Lagi
siyang umaaligid sa Jollibee. Tumatanghod sa mga kustomer para sa tirang coke,
french fries, o kung suwerte’y chicken joy. O kung minsan nama’y barya. Sa
linis ng dingding na salamin, para siyang putikang patpat na nakasandal sa
isang malaking yelo.
Tumapat
siya sa akin kanina. Tinitigan ko siya pero binarahan ng halumigmig na
nakakapit sa salamin ang tangka kong pakikipag-ugnayan. Gusto ko sanang ipaabot
na tanging ang malinis at makapal na salamin ng Jolibbee ang naghihiwalay sa
amin. Pero syempre, nagdududa rin ako kung makukuha niya ang aking mensahe
kahit na nga siguro magkanduduling ako sa pagpapalamlam ng mata. Iba kasi ang
karanasan ng pagtanghod sa labas kaysa pag-upo sa loob ng Jollibee.
Sa
loob, nakikita niya na binabati, pinaglilingkuran, nakapag-uutos, at
pinasasalamatan ang mga kustomer. Malaya silang nakakakilos, nakakapunta sa
comfort rooms nang walang nagbabawal. Nakakapamili ng puwesto, nakakapag-request na hinaan o
lakasan ang aircon. Nakakahingi ng ketchup, suka at kung anu-ano pang
pampasarap o pampagana sa pagkain. Malaya sila sa usok, tindi ng sikat ng araw,
at ulan.
Samantalang
siya, mapaloob o mapalabas, ipinagtatabuyan. Wala siyang pribelihiyo ng relax
na pagkilos lalo na sa panahon ng pagsalisi sa guwardiya para unahan ang crew
sa paghipos sa mga pinagkainan ng kustomer. Maging ang pagtanaw at pagtakam sa
mga pagkain ay hindi rin niya palaging magawa dahil ipinagbabawal nga ang
pagtanghod.
Alam
kong batid niya ang dahilan ng ganito - wala siyang pera, hindi siya mayaman,
tambay lamang siya. At araw-araw ay nararanasan niya na ang Jollibee - na itinuturing na simbolo ng tagumpay ng
negosyong Pinoy; simbolo ng pag-unlad (mula sa pagiging talahiban ay naging
kaayaaya at kapakipakinabang ang lugar); nagbibigay ng convenience sa mga taong
masyadong abala; nagsisilbi ring lugar ng iba’t ibang klase ng pagtitipon o mga
impormal na miting; nagp-oprovide ng job opportunities, at kung ano-ano pang
biyaya - ay isang makapal na bubog na
lalong sumusugat sa kanyang pagkatao, lalong dumudusta sa kanyang pagkaaba.
Makukumbinsi
ko ba siya sa pagpapapungay ng mata? Gayong batid kong nararanasan niya na
hindi lamang salamin ang nakapagitan sa aming dalawa?
Dalidali
akong tumayo upang iabot sa kanya ang napangalahati ko nang chicken joy at
coke. Ngunit di pa ako nakakalabas ay iglap siyang nawala, nasalubong ko ang
guwardiya pabalik sa kanyang puwesto.
“Tenk
yu ser, kam agen.”
At
muli kong nilanghap ang usok-hangin ng Philcoa. Habang nakasakay sa jipni
pa-UP, binuklat ko ang aking ulat tungkol sa bago at experimental na panitikan.