I Pag-aruga
sa Malikhaing Sarili
Isa sa mga pagsasanay na ginagawa
namin sa mga writers’ groups sa UPLB ay ang tinatawag na free writing – isang
tuloy-tuloy na pagsulat ng kung ano ang maisip at maramdaman sa loob ng
pinagkasunduang oras (madalas 5 minuto).
Wala itong editing, walang sinusunod na rules of grammar, at walang
censorship; basta ang mahalaga ay malayang maisulat ang iniisip o
nararamdaman. Kadalasan ginagawa ito sa
tulong ng isang writing prompt – isang quotation, dialogue, o linya sa tula o
kahit anong puwedeng pangiliti sa imahinasyon. Halimbawa: ‘Sa libingan ng
maliit ang malaki ay may libangan’. Maaaring ganito ang kalabasan ng exercise:
“sa libingan ng
maliit ang malaki ay may libangan bakit ganito ang buhayang salamin ay
nababasag at ang daga pag tahimik ay salamin nababasag din pero muling nabubuo
ang mga patay muling nabubuhay bakit si kristo nagpasan ng krus…”
Sa ganitong
paraan, kumokonekta tayo o tumitibay ang ating uganayan sa ating malikhaing
sarili. Kailangan natin ito bilang mga manunulat;
isang paraan ito ng pagpapahusay ng ating sining. Isang paraan ito ng pagbalanse sa ating
sarili na mas madalas kaysa hindi ay dominado ng kaliwang utak, na nagdidikta
ng rason, lohika, isip. Sa pamamagitan
nito, nabibigyang puwang ang ating kanang utak, ang responsable sa sining, sa
mga imahe, sa emosyon.
Ano ang gamit
nito sa ating pagtula?
May isa akong
free writing exercise na sinulat ko sa loob ng 10 minuto. Nakakawalong tula na ako mula rito at hindi
pa ubos ang mga imahe at konsepto para sa mas marami pang tula. Meron din akong mga ginawang kaunting editing
na lamang ay pinal nang tula. Sa
madaling salita, ang ganitong pagsasanay ay paghukay sa bukal ng ating
pagkamalikhain. Sa sandaling panahon ng
pananahimik at pakikipag-usap sa ating sarili, nagagawa nating sunduin at
padaluyin ang mga imahe, emosyon, kaisipang binabansot ng ating pagkukumahog sa
araw-araw.
Kapag maglalaan
tayo ng kahit 15 minuto lamang araw-araw para pakinggan ang ating sarili,
walang mawawala sa atin kundi ang mga agiw na bumabara sa malayang pagdaloy ng
ating pagkamalikhain.
I.
Ilarawan Huwag Sabihin
Walang iisang
pamantayan ang kagandahan, walang may monopolyo kung ano ang maganda o
epektibong tula. Ang tugmang humahalina sa akin ay maaaring magpasakit sa tainga ng iba. Ang mensaheng nagpapalutang sa iyong diwa ay
maaari namang magdag-an ng halobalak sa aking dibdib.
Gayunman, may
mga best practices sa larangan ng pagtula na puwede nating maging huwaran. Isa
rito ang nakapaloob sa dictum na ‘show don’t tell’ o ilarawan huwag sabihin. Hindi ito absolute pero batayang alituntunin
sa pagtula.
Ang taong
bumabasa ng tula ay may limang pandamdam: paningin, pandinig, panlasa,
pang-amoy, at pakiramdam. Pero kadalasan, iniisnab natin ang mga ito. Isang dahilan nito ang pagkahirati natin sa
mga abstraktong pagpapahayag o adiksyon sa pang-uri. Mas madali kasing magsabi
kaysa maglarawan. Halimbawa, andali-daling sabihing maganda, madilim,
nakakatakot, maginaw, karimlan, lagim, atbp. Pero kadalasang walang dating ang ganitong mga salita?. Kaya ang hamon ay ilarawan – ibig sabihin, ipakita,
ipalasa, ipaamoy, ipadinig, iparamdam.
Halimbawa, sa
halip na sabihing ‘kayganda ng buwan kagabi’, mas may dating kung ‘bangkang
gumagaod ang buwan sa dagat ng dilim’.
Kongkreto ang mga salitang bangka, buwan, dagat, at dilim at nakakakita
tayo ng aksyon sa salitang gumagaod. Sa
ganito, mas yumayaman ang kahulugan ng ipinapahayag.
Ano ang batayang
alituntunin? Iwasan hangga’t maaari ang
mga abstraktong salitang mas magiging makabuluhan kung gagawing kongkreto. Sa madaling sabi, pag-isipan nang makailang beses kung gagamit
ng pang-uri, pang-abay o abstraktong pangngalan. Gamitin lamang ang mga ito kung
kailangang-kailangan. Mas mayaman at mas may dating ang mga kongkretong
pangngalan at pandiwa. Tingnan ang sumusunod
na saknong mula sa ‘Kung tuyo na ang luha mo’ ni AV Hernandez:
Lumuha
ka habang sila ay palalong nagdiriwang,
sa
libingan ng maliit ang malaki ay may libangan;
katulad
mo ay si Hulȇ, naaliping bayad-utang,
katulad
mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
walang
lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
tumataghoy
kung paslangin; tumatangis kung pahirapan.
