P99.00 only!


Parang isang higanteng kahon ng balota ang Shoe Mart. Nagsasamasama dito, tulad ng pagsasamasama ng balota sa urna, ang iba’t ibang klase ng tao.

Sa unang tingin ay walang sinisino ang Shoe Mart.  Pwedeng i-enjoy ng kahit sino ang lawak, linis, liwanag at lamig ng kaligiran nito. Nakakapaglibot dito hindi lamang ang mga empleyado kundi maging ang mga manggagawa sa konstruksyon; hindi lamang ang mga estudyante kundi maging mga batang lansangan; hindi lamang ang may mga sariling kotse kundi maging ang mga namamasahero at nagka-cadillac (kadilakad).  Talagang tanggap ang lahat. Ano pa nga ba naman ang ibig sabihin ng “welcome” sa bawat entrance nito kundi pagtanggap sa mga kustomer.

Pero sa isang kritikal na pagtingin, nagkakaroon ng bagong bihis ang SM. Lumalalim ang  kahulugan ng pagkakahalintulad  nito sa urna.  Nakagawian na nating tingnan ang urna bilang palatandaan ng pag-iral ng demokrasya sa bansa.  Maaari naman nating ituring ang SM bilang isang larawan ng demokratisasyon, isang lugar na kung saan malayang nakakakilos ang mga tao,  mariwasa man o hikahos.  Sa puntong ito pumapasok ang mas malalim na kahulugan ng pagkumpara sa dalawa: pawang paimbabaw ang ipinapakitang demokrasya ng mga ito, kung matatawag nga itong demokrasya.  Sa totoong buhay,  pera naman ang nagpapasya  kadalasan. At hindi matatawaran ang impluwensya ng pera sa kinahihinatnan ng boto at sa paggalaw ng mga tao sa SM.

Kung matamang pagmamasdan ang tila walang kawawaang salimbayan ng galaw ng mga tao sa SM, tiyak na mapapansin ang kaibahan ng paggamit ng espasyo sa pagitan ng mayroon at wala.  Halimbawa,  mas  kampante ang kilos ng mga taong halos ituring na extensyon ng kanilang sala ang SM --- nakaunat ang paa at nakaatang ang mga siko sa sandalan ng bangko kung maupo; kampanteng maglakad kahit anong suot;  buong tiwalang nakakapaglabas-masok  sa  mga establisyemento at nakapagtatanong sa sekyu o sales personnel;  nakakahipo, nakakapagsukat, nakakabuklat nang walang alinlangan.  Siguro sila  yung mga taong palaging nagi-SM at hindi nawawalan ng pang-SM. 

Samantala, asiwa namang gumalaw ang  mga taong nagtuturing na isang espesyal na okasyon ang pagpunta sa SM.  Dahil espesyal nga , kontodo bihis sila pero hindi matakpan ng gara ng kanilang kasuotan ang pagka-estranghero nila sa lugar.  Mahahalata ang pag-aalinlangan sa kanilang paghipo o maging sa pagbabayad ng paninda.  Kadalasan, nangingimi silang makipag-usap sa sekyu at sales personnel; pasilipsilip lamang sila sa labas ng salamin; maingat sa paglalakad (natatakot makatisod at baka pagbayarin). Sila siguro ang mga tao na tuwing suweldo o kung may espesyal na okasyon lamang, tulad ng birthday, pumupunta sa SM.  Sila yung mga kailangang magtabi ng pang-SM.

Mapapansin din na hindi kampante ang mga gusgusing batang pumapasok sa SM, kahit na sabihing wala silang pakialam sa decorum na hinihingi dito. Iglap at kalkulado pa rin ang kanilang mga kilos. Hindi sila dapat makita ng sekyu hangga’t maaari  dahil kapag nakita sila, purnada ang biyaya nilang barya at tirang pagkain mula sa mga kustomer.  May matatanggap pa silang mura o kaya’y pitik mula sa sekyu.

Kaya kabaligtaran ng ipinapakita ng pahapyaw na pagtingin, hindi welkam ang lahat sa SM. Ang buong istruktura at disenyo nito ay nangingilala --- sinisino nito ang bulsa ng sinomang pumapasok dito.

Texto ng Pangungutya

Isang dambuhalang texto ng pangungutya ang SM.  Kinukutya nito ang mga kustomer na ang pagpunta sa SM ay nangangahulugan ng pagkakait sa sarili,  ibayong pagtitipid at pag-iipon. 

Isang halimbawa ng pangungutyang ito ang mga presyong may “only” sa dulo, halimbawa’y  P99 only.  Ang “only” ay salitang may mas malalim na konotasyon kaysa sa  inihahayag nitong  mura ang paninda o mabait ang kapitalista. Kinukutya nito ang mga taong nagdidildil ng asin at ni walang pagkakataong  makipag-unahan sa mga “sale”. Kung “only” ang turing ng SM sa siyamnapu’tsiyam na piso (ilang kilong bigas rin ang katumbas),  ano kaya ang turing nito sa mga taong hindi maabot  ang presyong ito?  Ano kaya ang turing nito sa mga taong halos masaid ang kita sa isang buwan dahil sa gamot, pamasahe at pagkain at kailangan pang mag-ipon para makapag-mall? 

Kakabit ng “only” ang kalidad ng bilihing pinapatungkulan nito.  Kadalasan, ang mga bilihing ito ay malapit nang ma-expire, may damage, lukot-lukot, madumi  at kung ano ano pa.  Kaakibat din nito ang lokasyon ng naturang mga bilihin.  Nakatambak  ang mga ito sa isang lugar na madaling makita ng lahat.  Madalas kailangan mong makipagsiksikan at maghalungkat para makapili.  Kaibang kaiba sa mga bilihing may pangalan: nakadispley sa mga eskaparate, protektado ng malilinis na salamin,  maayos ang pagkakahilera o kaya’y may kanya-kanyang lalagyan at tinututukan  ng ilaw. 

Karugtong ng distinksyong ito ang dalawang klase ng pagpapahalaga:  mababang klase ang mga bilihing may “only” at idinadambana naman ang mga bilihing may pangalan at mahal.  Sa distinksyong ito makikita ang magkaibang pagpapahalaga sa mga mayroon at walang pera: bale-wala ang wala at sinasanto ang meron.  Isa itong sistema ng lalong pagdidiin sa kaabahan ng mga wala, pagdidiin kasalikop ng mga pangungutyang nararanasan nila sa labas ng SM.


Kaya ang welcome sa bawat entrance at thank you, come again sa bawat exit ng SM ay may dalawang kahulugan: pagkilala at pasasalamat sa mga may pera at pagtataboy at pangungutya naman sa mga wala.