1982: 232).

            Lalong titibay ang pagtinging tiwalag sa salimuot ng realidad panlipunan ang mga akda ni Pineda kapag isinaalang-alang ang kanyang personal at pampamilyang sirkumstansya sa konteksto ng kalakarang pampanitikan ng kanyang panahon.  Pito ang kanyang anak, ibinilanggo dahil pinaghinalaang gerilya, nagkasakit ng tuberkulosis. Dumating ang panahong sa pagsusulat na lamang nanggagaling ang kabuhayan ng kanyang pamilya. Hanggang pati nga pagsulat ng ‘kapalaran’ ay kanya na ring pinatulan.  Bunsod ng ganitong sipag sa pagsusulat, inakusahan siyang “lumihis ng landas at nagtayo ng pagawaan ng kuwento at nobela sa kanilang tahanan” (Agoncillo 1949: 52).

            Batay rito, maaaring mahaka na ang konsiderasyon na lamang ni Pineda ay malathala upang kumita. Samakatwid, nagsusulat siya ayon sa panlasa ng mga editor ng mga magasing naglalathala ng kanyang mga akda, gaya ng Liwayway, Ilang-Ilang, Aliwan, atbp.  Kung ganoon, kauna-unawa nga na magtuon na lamang siya sa mga palasak na paksa at pamamaraan ng pagkukuwentong kinasanayan ng mga mambabasa na ang pagtangkilik ay napakahalaga sa pananatili ng isang publikasyon.

            Samakatuwid, maging ang pagpapasya ni Pineda na talikdan ang Ingles at magsulat sa Tagalog ay maituturing na isa lamang tulak ng pagtugon sa kalam ng tiyan.

Inilathathala ang  Ang Ginto sa Makiling  noong 1947,  panahong nililiglig ng ligalig ng krisis sa politika, gutom, pangangamkam ng lupa, patayan, at iba pang porma ng karahasan ang bansa, partikular ang Gitnang luson.  Taga-Malolos si Pineda at saksi siya sa ligalig na ito. Sinagap ng sensitibo niyang kamalayan ang samutsaring kaisipan at pagpapahalaga mula sa iba’t ibang kampo at paksyon ng lipunan.

Tama ang hinala ng mga Hapon nang hulihin nila si Pineda -- propagandista siya ng kilusang gerilya sa Bulacan (Reyes kay Pineda: 1990).  Maaari nating itanong kung gayon: Bakit napakatiwalag naman ng mga akda ni Pineda sa realidad ng ligalig na ito?  Maging ang mga kuwento niyang “Sinag sa Dakong Silangan” at “May Landas ang mga Bituin” na tuwirang pumapaksa sa digmaan ay salat na salat sa pagsisiwalat ng lalim at lawak ng  kalupitan ng mga mananakop na Hapones.

            Anong klaseng gerilyang manunulat si Pineda at hindi niya pinagtuunan ng kaukulang pansin ang panlipunang realidad ng kanyang panahon?  Bakit hindi hinagip ng kanyang panulat ang dagundong ng mga hayag at lihim na kilusan laban sa mga Hapon, sa mga Amerikano,  at sa bagong tatag na republika? 

            Hindi pa man napapawi ang init  sa mga armas ng  HUKBALAHAP na gumapi sa mga Hapones noong 1945, litaw na litaw na ang tunay na intensyon sa likod ng pangakong “I shall return” ni McArthur.  Pinagdadadakip na ng USAFFE ang mga gerilya.  Sa Nueva Ecija, ikinulong sina Silvestre Liwanag, Luis Taruc,  Castro Alejandrino at iba pang lider ng mga gerilyang lumaban sa Hapon.  At sa taon ding iyon, nangyari ang isang halimbawa ng kataksilan at panunupil ng Estados Unidos sa mga Pilipino. Minasaker ang 109 kasapi ng  Iskuwadron 77 ng HUKBALAHAP.  Sa pamumuno ni Kolonel Adonias Maclang, na binansagang tulisaffe (Agoncillo 1990),  dinakip ang naturang mga gerilya.   Walang paglilitis, pinaghukay sila ni Maclang ng libingan at ipinabaril sa kanyang mga sundalo  (Kerkvliet 1993).

Sinundan ito ng  masaker sa Maliwalu, Bacolor Pampanga at ng tinatawag na MASICO Affair sa Laguna o ang pagmasaker sa mga inosenteng mamamayan.  Sa panahong ito, military police at goons ng mga panginoong maylupa ang naghahari sa kanayunan na itinuturing na “no man’s land” (Agoncillo 1990: 451).   Sa paningin ng isang kasapi ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), ang kalagayan nila noon ay  “kasing-sama, kung hindi man mas masahol pa, sa pananakop ng Hapon” (Kerkvliet 1993: 58).