Isa-isahin
natin ang mga pandiwa na nagpapakilos sa siniping saknong: lumuha, nagdiriwang, naalipin, binaliw, magtanggol, lumaban,
tumataghoy, paslangin, tumatangis, pahirapan.
Nariyan
din ang mga kongkretong salita gaya ng: Sisa
at Hulȇ na parehong karakter sa
nobela ni Rizal atbp. Bukod pa syempre ang teknik na paglalagay
ng mga salungatan: pagluha vs
pagdiriwang; libingan ng maliit vs libangan ng malaki, atbp.
II.
Tunog
May sukat at
tugma man o malayang taludturan, napakahalaga ng tunog sa tula. Pakinggan, halimbawa, ang liyab ng damdamin
sa paulit-ulit na tunog ng letrang ‘l’ sa siniping saknong. Napakayaman ng wikang Filipino sa mga
salitang ang tunog ay naglalarawan ng bagay na kanilang pinatutungkulan.
Halimbawa, sagitsit (halos marinig mo ang sagitsit ng mantika sa mainit na
kawali); lagaslas (halos marinig mo ang pagbagsak ng talon); lagablab (halos
makita at marinig ang liyab ng apoy) at marami pang katulad na mga salita.
Ang mahusay na
paggamit at kombinasyon ng tunog ng mga salita ay nakakatulong sa paglikha ng
epektibong tula. May mga tunog na nagpapahayag ng gaan ng damdamin, ng bigat ng
kalooban at ang ganito ay hindi
tsambahan – idinedisenyo ito ng makata.
At makakamit ito hindi lamang sa pagtutugma ng huling pantig ng bawat
linya. Kung minsan, ang tugmaang ganito
ay nakakaduwal; kaya ang ginagawa ng iba ay umiimbento sila ng ibang padron. Sa
halip na puro a halimbawa, yung iba
ginagawa nilang aabb:
Halina, magyapak
at makipaghagaran (a)
Sa mga paruparo,
tutubi at tipaklong; (a)
Halina, hubarin
ang lungkot at pangamba (b)
Pasisirin
sa ulap ang ating saranggola. (b)
Bawat kalabit,
bawat panginginig (a)
ng kuwerdas, ng
mga daliri at tinig, (a)
may mga alikabok
na nalalaglag, (b)
may mga alaalang
naglalagalag –(b)
Syempre may mga
tula namang wala na talagang tugmaan pero nasa loob naman ang disenyo ng tunog
sa pamamagitan ng aliterasyon. Tingnan ang mga nakatagilid na salita sa
sumusunod na saknong:
Isang
kisap ang buhay at kulang upang
kuyumin
ang ligaya’t ligalig ng ating pag-ibig;
ngunit ano nga ba ang walang-hanggan
kundi
pagsasamang-wagas
na may wakas.
IV LOHIKA, KONSISTENSI,
KAISAHAN
May sariling uniberso o daigdig ang
bawat tula at bawat daigdig na ito ay may sariling lohika o batas ng ugnayan
ang mga imahe, kaisipan, kilos. Halimbawa, kung ang sentral na imahe ng tula ay
bulaklak, lohikal lamang na magkaroon ng
imahe ng dahon, tinik, lupa, sikat ng araw, hamog. Pag nakakita tayo ng kalawang sa ganitong
daigdig, medyo nababalaho tayo. Maliban
kung ang iyong bulaklak na tinutukoy natin ay nasa gilid ng bakod na may
alambre. Kung hindi, puwede nating sabihing nawawalan ng kaisahan ang
tula. Pero syempre hindi absolute ang
ganito. Maraming tula, magagandang tula,
na nagsasalimbayan ang mga imahe tulad halimabawa ng mga tula ni Pablo Neruda
(paki-google na laang ang tungkol sa kanya). Maaaring ang magtakda ng konsostensi
at lohika ay ang tema. Halimbawa, kung tungkol sa lungkot ang tula, maaari
itong ipahayag sa pamamagitan ng mga sumusunod na imahe: sagwan na
palutang-lutang sa dagat, gulanit na lambat, ulilang tarangkahan, kalawanging
tadyang ng payong. Puwedeng
pagsama-samahin, diskartehan na lamang ang disenyo o pagkakahanay ng mga
imahe.
Pero para sa mga nagsisimula,
mainam na magtuon muna sa isang mundo, isang fokus. Sa ganito, mas madaling
madidiskartehan ang pagpili ng pinakaangkop na salita nang may masinop na
konsiderasyon sa tunog at bilang ng pantig nito. Makakatulong ito para madebelop ang kakayahan
natin na magkaroon ng kaisahan ang mensahe, porma, mga salita, imahe, at tunog
ng tula. Halimbawa, hindi sapat na
mensahe laang ang magtaglay ng damdaming malungkot sa isang tula tungkol sa
lungkot. Kailangang nagtutulong-tulong
ang imahe, ang pantig at tunog ng mga
salita sa pagpapahayag ng ganitong damdamin.
Halimbawa:
Pangungulila
Kagabi,
sa pusod ng dilim,
isa akong
ulilang sagwan,
kinukutib
ng mga alon
sa gitna ng laot.
Nakatingala
sa kulay kalabaw
na langit,
nakamasid
sa mga pundidong bituin,
habang sunung-sunong
ang unti-unting natutunaw
na buwan.
Kinukutikot ko pa ang susunod. Maligayang pagtula!
n
EVDumlao