Noong Agosto 24, si Juan Feleo na isa sa mga lider ng kapisanan ng magbubukid sa Gitnang Luson, ay dinukot at pinugutan ng ulo.  Papunta sila noon sa Maynila upang makipag-usap kina Luis Taruc nang harangin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang sinasakyan. Kasamang pinaslang ang kaniyang asawa at  lima pang kasamahan.  Makaraan ang ilang linggo, natagpuan ang kanilang mga bangkay sa ilog Pampanga.  Inihudyat ng pangyayaring ito ang pagguho ng nalalabi pang pag-asa para sa pagpapairal ng kapayapaan sa buong bansa.  Limang araw pagkatapos dukutin si Feleo, sumulat si Luis Taruc kay Pangulong Roxas upang sabihin ang kapasyahan niyang sumapi sa armadong pakikibaka (Kerkvliet 1993). 

Sa gitna ng nagsasalimbayang mga pangyayaring ito, bakit tila wala man lang ni isa sa mga tauhan sa Ang Ginto sa Makiling ang direktang kumakatawan sa mga makabayang samahan sa Gitnang Luson  gaya ng PKP, HMP, PKM, AMT, atbp.?

susi  sa pagbibigay-kabuluhan

            Sa mas masinsin at malalim na pagsusuri, makikitang ang  Ang Ginto sa Makiling  ay hindi lamang kalipunan ng mga teknik na mahusay na ikinamada ni Pineda.  May higit pang dahilan kaysa sa mga ito kung bakit tinangkilik ito ng kanyang mga mambabasa.   Totoong hindi na natin maaaring makausap pa ang mga orihinal na mambabasa ni Pineda upang alamin ang mga dahilan ng ganitong pagtangkilik. Gayunman,  maaari pa rin nating ipaliwanag ang kabuluhan ng awtor at ng akda dahil nasa akda mismo ang susi ng pagbibigay-kabuluhan (Reyes kay Pineda 1990).

            Upang mahanap at mahusay na magamit ang susing ito, kailangan munang tingnan ang nobela bilang luwal ng isang takdang pook at panahon, “in a field of conflict, where moral claims are made by various social groups” (Mojares 1989: 47).  Kung gayon, ang Ang Ginto sa Makiling ay isang tiyak na tinig, isang depinidong na paninindigan at lakas na pinagitaw ni Pineda sa pamamagitan ng paglikha ng iba’t ibang klaseng daigdig.

            Tatlong daigdig na may kani-kaniyang realidad ang nilikha ni Pineda sa nobela. Una, ipinasisilip niya ang kasalukuyang mundo (1947) ng tagapagsalaysay,  ang mundong nakasandig sa mga katotohanang factual at accurate,  mundong umiingos sa mga sinaunang paniniwala, gaya ng tiyanak, duwende, at iba pang kababalaghan. Ito ang mundong kinukubabawan ng pragmatismo at positibismo na bitbit ng kolonyalistang Estados Unidos.  Napakaikli ng paglalarawan ni Pineda sa mundong ito ngunit kaagad mararamdaman ang tagisan ng dalawang magkasalungat na pagpapahalaga.  Mauulinig  na rito ang subersibong kamalayan at paninindigan ng awtor. 

            Sa pagbukas ng nobela, ipinuwesto ni Pineda ang tagapagsalaysay, na siyang pangunahing daluyan ng kontra-kamalayang nangingibabaw sa kabuuan ng nobela, sa isang dehadong posisyon -- tagasalo ng asignaturang ayaw gampanan ng tauhang nagbabandila ng modernong kaisipan. Higit sa usapin ng husay sa paggamit ng teknik sa pagkukuwento, ang ganitong kamada ay nagpapakita ng malalim na ugnay ng awtor sa kamalayan at tradisyon ng kanyang mambabasa.  Hinuli niya rito ang paghuhugpong ng katutubo at Kristiyanong pagpapahalaga na buhay na buhay sa kamalayan ng mga Pilipino:  ang paniniwala sa mga “kababalaghan” at ang kababaang loob. Sa Pasyon at Rebolusyon, ipinakikita ang kapangyarihan ng kamalayang ito na unang nasaksihan noong 1841 nang maghimagsik ang mga kasapi ng Cofradia de San Jose, sa pamumuno ni Apolinario dela Cruz,  laban sa mga Kastila (Ileto 1979).  Naglakbay ang titis nito  hanggang  Gitnang Luson at muling umapoy bilang Kolorum at Sakdal noong dekada 30.   Sa lawak at sinsin ng paglaganap nito sa Gitnang Luson, hindi malayong makasalamuha ni Pineda ang mga kasapi nito.  Hindi malayong ang pananaw-mundo ng mga samahang ito ay nakipagtalaban at tagisan sa sistema ng pagpapahalagang hinubog sa kanya ng kolonyal na edukasyong Amerikano. 

            Ikalawa, inilalarawan ni Pineda sa mundong nilakhan ni Doro ang pagtatagisan ng iba’t ibang  pagpapahalaga at interes.  Pandayan ito ng kadalisayan  ng loob, isang larangang kailangang pagdaanan ng sinumang naghahangad ng kaginhawahan at kapayapaan.  Sa mundong ito sinubok ang pagkatao at pag-iibigan nina Sanang at Edong.  Ipinakikita rito ng awtor ang tunggalian ng kabutihan at kasamaan: ng kadalisayan ng loob, pakikiramay, at katapatan (sa katauhan nina Doro, Sanang at Edong, Kabisang Indo, Nanong Balabal, atbp.) laban sa makasariling paghahangad, karumihan ng budhi, at kataksilan (sa katauhan nina Sebio, ng binatang taga-Santol, atbp.)

            Sa bahaging ito, binubulatlat ni Pineda ang bulok ng kanyang panahon, sa isang pailalim na ulos.  Ang paglalarawan niya ng karahasang idinulot ng labanan sa pagitan nina Kabisang Indo at ng mga taga-Santol ay tila isang lohikal na debelopment lamang sa kabuuang balangkas ng nobela – may naagrabyado, may gumanti.  Sa unang tingin, natural na daloy lamang ito ng naratibo. Ngunit kapag binasa sa konteksto ng kalagayan ng bansa, partikular ng Gitnang Luson noong huling bahagi ng dekada 40, isa itong matalas na pahayag ng pagkadismaya sa kaayusang panlipunan ng nabanggit na panahon.  Mas titingkad ang pagkadismayang ito kapag itinabi ang nabanggit na tagpo sa sinabi ni Edong na isa sa mga katangian ng bayan ni Makiling: “Walang punong-bayang may nakikilalang kaibigan at mayroong hindi (247).

            Kapansin-pansin sa nobela, lalo na sa bahaging ito ng pisikal na komprontasyon ng mga tauhan, ang kawalan ng politikal na istrukturang magpapairal ng regulasyon sa komunidad. Inilagay ni Pineda sa taumbayan ang pagpapasya.  Nasa kanilang kamay ang batas at ang katarungan.  Sa ganitong paglalarawan, hindi lamang ipinakikita ni Pineda ang aktuwal na kondisyon ng kanyang panahon kundi mas higit, inalisan niya ng lambong ang “kapayapaan”  ng pacification campaign ng Estados Unidos sa bansa.  Hinubaran niya ang mga pretensyon ng imperyalistikong hegemonya nito na isinalaksak sa mga Pilipino sa pamamagitan ng politika, relihiyon, edukasyon, at panitikan (San Juan, Jr.:1996).

            Ikatlo, sa pamamagitan ng alamat ni Maria Makiling na inilangkap niya sa nobela, inilalahad ni Pineda ang kanyang bisyon ng isang ideal na daigdig.  Sa mundong ito, tanging ang mga nagtataglay ng dalisay na  loob ang nakapapasok.  Pinamamahalaan ni Mariang Makiling, nakatira sa pinagpalang pook na ito ang mga bayaning nag-alay ng buhay para sa bayan. Narito rin ang tauhang nakaukit sa puso at isip ng Pilipino, gaya ng mag-inang sina Sisa at Crispin.  Sa madaling salita, ang mundong ito ang kataliwasan ng kasalukuyang mundo ng tagapagsalaysay at ng mundong nilakhan ni Doro.  Tahanan ito ng mga uliran at ng mga  maliliit at inaapi sa kasaysayan.  Ang kaligayahan ng mga nakatira rito ay

ang kanilang pagtitinginang tunay na sa mga magkakapatid. Ang kakanin ng isa’y ipakikihating walang agam-agam sa nangangailangan.  Ang isang kabang palay na hiniram sa tag-ulan ay isang  kabang palay ring isasauli sa tag-araw… (247).

            Pinalulutang dito ni Pineda ang bisyon niya ng komunal na pamumuhay na pinamamayanihan ng pagkakapantay-pantay at kawalan ng pagsasamantala.  Binibigkis ito ng  diwa ng tunay na kapatiran. Sino ang makapipigil sa mga mambabasa ni Pineda na tingnan ang pinagpalang pook na ito kung saan “ang lahat ay nabubuhay sa katotohanan”  bilang kritisismo sa kanilang aktuwal na kalagayan?  Sinong makapipigil sa mga mambabasa na idugtong ito sa adhikain ng kilusang mapagpalaya na kanilang nakakasalamuha, kung hindi man kinabibilangan? Mas tatalas ang ganitong pagsasalikop ng nobela at ng aktuwal na sitwasyon ng mambabasa sa pahayag ng tauhang si Doro, na nang dahil sa kamusmusan at kadalisayan ng puso ay nakapasok sa pook ni Makiling:

                        Naiisip kong sa kalagayan ng ating bansa ngayon ay dapat sanang pakisalamuhain sa bayan ang mga ulirang yaon. At sa kanilang halimbawa’y akayin ang bansa sa landas ng matuwid, ng katapatan, ng kagitingan, ng katiningan ng loob sa katotohanan,,,, (374)

            Sa siniping pangungusap, isinisiwalat ni Pineda ang kanyang pananaw hinggil sa sistema ng pamamahala sa bansa:  walang matuwid, walang kakayahan ang mga umuugit ng pamahalaan na akayin ang bansa tungo sa kaginahawahan at kapayapaan.  Patay ang katapatan at kagitingan at naghahari ang kasinungalingan.  Tinapos  niya ang nobela sa isang tanong na binigkas ni Doro: “Kailan pa kaya mabubuksan ang mina ng ginto sa Makiling?” (374)  Sa tanong na ito, pinaalingawngaw ni Pineda ang madilim na larawan ng bansa at ang hamon  ng pagbabanyuhay.  

            At ang pagbabanyuhay na ito ay kayang likhain ng tao sa kasalukuyan. Hindi ito isang langit na makakamit sa kamatayan kundi isang kondisyong pagbabanatan ng buto.  Malilikha lamang ito ng mga Sanang at Edong na handang isakripisyo ang personal na kaligayahan, na handang magtaya ng buhay para sa kapuwa.  Mararating lamang ito ng mga Doro na may musmos at dalisay na puso.  Sa ganito, walang puwang sa akda ang eskapismo; bagkus hinahamon nito ang mambabasa na kumilos tungo sa pagbabago. Naghahapag ito ng mga kongkretong pamantayang moral at etikal para sa pagpapakatao, pakikipagkapuwa, at pagbubuo ng bansa.  Ang paggamit ni Pineda sa alamat ni Makiling bilang batayan ng nobela ay isang “malikhaing pagbibigay ng bagong interpretasyon sa isang matandang alamat upang lalong maunawaan ng publiko ang kabuluhan ng nakaraan sa kasalukuyan” (Reyes 1982: 142).

            Sa pagtatalaban ng tatlong mundong nilikha ni Pineda at ng  aktuwal na kalagayan ng mga mambabasa ng Ang Ginto sa Makiling, makikita ang pagsasalikop ng panitikan at realidad panlipunan.  Aalingawngaw sa nobela ang dantaong tema ng pagpapakasakit, pagdadamayan, pagdalisay ng kalooban – mga pagpapahalagang nakaukit sa puso at kamalayan ng mga Pilipino.
Kung gayon, nagsilbing instrumento ni Pineda ang nobela upang “antigin hindi lamang ang damdamin ng publiko kundi ang kanilang isipan upang masusi nilang limiin ang kakulangan at kadahupan ng sariling buhay at karanasan” (Reyes kay Pineda 1990: 59).

            At sa mga pagliliming ganito, tumitining ang paghahangad ng tao sa kalayaan at katotohanan, ang pagsasakatuparan niya ng bisyon ng isang bagong daigdig.


Mga Sanggunian

Agoncillo, T. (1990). History of the Filipino People, (8th ed). QC: GAROTECH Publishing.

__________ (1948) Ang Maikling Kuwentong Tagalog (1886-1948). QC: Inang Wika Publishing.

Eagleton and Milne. (1996). Marxist Literary Theory. USA: Blackwell Publishers, Inc.

Gonzales, L., Ludivina Cresini-Marin, at Ligaya Tiamson-Rubin. (1982). Panitikan sa Pilipino: Pandalubhasaan. Manila: REX Book Store.

Ileto, R. (1979). Pasyon and Revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910.
                 QC: ADMU Press.

Kerkvliet, B. (1979). The Huk Rebellion: A Study of Peasant Revolt in the Philippines.
                QC: New Day Publishers.

Lumbera, B. (2008).  Panayam.

Mojares, R. “Waiting for Mariang Makiling: History and  Folklore”. 44-51. KULTURA. Vol 2, No. 4. (1999). Manila: CCP.

Pineda, M .(1990). Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento ni Macario Pineda.
                Isinaayos at binigyang introduksyon ni Soledad Reyes.  QC: ADMU Press.

Reyes, S. (1982). Nobelang Tagalog 1905-1975: Tradisyon at Modernismo. QC: ADMU Press.

Santillan, N. at M. Conde. (1998). Kasaysayan at Kamalayan: Mga piling akda ukol sa diskursong pangkasaysayan. QC: Limbagang Pangkasaysayan.

San Juan Jr., E. (1996). The Philippine Temptation: The dialectics of Philippines-US literary traditions. Philadelphia: Temple Universtiy Press.